13 Mga Pangungusap at mga Sugnay
(Talaksan 13/3)
13-4 Mga sugnay
(1) Sa tabi ng pangungusap na payak kung saan isa lamang sugnay ang nagpapahayag ng isang
buong kaisipan, may pangungusap na tambalan na binubuo ng higit sa isang sugnay. Nauuri ang
sugnay alinsunod sa pagkakaugnay sa ibang sugnay. Dahil karaniwang magkakatulad ang pagbuong
pampalaugnayan ng lahat ng sugnay, malimit na pansemantika lamang ang pag-uuring ito.
(2) Nauuri din ang sugnay alinsunod sa pagkakakabit sa iba pang
sugnay sa loob ng pangungusap na tambalan {13A-401 }.
- Sugnay na walang pagkakakabit sa ibang sugnay.
- Sugnay na may pangatnig.
- Sugnay na makaangkop.
- Sugnay na may magkasamang paniyak.
(3) Kinakaltas ang isa sa mga parirala sa
'sugnay na pinaikli' {13-4.6}. Hindi dapat ulitin ang isang parirala kung nasa
ibang sugnay na. Kung paniyak ang kinaltas na parirala ay di-batayan ang pinaikling
sugnay. Madalas na binubuo ang sugnay na makaangkop nang ganito.
13-4.1 Sugnay na walang pagkakakabit
May pangungusap na tambalan na binubuo ng sugnay na nagsasarili na walang
pagkakakabit [1] (susi {S-0}). Sa [2a], kinaltas
ang pangatnig; walang pagkakabit ang sugnay.
|
[1] | Napilitan itong kunin na lamang ang separation pay at nagbalik sa Napa,
kasama ang asawa at dalawang anak. {W Nanyang 13.30} |
[2] | [a] Walang ID, walang pasok. |
| [b] Kung walang ID, walang pasok. |
|
13-4.2 Sugnay na may pangatnig
(1) Ginagamit ang pangatnig upang ikabit ang
isang sugnay sa ibang sugnay (susi {S-K}).
Bumubuo ng tanging sugnay na may pangatnig kung pangatnig at pananong ang pagsamahin
{13-4.2.1}. May pangatnig (upang,
bago) na ginagamit kasama ng pawatas ng pandiwa {13-4.2.2}.
(2) Kataga ang karamihan sa pangatnig [1-3] (ilang hutaga,
halimbawa man [2]). Maaari ding nasa pangalawang katayuan ang pangatnig kahit hindi
ito hutaga [3a|b]. Mayroon ding pangatnig na maaaring kumuha ng pang-angkop [4] o magamit na
salitang makatukoy ng
panggitaga [5]; dahil dito ito'y salitang pangnilalaman. Hindi maaaring ibukod nang malinaw
ang pangatnig sa iba pang bahagi ng panalita, lalo na sa pang-abay [3b 4].
|
[1] | Kung sa Cebu namalagi si Legazpi, Sugbuanon sana ang batayan
ng ating wikang pambansa. {W Almario 2007 3.4} |
[2] | Di man kami nakapag-uusap alam kong masaya din siya.
{W Material Girl 3.9}
(Ang anyong pinaikling di mula sa hindi
ay salitang makatukoy ng panggitaga para sa hutagang man.) |
[3] | [a] Palatanong kasi si Joe at si Nimfa nama'y
naghahanap nang makakausap ukol sa kanyang mga sinusulat. {W Suyuan 5.5} {13A-452 Σ} |
| [b] Kasi sa Japan at sa Thailand, ang wika ng kanilang
business doon ay Hapon at Thai. {W Cao 2013 3.6} (Pangungusap na payak, marahil na
pang-abay ang kasi.) |
[4] | Marami talaga ang tulad ko na isinasawalang bahala ang piso
samantalang sinasamba ang dolyar. {W Piso 3.1} (Maaaring ipalagay na pang-abay o pangatnig
ang samantala.) |
[5] | At laging matagal na matagal bago sila lumabas.
{W Nanyang 11.7}
(Salitang makatukoy ng panggitagang walang pang-angkop ang
bago.) |
|
(3) Sa loob ng sugnay, maaaring gamitin ang pangatnig
upang ipahayag ang kaugnayang tangi ng dalawang parirala. Maaaring iugnay ang pariralang
magkatabi [6], o maaaring ilarawan ang pagkakaugnay na pansemantikang tangi ng
parirala [7]. Kung ganito maging magkahambing ang pangatnig at pang-abay.
|
[6] | Kung pinili lamang nila kahit ang Espanyol ay nagtatamasa sana
tayo ng higit na matalik na ugnayan sa Espanya at mga bansa sa
Amerika Latina. {W Almario 2007 3.2} |
[7] | Pagkat wala akong dala kahit na lumang litrato.
{W Damaso 4.3} |
|
13-4.2.1 Sugnay na may pangatnig at pananong
Ginagamit kasama ng pananong ang pangatnig na
kung,
kahit at
man [1 2] {8-4.3.1}. Binabago ito patungong panghalip, pang-uri at pang-abay na
panaklaw. Maaari ding ibilang ang pangatnig na bagamạn
(ba) |baga+man|
sa pulutong na ito [3].
|
[1] | Kahit nasaan ka man, nasa bahay o trabaho, kahit nasa kalsada
puwede n'yong gayahin 'to. {W Halika
ube} |
[2] | Ang wika ay ang wikang Pilipino, anuman ang maging kapalaran
pa ng Ingles sa Pilipinas. {W Salazar 2.1.12} |
[3] | Bagaman hindi pa uso ang karaoke noon ay talagang naibigay
ni Regine ang boses na tunay. {W Regine 3.2} | |
13-4.2.2 Sugnay na may pangatnig at pandiwa sa pawatas
(1) May pangatnig sa sugnay na pang-ibabang may pandiwa sa
pawatas [1]. Dito ibinibilang ang nang,
para,
upang
at pagkatapos (tapos). May
iba pang pangatnig (bago,
kung) na maaaring gamitin sa pawatas o anyong
pamanahon [2|3]. Malimit na pinaikli ang sugnay na may pangatnig na ito [1 2].
(2) Maaaring baguhin ang pangatnig na
upang patungong unlaping pang- o pampa- na isinasama sa pandiwa
[4-6]. Kawangis ng pang-uri ang yari; may alinlangan kung sugnay na pinaikli pa ang yaring
ito.
|
[4] | Kailangan ko ang lapis mo na panulat ko. (Sa
halip ng upang isulat.) |
[5] | Lagyan mo ng asin na pangpasarap na pagkain.
(Sa halip ng upang magpasarap. Kataliwasan sa alituntunin ng
pagbabago ng tunog ang anyong pangpasarạp {7A-121 (3)}.) |
[6] | Kailangan ng halaman ang tubig na pampalaki. (Sa
halip ng upang lumaki.) |
|
13-4.3 Sugnay na makaangkop
(1) Sugnay na ikinakabit sa pamamagitan ng pang-angkop ang
'sugnay na makaangkop' (susi
{S-L} ['panlapag']). Alinsunod
sa katangian ng pang-angkop, maghudyat ito ng baitang pampalaugnayan at pansemantika
{5-2 (2)},
nababagay ito upang ikabit ang sugnay na pang-ibaba. Malimit na minamabuti ang salitang
na kahit maaaring gamitin ang -ng nang pampalatunugan. Maaaring tumuring sa
sugnay na pang-itaas o sa isa sa mga parirala nito ang sugnay na makaangkop. Sa huling
kalagayan, salitang kaugnay ng sugnay na makaangkop ang
salitang-ubod ng pariralang ito. Maaari ding humalali sa kaganapan ng pandiwa sa sugnay na
pang-itaas ang sugnay na makaangkop {6-2.5}.
(2) Sa karamihan ng sugnay na makaangkop, nasa unahan ng sugnay ang
pandiwang bumubuo ng panaguri {13-4.3.1}. Sa 'iba pang mga
sugnay na makaangkop', walang pandiwa sa unahan ng sugnay {13-4.3.2}.
13-4.3.1 Pandiwa sa unahan ng sugnay na makaangkop
Sa karamihan sa sugnay na makaangkop, pariralang pandiwa (panaguri) ang nasa unahan
ng sugnay. Hindi inuulit ang isa sa mga kaganapan ng pandiwa kung kapareho sa salitang
kaugnay ng sugnay na pang-itaas. Kung kaya pinaikli ang sugnay na makaangkop. Halimbawa ng
yaring ito ang pangungusap na [1a 2a 3a 3b]. Sa [1a|b 2a|b] ay kinakaltas ang paniyak sa
sugnay na makaangkop (sugnay na di-batayan); sa [3a|c 3b|d] ang pantuwid. Pinaikli, ngunit
batayan ang sugnay na makaangkop na [3a 3b]. Maaaring iugnay sa buong sugnay na pang-itaas
ang sugnay na makaangkop [4 5a]; kung gayon walang salitang kaugnay at karaniwang walang
pagpapaikli [4] (gayunman [5a|b]). Kung pananong ang nasa unahan ng sugnay na pang-ibaba,
binubuo ang sugnay na may pangatnig na kung sa halip ng sugnay na makaangkop [6].
Karaniwang inihuhuli sa salitang kaugnay ang sugnay na makaangkop. Mayroon ding sugnay
na makaangkop na iniuuna [2a].
|
[1] | [a] Nasiglayan niya ang ilang batang tumatalon sa ilog
mula sa sementadong pampang. {W Anak ng Lupa 3.1} |
| [b] Tumatalon ang ilang bata sa ilog.
(Hindi inuulit ang paniyak na ang ilang bata sa sugnay na
makaangkop.) |
[2] | [a] Nasa harap ng naturang simbahan ang pinagtatrabahuhan
kong restoran bilang katiwala. {W Angela 3.1} |
| [b] Pinagtatrabahuhan ko ang restoran. |
[3] | [a b] Umalis ako ng Kinaway
na bitbit ang ilang damit at kaunting pera na pabaon ng Lola na
talaga namang ayaw akong payagang umalis.
{W Damaso 4.3}
{13A-4311 Σ}
(Ugat-salita sa halip ng anyong pamanahong bitbit.) |
| [c] Binitbit ko ang ilang damit. (Walang
pantuwid na ko sa [3a] dahil katumbas ng salitang kaugnay na
ako.) |
| [d] Talaga namang ayaw ako ng Lolang payagang umalis.
(Walang pantuwid na ng Lola sa [3b] (kaganapan ng pandiwang
payagan) dahil kapareho ng salitang kaugnay sa [3a].) |
[4] | Para malaman ng mga kapitbahay natin na hindi kita
sinasakal. {W Simo 3.3} |
[5] | [a] Hayaan mo naman akong makita siya kahit sa huling sandali.
{W Suyuan 5.1}
(Pandiwang nakakabit na bumubuo ng sugnay na makaangkop
{13-4.4.1}.) |
| [b] Makikita ko siya kahit sa huling sandali. |
[6] | Kaya't naisipan kong lumuwas ng Maynila kung saan siya tumitigil
ayon kay Lola. {W Damaso 4.2}
{13-4.2.1} |
Higit na maitim ang limbag = Pang-angkop at pandiwa ng
sugnay na makaangkop. May salungguhit = Salitang kaugnay sa sugnay na
makaangkop. | |
13-4.3.2 Iba pang mga sugnay na makaangkop
(1) May sugnay na makaangkop kung saan hindi pandiwa ang nasa unahan. Para sa
pagkakakabit sa sugnay na pang-itaas, karaniwang ginagamit ang pang-angkop; kahit maaari
ding halinhan ang pang-angkop ng pananda o maaaring gamitin ang pang-angkop kasama ang
pananda.
(2) Ang unang pulutong nito ang sugnay na
makaangkop na may ayos na karaniwan ng panaguri at paniyak. Nasa unahan ang panaguring
di-makadiwa. Maaaring pangngalan [1 2], pang-uri [3], pariralang pangkaroon [4] ang
panaguri.
|
[1] | Napagtanto kong ang pagkalinga ng magulang ang tunay
kong hinahanap. {W Damaso 4.1}
{2A-331 Σ [2 3]}
(Panaguri ang pangngaldiwang pagkalinga na may ANG na makaabay.
Sa harap nito walang pagkakaltas ng pananda {2-3.3 (2)}.) |
[2] | Bakit ba ipinasiya ng 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal na isang
wikang batay sa isa sa mga katutubong wika ng Filipinas ang ating maging wikang
pambansa? {W Almario 2007 3.1} {13A-4321 Σ} |
[3] | Siya ay isang taong hindi marunong magpaligoy-ligoy.
{W Nanyang 13.5}
(Pinaikling sugnay na di-batayan.) |
[4] | Nalaman ko rin sa kuwento ng batang iyon na may lahing
Bombay ang kanyang ama. {W Angela 3.10} |
Higit na maitim ang limbag = Pang-angkop at salitang-ubod
ng panaguri ng sugnay na makaangkop. |
|
(3) Sa pangalawang pulutong, hindi panaguri
ang unang parirala ng sugnay na makaangkop (sa [5] paniyak na may panandang ang, sa
[6] paniyak na walang pananda, sa [7] pandakong malayo na may sa). Sa likod ng
pang-angkop, iniuuna ang pananda ng unang parirala {13-3 Θ (3)}.
|
[5] | At sino nga ba ang maniniwalang ang isang
slim girl ay magiging isa nang kilala? {W Regine 3.4} (May pang-angkop at panandang
ang.) |
[6] | Naratnan ni Lino na si Bidong ay tahimik na
nakaupo sa huling baytang ng hagdan ng kubo.
{W Daluyong 15.02} |
[7] | Hindi niya maintindihan kung natutuwa o nalulungkot siya sa
kaalamang sa mga susunod na assignments niya ay maaaring hindi na niya
kasama ito. {W Karla 5.206} |
Higit na maitim ang limbag = Pang-angkop at unang parirala
ng sugnay na makaangkop. |
|
(4) May pangungusap na tambalan kung panaguri ng
pangungusap ang pangalawang sugnay (sugnay na makahalip sa panaguri) [8a 9], samantalang
paniyak ang unang sugnay. Walang pagkakabit ang sugnay dahil walang pang-angkop sa harap ng
ay upang ikabit ang pangalawang sugnay (hindi tumpak na sugnay na makaangkop).
|
[8] | [a] Ang tangi mo na lang nagawa upang alisin ang tensiyon
ay paglaruan ang tungki ng aking ilong. {W Madaling Araw 3.1} {13A-4322 Σ} |
| [b] Paglaruan ang tungki ng aking ilong ang tangi mo na lang
nagawa. {13A-4322 Σ [4]} (Kasalungat ng [8a], nasa ayos na
karaniwan ang pangungusap na [8b].) |
[9] | Ang tanging alam ko lamang ay malayo na ang loob niya sa
akin. {W Material Girl 3.11} |
Higit na maitim ang limbag = Pananda sa unahan ng
pangalawang sugnay. |
|
Palaugnayan ng Wikang Filipino
Wakas ng 13 Mga Pangungusap (Talaksan 13/3)