Werkstatt / Gawaan
Salazar 1996   (• salazar)

1 Einleitung
3 Originaltext
4 Analyse


1 Einleitung

Quelle: Salazar, Zeus A.: Ukol sa Wika at Kulturang Pilipino
Aus Pamela C. Constantino at Monico M. Atienza: Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan, Lunsod Quezon 1996 ISBN 971-542-064-8, pp. 19-45

Dieser Text wurde für die Studie {W PT_TP} analysiert. Die Basisdaten können im Quelltext dieser Datei eingesehen werden.


3 Originaltext

{0.1}
Kung ang kultura ay ang kabuuan ng isip, damdamin, gawi, kaalaman at karanasan na nagtatakda ng maaangking kakanyahan ng isang kalipunan ng tao, ang wika ay hindi lamang daluyan kundi, higit pa rito, tagapagpahayag at impukan-kuhanan ng alinmang . Walang kulturang hindi dala ng isang wika, na bilang saligan at kaluluwa, ay siyang bumubuo, humuhubog at nagbibigay-diwa sa kulturang ito.

{0.2}
Sa ganitong pagkakaugnay ng wika at kultura, ang kulturang Pilipino, bilang natatanging pagkabuo ng isip, damdamin, ugali, kaalaman at karanasan ng katauhan at bayang Pilipino, ay dapat lamang taglayin ng isang wikang nagpapaloob at nagpapahayag dito . Lalong magiging malinaw ang palagay na ito kung susuriin muna ang wika bilang pahayag-pahiwatig, impukan-kuhanan at daluyan ng kultura bago pag-aralan ang kaugnayan ng ganitong pananaw sa ating sariling kultura - kung sakali mang may maaangking kultura ang bayang Pilipino na bunga ng kanyang pagkabuo sa agos ng kasaysayan.

{1.0} 1.0 Wika at Kultura
Alinmang wika ay ekspresyon, imbakan-hanguan at agusan ng kultura ng isang grupo ng tao, maliit man o malaki, na may sarili at likas na katangian. Wika ang ekspresyong kakikilanlan ng isang kultura, sapagkat ito ang nagbibigay-anyo rito para sa labas, ang siyang nagtatakda ng pagkakaiba at sariling uri nito - ng kanyang pagkakabukod sa ibang kultura: ang kanyang kapagkahan, kung magagamit ang salitang ito, sa daigdig ng mga kaisahang pangkultura.

{1.1.21}
Totoo ngang may mabubuting kaluluwa, pati na sa ating dakilang Unibersidad, na nakauunawa sa ibang grupong etniko (gaya ng Intsik o Bombay) kahit hindi nila alam ang wika at lalo na ang kultura ng mga ito . Ito'y dahil sa madalas nilang nakakausap (sa Pilipino) ang kanilang suki sa kanto o sa Dibisorya ; o, sa kaso ng mga "dagliang guro," ay sapagkat napag-aralan na nila ang mga taong ito sa mga libro sa Ingles .

{1.1.22}
Subalit alam din ng mga kaluluwang ito (at kahit ninuman) na ang mga kaibigan nilang ito'y naiiba sa kanila sa wika at, siempre pa, sa ugali at pakikipagkapwa-tao (sa kultura na nga!) .

{1.1.23}
Hindi ba't alam din ng lahat, dahil sa sine at telebisyon, na ang Aleman ay iyong sisigaw muna bago magpaputok ng kanyang lugar at ang Pranses ay iyong ang mga labi ay nakaposisyong hahalik habang nagsasalita? Pinatutunayan lamang nito na wika ang siyang nagpapakilala sa kaibhan at kakanyahan ng isang grupo ng tao , kahit sa pahapyaw at samakatuwid ay maling pagpapahalaga.

{1.1.24}
Ang totoo, wika at ang napapaloob at kinapapalooban nitong kultura ang bumubuo ng tinatawag na ethnos sa Griyego o Volk sa Aleman, na ang ibig sabihi'y isang bayan o pamayanan (komunidad) na may pagkakabukod dahil sa sariling wika at kultura.

{1.1.25}
Sa ganito'y malapit-lapit ang "etnikong" pagkakaugnay na ito ng wika at kultura sa isang kahawig na konsepto na maaaring mas malawak o mas makitid ang saklaw . Ang tinutukoy na konsepto ay ang "nasyon" o "bansa" na siyang pagkakabuo sa kasaysayan ng isang kulturang ipinapahiwatig ng iisang wika sa loob at sa bisa ng isang estado.

{1.1.26}
Halimbawa, ang ethnos o kabayanang Pranses, kung tutuusin, ay sumasaklaw hindi lamang sa kasalukuyang kaisahang pulitikal sa Pranses kundi pati na sa Belhikang "Wallon," sa Suwisang "Roman" at sa Canadang "Pranses," samantalang ang nasyon o bansang Pranses ay naibukod at nabuo kasabay ng debelopment ng estadong Pranses na mula kina Francois I, Richelieu at Louis XIV hanggang at lampas kay Napoleon ay nagtaguyod at nagpalaganap ng Pranses bilang tagapamagitang wikang pampamahalaan sa halip na Latin.

{1.1.27}
Pranses din ang naging wika sa paghubog ng iisang pangkalahatang kultura mula sa mga mapanlikhang ambag ng mga grupong etniko na magkakamag-anak sa kani-kanilang wika, na pawang galing sa Latin ng Kalagitnaang Panahon (Middle Ages) maliban sa Basko, na may isang mahiwagang pinagmulan, at sa Breton, na nakaugat pa sa matagal nang nakalipas na Seltiko ng Pransiya.

{1.1.28}
Sa madaling salita, ang ethnos o bayan (bilang kabuuang may sarili at natatanging wika at kultura) ay isang umiiral na lamang na pagkakultura, samantalang ang bansa ay isang nabubuklod na kabuuang pangkultura na resulta ng isang pagsulong sa kasaysayan na humahantong sa pagkabuo ng isang estado

{1.1.29}
Ang iba pang bahagi ng kabayanang Pranses ay hindi naging (o hindi pa nagiging) mga bansa . Bawat isa ay nananatiling kabuuang etniko sa kinapapaloobang estado, isang kalagayang nagbubukod sa kanila sa ibang pagkakultura-at-wika ng mga Anglo-Saxon sa Canada, mga Fleming sa Belhika, at mga "Italyano" at "Aleman" sa Suwisa.

{1.1.30}
Ang kultural na pagkakabukod na ito ay naipapahiwatig at nakikilala , higit sa lahat, sa larangan ng wika. Ito ang dahilan kung bakit ang mga alitang "etniko" sa Canada at Belhika ay pinakamatindi sa larangan ng wika at tinatagurian ngang "mga problemang lingguwistiko."

{1.1.31}
Ang pagkauwi ng mga problemang ito sa emosyonal na porma ng wika at kultura ang siyang lalong nagpasidhi sa separa-tismo ng mga Canadian French , isang hangaring hindi kailanman maaabot ng kilusan ng mga Negro sa Amerika, halimbawa, dahil wala silang pagkakaiba sa mga kapwa Amerikano sa larangan ng wika at kultura.

{1.1.32}
Di gaya ng Estados Unidos, ang Canada ay isang estado ngunit hindi isang kultura. Dahil sa wika at sa taglay nitong tradisyon, ang isang bahagi ng Canada ay lumilingon sa Amerika o sa Inglatera at ang isa pa ay nakatanaw sa Pransiya . Ganito rin sa estado ng Belhika, na ang dalawang kultura'y naghahatakan tungo sa Pranses at sa Olandes .

{1.1.33}
Isang maunlad na kabuuang pulitikal ang Suwisa , ngunit ito'y hindi kailanman matatawag na isang kultura - liban na lamang kung ang salitang ito ay maiuukol sa paggawa ng relo o sa pagpapairal ng isang malawak na sistemang pambangko.

{1.1.34}
Bagamat Suwiso, si Rousseau ay nakaugat sa literatura at pilosopiyang Pranses ng Kaliwanagan (Enlightenment); ang kanyang pagka-Suwiso ay walang anumang kultural na kabuluhan - tunay na nagkataon lamang na siya'y ipinanganak sa Suwisa . Kahit Suwiso rin, si Burckhardt ay tumubo at nag-ambag sa tradisyong intelektuwal ng wika at kulturang Aleman.

{1.1.35}
Nangangahulugan lamang ito na may mga estadong walang kinalaman sa alinmang paghubog ng isang kabuuan ng wika at kultura. Kaya lamang namamalagi ang mga estadong ito ay dahil sa pagtitimbang ng mga kabuuang kultural, na kadalasa'y ginagawa sa pamamagitan ng pangkalahatang pagpapayaman at pagpapa-ubaya sa kahit magkakasalungat na tunguhin ng mga kabuuang kultural na ito.

{1.1.36}
Natatangi ang kalagayang ito at umiiral lamang dahil sa heograpiya at sa pagkakatimbang ng mga kapangyarihan sa Europa. Hindi ito tumutugon sa panloob na dinamismo ng estado at hindi rin sa konsepto ng "bansa" ayon sa makabansang liberalismo buhat noong Rebolusyong Pranses.

{1.1.37}
Ang klasikal na halimbawa ng pagkakatagpo ng dinamismong pang-estado at ng taimtim na hangaring maging isang bansa ay makikita sa pagkabuo sa Alemanya ng monarkiyang Pruso mula sa malawak na Volk o kabayanang Aleman. Dito rin nauwi sa kanyang bai-baitang na pagliit ng dating multinasyonal na estado ng mga Hapsburg upang sa huli'y mabuo ang bansang Austriyano matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig.

{1.1.38}
Sa gayon, dalawang bansa ang tumubo sa kalawakan ng kultura at kabayanang ipinapahayag ng wikang Aleman. Datapwat hindi napawi ang kabuuang kultural na ito . Nagkaroon lamang ng pagkakataong higit na mapaibayo sa dalawang sentrong ito ang sariling kultural na identidad , ang "ka-alemanan."

{1.1.39}
At ang kakikilanlan ng pagkakulturang ito'y walang iba kundi ang tagapagpahiwatig ng wika - gaya ng sa iba pang kultural na komunidad na nakikilala bilang "kakastilaan," "kapransesan," o "kaanglo-saxonan" sa pamamagitan ng kani-kanilang wika.

{1.1.40}
At kahit magkakahiwalay sa larangang pulitikal ang mga bansa ng alinman sa mga kultural na komunidad na ito, ang pagsasama sa loob ng iisang pagkawika-at-kultura ang mahigpit na nagbubuklod sa kanila , lalo na sa kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang kultural na komunidad. Ito ang dahilan ng pagkamalapit sa isa't isa ng mga bansang "tubong Europeo-Ingles" ng Commonwealth ng Britanya at ng mabuting relasyon ng mga ito sa Estados Unidos.

{1.1.41}
Ito rin ang madaling paliwanag sa mala-misyonerong pagpapairal ng "hispanidad" ng mga bansang Kastila sa Amerika-Latino, at ng "culture franchise" ng mga bansang Pranses at mala-Pranses.

{1.1.42}
Narito rin ang dahilan kung bakit ang buong daigdig ay punung-puno ng lahat ng klase ng samahan, sanggunian, serbisyo sa impormasyon, eskuwelahan, iskolarsip at iba pang paraan sa pagpapalaganap ng pagka-kabuo ng alinmang kultura at estado, na may pagpapahalaga sa sariling kakanyahan at mithiin. At mangyari pa, ito'y nagaganap higit sa lahat sa larangan ng wika, sa pagpapaaral muna sa wika ng kinauukulang pulitiko-kultural na entidad.

{1.1.43}
Ang papel na ito ng wika sa pagpapalaganap ng kultura ng isang bansang-estado ay mapapansin din sa negatibo nitong aspeto, sa konsepto ng "irredentismo," ang pagsasangkot at pulitikal na paggamit sa natural na hangarin ng bawat kabuuang lumawak.

{1.1.44}
Nangangahulugan lamang ito na ang maselang balanse ng estado at ng pagkakultura-at-wika sa loob ng konsepto ng "bansa" ay labis na napapakiling sa panig ng pulitika dahil sa kalakasan ng estado.

{1.1.45}
Nagdulot ng kapaitan sa relasyon ng mga bansa dahil sa mga pang-aagaw nina Hitler at Mussolini, ito'y problemang nauwi sa pagiging "nasyonal" ng lingguwistiko-kultural na kabuuan dahil sa pagkalaganap ng konsepto ng "estado."

{1.1.46}
Sa kabilang dako naman, itong estado, bilang pagkakabuo ng mga tao sa isang pangkalahatang kaayusan, ay napipinsala rin ng ethnos hindi lamang dahil sa udyok nitong separatista tulad ng nangyayari sa Canada o sa Belhika, kundi dahil din sa pagiging isang di-matiyak na continuum nito, na sa kaso ng mga etnikong grupo na bai-baitang ang pagkakahawig sa wika at kultura, gaya sa Indonesia o sa Congo, ay nakakabuo lamang ng isang bansa sa pamamagitan ng walang-tigil na pagpupunyagi ng isang estadong kadalasa'y lumilitaw bilang reaksyon sa pagkaka-sakop o di-sinasadyang pagkakasama sa agos ng kasaysayan.

{1.1.47}
Ang huling katangiang ito ng ethnos ay batay rin sa pagkakatanaw at pagkakadama sa kultura bilang kabuuang ipinapahiwatig ng wika, bagamat umiiral sa isang malabo at limitadong saklaw lamang.

{1.1.48}
Kaya, mula sa pinakamaliit na pagkakabuong kultural hanggang sa pinakamalawak, ang nagpapakilala ng identidad sa labas (at pad na sa loob bilang kamalayan sa "sariling atin," ng pagka-tayo) ay ang wika . Ngunit higit pa sa gamit na ito, wika ang nagpapahayag ng diwa mismo ng kinauukulang kultura .

{1.1.49}
Ang wika'y hindi lamang tangi at di-maiiwasang kasangkapan sa pakikiugali sa loob ng isang kabuuang kultural kundi ang pinakabalangkas pa rin ng pagkaka-unawa nito sa realidad - kung paano nadarama, inuuri, isinasaayos at natatarok upang hubugin ng isang kultura ang mga katotohanan, ang lahat ng bagay.

{1.1.50}
Alam ng sinumang madalas maglakbay na siya'y mananatiling walang muwang sa labas ng alinmang kulturang hindi niya kinabi-bilangan hangga't hindi niya naaangkin, kahit paano, ang wika nito. Ngunit ang lawak at lalim ng pag-aangking ito ay masusukat lamang sa kasapatan at kaangkupan ng kanyang pakikipag-unawaan at pakikiugali sa mga taong lumaki sa wikang ito.

{1.1.51}
Hangga't hindi naitutugma ang kanyang pananalita sa katumbas nitong kilos, asal at damdamin, mamamalagi siyang parang manikang nagsasalita o kaya'y tulad ng mga tauhan sa isang sinkronisado o dinoblehang pelikulang banyaga. Ang "hi" at "good day" ng mga Amerikano ay hindi lubos na katumbas ng "ca va?" at "bonjour" ng mga Pranses at ng "adios" at "buenos dias" ng mga Kastila, dahil iba-iba ang kaugnay nilang mga galaw ng katawan at pakahulugan ng diwa (at pati na kaluluwa) sa loob ng kinauukulang kultura.

{1.1.52}
Ito ang dahilan kung bakit sa pagtuturo ng alinmang wika'y ipinagagaya ng mahusay na titser ang mga katumbas na kilos ng kamay, balikat, labi, kilay at iba pang parte ng katawan bilang hakbang sa pagsasaloob ng kabuuang diwa ng wika at batayan ng pakikiugali sa loob ng kulturang ipinapahiwatig ng pinag-aaralang wika.

{1.1.53}
Isang dahilan ng pag-aatubili ni Stendhal, awtor ng De l'Amour, pinakadalisay na pag-aaral sa pag-ibig, na magkaroon ng anumang pakikiugnay ng damdamin sa hindi kawika o kaintindihan sa isang establisadong tagapamagitang wika, ay ang resulta nitong kawalan ng tunay na pagkakaunawaan ng dalawang nag-iibigan.

{1.1.54}
Ang pinaka-elemental na damdamin, ang pinakaubod ng loobin ng bawat isa, ay maipapahayag lamang sa wikang kinagisnan, o kaya'y sa wikang humubog sa kanyang katauhan - ang wika ng kanyang tunay na kultura.

{1.1.55}
Wika ang bukod-tanging pagtanaw at pagsasaayos ng realidad upang ang isang kultura ay umiral at magkaroon ng kakayahang gumawa at lumikha. Ang daigdig at realidad bilang karanasang maipapahiwatig ng bawat isa sa kanyang kapwa at kakultura ay nakapaloob at nakabalangkas sa wika ng isang kabuuang kultural.

{1.1.56}
Sa pamamagitan ng mga salita't katawagang hindi kailanman lubusang magkakatumbas sa mga wika, at lalo na sa pamamagitan ng pagkakaayos at pagkakaugnay-ugnay ng mga ito, bawat wika ay bumabahagi o nagbubukod-bukod sa kalikasan upang maipasok ito sa isang nauunawaan at natatanging pangkalahatang balangkas.

{1.1.57}
Kung ang "monde" ng Pranses ay may katumbas na "Welt" sa Aleman (bagamat ang huli'y importanteng bahagi ng Weltanschauung, Weltbild, Weltschmerz at iba pang konseptong "pilosopikal") sa kanilang mga kahulugan gaya ng "daigdig," "lupa," "lipunan," "kamahar-likaan," o "kamunduhan," may pagkakalayo na sa kanila ang "mir" ("daigdig," "lipunan," "kaharian") at "sv'et" ("daigdig," "lipunan") ng Ruso dahil sa napapalapit ang una sa kasaklawang semantiko ng "mir" ("kapayapaan," "kasunduan") at "mir" ("pangmagsasakang pa-rnayanan," "barangay"), at ang ikalawa'y sa "sv'et" ("ilaw," "araw"). Ang pagkakahati ng ispektrum ay gawa ng bawat wika.

{1.1.58}
Ang tinatawag na "asul" ng mga Tsino ay may pagka-berde sa mga Amerikano, kamukha ng kulay na tinatawag ng mga Breton na "glas." Ang totoo, ipinapakita ng antropolohiya na ang kaayusan (at relasyong panlipunan) ng alinmang kabuuang kultural ay naipapahiwatig ng mga termino sa pagkakamag-anak at kamag-anakan.

{1.1.59}
Ayon sa teoryang semantiko ng mga "champs nationnels" o kasaklawang pambatid ni G. Matore, ang isang buong kabihasnan mismo ng isang panahon (gaya ng Kaliwanagan) ay maaaring ipahayag sa pagkakaugnay-ugnay ng bokabularyo nito sa mga sentral na konseptong nagpapagalaw sa iba.

{1.1.60}
At alam naman ng mga estudyante sa sikolohiya na ang pag-uugnay ng mga salita sa isa't isa ay bahagi ng wika at kultura bago maging partikularidad ng isang tao. Ang pagiging abnormal nito ay nakikita ng sikolohista sa di-maintindihang pag-gamit o pagsasaayos ng mga salita - ang "abnormal" na kilos o gawi ay isang sabayang pagkalansag ng "relasyon" ng indibidwal sa wika at kultura.

{1.2.21}
Wika ang impukan-kuhanan ng isang kultura . Dito natitipon ang pag-uugali, isip at damdamin ng isang grupo ng tao.

{1.2.22}
Kahit parehong nagmula sa pangalan ng modelong imperator-princeps ng Makalumang Roma, ang mga salitang "tsar" at "Kaiser" ay hindi lamang nagpapahayag ng magkaibang sistemang sosyo-pulitikal kundi, higit pa rito, nagtatakda ng magkaibang asal ng isang pinuno bilang indibidwal at ng may kaugnay at kasalungat niyang tao sa kinauukulang lipunan at kultura.

{1.2.23}
Kahit magkakatulad sa kalagayan bilang magbubungkal ng lupa, ang muzhik ng dating Rusya ay may pag-uugaling kailanma'y hindi maitutumbas sa gawi ng Bauer na Aleman o ng fellah sa mundong Arabe.

{1.2.24}
Mas malalim pa kaysa rito bilang imbakan-kuhanan ng mga kaugaliang napapaloob sa isang kultura iyong mga salita—konseptong walang kapareho sa iba pang pagkakultura.

{1.2.25}
Para sa mga Amerikano, ang rugged individualism ay hindi lamang isang particular na asal kundi isang buong pilosopiya, katangiang hindi inaangkin ng mga Pranses para sa kanilang systeme D, na dapat gamitin ng bawat Pranses kahit hindi siya pagsabihang "debrouille-toi" (ilusot mo ang sarili mo), "demerde-toi" (punasan mo ang sarili mong puwit) o pati na "decrotte-toi" (punasan mo ang sarili ng tae ng hayop).

{1.2.26}
Sa kaisipan, ang wika ay batis-ipunan at salukan ng kaisipan ng isang kultura. Ang pagpupunla ng mga salitang Aleman sa pilosopiyang Kanluranin ng nakaraang isa't kalahating siglo ay bunga ng pag-iisip ng bansang Aleman sa sariling wika at ng pagdebelop ng mga likas na konseptong pilosopikal na napapaloob sa wikang Aleman.

{1.2.27}
Sino ang hindi mababalisa at makababalisa sa mga salitang gaya ng "Angst," "Dasein," "Zeitgeist," "Gestalt," "Wesen," "Geworfenheit," "Seinsvergessenheit," at iba pa, lalo na sa kinaliligaligan ding wikang Ingles?

{1.2.28}
Sapagkat hindi makakuha ng mga katumbas, wala ngang magawa ang Ingles kundi lubusang hiramin iyong mga salita-konseptong likas sa iba't ibang kultura, tulad ng "yinyang," "dao," "zen," "nirvana," "guru," "eros," "thanatos," "telos," at iba pa. Katunayan, bawat salita sa isang wika ay may sariling semantikong saklaw na ipinahihiwatig o kinabibilangan.

{1.2.29}
Ang "Boden" o "lupa" sa Aleman, halimbawa, ay napapaloob sa isang serye ng mga salitang "makabayan," tulad ng "Blut" (dugo), "Volk" (bayan), "Heimat" (tinubuang lupa), "Treue" (katapatan), "Ehre" (dangal) at iba pa, subalit nagpapahiwatig din ng isang grupo ng mga salitang di pandamdamin kundi pangkalikasan. Ang mga kasaklawang semantikong ito ang siyang ipunan at hanguan ng anumang kaisipang makapagbibigay ng halaga o unawa sa kinauukulang kultura.

{1.2.30}
Damdamin ang pinakamahirap ihiwalay sa kakanyahan ng wika at kultura. Mahirap maintindihan, halimbawa, kung bakit ang pinakapopular na mura sa Aleman "ayu" ang pangalan ng kapaki-pakinabang na hayop sa Alemanya, ang baboy, na siyang pinang-gagalingan ng malaking industriya nito ng tsoriso.

{1.2.31}
Ang tsoriso, na napakarami ang klase sa pagkaing Aleman, ay ginagamit din sa pagpapahayag ng kawalan ng interes sa isang bagay: "das ist mir Wurst" (tsoriso lang 'yan sa akin), na maaari ring sabihing "das ist mir Käse" - isang ekspresyong hindi maiintindihan kung isasalin sa Pranses, na katatagpuan ng maraming klase ng mabuting keso. Datapwat, sinumang hindi pa nakiugali sa Aleman ay hindi rin makakaintindi sa kanilang pagtawag na "gemütlich" sa isang lugar na laging kinagigiliwang.

{1.2.32}
At sa Pransiya rin, di talaga agad-agad maiintindihan ng banyaga kung bakit ang mga pinakapalasak na mura ay laging may kinalaman sa parteng nasa ibaba ng baywang. Subalit pati na ang salitang "con" ay may pakahulugan ding magiliw, ayon sa sitwasyon; samantalang ang "merde" na naging katumbas ng pangalan ni Heneral Cambronne nang gamitin niya, itong parang pandigmang sigaw (kaya sinabi nga ni Proust na may pagkabastos daw ang salitang "camarade" (kasama) pagkat mahalay na raw ang simula, mahalay pa ang hulihan), ay siya ring binibigkas kung hinahangad ang suwerte ng isang kaibigan.

{1.2.33}
Higit pa sa mura at sa mga salitang partikular sa bawat wika at karanasang kultural, ang damdaming napapaloob at naipapahiwatig ng wika ay lubusang lumilitaw at natatamasa bilang kakanyahan sa panulaan.

{1.2.34}
Kung tutuusin, narito nga ang kahirapan ng alinmang pagsasalin—ang pagsasa-ibang-pandama, ang pagsariwa sa isang loobing kultural ng damdaming taglay, tuklas o kaugnay ng panulaan ng isang wika-kultura. Ang panulaan ay kaluluwa di lamang ng isang wika kundi ng bayan ding gumagamit nito, ang pagpapahayag ng pinaka-damdamin ng isang kultura.

{1.2.35}
Ang wika ay impukan-kuhanan din ng nakaraan at kaalaman ng isang kultura . Ang nakalipas ay nababakas lalo na sa bokabularyo, bagamat ang mga pananalita at ang morpolohiya mismo ay tipunan ng pinagdaanan ng bawat pagkawika-at-kultura .

{1.2.36}
Ang pinakailalim na stratum nito ay paksa ng mapahambing o istorikal na lingguwistika at nagpapakita ng relasyon sa ibang kapamilya sa wika—halimbawa'y ang relasyon ng Aleman sa mga wikang Indo-Europeo at Hermaniko . Mas importante kaysa rito iyong bakas ng malapit na nakaraan .

{1.2.37}
Punung-puno nito ang Ingles , mula sa mga katagang Pranses na bumubuo ng napakalaking bahagi ng bokabularyo nito hanggang sa mga salitang napasok bunga ng kolonyalismo, gaya ng "nabob" (mula sa nawwab ng Hindi), "typhoon" (mula sa Tsino tai fung), "catsup" (mula sa Amoy ke-tsiap), at pati "compound" (mula sa Malayo, kampong).

{1.2.38}
Nabanggit na ang pagsisikap ng mga semantisistang tulad ni G. Matore na pag-aralan ang magkakasunod na epoka ng isang kabihasnan sa pamamagitan ng pagtantiya sa pagka-kaayos ng bokabularyo ng bawat epoka sa mga sentral na salitang gaya ng halimbawa ng "honnete homme" noong panahon ni Louis XIV at "philosophe" noong Kaliwanagan.

{1.2.39}
Malaon nang naipakita rin ni J. Trier, sa kanyang Der deutsche Wortschatz im Sinnbezirk des Verstandes (Bokabularyong Aleman sa Larangang Pandama ng Pang-unawa) na ang bokabularyo ng pag-unawa ng Aleman ay nagbago mula sa pagkakasaklaw, noong ika-13 dantaon, ng Wisheit (dunong) o unawang espirituwal sa magkatapat na konsepto ng Kunst (sining) o pagkadalubhasa sa mga arteng militar at sa mga "liberal na sining," at List (kapandayan) o kasanayan sa mga teknik ng artisano, tungo sa pagkakahiwalay, noong ika-14 siglo, ng Kunst na tumutukoy ngayon sa pinakamataas na baitang ng pag-unawa, Wizzen na pumalit sa List upang tukuyin ang kaalaman sa pangkalahatan at ang kasanayang teknikal sa partikular, at Wisheit na nawalan na ng kanyang punsiyong pansaklaw - isang bagong balangkas na nagpa-pahiwatig ng pagkakawatak-watak ng kaisahan ng kaalaman noong Kalagitnaang Panahon.

{1.2.40}
Hindi lamang ang kaalaman ng isang panahon kundi ang buong kaalaman ng isang kultura ang taglay ng wika , ng nakaimbak na wika. Idinadahilan ng ilan na kaya raw dapat pag-aralan ng mga umuunlad na bansa ang Ingles ay sapagkat ito raw ang magbubukas at magiging tulay sa kaalaman ng ika-20 siglo. Ang totoo, ang tinutukoy na "kaalaman" dito, kahit na nga malawak, ay iyon lamang napapaloob, nababatid at nasasaklaw ng wikang Ingles at ng sangkapamayanang gumagamit nito.

{1.2.41}
Bawat kultura o malawakang kabuuang kultural ay nakapag-iimbak nakapagpapalawak lamang ng buong kaalamang panlipunan sa pamamagitan ng wika at ang kaalamang ito ay nakabakas sa wika.

{1.2.42}
Ang kulturang nakapag-aangkin ng kaalaman mula sa lahat ng dako sa pamamagitan ng kanyang wika bilang impukan-kuhanan ay siyang nabubuhay, namamalagi at nakapagpapanatili sa kanyang kabuuran (essence).

{1.2.43}
Oras na ang isang pagkawika-at-kultura ay huminto o mapahinto sa pag-aangkin ng karanasan ng iba at maging paksa na lamang ng pag-aaral o pampayamang kuhanan pa nga ng iba, ang kabuuang kultural na ito ay namamatay o patay na, maningning man itong gaya ng kabihasnang Griyego, Romano o Ehipsiyo.

{1.2.44}
Ito ang naging tadhana ng napakaraming pagkawika-at-kulturang napawi o nahigop ng maka-pangyarihang paglawak ng Kanluran sa Makabagong Panahon. Ang kaalamang iniimpok at hinahango sa wika upang mapatatag at mapalawak ay siyang pinakabuhay nito mismo at ng kulturang ipinapahayag nito.

{1.3.21}
Bukod sa pagiging impukan-kuhanan ng kultura, ang wika ay daluyan din nito. Unang-una, wika ang natatanging paraan upang matutuhan ng isang tao ang kulturang kinabibilangan niya at kahit na iyong hindi taal sa kanya. Habang nasasanay ang bata sa wika ng kanyang ka-kultura, unti-unti siyang nahuhubog sa isip, gawi, dam-damin at karanasan ng mga ito—mula sa mga pinakasimpleng kanta sa sanggol at bugtong hanggang sa mga kataas-taasang katha't likha ng diwa at kaluluwa sa sining, agham at literatura.

{1.3.22}
Kaya nga balintuna, halimbawa, na ang isang batang Pranses ay mag-aral ng kanyang sariling kultura sa loob ng kanyang bansa sa Ingles o alinmang wika. Ganito rin ang kabaligtaran: ang batang Ingles ay hindi kailanman nagiging Ingles sa pag-aaral sa Pranses o sa alin pa mang wika. Bawat bata, bawat tao ay isinasakultura, pinadadaluyan ng kultura ang kanyang ethnos, sa pamamagitan lamang ng sariling wika. Wala nang ibang paraan, kung ang hinahangad ay mapasok at manatili sa loob ng sariling kultura.

{1.3.23}
At kahit na nga kung ang nais ng isa'y maging bahagi ng ibang kultura, ang wika rin nito ang siyang magpapasok sa kanya rito. Hindi ito maaaring maganap mula sa malayo, sa pamamagitan ng mga librong isinalin sa sariling wika ukol sa kultura o lipunang ibig aniban. Ang pagka-Portuges o pagka-Taylandes ay masisimulang madama sa oras lamang na natutuhan ang wikang Portuges o Taylandes. Subalit ito'y simula lamang. Kailangan pang makisa-lamuha, makiugali, pumaloob sa nais anibang kultura mismo bilang organismong nabubuhay.

{1.3.24}
Ito ang dahilan kung bakit ang kaalaman sa wika ng alinmang patay na kultura (gaya ng Ehipto, Latin o Vediko) ay hindi nangangahulugan ng tunay na pagkaunawa sa kabihasnan ng mga ito . Wala ang pinakaimportanteng sangkap ng interaksiyon, ang pakikiugali, na siyang nagbibigay ng tunay na kagamitan, kaukulan at pagkakaugnay ng wika sa kulturang ipinapahayag nito.

{1.3.25}
Mauunawaan at madarama pa nga nang mas malalim ang isang sibilisasyon kung may interaksiyon dito, kaysa kung ang sibilisasyong ito'y huhulaan lamang sa pamamagitan ng mga nati-tirang kasangkapan, monumento o kalansay na nahukay ng arkeo-logo.

{1.3.26}
May tatlong implikasyon ang gamit ng wika bilang daluyan ng pagpapasakultura, sarili man ang kultura o hindi . Una sa lahat, ang isang tao'y maaaring matuto ng maraming wika at, sa ganito, mapasama sa iba't ibang kultura . Alam nating marami at dumarami pa sa mundo ang mga polyglot , at ito'y mabuting bagay. Katunayan, hindi lahat sa kanila ay bahagi ng kulturang ipinapahiwatig ng alinmang wikang alam nila .

{1.3.27}
Totoong ang kanilang pagkatao ay parang nahahati sa mga kultura ng mga wikang alam nila . Subalit iba-iba ang antas ng kaalaman sa bawat wika at samakatwid, iba-iba rin ang tindi ng pagkakaugnay dito .

{1.3.28}
Gayunman, kahit matindi ang relasyon ng isang polyglot sa lahat ng kulturang dala ng mga wikang alam niya, ang mga pagkawika-at-kulturang ito'y mananatiling hiwalay sa loob ng kanyang pagkatao at hindi kailanman magkakahalu-halo, kahit may mga "interperensiyang" lingguwistiko-kultural. Ang mga kulturang alam o kinababahaginan ng isang polyglot ay hindi nagiging isa sa kanyang loob.

{1.3.29}
Walang isang kultura ng mga polyglot, walang kultura na ang pinakabatayan ay ang pagka-polyglot ng lahat. Sa mga pagtitipon ng mga bilingguwal o polyglot, isang wika lamang ang pinagkakasunduang gamitin ng lahat. At kung nagka-karoon ng pagpapalit, ito'y alam ng lahat at nagtatagal nang kaunti. Sa madaling sabi, walang pidgin na nabubuo sa mga pag-uusap ng mga polyglot.

{1.3.30}
Nauuwi ito sa ikalawang implikasyon, ang problema ng "partisipasyon." Ang pagkaalam ng isang wika ay nangangahulugan ng pagiging miyembro ng kultura nito . Ang tao ay maaaring makiugali sa maraming kultura. Datapwat ang pakikibahagi sa mga kulturang ito ay hindi nangangahulugan ng lubusang partisipasyon sa lahat . Imposible ito .

{1.3.31}
Walang taong makapag-uukol ng buong panahon sa lahat ng kultura niyang alam. Ang totoo, isa o dalawang kultura lamang ang mapagkakalooban niya ng buong pagkatao, ang mabubuhusan niya ng buong tangkilik at pagmamalasakit .

{1.3.32}
At ito'y bunga ng isang pangyayari sa kanyang buhay at kapaligiran, o kaya'y dahil sa isang kapasiyahan ng diwa at damdamin. Bawat isa, polyglot man o hindi, ay napapaloob o napipilitang mapaloob sa isang kultura, dahil sa hindi talaga magagawa ninuman ang buo at direktang partisipasyon sa higit sa isang kultura:

{1.3.33}
alinmang pakikiugnay sa iba pang kultura ay hindi maaaring maging lubusan o buhos-kaluluwa. Ang pagkakahati ng polyglot sa mga alam niyang pagkawika-at-kultura ay hindi nangangahulugang nahahati ang kanyang katapatan o pagkakaugat sa isang kultura.

{1.3.34}
Kahit malaki ang kaalaman nina Pushkin at Tolstoy sa pagkawika-at-kulturang Pranses (kapwa sila nagsulat at natuto muna sa wikang Pranses), ang kinabilangan nilang wika at kultura ay Ruso pa rin.

{1.3.35}
Si Pearl S. Buck, sa kabila ng kapanganakan sa Tsina at pagkaalam ng Tsino, ay bahagi ng pagkawika-at-kulturang Amerikano, sapagkat dito nakaugat ang kanyang pananaw sa mundo - pati na sa mundong Tsino na sinikap niyang maintindihan at ipaintindi sa loob ng pang-intindi ng wikang Amerikano.

{1.3.36}
Ang ikatlong implikasyon ay: kung maaangkin ng isang kultura ang isang tao o grupo ng tao hindi maaaring mangyari ito sa isang buong kultura, liban kung ito'y patay o kasalukuyang nilululon ng isang nakalalaking sibilisasyon bilang isang sub-kultura bago lubusang matunaw.

{1.3.37}
Maaaring mahati ang indibidwal sa kanyang pagka-kasanib sa iba't ibang kultura dahil sa kanyang mga alam na wika, subalit hindi mangyayari ito sa isang kultura.

{1.3.38}
Kung ang kultura mang ito'y nakikiugnay sa iba't ibang kultura, ang tanging dahilan ay ang pagkakatagpo at pakikipagpalitan sa heograpiya at sa kasaysayan. Ang pagkawika-at-kultura ay isang kabuuang hindi mahahati o mapaghahati-hati. Mangyayari lamang ito kung patay na ang kultura, katulad ng Griyego-Romano, na pinaghati-hati ng kultura na nakakukuha rito ng sangkap hanggang ngayon.

{1.3.39}
Ito rin ang tadhana ng ilang maliit na kulturang "etnograpiko," na nagiging tibagan ng sangkap na kultural ng Kanluran at ng iba pa para sa kanilang sining (fauvismo, art negre, atbp.) at kaisipan (istrukturalismo mula sa antropolohiyang kultural).

{1.3.40}
Bukod sa pandaluyang gamit sa pagpapasakultura ng mga kasapi ng isang ethnos, wika ang tanging paraan din upang mapayaman, mapalawak at mapaunlad ang sariling kultura. Bunga ng pagiging impukan-kuhanan ng wika, nagaganap ito, higit sa lahat, sa pamamagitan ng partisipasyon at interaksiyon ng bawat isa, lalo na ng mga unilinguwal o may iisang wika lamang, sa loob ng lipunan at kultura.

{1.3.41}
Ang isang pagkawika-at-kultura ay may sariling panloob na batas sa pag-unlad. Ang wika at kultura ay nagbabago at nade-debelop sa pamamagitan ng pakikiugali sa isa't isa, ng panlipunang pakikipagkapwa-tao sa sariling wika at kaugalian.

{1.3.42}
Dito nakapag-aambag ang bawat unilinguwal sa pamamagitan ng kanyang orihinal na paggamit ng wika, orihinal na kaisipan, mga tuklas na sosyo-ekonomiko o teknikal. Ang sosyo-kultural na ambag ng unilinguwal sa larangang ito ay pundamental sa lahat ng kultura, mula sa pinakapersonal na damdamin, kasabihan at pag-iisip hanggang sa pinakamaayos na likha at akda sa sining, pilosopiya at siyensiya, matapos saklawin ang buong lawak ng folklore.

{1.3.43}
Ang pag-aambag na ito'y ganti't balik lamang ng indibidwal na kabuuang kultural sa kanyang pagkakapasok dito sa pamamagitan ng wika. Siya'y resulta ng mapanlikhang kabuuan ng lipunan-kultura.

{1.3.44}
Subalit ang mga bilingguwal at polyglot ay may papel din sa pagpapayamang ito ng kultura sa pamamagitan ng wika. Sila ang tagapagpasok sa kabuuang kultural ng mga elementong galing hindi lamang sa mga kulturang "banyaga" kundi sa mga kamag-anak na kulturang bumubuo o tumutungo sa pangkalahatang ethnos o pagkawika-at-kultura. Itong huling tungkulin ay nagagampanan sa Alemanya, halimbawa, dahil sa mapanlikha at buhay na pagkaka-ugnay ng mga diyalektong Aleman sa Hochdeutsch, ang taga-pamagitang pambansang wika.

{1.3.45}
May nagkakatugmang continuum ng pagkakultura mula sa batis ng mga grupong diyalektal tungo sa pangkalahatang wika ng pag-Aleman. Halos bawat isa ay may kanyang diyalekto, subalit lahat ay angkin ng wikang kultural. Ang pagpapasok naman ng mga sangkap mula sa ibang kultura, lalo na sa larangan ng diwa at sining, ay gawa kadalasan ng mga bilingguwal na tapat sa sariling pagkawika-at-kultura.

{1.3.46}
Ang bokabularyo at kasaklawan ng sining, literatura, pilosopiya at siyensiya sa Aleman ay nalikha at umunlad noong ika-19 na siglo hindi lamang sa sinapupunan ng kulturang Aleman (ayon kay Herder at sa magkakapatid na Grimm) kundi sa matalino at may direksiyong pag-aangkin "mula sa banyaga" na ibinunsod ng mga polyglot na humanista, tulad nina Goethe, von Humboldt, Mendelssohn, Heine, Schliemann, o kaya'y si Schlegel. Ang problema naman dito ay ang tindi at antas ng panghihiram, subalit ito'y nalulutas hindi sa pagtatalo kundi sa praktika.

{1.3.47}
Ang pagpapayaman ng kultura mula sa nakaraan ng sariling lipunan o estado at lalo na mula sa buong daigdig ay dakilang ambag din ng mga polyglot. Ang mga dokumento tungkol sa sariling kasaysayan at pagkawika-at-kultura ay sinikap isalin at imprentahin ng mga Aleman, Pranses at iba pa sa sariling wika noong ika-19 na siglo.

{1.3.48}
Sa sariling wika rin isinalin ang kaisipan ng mga rehiyon, kabihasnan o bayan ng buong mundo na ginawan nila ng pananaliksik. Inumpisahan ng mga Aleman ang isang dakilang tradisyon ng pag-aaral sa kanilang wika ng mga bagay na tungkol sa iba't ibang kabihasnan ng daigdig, gaya ng India o Tsina. Ang Societe Asiatique ng mga Pranses at ang kanilang ecoles sa iba't ibang dako lalo na ang Ecole Francaise de I'Extreme-Orient ay nagpahayag ng kanilang mga natuklasan sa Pranses.

{1.3.49}
Lahat ng ito ay malaking ambag sa kuhanang-yaman ng kulturang Pranses o Aleman. Ang totoo, mula pa noong Muling Pagsilang (Renaissance), nabuksan na para sa mga kulturang Europeo, dahil sa pagsasalin ng mga polyglot, ang buong Kalaunan (Antiquity) mula sa sibilisasyong Griyego-Romano hanggang sa mga pinakaunang kultura gaya ng Sumer at Ehipto. Kadalasan, ang mga saling ito ay nakapagpasulong ng mga bagong estilo sa literatura at pati na sa sining.

{1.3.50}
Ang ibig sabihin dito'y hindi dapat itakwil ang sariling wika sa pagpapayaman ng sariling kultura. Nang isalin ng humanistang si Jacques Amyot si Plutarch, hindi niya ginawa ito sa Aleman o sa Italyano kundi sa sariling wika.

{1.3.51}
Ang ibig sabihin, kung saang wika kumakatha, iyan ang binabathala . Sa ganito ang Polakong si Conrad ay hindi kailanman mapapabilang sa literatura ng Polonya kundi ng sa Ingglatera. Hindi matataguriang manunulat na Ruso si Nabokov, kahit may nagawa raw na isa o dalawang katha sa Ruso. Oras na gamitin ng isa ang ibang wika, napapaambag siya sa kultura nito - kung di man nagpapaangkin dito at, sa gayon, ay nawawala sa sariling kultura.

{1.3.52}
Katunayan, wika ang daluyan ng kultura hindi lamang tungo at mula sa tao bilang mapanlikhang tagatanggap at tagaambag sa kinabibilangang kultura, kundi mula (gaya ng naipakita na sa trabaho ng mga polyglot) at, bilang ganti at kakikilanlang ambag sa sangkatauhan at sa kasaysayang pandaigdig, tungo pa nga sa ibang pagkawika-at-kultura. Walang makapagpapakilala sa isang kultura kundi ang mga nalikha nito sa sariling wika .

{1.3.53}
Ang mga nasulat na "literatura" ng mga Ruso sa wikang Pranses noong ika-18ng siglo ay walang panghihinayang na natabunan nang mamulaklak noong ika-19 na siglo ang dakila at monumental na literaturang Ruso batay sa wika ng bansa . Sa kasaysayan ng mundo, walang bayan, liban na yata sa mga Hudyo matapos ang diaspora , na nakapag-ambag sa kabihasnang pandaigdig sa wikang hindi sarili.

{1.3.54}
Subalit ang Hudyong lumikha sa Aleman ay Aleman ; ang sa Pranses ay Pranses. Si Spinoza ay napapaloob sa kulturang Olandes , si Disraeli sa Ingles, si Freud sa Aleman, si Durkheim sa Pranses. At nang makapagtatag ang mga Hudyo ng isang bansang-estado , ang una nilang pinag-ukulan ng pansin ay ang pagpapanumbalik ng Hebrew .

{2.0} 2 Wika at Kulturang Pilipino
Ano ang silbi ng katatapos lamang analisahing mahigpit na pagkakaugnay ng wika at kultura sa ating kasalukuyang kalagayang pambansa? Mayroon na ba tayong masasabing pagkakultura-at-wika? Kung mayroon, aling wika, ngayon o sa di matagal na hinaharap, ang pag-iimpukan at pagkukunan nito? At paano ang tungkol sa wikang ito bilang daluyan ng pambansang kultura?

{2.1.31}
Ang Pilipinas ba ngayon ay isang kabuuang kultural, isang pagkakultura-at-wika? Walang alinlangang tayo'y tumutungo rito, subalit sa ngayon, tayo'y nasa yugtong maaaring tawaging isang "pamayanang pambansa" na naghahangad na maging isang bago at mas malawak na kabuuang etniko: ang pagkakultura-at-wika sa loob ng isang estado o bunga ng paglaganap ng isang estado.

{2.1.32}
Ang kasalukuyang "pamayanang pambansa" ay ang pinakabagong kinahinatnan ng ating kasaysayan. Maaaring nakaugat ito sa lupa mismo ng Pilipinas, gaya ng sinasabi ni Dr. Fox at ng kanyang alagad.

{2.1.33}
Ngunit dahil sa hanggang ngayo'y wala pa silang paraang natutuklasan para mapagsalita ang tao ng Tabon at ang mga ipinapa-lagay na kasama ng elephas sa Cagayan, sapat na munang umpisahan ang ating mga problemang kultural sa pagkakaroon ng marami ngunit magkakamag-anak na kabuuang etniko noong mapadpad sa dako natin ang mga Kastila taglay ng unang alon ng paglawak ng Kanluran.

{2.1.34}
Ang pinakamahalagang resulta ng pagtatagpong ito ay hindi ang pagkakapatay kay Magellan o ang pakikipagsanduguan ni Legaspi kundi ang pagiging isang lipunan ng dating magkakahawig subalit magkakahiwalay na ethnos sa kasalukuyang teritoryo ng Pilipinas. Maaaring hindi talagang kailangan, para sa pangyayaring ito, ang sangkap na Kastila. Ngunit iyan ang pangkasaysayang katunayan:

{2.1.35}
ang antas ng "lipunan" ay nakamtan ng mga nasabing grupong etniko sa loob ng isang kabuuang pulitikal na dala at gawa ng mga Kastila. Dahil dito, sa simula pa'y sumulong na ang lipunang ito nang may pagkakasalungat sa mga "manlulupig," sa kabila ng di-matanggap na damdamin ng paghanga at kapootan bilang lipunang bihag.

{2.1.36}
Ang pinagdaanan ng lipunang ito hanggang sa ika-19 na siglo ay hindi dapat bale-walain bilang isang "nawawalang kasaysayan." Naganap noon ang mga unang reaksyon at ang matagalang interaksyon ng mga katutubong kultura sa pagkakultura-at-wika ng mga Kastila.

{2.1.37}
Bunga nito, lalo ngang nabuo mula sa loob ang lipunang sakop, na unti-unting nagkakaroon ng kaisahan sa kultura habang pinapasukan ng mga elemento ng pagka-Kastila.

{2.1.38}
Dahil sa taal na pagkakahawig ng lahat sa kultura at dahil sa nadarama na iisa ang kaharap sa larangang kultural, humantong ang sitwasyon sa isang polarisasyon sa paligid ng isang wika sa pinakasentro ng pagtatagpo ng kakastilaan at ng mga kulturang nabuo sa naturang lipunan - ang Tagalog.

{2.1.39}
Sa rehiyong ito pinakamasidhi ang salungatan ng Kastila at katutubo, hindi lamang sa larangang kultural kundi pati na sa ekonomiya at pulitika. Kaya, sa paligid ng katagalugan nabuo ang isang kontra-kultura, isang pagkakatipong pangkultura na "di-Kastila" o, sa mapag-alipustang sabi, "Indio." Ito'y naging makapang-yarihang konsepto noong siglo ng Rebolusyon.

{2.1.40}
Sa panahong iyon, ang pagkaalam ng pagkakaiba sa Kastila sa larangang kultural (isang pagpapasaibabaw at pagbibigay-dangal sa isinaloobing "pagka-Indio") ay nag-udyok sa lipunang katutubo na magnais maging isang bansa - o ang mabuo bilang kultura at wika sa harap ng kakastilaan. Ito ang isang malalim na dahilan kung bakit umusbong noon ang literaturang Tagalog.

{2.1.41}
Narito rin ang sanhi kung bakit minarapat ng mga Kastila na dustain o kaya'y maliitin ang Tagalog at alinmang katha dito, gayong halos hanggang langit ang pagpuri rito noong panahon ng pananakop. Maaaring tingnan ang buong Propaganda bilang isang pagtatangkang linawin sa diwa ng lipunan ang uri at buod ng ninanasang kabuuang kultural.

{2.1.42}
Dito lubos na mauunawaan ang interes ng lahat sa "dating kabihasnan" at ang pagpupunyagi nina Rizal, del Pilar at iba pa na kumatha o magsalin sa sariling wika, gayong silang lahat ay naangkin ng pagka-Kastila nang di lamang bahagya.

{2.1.43}
Hindi maiintindihan nang husto ang sidhi ng mga polemika noon tungkol sa mga bagay na kultural kung di tatarukin ang nararamdaman ng bawat isa, Kastila man o Indio, na hindi na mapipigilan ang paghahangad ng katutubong lipunan sa isang bagong pagkakultura-at-wika, ang pagkabansa.

{2.1.44}
Subalit ang hindi natalos ng mga Propagandista ay ang pangangailangan ng isang sariling estadong naiiba sa estadong kolonyal ng mga Kastila, upang mapasulong ang kanilang lipunan sa baitang ng pagkabansa, sa isang bagong kabuuang kultural.

{2.1.45}
Natanto ito ni Bonifacio at naging gawain ng Rebolusyon ang magtatag ng isang estadong Pilipino, na magbibigay-anyo sa bagong pagkakultura-at-wika at huhubog sa kabuuan nito mismo.

{2.1.46}
Kasama ng mapanlikhang lakas at diwang sumambulat bunga ng Rebolusyon, ang nasawing estadong ito ang nagtulak sa lipunang Pilipino upang, mula noong 1896 hanggang noong mga taong 1925, ay magkaroon ng pang-kulturang pamumulaklak hindi lamang sa literaturang Tagalog (na nawalan ng dating karibal sa wikang Kastila) kundi sa buong kalipunang kultural na Pilipino.

{2.1.47}
Pagkatapos ng ilang taon ng di-pagkakaunawaan, humalili ang bagong estadong itinatag ng mga Amerikano sa punsiyon ng estadong rebolusyonaryo. Pinagbigyan ang hangaring makabansa ng lipunang Pilipino sa pamamagitan ng kapwa pag-aamuki sa mga elementong tungo sa kaisahang kultural at ng unti-unting pagsasa-Pilipino ng buong estado hanggang sa ganap na kalayaan. Subalit may isa ring bungang masaklap para sa isang pagkakultura-at-wika, isang bagong ethnos.

{2.1.48}
Nakahimok ng malawakang pagpapalaganap ng kulturang Amerikano ang isang katumbas ng dating "dapong kultura" ng Kastila na, sa ngayon, ay halos napapawi na sa pagyabong ng "pambansang kultura" sa Tagalog at sa iba pang wikang "bernakular." Nagpasok ang kulturang Amerikano-Pilipinong ito, sa pamamagitan ng Ingles, ng isang bagong elemento sa problemang kultural ng nagiging bansa nang Pilipinas.

{2.1.49}
Ang resulta nito ay ang kalagayan hanggang sa kasalukuyan, na matatawag pa ring isang "pamayanang pambansa," dahil sa ang antas ng tunay na pagkabansa, ang bagong pagkawika-at-kulturang bunga ng isang estadong mapaghubog at hinuhubog nito, ay kamakailan lamang tuwirang tinutungo ng buong lipunang pambansa. Subalit, ngayon pa man, wala nang alinlangang ang tagapagpahayag at tagasaklaw na wika ng binubuong kabuuang kultural ay ang wikang Pilipino, anuman ang maging kapalaran pa ng Ingles sa Pilipinas.

{2.1.50}
Itong huli'y hindi kailanman maaaring maging tagapagpahayag na wika ng nagiging kabuuang kultural na Pilipino. Wala rito ang karanasang pambansa at ang kaalamang bayan. Hindi maaaring idugtong lamang ang alaala at diwa ng bayang Pilipino sa alaala at diwa ng ibang pagkakulturang napapaloob sa wikang Ingles. Tulad ng tao, alinmang bayan ay hindi maaaring magpalit ng gunita at unawang nakalagak sa kanyang wika, kung gustong mapanatili ang sariling kakanyahan.

{2.1.51}
Ganito rin ang nauukol sa ugali, damdamin at isip ng Pilipino: hindi ito kailanman matatagpuan sa Ingles o sa alinmang wika, sapagkat bawat wika ay katas ng iba at bukod-tanging pagkakultura. Kung may papel pa man ang Ingles sa Pilipinas, ito'y bilang isang wikang-tulay tungo at mula sa ibang pagkakultura, kasama ng Kastila at alinmang wikang maaaring kailanganin balang araw.

{2.1.52}
Hinggil sa Pilipino naman, dito iniingatan ang malaking bahagi ng nakaraan, lalo na mula noong mabuo ang lipunan at estadong Pilipino, hindi lamang sa mga dokumentong personal, opisyal o panliteratura kundi maging sa bokabularyo mismo ng wika. Nakabakas sa Pilipino ang pre-istorikal nating kaugnayan sa mga kulturang Malayo-Polinesyo mula sa Madagascar hanggang Hawaii at New Zealand, bago maitakda ang ating mas mahigpit na relasyon sa daigdig ng kapuluang Indones:

{2.1.53}
ang pinagmulang mga bakas ng pagiging napakalapit na kamag-anak ng lahat ng wikang katutubo sa Pilipinas, patibay sa kaisahan ng buong nakalipas nating pakikibagay sa mga Kastila at Amerikano, at pati na sa iba pang Kanluranin. Nakalagak sa Pilipino ang buong kasaysayan ng bayang Pilipino, lalo na iyong baha-bahagi ng kanyang lunggating maging isang bansa.

{2.1.54}
Nakalagak din sa Pilipino ang malaking parte ng kaalaman ng lipunan, lalo na iyong makabuluhan sa nakararami. Ang pinakapruweba nito'y ang paggamit ng bayan sa wikang Pilipino sa lahat ng larangan ng buhay na walang kinalaman sa aspetong dulot ng sistema ng edukasyon sa wikang Ingles.

{2.1.55}
Para maging epektibo sa kani-kanilang trabaho hindi kailangang mag-Ingles pa ang magsasaka, mekaniko, mangingisda, tindera, maglalako, tsuper, manggagawa, at iba pang tunay na tagapagpagalaw ng buhay-lipunan. Pati na sa mga opisina sa Makati, Pilipino ang palasak na pananalita, bagamat napipilitan ang lahat na isulat ang mga opisyal na sulat komunikasyon sa Ingles, na kadalasa'y bali-bali o pauga-uga.

{2.1.56}
Kalimitan, ang kaalamang itong dala ng Pilipino tungkol sa kabuhayan at pamumuhay ng lahat ay kaila sa mga "edukado" sa Ingles, na dahil dito ay nahihirapang iangkop ang kanilang nalalaman sa pangangailangan ng bayan. Sa gayon, sila'y napapalayo hindi lamang sa sariling pagkakultura-at-wika kundi sa mga problema mismo ng lipunan:

{2.1.57}
ang kawalan ng epekto ng mga "intelektuwal" ay lalong lumulubha dahil sa pagkakalayo sa sariling kultura, ang pinakamasaklap na uri ng pagkatiwalag o alyenasyon. Subalit ang ganito'y hindi karanasan ng mga doktor, nars, inhinyero at iba pang propesyonal na nakapag-aangkop ng kanilang kaalaman sa kalagayang-bayan dahil sa paggamit ng kanilang katutubong wika.

{2.1.58}
Sa ugali at damdamin, ang pagkakalayo sa bayan dahil sa Ingles, sa kabutihang palad, ay di gaanong malubha. Karamihan sa mga nag-i-ingles-inglesan ay nagsasalin lamang mula sa Pilipino o kaya'y mula sa isang katutubong wika.

{2.1.59}
Halos hindi na napapansin ang madalas marinig na bating "Where are you going?", na ikinagigitla ng mga banyagang hindi nakaiintindi na ito'y katumbas lamang ng alinmang pagbati sa alinmang kultura, at hindi katibayan ng gawing mapag-usisa ng Pilipino. Laganap din ang mga pananalitang gaya ng "Ikaw kasi, you keep repeating and repeating," o kaya'y "It's difficult to talk" ("Mahirap na lang magsalita").

{2.1.60}
Ibig tukuyin dito ang buong mala-kultura ng engalogismo o taglishtiks. Mayroon nang malawak na folklore tungkol dito at isa sa ating pinakamabuting makata ang nakapipiga rito ng ilang tula tungo sa pagpapasaibabaw ng pagka-Pilipino sa loob ng napasa-Ingles-Amerikanong nakatataas na bahagi ng ating lipunan.

{2.1.61}
Mahalagang bigyang-diin ang katotohanang pati na sa pag-Ingles natin, ang ugali at damdaming napapaloob sa ating wika ay namamayani pa rin sa personalidad ng nagsasalita. Hindi ito nangangahulugang nagkakaroon sa Pilipinas ng isang diyalektong Ingles, kundi nagpapahiwatig pa nga na hindi kailanman makapapasok ang Ingles sa katauhang Pilipino sapagkat ang mga gawi at damdaming nakabalangkas sa ating wika ay siyang nasa buod nito.

{2.1.62}
Ito ang dahilan kung bakit iginigiit ng ilang guro sa kawalan nila ng pag-asa sa progreso ng Ingles-Amerikano na nais nilang pairalin, na matutuhan ng estudyante ang mga katumbas na kilos, gawi at "mid-Western accent" ng wikang Amerikano, kasabay ng pagpupunyaging makalikha ng isang "Ingles-Pilipino" bilang wikang naiiba raw sa ibang "Ingles" sa mundo.

{2.1.63}
Datapwat, liban sa mangilan-ngilang napasa-ibang kultura na, hindi talaga matanggap ito ng kapili-pinuhan. Walang ibang paliwanag kundi ang katotohanang ang gawi at damdaming Pilipino ay maipapahayag lamang sa sariling wika.

{2.1.64}
Ganito rin sa pag-iisip at kaisipan. Ang pinakamahalagang katibayan nito ay ang pangyayaring lahat ng "karaniwan" at pang-araw-araw na komunikasyon (ibig sabihi'y iyong pasalita at hindi tungkol sa mga bagay na bunga ng edukasyon at burokrasyang mana natin sa mga Amerikano) ay isinasagawa, higit sa lahat, sa Pilipino.

{2.1.65}
Ang kapuna-puna'y nagaganap ito lalo na sa mga Pilipino sa ibayong-dagat, dahil marahil sa doon nila direktang nalalaman ang kaibhan ng isip-Pilipino sa ibang kabuuang kultural. At talaga namang lalong madaling tukuyin at pag-usapan ang hinggil sa Pilipinas at kapilipinuhan kapag Pilipino ang tagapamagitang wika.

{2.1.66}
Bukod sa realidad na ito ng pag-iisip at pakikipag-usap ng karamihan sa ating lipunan sa Pilipino, ang wikang pambansa ang siyang nagiging tagapagpahiwatig, kasalukuyang tagasaklaw at magiging tagapamukadkad ng kaisipang Pilipino bilang kabuuang kultural, bilang bansa. Totoong ang mga unang pahiwatig ng pagkakaisa ng lipunang Pilipino ay gawa sa Kastila, subalit ang bahaging pinaka-malapit sa bayan noong Propaganda ay gumamit ng Tagalog.

{2.1.67}
At nang maging separatista ang kilusan noong Rebolusyon, Tagalog din ang naging tagapagpahayag ng kaisipang Pilipino hindi lamang sa larangan ng pulitika, kundi lalo na sa kabuhayan, pamumuhay at kultura.

{2.1.68}
Ang pamumulaklak ng literatura sa Tagalog ay isa lamang bahagi , bagamat pinakaimportanteng bahagi nito. Mula noon, hanggang sa naging Pilipino ang Tagalog nang ito'y lumaganap at tanggaping tagapamagitang wika mula sa pinakasentro ng sentralisasyon ng Pilipinas sa Maynila, ang wikang pambansa ay taga-pagsaklaw ng kabuuang pambansa - lalo na kung ito'y ihahambing o isinasalungat sa banyaga at sa ibang pagkakultura-at-wika. Higit sa lahat, malinaw na ang pagkakaugnay ng pinakamimithing pamumulaklak ng kaisipang Pilipino at ng wikang Pilipino.

{2.1.69}
Ang pagpapahalaga, pagpapalalim at pagpapalawak ng mga konseptong taal sa ating wikang pambansa (at sa mga wikang katutubo sa ating lipunan bilang tagapagpalawak at tagapagpayaman) ay magiging batayan hindi lamang ng pagpapahayag ng sariling pilosopiya at pananaw sa daigdig at kalikasan, kundi ng alinmang tunay na orihinal na ambag sa paglilinang ng kaisipang unibersal.

{2.1.70}
Sa mga susunod na panahon, makikita ng mga mananaliksik, mula sa pagkakaugnay-ugnay ng bokabularyo at pati na ng ukol sa pag-unawa at kaalaman (kasama ng pangkalahatang diwa nito) sa bawat epoka ng pagiging kabuuang kultural ng lipunang Pilipino, ng kanyang pagtatamo ng ganap na pagkabansa.

{2.2.21}
Ang pagpapahayag sa pamamagitan ng Pilipino sa pagkakultura-at-wikang Pilipino ay nasasalalay sa kagamitan nito bilang imbakan-kuhanan ng hinahangad na kabuuang-kultural. Nabanggit na ang nakaimpok at pinaglilikhaang karanasan, pag-uugali, damdamin at kaisipan sa wikang Pilipino.

{2.2.22}
Bagamat nakaugat sa ethnos o pagkawika-at-kulturang Tagalog at sa reaksyon at interaksyon nito sa nakatagpong pagka-Kastila sa loob ng isang sitwasyong kolonyal, ito ay tunay na pamana ng buong lipunang Pilipino mula nang matipon sa kaisahang ito ang mga magkakamag-anak na grupong etniko sa Pilipinas.

{2.2.23}
Ang kasalukuyang antas ng "pamayanang pambansa" ay mas mataas na baitang lamang ng ating lipunang nagkaroon ng isang mapaghubog at hinuhubog na estado. Ang kanyang tunguhin ay ang ganap na pagkabuong kultural, ang maging bansa. Sa ganito, may dalawang aspeto ang patuloy na pagiging impukan-hanguan ng Pilipino.

{2.2.24}
Ang una ay ang patuloy na pagtitipon ng kulturang Pilipino sa paraang dulot ng kasaysayan ng lipunang Pilipino. Sapagkat ito ang agos o takbo mismo ng ating kasaysayan, hindi gaanong kailangang pag-ukulan pa ito ng buong mapanlikhang pagpupunyagi ng kapilipinuhan.

{2.2.25}
Sa gusto man o hindi ng ibang kabansaan, ang naipong puhunang kultural ng lipunang Pilipino ay lalago sa pamamagitan lamang ng pamamalagi nito, ng kilos at gawa ng kanyang mga bahagi, ng kanyang pakikisalamuha at pakikilahok sa daigdig ng mga kabuuang kultural. Palawak at palalim ding uunlad ito ayon sa tindi at layo ng kanyang pagkakatanaw sa sariling kasaysayan at sa nakalipas ng buong sangkatauhan.

{2.2.26}
Ang mahalaga'y umaangkin ng iba at kailanma'y huwag magpaangkin sa iba. Ito ang katangian ng isang nabubuhay na lipunan, lalo na kung ang lipunang ito'y naghahangad na mabuo bilang bansa. Ang lumikha sa sariling wika ay nagpapayaman sa sariling kultura; ang lumikha sa ibang wika ay naglalayo rito at nag-aambag lamang sa ibang kultura.

{2.2.27}
Sa konkretong sabi, si Hernandez ay makatang Pilipino at nakaugat sa binubuong kulturang Pilipino, samantalang si Villa at ang kanyang mga katoto ay bahaging diyalektal o "pampook na kulay" ng literaturang Amerikano.

{2.2.28}
Ang ikalawang aspeto ay ang mapanlikhang pagpapalago , ang kusang pagpapayaman sa puhunang kultural ng sariling lipunan upang mabuo ang pambansang kabuuang kultural.

{2.2.29}
Dapat idiin dito nang walang pag-aalinlangan na hindi mapapayaman ang sariling kultura sa pamamagitan ng isang banyagang wika, liban sa kung ang elementong kultural dito ay isasalin sa Pilipino. Kaya't anumang nalikha ng mga may nasyonalidad na Pilipino sa alinmang wikang banyaga ay dapat ituring na banyaga, kahimat ito'y tungkol sa Pilipino at sa kanyang lipunan.

{2.2.30}
Kabilang sa uring likha at katha ay ang kabuuan ng mga produksyon ng iba't ibang kabansaan at ethnos sa buong daigdig. Huwag nating sabihin na ang sinulat ni Hemingway tungkol sa isang mangingisdang Kubano ay Amerikano, kung ituturing nating Pilipino ang katha ni NVM Gonzalez tungkol sa mga kaingero sa Mindoro.

{2.2.31}
Kapwa may kahalagahang makatao, subalit kapwa Amerikano rin. Walang kabuluhan dito ang nasyonalidad ni Gonzalez, gaya ng nasyonalidad ni Burckhardt. Ang kanyang inaam-bagang kultura ay sa Amerikano.

{2.2.32}
Sa ganito, ang kaibhan ng mga Pilipinong nagsusulat sa ibang wika kay Conrad, ang Polakong nagsulat sa Ingles, ay ang pangyayaring tahasan itong namalagi sa Inglatera at naging Ingles at, bukod dito, hindi niya kinasangkapan ang kanyang karanasang "Polako" sa pag-aambag sa kulturang Ingles, samantalang ang mga Pilipino ay nananatili sa Pilipinas at kumakasangkapan sa kanilang "kaalaman" bilang "mamamayan ng Pilipinas" upang iyon ay maging etnograpikong materyal para sa kanilang paglikha sa loob ng at para sa ibang kultura.

{2.2.33}
Hindi sila naiiba kay Pearl S. Buck na kumatas sa kanyang pamamalagi sa Tsina (na sinilangan niya) at sa kinalabasan nitong "kaalaman" sa Tsino upang kumatha para sa mga Amerikano sa sarili nilang wika.

{2.2.34}
Ang kaukulang ito ng mga likha at kathang Pilipino sa ibang wika para sa kulturang ipinapahiwatig ng ibang wikang ito ay dapat munang lubos na malaman at matanggap nang walang sentimentalidad bago mapasimulan ang pagpapasa-kulturang Pilipino ng mga ito.

{2.2.35}
Sila'y bahagi ng kabuuan ng mga bagay-kultural na banyaga. Maaari ngang mas malapit sila sa pagka-Pilipino o mas malalim ang kanilang pakiramdam. Subalit sila'y banyaga pa rin at hangga't di sila maisasalin sa wikang pambansa upang mapakinabangan ng kabuuang pambansa, hindi sila magiging bahagi ng pambansang kultura.

{2.2.36}
Datapwat ang kanilang pagiging Pilipino, ang kanilang pagpapasa-Pilipino ay katulad lamang ng alinmang pag-aangkin ng lipunang Pilipino sa mga banyagang sangkap-kultural mula sa iba't ibang dako ng daigdig at epoka sa kasaysayan ng sangkatauhan.

{2.2.37}
Gayunman, sila ang dapat maunang angkinin para sa kabuuang kultural na ipinapaloob sa wikang Ingles mula sa Pilipino o sa alin pa mang katutubong wika. Ang kabaligtaran ang dapat gawin: ang magsalin sa Pilipino ng mga nagawa ng mga Pilipino sa Ingles, pagkatapos na puspusang maipaunawa sa lahat at talagang mabatid ang kabalintunaan ng pagsusulat sa Ingles kung ang nilalayon ng lipunan ay isang tunay na kabuuang kultural.

{2.2.38}
Kasabay nito ang pagbabalik ng mga nabihasa o nabuyo sa Ingles-Amerikano sa kanilang pamayanang pambansang tumutungo sa isang bagong pagkabuong etniko. Malaon nang lumalawak ang kilusang ito lalo na sa intelehentsiyang unibersitaryo, palatandaan ng unti-unting pagpanaw ng kanilang alyenasyon sa bayan, ng pagpapaliit ng agwat ng pagkakalayo ng elite sa nakararami sa lipunang Pilipino.

{2.2.39}
Matapos isalin at ilagak sa Pilipino ang mga nagawa ng Pilipino sa ibang wika, dapat pang buksan ang kapilipuhan sa iba't ibang pagkawika-at-kultura upang makapili rito ng anumang maaaring ipasok sa sariling kultura sa pamamagitan ng pagsasalin. Hangga't maaari, dapat gawin ang pagsasalin mula sa wika mismo ng pinagku-hanang kultura. Ito'y magpapalawak at magpapalalim hindi lamang sa sinasalinang wika at kultura kundi sa pagkaalam at pagkaunawa ng sariling pagkawika-at-kultura.

{2.2.40}
Ang ningning ng sariling wika at lalim ng sariling kultura ay nakikita sa salamin ng ibang wika at kultura. Mas marami ang pinaghahanguan, mas tumitingkad ang sariling kabuuang kultural. Ang ibig sabihin dito'y huwag magsalin, halimbawa, ng mga likhang Aleman, Pranses, o Ruso mula sa pagkakasalin ng mga ito sa Ingles. Ang magiging resulta nito'y ang pag-aangkin lamang ng mga pananaw ng pagkawika-at-kulturang "Ingles."

{2.2.41}
Sa ganito'y mawawala sa kapilipinuhan ang kadalisayan ng iba't ibang anyong kultural na nagmumula sa pagkasari-sari ng mga kabuuang kultural sa mundong ibabaw. Dapat ituring ang lahat ng kultura (at hindi iisa o dadalawa lamang) ng buong daigdig na tibagan ng mga kultural na sangkap na magagamit sa sariling pagkakultura.

{2.2.42}
Ang pagpapahalagang ito sa iba't ibang kultura sa pamamagitan ng mapanlikhang pag-aangkin ng mga sangkap na makabubuti sa sarili ay siyang katangian ng isang kulturang may kasarinlan. Ang lahat ay nagpapahiwatig ng makataong pagka-kaugnay-ugnay ng mga kultura, sa kabila ng kakanyahan ng bawat isa.

{2.2.43}
Ang nabubuong kaisahang kultural sa Pilipino ay lalong lalago dahil sa mapanlikhang pagkakaugnay nito sa kanyang iba't ibang elementong etniko: (1) ang buong pangkasaysayang karanasan sa Pilipino, ang pangkalahatang pamana ng magkakamag-anak na grupong etnikong Pilipino sa lipunang kanilang nabuo; (2) ang kakanyahang etniko ng bawat isa, na nagpapayaman sa kabuuang kultural; at (3) ang karanasang partikular ng bawat ethnos sa kasaysayan ng Pilipinas.

{2.2.44}
Mapalalago ang unang elemento sa inter-aksyon ng isa't isa sa loob ng lipunang ang nagiging tagapamagitan at tagasaklaw na wika ay Pilipino. Ang pakikiugali at pakikisalamuha ng isa't isa sa wikang Pilipino ay nagpapalawak sa pambansang kulturang ipinahihiwatig ng wikang ito.

{2.2.45}
Payayabungin naman ng ikalawa at ikatlong elemento ang hinahangad na kabuuang kultural sa pamamagitan ng mga salin sa Pilipino mula sa mga wikang katutubo sa Pilipinas, kasama na ang mga diyalekto ng Tagalog na napapalayo na sa Pilipinong dati-rati'y batay dito. Lalong mapapadali ang kanilang sariling wika o katutubong diyalekto.

{2.2.46}
Ang mga salin ay magiging parang katas na umaakyat mula sa mga ugat ng kapili-pinuhan tungo sa ninanasang kabuuang kultural, sa bago at mas malawak na pagkakulturang ipinapahiwatig ng wikang Pilipino.

{2.2.47}
Hanggat maaari, ipagpaliban na muna ang pagsasalin sa Ingles o sinumang magnanais umangkin ng ilang elemento ng ating pagka-Pilipino. Hindi natin sila dapat tulungan dito, yamang malaki ang kanilang naitutustos sa pagpapayaman ng kanilang sariling kultura. Ang kailangang alagaan ay ang sariling atin , ang pagbuo ng ating kultura.

{2.3.11}
Ang pagbuong ito'y hindi magaganap kung ang ninariasang kabuuang kultural ay hindi maipapasaloob sa mga bahagi ng lipunang Pilipino. Ang interiorisasyon o pagpapasaloob na ito'y maisasagawa lamang sa pamamagitan ng Pilipino, ang tanging daluyan ng pagpapasakulturang-Pilipino ng mga tao sa ating lipunan.

{2.3.12}
Nanga-ngahulugan ito na hindi matututuhan ng mga Pilipino ang sariling kultura sa pamamagitan ng Ingles. Ang paggamit ng Ingles ay nagbibigay-daan pa nga sa panganib na ang mga Pilipino'y mapasa-ibang-kultura. Kung talagang gusto ang kaisahang kultural, dapat na ang buong edukasyon ng Pilipino ay isagawa sa tagasaklaw na wika ng kanyang kultura, ang Pilipino.

{2.3.13}
Maaaring ipagpatuloy ang Ingles bilang wikang tagapag-ugnay ng Pilipinas sa labas, subalit hindi ito maaaring maging tagapamagitan at tagasaklaw na wika ng buong pamayanang pambansa. Wikang Pilipino ang nakatakda para dito.

{2.3.14}
Kaya't ang pinakasentral na problema sa kasalukuyan ay kung paano talagang mapapalitan ng Pilipino ang Ingles bilang wika hindi lamang ng instruksyon kundi ng burokrasya at ng komunikasyong sosyal sa larangang ekonomiko-sosyal. Gayunman, ang tinutungo ng kasalukuyang kalagayan ay ang mapalitan nga ang Ingles. Isang pagsulong na hakbang sa direksyong ito ang desisyon ng pamahalaan na debelopin ang Pilipino bilang wika ng mga Pilipino, kasama ang Ingles, sa lahat ng antas ng edukasyon.

{2.3.15}
Maraming problema kung pananatilihin ang Ingles sa loob ng binubuong pambansang kultura. Isa na ang panganib na masaklaw ng Ingles ang kulturang ito at, sa gayon, ay maipasok ito sa kabihasnang Amerikano bilang isang sub-kultura bago lubos na matunaw. Sa ganito'y maaaring hindi mabuo ang pambansang kultura. Ngunit, sa kabutihang palad, hindi naman yata mangyayari ito.

{2.3.16}
Napakalakas na ang hangarin ng lipunang Pilipino tungo sa kaisahang kultural. Isa pang problema ay tungkol sa mga bilinguwal. Alam nating taglay ng mga ito ang mga kulturang kasindami ng wikang alam nila. Nakalilikha sila sa lahat ng wikang alam nila. Subalit sa iisang kultura lamang sila tunay na nakikibahagi at nagiging tapat.

{2.3.17}
Katunayan, marami ang natatangay mula sa kulturang Pilipino ng malakas na akit ng posisyong sosyo-ekonomiko ng Ingles, dahil sa nakaraan at kasalukuyang papel nito sa lipunan. Lalong lumulubha ang problema sa maling akala na ang likha ng isang Pilipino sa Ingles-Amerikano ay bahagi ng kulturang Pilipino. Ito ang dahilan ng pagpapasaibang-kultura ng ilang Pilipino, lalo na sa larangan ng literatura.

{2.3.18}
Sa kabutihang palad ay napakalusog ng pambansang kultura. Sa kabila ng mga kalamangan ng Inges, Pilipino ang nagiging pangunahing wika sa buong bansa. Maaaring maangkin ang isang Pilipino o grupo ng Pilipino ng kulturang ipinapahiwatig ng Ingles-Amerikano, ngunit hindi kailanman mapapasaiba ang buong kulturang Pilipino.

{2.3.19}
May papel ang mga bilinguwal sa pagpapayaman ng kulturang Pilipino, bagamat ito'y pinaunlad, higit sa lahat, ng mga taong ang tangi o prinsipal na salita ay Pilipino. Pinauunlad nila ito sa pamamagitan ng kanilang partisipasyon sa buhay ng lipunan.

{2.3.20}
Ang mga bilinguwal ang siyang nagpapasok ng mga elementong kultural mula sa ibang pagkakultura. Subalit ito'y nasasalalay sa kanilang likas na katapatan sa sariling wika o sa kanilang pagbabalik dito pagkatapos ng ilang panahong pagkaakit sa Ingles o sa alinmang wika. Malaki ang maitutulong nila sa pagpapalawak at pagpapalalim ng kulturang Pilipino mula sa labas.

{2.3.21}
Higit pang importante ang papel ng mga bilinguwal sa mga katutubong diyalekto, sapagkat sila ang magpapayaman sa bagong kabuuang kultural mula sa ubod mismo ng kapilipinuhan. Sa ganito, ang tinatawag na "integrasyon" ng mga "minoryang etniko" ay isang mapanlikhang pag-aambag sa binubuong pambansang kultura, sa pamamagitan ng pagsasalin ng mga likha ng kanilang diwa at sining. Panghuli, mga bilingguwal din ang magpapasok ng mga elementong kultural mula sa kasaysayan ng sariling lipunan at ng buong daigdig.

{2.3.22}
Bukod sa Pilipino, ang tanging daluyan ng pagpapasakulturang-Pilipino ng lahat ng Pilipino at ng pag-aambag ng mga ito sa ninanasang kabuuang kultural, Pilipino rin ang agusan kapwa ng pagpapahayag ng mga pagka-Pilipino sa ibang kultura at ng anumang magiging kontribusyon ng kapilipinuhan sa kaalaman at kasaysayan ng daigdig.

{2.3.23}
Sa mga pagsasalin mula sa Pilipino, maipapakita sa ibang kultura ang kakanyahan ng kulturang Pilipino. Hindi kina Villa, Javellana o Tiempo mababakas ang tunay na pagka-Pilipino kundi kina Abadilla, Hernandez at Sikat, lalo na kung ang pag-uusapan ay mga pagsasalin tungo sa ibang pagkakultura

{2.3.24}
Sina Villa, Javellana at Tiempo ay bahagi ng literaturang Amerikano sa Pilipinas, samantalang ang huling tatlo ay nakatayo sa mayamang lupa ng literaturang Pilipino. Bukas makalawa, matapos nating mabuo ang bagong pagkakulturang Pilipino, sa wikang Pilipino matutunghayan ng buong mundo ang resulta ng pag-iisip ng sangka-talinuhang Pilipino sa pilosopiya man o sa siyensiya. Iyan ang tiyak na magiging bunga ng isang masigasig na paggamit at pagdebelop sa sariling wika bilang kasangkapan ng diwa at unawa.

{3.11} 3 Konklusyon
Ang wika ay hindi lamang daluyan kundi tagapagpahiwatig at imbakan-kuhanan ng kultura bilang kabuuan ng isip, damdamin, ugali at karanasan ng isang grupo ng tao. Ito'y katotohanang mapapatunayan sa pamamagitan ng mga halimbawa sa buong daigdig.

{3.12}
Ang halimbawa ng Pilipinas ay may kaibhan. Una, ang lipunang Pilipino ay nasa yugto ng isang matatawag na "pamayanang pambansa" na tumutungo sa isang bagong kabuuang kultural na hinuhubog ng isang estado: ang bansa.

{3.13}
Ikalawa, ang minimithing pambansang kultura ay mabubuo lamang kung ang Pilipino bilang tagasaklaw na wika ay magwawagi sa Ingles, isang wikang naging importante bunga ng kolonyal na nakaraan. Ikatlo, ang kakanyahang kultural ng Pilipinas ay nasasalalay sa kanyang pagiging isang bansa.

{3.14}
May pagkakahawig sa ibang halimbawa ang Pilipinas. Isa na rito ang kahalagahan ng estado , bagamat ito'y naitayo ng lipunang Pilipino upang makamtan ang antas ng pagkabansa , samantalang mayroon nang bansang Aleman bago nagkaroon ng estado.

{3.15}
Ang ikalawang pagkakatulad ay sa Pransiya at Alemanya, na kapwa may maliliit na bahaging etnikong magkakamag-anak sa ubod mismo ng bawat kultura. Ang ikatlo ay sa mga kaisahang pulitikal sa Ikatlong Daigdig, na halos lahat ay nakadarama ng isang pangangailangang makabuo ng isang pambansang kultura.

{3.16}
Anuman ang pagkakaiba o pagkakatulad ng Pilipinas sa ibang kabuuang pulitikal, siya'y resulta ng isang natatanging pangkasay-sayang pagsulong . May maituturing siyang "sariling kultura," subalit ito'y nabubuo pa lamang sa loob ng isang lipunang lumitaw mula sa mga magkakamag-anak na grupong etniko bunga ng kanilang karanasan sa loob ng Imperyong Kastila. Ang Pilipino bilang tagapamagitan at tagasaklaw na wika ang pinakamahalagang elemento sa pagkabuong ito ng kulturang Pilipino.

{3.17}
Sa Pilipinas, gaya sa iba pang lugar, mahigpit ang pagkakaugnay ng wika at kultura . Anumang pagpapabaya sa Pilipino ay tiyak na magkakaepekto sa pagtatayo ng isang bansang Pilipino , tungkuling iniatas ng lipunan sa estado sapul pa noong itatag ang Republika ng Malolos . Gayunman, ang kasalukuyang problema ay hindi ang kung mabubuo o hindi ang kulturang Pilipino kundi kung kailan at sa anong ritmo at lawak. Ang buong pagpupunyagi ng lipunang Pilipino ay dapat ibuhos dito at ibinu-buhos nga.


4 Analyse

Gesamter Text
PrädikatPS(P)PS(P) angYPS(P) SYPSYP angSumme

P-V13056 1011243
P-N57100 5619142
P-J3001 16047
P-A/E1300 3016
P-A400 509
Zw.-Summe234157 18120457
ICS--- -13
Gesamt 470

Auswertung Gesamter Text

Erster Teil: Wika at Kultura ("Europa")
PrädikatPS(P)PS(P) angYPS(P) SYPSYP angSumme

P-V4823 510104
P-N2660 38676
P-J1301 10024
P-A/E500 308
P-A100 001
Zw.-Summe9384 1026213
ICS--- -3
Gesamt Erster Teil 216

Zweiter Teil: Wika at Kulturang Pilipino ("Pilipino")
PrädikatPS(P)PS(P) angYPS(P) SYPSYP angSumme

P-V7733 411125
P-N3030 151159
P-J1500 5020
P-A/E500 005
P-A200 305
Zw.-Summe12963 6412214
ICS--- -10
Gesamt Zweiter Teil 224

Auswertung Hauptteile getrennt
Der Aufsatz besteht aus zwei Hauptteilen. Im ersten Teil "Wika at Kultura" wird eine internationale, vorwiegend europäische Betrachtung vorgenommen ("Europa"), während der zweite Teil "Wika at Kulturang Pilipino" von den Philippinen handelt ("Pilipino"). Eine syntaktische Analyse zeigt deutliche Unterschiede. Im Teil Europa ist der westliche Stil {13-5.1} stärker ausgeprägt als im Teil Pilipino.



Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/salazar_1996.html
110227 - 220607

Ende / Wakas   Salazar 1996

↑↑   Werkstatt / Gawaan   Ugnika