Werkstatt / Gawaan
Anak ng Lupa   (• anak)

1 Einleitung / Pambungad
3 Texte / Mga Kasulatan


1 Einleitung / Pambungad

Landicho, Domingo G.: Anak ng Lupa
Quelle / Pinagmulan → {16A-2 Anak ng Lupa}.


3 Texte / Mga Kasulatan

Kabanata 27: Sa Bituka ng Lungsod (pp.245)

{3.11}
Kiling na ang araw sa kanluran nang sapitin ni Oden ang lungsod. Sabi ng babaing nakatabi niya sa bus, bago sila bumaba, lampas ng ala-una ng hapon sa lungsod ang sa nayon ay kiling na sa kanlurang araw. Mula sa harap ng Tanggapan ng Koreo, nilakad ni Oden ang daang patawid sa tulay na nakaarko sa Ilog Pasig, palundo sa matandang Simbahang Quiapo.

{3.12}
Sa kalagitnaan ng tulay, saglit na tumigil si Oden. Nasiglayan niya ang ilang batang tumatalon sa ilog mula sa sementadong pampang, ang iba'y umuukyabit sa gilid ng mga batel na nakadaong, umaakyat sa paglalambitin sa malalaking kable at kapag nakasampa sa ibabaw ng mga sasakyang dagat, sila'y sisirkong pabulusok sa tubig na parang mga ibong nagpapataka sa kanilang pagsalimbay-pagbulusok sa himpapawid.

{3.13}
Sa paanan ng tulay, isang santinakpang nagmamadali ang bumulaga sa kanyang pangmasid, parang mga dagang lungsod na kung saang mga kuweba susuot, lahat ay matulin sa pag-imbay, ang ilan ay halos lumulusot sa pagitan ng mga dyip-pasaheruhan sabay sampa sa estribo ng hulihan.

{3.14}
Sa harap ng simbahan, nakatalungko ang mga nagtitinda ng kandila at mga aklat ng dasal at buhay ng mga santo, katabi ng mga nagtitinda ng iba't ibang ugat at dahong nakasalansan sa tanggaling halayan, pamparegla o pampaligo sa mga bagong panganak. Nakatalungko ang mga bulag, humihingi ng awa sa mga nagsisimba at pag may ipinatak ng singko o diyes sentimos sa maliit na sisidlang lata, ang labi ng bulag ay malakas na magpapasalamat sa nagkawanggawa, pagpalain kayo ng Panginoon sa kaitaasan, na waring ibig makipag-agawan sa pagbabasbas ng grasya sa parang nasa dambana ng simbahan.

{3.15}
May nagpepenitensiyang paluhod sa altar at mahaba ang hilera ng mga humahalik sa nakahigang maitim na Nazarenona nasa loob ng isang higaang bubog at nagunita ni Oden si Ka Tales na ayon sa taga-Makulong ay isang nakahigang tagatubos sa timbon ng mga sakong kinamatayan. Lumabas si Oden sa simbahan at gumala-gala sa lungsod.

{3.16}
Nakita niya ang mga batang may tulak-tulak na maliit na kariton sa harap ng isang palengke, tumitigil sa mga basurahan, naghahalungkat at sinisimot ang mga bagay na hinahanap, gaya ng mga boteng itinapon, mga kartong pinagsidlan ng mga paninda o anumang bagay na maaaring pakinabangan. Nagunita niya ang lumang pugon nina Toryo, ang kanyang paggatong kung tag-iluhan, ang pagbabagaso, ang pag-ilo sa tarapitse, na pinagkikitaan din, kawaksi ng kanyang ama sa pamumugon.

{3.17}
Hindi na mahapdi ang tumingin-tingin, parang siya'y nakakadama ng pagkapagod at pagkauhaw, na sa Makulong ay iniibsan ng isang tubong papangusin o mga manibalang na bayabas na maaaring pitasin sa tabihan. Pumasok si Oden sa loob ng isang maliit na restawran, umorder ng pandesal na may palamang karnenorte at sa isang bote ng malamig na inumin, ang uhaw na dulot ng mainit na sinapupunan ng lungsod ay bahagyang nabawasan. Naisip ni Oden, dahil Biyernes, maaaring gabihin si Toryo ug uwi mula sa'pamantasan, kaya dapat palipasin ang oras sa labas habang naghihintay.

{3.18}
Pagdatal ng dilim, tutuloy na siya sa tirahan ni Toryo. Alam niya ang paliku-likong lagusan patungo roon. Umuukupa si Toryo ng isang maliit na kuwarto na halos kasya lamang ang katawan sa isang paupahang lumang apartment. Sa kuwarto ni Toryo'y pumapasok lamang ang simoy sa isang maliit na bintana na sa umaga'y katapat ng sikatan ng araw.

{3.19}
Ang totoo, sa wari ni Oden, ang maliit na kuwarto'y bahagi ng isang malaking kuwartong pinagparti-partisyon ng mga tablang dingding para makalikha ng maliliit na paupahang kuwarto sa mga mag-aaral o estudyante na maaaring magsolo o may kasama na gagamit ng dalawang pinagpatong na bakal na katre.Sa pinakakomedor, may isang malaking mesa na para sa lahat at ang bawat umuupa'y may kanya-kanyang lutuan o naghahati-hati sa isang lutuang de gas.

{3.20}
Naisip ni Oden na kakain na lamang siya sa labas habang may liwanag pa at tutuloy na sa lugal ni Toryo pagsapit ng dilim. Tutugpain niya ang makipot na daang mamamaybay sa esterong makutim ang tubig, halos hindi umaagos, na nagiging imburnal ng burak ng mga naninirahan.

{3.21}
Kung gabi, masasamyo ang masangsang na amoy ng estero na pinamumugaran ng mga lamok at ipis at may mga lihim na lunggang kinukublihan ng mga dagang lungsod na pagkagat ng dilim ay sasalakay sa mga tahanan na pawang masasamang espiritu. Pamuling tumayo si Oden at sinimulang maglakad-lakad sa pagdadapithapon. Ang mga tao'y nagmamadali pa rin, may mga kung anu-anong bitbit na iuuwi kaipala, piling ng saging o nakasupot na gulayin.

{3.22}
Sa Makulong, ang buong parang ay isang walang-bayad na gulayan, nahihingi ang anumang tanim na pagkain at sinumang makapagbibigay ay hindi magkakait pagkat ang hihingi ngayon ay magbibigay sa ibang panahon. Sa lungsod, ang bawat biyaya ng buhay ay may katumbas na salapi kaya't ang tao'y halos sumasamba sa kalansing ng pera.

{3.23}
Pagkupas ng silab ng araw, pumu-puwesto na ang mga nagtitinda sa kalsada at halos ang kailangan ng buhay ay inihahain ng mga lansangan, panggupit na gunting, panghinunuko, panghintutuli, pambunot buhok sa kili-kili, maliliit na salamin, mumurahing pitaka, suklay, tsinelas, kamiseta, kursinsilyong pangmatanda at brief ng mga kasibulan, mumurahing pampagandang mekap, losyon, papula at iba pa. Sa ilang lugal, itinatayo ang mga kubol na binubungan ng tolda at sa balisbisan nito'y magkakaroon ng biglaang kainan, kompleto sa tanggaling bangkito para sa mga kakain.

{3.24}
Umupo si Oden sa harap ng isang kainan at umorder. Dapithapon na sa lungsod at pagkagat ng gabi, dadako na siya sa tirahan ni Toryo. Marami na ring kumakain, karaniwa'y mga lalaki na kaipala'y patungo sa kanilang mga trabahong panggabi. Hindi maiwasang sumalimbay sa gunita ni Oden ang mga tanawin ng gamasan at mga paararo na ang mga magsasaka'y kumakain sa tabi ng linang na halos dulo lamang ng galamay ang nahuhugasan.

{3.25}
Lutong bukid na isang gayat na bangos na ginisa at gulay na balatong na may sahog na dahon ng ampalaya ang kanyang hinapunan sa tabing kalsada, at sa isip-isip ni Oden, makakaraos na ang kanyang bituka sa buong magdamag. Tumayo na siya at binagtas ang daan sa inaakala niyang hindi naman kalayuang tirahan ni Toryo mula sa sinapupunan ng lungsod. Dumarami na ang mga dyip sa isang kalye at nagsasanib ang paglabas ng mga empleyadong pauwi s kani-kanilang tahanan gayundin ang mga estudyanteng nakatapos na ng pagkaklase.

{3.26}
Sa isang kaliwang kalye, pito nang pito ang matabang pulis, batas na nauunawaan ng mga makinang humuhugong at mga tambutsong umuusok. Lumalatag na ang dilim at sumindi na ang ilaw dagitab. Mangilan-ngilan lamang ang mga ilaw sa poste at ang kakulangan ng sapat na liwanag ay nagbibihis ng kabughawan sa kaluluwa ng lungsod. Tinugpa ni Oden ang kalye na may mahabang estero. Nakikita niya ang likod ng isang unibersidad na ngayon ay naliligo sa ilaw ng mga silid-aralan.

{3.27}
Iniisip ni Oden, baka si Toryo'y umuwi na, baka hindi nagklase nang araw na iyon, baka nasa kanya nang tirahan, baka naghihintay sa kanyang hindi naman kailanman aasahang pagluwas. Kinapa ni Oden ang singsing na ibinigay ni Bining na iningatan niya sa kanyang bulsa. Sabi'y maraming mandurukot sa lungsod at kailangang ang singsing na isasauli ay hindi mapasakamay ng isang hudas-Maynila. Nasa harapan na siya ng tirahan ni Toryo.

{3.28}
Bukas ang pinto at kaagad siyang nasiglayan ng may-ari pagpasok pa lamang niya sa makipot na harapan. "Ikaw 'yong kaibigan ni Vic?" sabi ng may-ari. "Ako nga po," amin ni Oden. "Minsan ka nang naisama niya rito," ulit ng babaing may-ari na parang naniniyak. "Narito na po ba siya?" "Di pa siya dumating," tugon ng babae. "Gabi na minsan kung siya'y umuwi." "Hihintayin ko po siya."

{3.29}
"Kung gusto mo, sa kuwarto na lang niya ikaw mag-hintay," mungkahi ng babae. "Baka siya'y matagalan." "Do'n na po ako maghihintay sa makalabas," sabi ni Oden. "Dadaan po do'n si Toryo pag dumating." "Toryo pala siya sa probinsiya," sambitla ng may-ari na waring natutuwa. "Toryo po siya sa amin," pagtutuwid ni Oden.

{3.30}
Lumabas na si Oden. Dumako siya sa halos kalagitnaan ng mahabang estero na nasa likod ng unibersidad. Hang saglit siyang tumayo, paharap sa pamantasan. Ang mga nagyayao't dito sa iba't ibang palapag ay mga nagsali-saliwang anino sa saboy ng liwanag. A, ilang buwan na lamang, kapag siya'y makakapasa sa PMA, hahantong din siya sa unibersidad, magiging bahagi rin ng pangarap para sa isang pagkakataon ng pag-unlad.

{3.31}
Nagunita niya ang kanyang ama at ang kanyang kapatid na si Ligaya, nakapugal sa buhay sa Makulong pero iniisip ang kanyang paglaya sa buhay na itinatak ng katadhanaan ng nayon. Kagaya ni Toryo, sasakay siya sa bagwis ng pangarap, magiging isa sa mga anino na sumasalimbay at nakikipaglaro sa isang magandang liwanag, kagaya ng tanawing walang sawa niyang minamasdan. Umupo si Oden kinamayan-mayan sa mahabang tabihan ng estero, silbing pader at pahingahan.

{3.32}
May ilan na ring nakaupo roon, nagpapahingang matatanda at nag-uulayaw na mga kabataan. Parang bumilis ang tibok ng kanyang puso nang masiglayan niya ang mga magka-alakbay na nag-uusap pero kaagad niyang inalis sa isip ang anumang nadarama. Itinutok niya ang mga mata sa estero, may burak na nakaimbak sa sinapupunan ng tubig. May bahagyang daloy ng agos, bahagyang-bahagya na hindi halos mapapansin kung hindi nakatutok doon ang malay

{3.33}
Umuusad ang mga nakalutang na burak, mga dumi ng lungsod, plastik, ...



Die filipinische Sprache von Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/anak_lupa.html
071111 - 220609

Ende / Wakas   Anak ng Lupa

↑↑   Werkstatt / Gawaan   Ugnika