1 Einleitung / Pambungad
3 Texte / Mga Kasulatan
Almena, Omer Oscar B.: Angela
Quelle / Pinagmulan → {16A-2 Angela}.
{3.31}
Madalas kong makita ang batang iyon tuwing umaga at hapon. Dumadaan siya sa harap
ng pinaglilingkuran kong restoran sa Intramuros, Maynila. Laging nagmamadali. Parang
hinahabol ang mga hakbang kung naglalakad.
Hindi ko siya kilala. Lalong hindi ko alam
kung saan siya nakatira. Ang alam ko lang, nanggagaling siya sa likod ng Manila
Cathedral. Sa likod ng Manila Cathedral din siya bumabalik pagdating ng hapon.
{3.32}
Nasa harap ng naturang simbahan ang pinagtatrabahuhan kong restoran bilang
katiwala. Kaya hindi makaligtas sa paningin ko ang batang iyon tuwing umaga at bago
kumagat ang dilim. Nanghihingi siya ng pagkain. Hindi ko alam kung kanino niya ito
ibinibigay. Lagi siyang may bitbit na plastik na supot. Dito nakalagay ang mga
tirang pagkain na nahihingi niya.
{3.33}
Sa tantiya ko, walo hanggang sampung taong gulang ang batang iyon. Hindi ko
pa nakitang nagpalit ng damit. Gula-gulanit ang suot na t-shirt na kulay kalawang
na. Marungis at mabaho kaya pinandidirihan ng sinumang taong nakakasalubong niya.
Mukha siyang Bombay. Malalim ang maiitim na mata. Manipis ang mga labi at kulot
ang buhok. Hindi rin magkapaa ang suot niyang tsinelas. Malikot ang mga mata tuwing
naglalakad. Para bang may kinatatakutan.
{3.34}
Tuwing dumaraan, inilalahad agad niya sa akin ang kanyang kanang palad.
Nauunawaan ko iyon. Nanghihingi siya ng pagkain. Kung wala ang amo kong si Nanay
Carmen, ipinagbabalot ko siya ng bahaw at tira-tirang ulam ng mga kustomer. Agad niya
itong ilalagay sa loob ng bitbit niyang supot.
{3.35}
Hindi ko alam kung bakit naging malapit ang damdamin ko sa batang iyon. Hindi
ko naman siya kaanu-ano. Kung wala siya, hinahanap ko. Kung naroroon naman, itinataboy
ni Nanay Carmen. Marahil, naaawa lang ako sa kanya sapagkat hindi siya namimilit kung
nanghihingi ng pagkain. Isa pa, lagi siyang nagpapasalamat kung may tinatanggap mula
sa akin.
{3.36}
Ginagawa ko lamang ito kung wala si Nanay Carmen. Paano, masungit ang matandang
biyuda. Galit sa mga pulubi at palaboy. Naninigaw at nang-aalipusta. At ang
kabilin-bilinan niya sa akin bago umalis para magpahinga sa kanilang bahay: "Huwag na
huwag kang magbibigay sa mga pulubi. Huwag kahit tutong o tirang pagkain ng mga
kustomer. Mamimihasa lang ang mga 'yan!"
{3.37}
Ngunit hindi ko iniintindi ang biling iyon ni Nanay Carmen. Katuwiran ko, kung
mabubulok lang ang pagkain at hindi mapapakinabangan, mabuti pang ipamigay. Isa pa, tira
naman ng mga kustomer at malinis pa.
{3.38}
Hindi pa ako nahuhuli ni Nanay Carmen kahit minsan. Naging maingat ako. Sa akin
lang siya mabait. Hindi sa mga kasama ko. Ewan ko kung bakit. Marahil, maganda akong
makisama sa kanya bilang katiwala.
{3.39}
Isang hapon, hindi umuwi sa kanilang bahay sa Tondo para magpahinga si Nanay
Carmen. Sa loob ng restoran siya nagpahinga. Kaya napansin niya ang batang iyon
nang manghingi sa akin ng tirang pagkain.
{3.40}
Nakalahad na ang kanang kamay ng bata nang makita ito ni Nanay Carmen. Nilapitan
siya ng nakapamaywang na matanda at pinagsabihan, "Hoy! Umalis ka riyan at baka ilublob
kita sa putik. Umalis ka riyan at ang bahu-baho mo!"
{3.41}
Umalis ang kawawang bata. Isang malungkot at makahulugang sulyap ang kanyang
iniwan sa akin habang papalayo. Para bang sinasabing, "Mabuti pa kayo, nagbibigay sa
akin ng pagkain."
{3.42}
Magmula noon, may ilang araw na hindi ko siya nakita. Labis akong nag-alala. Sa
isip ko, baka may masamang nangyari sa kanya, o nagkasakit kaya. Minsan, nagulat na
lamang ako isang hapon nang magkaroon ng sandaling gulo malapit sa restoran namin. May
batang babaing hinabol ang mga nagtitinda sa bangketa. May sumisigaw ng "Magnanakaw!
Magnanakaw!"
{3.43}
Sinundan ko ng tingin ang mga humahabol. Isang batang babae ang nakita ko sa
unahan. May bitbit na supot at maturing tumatakbo patungo sa likod ng Manila Cathedral.
"Kung siya 'yon bakit siya magnanakaw pa?" naitanong ko sa sarili, "Binibigyan ko naman
siya ng pagkain."
{3.44}
Nakihalubilo ako sa mga sidewalk vendors. Inalam ko kung ano ang tunay na
pangyayari. Nagtanong ako sa kanila. "Naku po, Sir, siya 'yong batang gusgusin at laging
idinadahilan na may sakit ang nanay niya para makapanghingi lamang sa amin ng pagkain," sabi
ng isang tindera ng mga kakanin.
{3.45}
"Nabuwisit na kami. Binibigyan na namin ng pagkain, humihingi pa ng pera para
ipambili raw ng gamot ng nanay niya. Nang hindi namin bigyan, dinampot ang mga barya at
itinakbo," sabi naman ng isa pang sidewalk vendor.
{3.46}
Isang tanghali, makalipas ang dalawang linggo, parang kabuteng sumulpot sa
harapan ko ang batang iyon. Labis kong ikinamangha ang kanyang naging anyo. Pumayat
siya. Lumalim ang mga mata at tila walang tulog. Namumutla ang mga labi at nanginginig
sa gutom. Nagkataong wala noon si Nanay Carmen kaya malaya akong nakalapit sa kanya.
{3.47}
Nang makaharap ko siya sa malapitan, may kung anong bagay ang pumitlag sa
dibdib ko. May kamukha siyang tao. Hindi ko lang matandaan kung sino.
"Bakit matagal kang nawala, Ineng?" tanong ko sa bata. "Nagkasakit po si Nanay. Hindi
ko na po siya maiwan," sagot niya.
{3.48}
Marami pa sana akong itatanong, ngunit umalis agad ito nang maiabot ko sa kanya
ang tirang ulam at kanin na tinipon ko. Nang mawala sa paningin ko ang batang iyon,
maraming larawan ang naglaro sa utak ko. Mga larawang hindi ko maisip kung saan ko
unang nasilayan.
{3.49}
Umaga na kinabukasan nang muling sumulpot ang batang iyon. Salamat at wala pa
rin sa restoran si Nanay Carmen. Hindi ko agad ibinigay sa kanya ang inihanda kong
tirang kanin at ulam. Kaya nakausap ko siya at nasagot ang mga tanong ko. Ngunit
nakalimutan kong alamin ang kanyang pangalan.
{3.50}
Palibhasa'y wala si Nanay Carmen at naroon ang dalawa niyang anak na dalaga,
nagawa kong magpaalam sandali. Pinuntahan ko ang lugar na sinabi ng bata na tirahan
nilang mag-ina - isang abandonadong gusali sa likod ng punong tanggapan ng Commission
on Elections (Comelec) sa Intramuros. Pinuntahan ko ang lugar na iyon. Hindi ko alam
kung ano ang nagtulak sa akin para magtungo roon.
{3.51}
Gayunman, nanlumo ako. Hindi ko natagpuan ang lugar na sinabi sa akin ng batang
iyon. Marami ang abandonadong gusali sa likod ng Comelec. Bumalik na lamang ako sa
restoran makalipas ang isang oras. Naroon na si Nanay Carmen. Sa kuwento sa akin ng
batang iyon, iniwan silang mag-ina ng kanyang ama habang ipinagbubuntis siya. Ayaw ng
ina ng kanyang ama na maging asawa ang nanay niya. Kaya ipinakasal ito sa ibang babae.
{3.52}
Nalaman ko rin sa kuwento ng batang iyon na may lahing Bombay ang kanyang ama at
tapos ng kursong pamamahayag sa Lyceum of the Philippines University. Nang
makapag-asawa ng iba, nagbakasyon ito sa India, ang bansa ng ina ng kanyang ama.
Nang magbalik sa Pilipinas, lumipat naman ng tirahan ang mag-asawa sa utos ng ina.
{3.53}
Ako ang bantay ng restoran sa gabi. Kaya sa loob nito ako natutulog. Ito na rin
ang naging pansamantala kong tahanan. Dahil walang ginagawa pagsapit ng gabi, naisipan
ko minsan na balikan ang lugar na sinabi sa akin ng batang iyon. Nang magsara ang
restoran, pinuntahan ko ang gusaling sinabi sa akin ng bata. Bawat gusaling pinuntahan
ko, pinakiramdaman ko kung may maririnig akong tinig at
kalabog.
{3.54}
Palipat-lipat ako. Hindi nagtagal, may narinig akong sigaw ng isang bata.
Umiiyak. Humahagulhol. Nagmamakaawang huwag siyang iwan. Hinanap ko ang pinagmumulan ng
tinig na iyon hanggang sa ipadpad ang mga paa ko sa isang gusali sa tabi ng Catholic
Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na halos nasa likod lamang ng Manila
Cathedral.
{3.55}
"Inay! Inay! Huwag po ninyo akong iwan! Maawa po kayo sa akin!" narinig ko ang
tinig na nagmumula sa loob ng gusaling iyon. Humakbang ako papalapit sa gusaling
pinagmumulan ng tinig. Dahan-dahang sumilip sa isang butas. Nagulat ako. Ang batang
iyon ang nakita ko! Yakap-yakap ang isang babaing may sakit. Nakahiga sa sementadong
sahig na may sapin na karton. Payat na payat na ito at inuubo. Sa tantiya ko, may sakit
siya sa baga.
{3.56}
Hindi ko agad pinasok ang gusaling iyon. Pinakinggan ko muna ang ipinagbibilin
ng ina sa batang iyon. "Kung sakaling mawala ako, anak, hanapin mo ang iyong ama.
Naririto lamang siya sa Maynila. Ang pangalan niya.. .Fer.. .nan... do... Khan!"
{3.57}
Para akong kandilang itinulos sa kinatatayuan ko nang marinig ang pangalang
Fernando Khan. Parang binuhusan ng malamig na tubig ang buo kong katawan. Si Angela
ang batang iyon. Ang batang inanak ko sa binyag. At si Melody ang babaing iyon, ang
schoolmate namin ni Fernando sa kolehiyo at ina ni Angela. Unti-unti akong ibinalik
sa isang nakaraan.
{3.58}
Magkaklase kami ni Fernando sa kolehiyo. Parehong kurso ang pinag-aralan namin.
Ngunit tumigil ako sa pag-aaral. Isang taon lamang ang tinapos ko dahil sa kakapusan
ng maiiutustos. Gayunman, patuloy kaming nagkikita ni Fernando hanggang sa makatapos
siya ng pag-aaral.
{3.59}
Nang tumigil sa pag-aaral, naging katiwala naman ako sa restoran ni Nanay
Carmen. Dahil may asawa na ako, sa pamilya ko na lamang sa Davao ipinapadala ang kaunti
kong kinikita. Hindi ko na binalak pang mag-aral uli. Isang gabi, dinalaw ako nina
Fernando at Melody sa restorang pinaglilingkuran ko. Kapwa sila masaya.
{3.60}
"Pare," sabi sa akin ni Fernando, "tatlong buwan nang buntis si Melody.
Kabilang ka sa mga napipisil namin na maging kumpare." "Iyan ang totoo, Edwin," patianod
ni Melody. "Katunayan, ikaw ang kauna-unahan naming nilapitan. Sabi kasi ni Feman, ikaw
ang major sponsor sa binyag ng panganay namin."
{3.61}
Labis kong ikinatuwa iyon. Para sa akin, isang malaking karangalan ang maging
ninong ng anak nila. Parehong may sinasabi ang mga pamilya nina Fernando at Melody.
Indian ambassador to the Philippines ang ama ni Fernando, samantalang anak naman ng
isang kilalang major stock holder ng bangko sa Maynila si
Melody
{3.62}
Sa isang condominium unit sa Ermita itinira ni Fernando si Melody. Hindi pa alam
ng nakararami na palihim silang nagsasama sa iisang bubong bilang mag-asawa. Lalong
walang nakaaalam na may dinadala na sa kanyang sinapupunan si Melody. Ako lamang ang
tanging nakababatid.
{3.63}
Madalas akong anyayahan ni Fernando sa kanilang condo unit. Kung nasa kanilang
bahay sa Makati si Melody, malaya kaming nag-iinuman at nagkukuwentuhan. Minsan,
naipagtapat sa akin ni Fernando ang matindi niyang suliranin sa buhay. "Pare, kung may
hahadlang sa pag-iibigan namin ni Melody, ano kaya ang mangyayari sa buhay namin. Sa
tingin ko kasi, tututol ang ermat ko. May ibang babae siyang napipisil para sa akin na
hindi ko naman gusto," may lungkot sa tinig ni Fernan.
{3.64}
"Ipaglaban mo, Fernan," sabi ko. "Tutal naman ... pareho kayong may kaya sa
buhay ni Melody. Hanapin ninyo ang lugar na para lamang sa inyo." "Dala na ni Melody sa
kanyang sinapupunan ang bunga ng aming pagmamahalan. Natatakot akong matuklasan ito ng
aking mga magulang."
{3.65}
Nasakyan ko ang ibig sabihin ni Fernando. Sa sandaling malaman ng kanyang ina na
may babae na sa buhay niya at nagdadalantao pa, pipilitin siyang makasal sa babaing
hindi niya iniibig. May dalawang taong naikubli nina Fernando at Melody ang kanilang
relasyon. Nang makapagsilang sa isang tagong pagamutan, agad na pinabinyagan ng dalawa
ang kanilang supling. Isa ako sa mga naging ninong ni Angela.
{3.66}
Ngunit biglang nahalinhinan ng labis na panlulumo ang pananabik ko na
magkatuluyan sina Fernando at Melody. Nabalitaan ko na lamang na lumayo sa poder
ng kanyang mga magulang si Melody nang matuklasang isa itong dalagang ina. Bukod pa
rito ang pagtanggi sa kanya ng ina ni Fernando.
{3.67}
Magmula noon, wala na akong narinig tungkol kay Melody. Ang alam ko lamang,
tuluyan na itong nagtago sa publiko dahil sa labis na kahihiyan. Nabalitaan ko namang
napilitang magpakasal sa isang babaing Bombay si Fernando at nagtungo sa bansa ng
kanyang ama upang matakasan ang kasawian sa pag-ibig kay Melody.
{3.68}
Isang araw ginulat ako ni Fernando. Bigla siyang dumalaw sa pinaglilingkuran
kong restoran. Malungkot siya. Tila saklot ng isang mabigat na suliranin.
Habang nagkakape, binuksan niya sa akin ang kanyang dibdib. Binalikan ang nakaraan at
hinanap sa akin ang kasagutan sa maraming bagay na gumugulo sa kanyang isipan.
Kararating lamang niya noon mula sa India. May pitong taon din kaming hindi nagkita mula
nang ikasal siya sa ibang babae.
{3.69}
"Saan ko kaya sila matatagpuan, pare?" pambungad niyang tanong. Napalunok ako.
Matagal kong sinagot ang tanong niya. "Akala ko ... may ugnayan pa rin kayo hanggang
ngayon." "Wala na, pare, mula nangb sapilitan akong ipakasal sa ibang babae."
"Bakit hindi mo ipinaglaban si Melody kung siya talaga ang mahal mo?" "Naging duwag lang
siguro ako. Natakot na maalisan ng mana mula kay mama."
{3.70}
"May pagkakataon pa para baguhin ang takbo ng buhay mo, pare," sabi ko. "Kaya mo
ito kahit nag-iisa ka." "Binabagabag ako ng sariling konsensiya, pare. Siguro, malaki na
ang anak namin. May pananagutan ako sa kanila. Nasaan na kaya sila ngayon?" Mahinang
iling lamang ang naging tugon ko. Kung alam ko lang, matagal ko nang itinuro ang
kinaroroonan ng kanyang mag-ina.
{3.71}
"Tulungan mo naman ako, pare," patuloy niya. "Nais kong makabawi sa mag-ina ko.
Hindi ako nagkaanak sa asawa ko kaya naghiwalay kami. Kaya naghiwalay kami dahil hindi
siya ang itinitibok ng aking puso." "Hindi ko rin alam, pare, kung nasaan sila," sagot
ko. "Hayaan mo, tutulungan kita sa paghahanap sa kanila."
{3.72}
Mula sa araw na iyon, naging madalas ang pagdalaw sa akin ni Fernando. Dalawa
hanggang tatlong beses sa loob ng isang linggo. Minsan, nag-iinuman kami sa gabi sa mga
paborito niyang bahay-aliwan. Ngunit hanggang doon lamang. Walang babae. Ayaw niyang
maging taksil. Para sa kanya, si Melody lamang ang babae sa buhay niya. Ngunit saan
namin siya hahanapin?
{3.73}
Minsan, nakipag-ugnayan kami sa bangko ng mga magulang ni Melody. Ngunit walang
sinuman sa mga kawani ang nagsalita. Pawang tikom ang kanilang bibig pagdating kay
Melody. Naisip ko, sadyang ikinubli sa publiko ng kanyang mga magulang ang tunay
niyang sinapit.
{3.74}
"Hindi ko na alam, pare, kung ano ang gagawin ko," malungkot na ipinagtapat sa
akin ni Fernando isang araw nang muli niya akong dalawin. "Minsan tuloy, naiisip kong
itigil na lang ang paghahanap sa aking mag-ina. Nagtatago kaya sila o sadyang itinago
sa akin?"
{3.75}
Nahabag ako sa tinuran ni Fernando. Parang isinusuko na niya ang lahat. Parang
nawawalan na siya ng pag-asa na matagpuan niya balang araw ang kanyang mag-ina. Lalo
kong pinalakas ang kanyang loob. At naisip ko, baka ang batang iyon ang kasagutan ng
kanyang mga hinanakit sa buhay.
{3.76}
Biglang naputol ang daloy ng gunita nang marinig ko ang sigaw na nagmumula sa
loob ng abandonadong gusaling iyon. Tila naalimpungatan ako sa sigaw at iyak ni Angela.
Nakikiusap. Nagsusumamo. "Inay! Inay!" tinig ni Angela. "Hahanapin ko po si Itay!
Sasabihin ko po sa kanya na ipagamot kayo! Huwag po ninyo akong iwan, Inay! Maawa po
kayo sa akin! Huwag po ninyo akong iwan!"
{3.77}
Nagdumali akong pumasok sa gusaling iyon. Mariin ang mga hakbang ko. Nanginginig
ang buong katawan ko. Pakiwari ko'y nakalutang ako sa hangin. Si Melody ang unang
nakapansin sa akin. Tila sumigla at lumakas ang kanyang katawan nang masilayan ako.
Tumahan naman sa kanyang paghikbi si Angela. Tinitigan ako sa mukha. Nagtataka kung
bakit nasa loob ako ng abandonadong gusaling iyon.
{3.78}
Umupo ako sa semento sa tabi ni Melody. Ginagap ko ang kanyang mga kamay.
Malamig. "Ed.. .win.. .ikaw ba 'yan?" tanong niya na may halong pananabik. "Ikaw ba ...
talaga 'yan ... ha ... Edwin?" Tumango ako. "Ako nga, Melody, ang ninong ni Angela,"
sabi ko.
{3.79}
"Tulungan mo kami ng anak ko, Edwin. Iniwan siya sa akin ni Fernando!"
pakiusap ni Melody, kasabay ang pagpatak ng kanyang mga luha. Tumugon ako nang may
ngiti sa labi. Isang lihim na kasiyahan ang aking naramdaman sapagkat nakatitiyak
akong simula sa gabing iyon, may pag-asang naghihintay sa
mag-ina.
Die filipinische Sprache von
Armin Möller http://www.germanlipa.de/text/angela.html 091221 - 220724 |