Werkstatt / Gawaan
Suyuan   (• suyo, • suyuan)

1 Einleitung
3 Originaltext
4 Einzeldaten Taglish


1 Einleitung / Pambungad

Quelle: Estelito Baylon: Suyuan sa Bisikleta
LIWAYWAY, 27 Hunyo 2005

Si Ginoong E. Baylon ay kasalukuyang naninirahan sa # 36 Marupit St. Camaligan, Camarines Sur. Siya ay editor sa isang local na magasin sa Bikol at nakapaglathala na rin ng mga tula at maikling kuwento sa iba't ibang pribadong publikasyon sa Bikol.


3 Texte / Mga Kasulatan

{3.21}
"Hayaan mo naman akong makita siya kahit sa huling sandali" mahinahong sabi ni Joe Carter kay Dr. Rodrigo Tible, anak ng namatay na si Nimfa na isang retiradong guro sa elementarya ng Marupit. Dire-diretso sa labi ni Nimfa, hindi na nag-alangan pa si Joe kahit alam niyang pawang mga guro at kapwa mga doktor ang nakikiramay nang gabing 'yon. "Dinala ko na rin ang mga sulat at magasin na simula nang pinagbawalan mo kaming magkita't magkausap, hindi ko na naihatid pa sa bahay nyo," dagdag ni Joe sabay lapag nito sa pulang carpet ng sahig. "Sayang, ni hindi niya nakita at nabasa ang kanyang mga sinulat."

{3.22}
Wala pa ring imik ang doktor na nakaupo lamang sa tabi ng ataol, katabi ang kapatid niyang si Diana na napatigil sa pag-aayos ng mga nagdatingang korona mula sa mga pinsan at dating katrabaho ng kanyang ina. Napatitig din siya kay Joe. Maya-maya, walang kurap na tinitigan nina Rod at Diana ang maraming sobreng nasa ibabaw ng mga magasing inilapag ni Joe.

{3.23}
Mukhang luma na ang iba ngunit ganoon ang mga kulay ng sobre at magasin na parati niyang nakikita sa kanilang bahay noon. Pinagmasdan ni Joe ang mukha ng dating sinisinta. Nangayayat masyado si Nimfa ngunit parang walang pinagbago ang mukha nito mula nang huli silang magkita. Kaaya-aya pa rin ang hugis ng ilong at bibig na parati niya noong tinititigan tawing nag-uusap sila.

{3.24}
Bagay na bagay pa rin ito sa humipyas na pisngi at medyo namumuti-muting buhok. Ngunit sa kagandahang ito, nababasa pa rin niya ang lungkot sa mukha ni Nimfa. Para sa kanya, hindi totoo ang bali-balitang parang nakahiga at natutulog lamang si Nimfa sa kanyang ataol. Nakikita ni Joe sa mukha ang halong hinanakit at paghihinagpis bago ito nalagutan ng hininga.

{3.25}
Napabuntong hininga si Joe. Nais niyang humagulgol, nais niyang yakapin si Nimfa ngunit paninigas lamang ng kanyang braso't kamao ang puwede niyang magawa. Ayaw niyang lumikha ng ingay. Ang pagpunta niya sa lamay ay isa nang malaking kuwentong pag-uusapan ng mga mga taong nakakakilala't di nakakakilala sa kanya. At hindi siya nagkamali.

{3.26}
Naririnig niya sa kanyang likuran ang mga higing ng kuwentuhan ng mga nakikiramay. "'Yan si Joe Carter. Siya 'yong kinagiliwan ni Nimfa noon. Kaya nga dinala sa Maynila ni Dr. Rod si Nimfa dahil sa kanya, eh." "Ah, siya ba? Matanda na rin pala.

{3.27}
" "Oo nga! 'Yun nga ang ikinainis ng mga anak ni Nimfa dahil kung mag-displey daw ang dalawang 'yan sa plaza noon ay parang mga tinedyer." "Shhhh... Baka marinig tayo. Mamaya niyan ay multuhin tayo ni Nimfa." Nanigas lalo ang mga kamao ni Joe sa mga naririnig. Nanggigigil siya habang pinipigil ang luhang namimilog sa kanyang mga mata.

{3.28}
Oo. Naaalala niya ang mga sandaling iyon. Masayang-masaya sila noon ni Nimfa habang iniikut-ikot nila ang plaza. Sakay niya si Nimfa sa kanyang bisekletang ginagamit niya sa paghatid ng mga sulat. Isang kartero si Joe sa bayan ng Camaligan sa Camarines Sur.

{3.29}
Jose Antonio Braganza ang kanyang tunay na pangalan ngunit nabansagang Joe Carter dahil sa pangalan niyang Jose at sa trabaho niya bilang kartero. Sesenta y kwatro anyos na si Joe at namatay ang kanyang asawa nang siya'y kwarenta pa lang. Iisa lang ang kanilang anak - si Fernando, na hindi nakapagtapos ng pagmamarinero dahil sa kalokohan na rin sa pag-aaral at sa babae nito.

{3.30}
Nakilala ni Joe si Nimfa noong dekada '90. Kasagsagan ng pagiging manunulat ng guro. Mahilig magsulat ng maikling kuwento at mga tula si Nimfa. Kaya naman, malimit itong bumisita sa Post Office noon upang itanong kay Joe kung dumating na ang mga magasin at kung saan lumabas ang kanyang mga tula at kuwento.

{3.31}
Nakahiligan na ni Nimfa ang magsulat simula nang mamatay ang asawa nito noong 1987 dahil sa isang aksidente. Kaya mag-isang itinaguyod ni Nimfa ang pagdodoktor ng anak niyang si Rod at pagna-nurse na bunso niyang si Diana. Mabuti na lamang at nagpadala ng pangtustos para sa pag-aaral ng dalawa niyang anak ang kapatid niyang nasa Canada kaya 'di siya gaanong nahirapan sa gastusin.

{3.32}
Malimit na nag-uusap sina Joe at Nimfa noon. Palatanong kasi si Joe at si Nimfa nama'y naghahanap nang makakausap ukol sa kanyang mga sinusulat. Hindi naglaon, naging magaan ang kanilang pag-uusap at halos araw-araw na nga silang nagkikita. Dumating sila sa puntong pareho silang nagsasabi na mahal nila ang bawat isa.

{3.33}
Napatingin si Joe sa orasan. Mag-aalasdos na pala ng gabi. "Hindi na ako magtatagal", sabi ni Joe kay Rod. "Sandali lang,..." pigil ni Rod sabay kibit-balikat kay Joe. "Baka naman puwedeng mag-usap muna tayo kahit sandali. Halika, doon tayo sa labas." Napakagaan at tila hindi sumasayad sa lupa nang ihakbang ni Joe ang mga paa para lumabas.

{3.34}
Dire-diretso pa rin siya at hindi bumaling ng tingin sa mga dinadaanan. Sumunod naman si Rod. Bago sila makalabas ng gate ay inakbayan ni Rod si Joe. "Ahm... nais ko sanang humingi ng paumanhin sa mga nagawa ko sa'yo noon", parang nahihiyang sabi ni Rod. "Naku, wala 'yon", nag-alangang sagot rin ni Joe. "Pasensiya ka na. Siguro naman, naintindihan ninyo kami ni Diana", marahang sabi ni Rod habang tinatapik-tapik nito ang balikat ni Joe.

{3.35}
"Walang problema sa akin 'yon," nag-aalangang sagot pa rin ni Joe. "Natural naman siguro sa mga anak na protektahan ang kanilang mga magulang," parang wala sa sariling paliwanag ni Rod. Hindi umimik si Joe. "Nais namin ni Dianang tanggapin ninyo ang aming pagpapaumanhin," sabi ni Rod at binaba nito ang pagkakaakbay. "Walang problema. Nais ko rin naman ipaabot sa inyo na minahal ko ang inyong Mama ng buong-buo." Hindi nakaimik si Rod.

{3.36}
"Ang bawat sulat at magasin na natanggap ko sa opisina'y isang makirot na sugat sa aking puso. Kung gaano karami ang mga iyon, ganuon na kalalim ang sugat sa aking dibdib," halos maluha-luhang sabi ni Joe. "Pasensya na," sabi ni Rod at napasinghot ito dahil, nais tumulo ng kanyang sipon at luha.

{3.37}
"Salamat sa pagbigay ng oras sa akin para makita ko ang inyong Mama. Nakikiramay ako sa pagdadalamhati," sabi ni Joe. "Salamat din. Siyanga pala, puwede ka namang tumagal-tagal pa o kaya nama'y bumalik bukas. Saka puwede ka rin namang makilibing," sabi ni Rod na may tunog ng paniniguro. "Huwag na. Baka kung ano pa ang sabihin ng mga tao. Uuwi na ako," sagot ni Joe at tumalikod na ito.

{3.38}
Lumabas na ng gate si Joe. Hindi man lang ito napigilan pang muli ni Rod o napasalamatan. Parang nanlamig siya at hindi maintindihan ang nararamdaman. Naisip niya sa mga sandaling iyon, marahil nga, tama ang mga sabi-sabi ng mga tao. Kung di na sana nila pinakialam ang pag-iibigan ng kanilang ina at ng kartero, marahil buhay pa ito.

{3.39}
Parang 'di niya matanggap ang sabi ng ibang doktor at ayaw niyang paniwalaan kahit doktor din siya na sobrang depresyon ang sanhi ng sakit ng kanyang ina. Paano nga naman, nag-alsa-balutan siya at isinama ang ina matapos niyang masagap ang balitang pinagtawanan ng maraming tao ang kanyang ina at ang karterong si Joe dahil animo'y Bea Alonzo at John Lloyd Cruz ito sa isang soap opera kung maglampungan sa plaza.

{3.40}
Sa Maynila, 'di na mapakali ang ina at lagi nitong sinasabing nais niyang umuwi ng probinsya. Lagi itong nagkukulong sa kwarto, nagsusulat ng mga tula. Bihirang kumain, malalim na ang gabi kung matulog. Walang gustong makausap.

{3.41}
Naalala niya ang kanyang mga sinabi sa ina. Magsulat ka na lang ng magsulat para 'di ka mabagot. Kung gusto ninyo, akong maghuhulog sa koreyo ng inyong mga tula para 'di naman masayarig ang mga iyan. Pakiusap lang, Mama, huwag na huwag mong isipin ang magpadala ng sulat sa Joe na iyon at siguradong itatapon ko 'yan sa basurahan.

{3.42}
Isang araw, bigla na lamang nanghina ang kanyang ina, Hindi ito makakain kaya nangangayayat. Dinala ito sa ospital. Marami silang naipainom na gamot ngunit lumala lamang ang sakit nito. Matagal ang ilinagi ng kanyang ina sa ospital. Ngunit wala ring nagawa ang mga doktor at namatay ito. Paliwanag, ng ibang doktor, namatay ang ina dahil daw sa marami nang komplikasyon.

{3.43}
Nilalaro ang isip ni Rod ng mga alaalang ito. Parang di niya tuloy maiangat ang kanyang mga paa upang bumalik sa loob ng bahay. Sumagi rin sa isip niya ang mga pinagsasabi niya at banta niya kay Joe noon bago sila pumunta ng Maynila ng ina. "Kung puwede sana, huwag na huwag na kayong magkikita ng Mama ko! Marami akong pwedeng magawa sa'yo.

{3.44}
Hindi na kayo nahiya! Sesenta y dos na ang Mama at sesenta y kwatro ka na rin, akala niyo'y mga bata kayo kung magharutan... At huwag na huwag ka na ring maghahatid ng sulat at kung ano pa sa bahay. Kung may sulat ang Mama, itago mo na lang at siyang pisil-pisilin mo!

{3.45}
Kung 'di naman punitin mo't isaksak mo lahat diyan sa baga mo!" Masasakit ang mga salitang binitawan ni Rod kay Joe noon. Itinuring niyang isang malaking pagkakamali ang magkita muli ang kanyang ina at si Joe. Aniya, iyon na ang huling sakay ng kanyang ina sa bulok na bisekleta ng kartero. Wala nang mangyayari pang suyuari sa bisekleta.

{3.46}
"Napakalupit ko." Bulong ni Rod sa sarili habang dahan-dahang siyang lumalapit sa labi ng ina. Humagulgol ito at mahinang inusal ang paghingi ng tawad. "Mama, patawarin niyo sana ako... Patawad... Naging makasarili ako. Ngunit sana naman. Mama... naisip mo rin na wala rin naman akong ibang hangad kundi ang lumigaya ka."

{3.47}
Humagulgol na parang bata si Rod at napatigil lamang siya nang maramdaman niya ang kamay na humaplos sa kanyang likuran. "Kuya, tama na 'yan. Huwag mo nang sisihin ang sarili mo. Ako rin naman, eh. Pareho lang naman tayong ayaw noon kay Joe. Kahit naman 'yon anak niyang si Fernnando, di ba?"

{3.48}
Hindi pa rin maawat si Rod. Ngunit napaupo rin siya ng kapatid at sandaling huminahon. Umiiling-iling siya. Tama ang sinasabi ng kanyang kapatid. Kahit ang anak ni Joe na si Fernando, galit rin kay Joe noon. Iniwan daw kasi ng syota nito dahil biro o totoong ayaw raw makipagsabayan ng syota niya sa tatay niyang si Joe na pinagpupustahan na ng mga tambay kung sino ang mauunang ikasal sa kanila.

{3.49}
Pero, may katwiran din naman si Joe sa kanyang anak na marahil 'yon din ang nais sanang sabihin ng kanyang ina sa kanya ngunit hindi na ito nabigyan pa ng pagkakataon. Oo, tama. May karapatan ding lumigaya ang kanyang Mama at si Joe. At ang kaligayahang iyon ay 'di kailanman maibibigay ng sinumang anak.

{3.50}
Napatingin si fk»d sa nakataling mga sulat at magasin na dala ni Joe. Lumapit siya dito at dahan-dahang kinalas ang tali. Inisa-isa niya ang mga sobre. Ang iba'y sulat mula sa mga editor. Halos di niya mabasa ang sulat ng isang nagagalak na editor na nabibighani daw sa tindi at ganda ng mga naisusulat na kwento at tula ng kanyang ina.

{3.51}
Ang ibang sulat ay paanyaya ng ibang manunulat. Ang iba nama'y sulat sa kanyang pagkakapanalo sa mga kontes na kanyang sinalihan. Ang iba'y mga tseke-bayad sa nalathalang kuwento at tula. Wala pala siyang alam. Magaling na magaling palang manunulat ang kanyang ina. Nawala lamang sa sirkulasyon mula nang isama niya ito sa Maynila.

{3.52}
Namilog muli ang luha sa kanyang mga mata habang kinukuha niya ang isang magasin. Binuklat niya ang pahina at nakita ang isang tula na sinulat ng kanyang ina. Maganda ang interpretasyon ng nagguhit ng tula sa magasin ngunit parang napakalungkpt din. Malinis na malinis naman ang pagkakasulat ng napakasimpleng titulo at bagay na bagay ang font nito- "Suyuan sa Bisekleta: Para kay Joe Carter". Sa baba nito, nakasulat ang: Ni Nimfa Salvino-Tible.

{3.53}
Binasa niya ang tula. Malalim man ang mga salitang ginamit, damang-dama niya na malalim rin ang damdamin na nakapaloob dito. Isang pagmamahal na walang kalayaan. Pagmamahal na gamundo ang hadlang. Habang binabasa niya ito ay parang pinupunit ang kanyang dibdib. Wari niya'y siya ang kausap ng ina sa tula. Wari niya'y siya itongpinakikiusapan, pinagmamakaawaan, pilit pinaiintindi ang bagay na kailan ma'y di matukoy kung kailan matutugunan.

{3.54}
Binuklat ni Rod ang iba pang magasin. Pawang mga tula na lahat ay may pag-aalay sa iisang pangalan - kay Joe Carter. Parang batang naupo na sa sahig si Rod at binuklat isa-isa ang mga magasin. Lahat ng kuwento at tula ay para kay Joe. Ang lahat ng kwento at tulang sinulat ng kanyang ina at kanyang inihulog ay pawang para kay Joe. Hindi niya halos makita ang mga nakasulat. Nais sumigaw ni Rod ngunit wala nang boses na lumalabas sa kanyang bibig.

{3.55}
Umiiyak na napahandusay siya sa sahig habang isunusubsob ang mukha sa gusot-gusot at nagkakapunit-punit nang mga magasin....


4 Einzeldaten Taglish

Nur ein Satz in direkter Rede (1 Wort morpholog. angepasst, 1 nicht aus 400 Wörtern) und kein Taglish im narrativen Teil (1600 Wörter):

'Yun nga ang ikinainis ng mga anak ni Nimfa dahil kung mag-displey daw ang dalawang 'yan sa plaza noon ay parang mga tinedyer.


Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/suyo.html
041013 - 220605

Ende / Wakas   Suyuan

↑↑   Werkstatt / Gawaan   Ugnika