Mga Pang-uri at mga Pang-abay
(Talaksan 9/3)
9-6 Pang-abay na pangmarahil
9-6.1 Pang-abay na pangmarahil sa pariralang pandiwa
(1) May pulutong ng pang-abay na lubhang nagbabago ng pandiwa kung panuring nito. Hindi na
ipinapahayag ang kilos kundi ang nais, gusto o kailangang ganapin ang kilos [1-3]. Ang
tagaganap ay nagiging 'tagaakala'
(susi {../fa}). Sa tabi nito, maaari ang
'tagagawang pangmarahil' (susi {../fg}) at ang
'tagatiis na pangmarahil' (susi {../ft}).
Pansemantikang kahawig ng 'modal verbs' ng mga wikang pang-Europa
ang pang-abay na ito. Sa wikang Filipino, hindi ito pandiwa {9A-611 Θ}. Tinatawag namin itong
'pang-abay na pangmarahil' (susi
{AH}).
|
[1] | Naku'y sa ina mo dapat kang magpaliwanag.
{W Bulaklak 8.13} |
[2] | Minsan ay gusto ko na siyang sisihin.
{W Damaso 4.4} |
[3] | Kailangang lumikas na tayo rito.
{W Aesop 3.4.2} |
Higit na maitim ang limbag = Pang-abay na pangmarahil.
May salungguhit = Tagaakala. |
|
Salitang pangmarahil sa aghamwika → {9A-612
}
(2) Dahil hindi na tinutupad nang tunay ang kilos ay karaniwang
ginagamit ang pawatas sa halip ng anyong pamanahon. Iniuuna sa pandiwa ang pang-abay na
pangmarahil. Karaniwang may pang-angkop ang pang-abay; pariralang panlapag ang yari. Maaaring
maglagay ng kaganapang di-panghalip sa pagitan ng pang-abay na pangmarahil at pandiwa. Dahil
sa pagkakawangis sa panggitaga ay tinatawag naming 'panggitahil' ang mga yaring ito
{9-6.1.1}.
(3) Hindi lamang maaaring gamitin kasama
ang pandiwa ang pang-abay na pangmarahil. Bumubuo din ito ng yari kung saan
ito'y gaya ng pangngalan [4], pang-uri [5] o pang-abay na "tumpak" [6].
|
[4] | Kailangan ko ang tulong mo. |
[5] | Isang kailangang kondisiyon. |
[6] | Maaaring nasa bahay siya. |
|
(4) Hinggil sa palaugnayan ay ibinibukod
sa dalawang pangkat ang pang-abay na pangmarahil. May gawing gaya ng pangngalan
ang pangkat ng 'pang-abay na pangmarahil na makangalan'.
Hindi ganito ang 'pang-abay na pangmarahil na
di-makangalan' na may gawing di-gaya ng pangngalan.
(5) Mapapansin ang magkakaibang
pampalaanyuan ng pang-abay na pangmarahil. Sa tabi ng dalawang salitang hiram na Espanyol
na gustọ at
puwede ay may ilang salitang walang panlapi.
Gaya ng anyong makadiwa ang pang-abay na
maaari,
may pagkakabuo gaya ng pangngalang may panlapi ang
kailangan. Ang pang-abay na
huwạg ay may kaugnayang pangpalaanyuan sa
hindị.
(1) Sa 'panggitahil'
|pang+gitna+marahil|, pariralang pantuwid o paniyak ang maaaring
ilagay sa pagitan ng pang-abay na pangmarahil at pandiwa, tinatawag itong panggitahil na
pantuwid (susi {GHW}) at panggitahil na paniyak
(susi {GHT}). Pinapanatili ng parirala ang pananda
nito at sa harap ng pandiwa inilalagay ang pang-angkop na hindi maaaring kaltasin [1-4].
Galing sa pariralang panlapag ng pang-abay na pangmarahil ang pang-angkop.
(2) Sa [1-4] binubuo ang panggitahil na paniyak.
Maaari lamang buuin ang panggitahil na pantuwid kung tagaakala ang pantuwid [5 6].
Maaari ding buuin ang panggitahil ng tagaakala at tagagawa; sumusunod ang tagagawa
sa tagaakala [7]. Kung binubuo ang panggitahil at ang panggitaga ay iniuuna ang
panghalip ng panggitaga sa parirala ng panggitahil [2 4]; gaya ng sa panggitaga may bisa ang
tuntuning "maikli sa harap ng mahaba".
|
[1] | Hindi puwede si Kikong pumunta sa Lipa. |
{GHT} {AH/DN} {P-T/fa} {DT} |
[2] | Gusto ko ang aklat na itong basahin ni Juan. |
{GHT} {AH/N} {P-T/ft} {DB} |
[3] | Puwede ang pahayagang basahin ni Miguel. |
{GHT} {AH/DN} {P-T/ft} {DB} |
[4] | Ayaw ko si Armand na magluto ng suman. |
{GHT} {AH/N} {P-T/fg} {DT} |
[5] | Parang ayaw ni Bayaning pag-usapan pa si Goyo.
{W Ulan 20.25} |
{GHW} {AH/N} {P-W/fa} {DB} |
[6] | Ayaw ng ina ng kanyang ama na maging asawa ang nanay niya.
{W Angela 3.9} |
{GHW} {AH/N} {P-W/fa} {DT} |
[7] | Gusto ni Nanay si Kikong matulog. |
{GHW} {AH/N} {P-W/fa} {DT} {GHT} {P-T/fg} |
Higit na maitim ang limbag = Panggitahil. |
|
9-6.1.2 Gawing makangalan
(1) Ang isang pangkat ng pang-abay na pangmarahil ay may gawing tinatawag naming
'gawing makangalan' (susi {AH/N}). Kung tahasan
ang pandiwa, binabago nang malakas ang palaugnayan; nagiging pantuwid ang paniyak (ito ang
tagaganap na nagiging tagaakala) [1-3]. Wala nang paniyak ang pangungusap. Kung may
pantuwid ang pandiwang tahasan (karaniwang tagatiis), may dalawang pantuwid ang
pangungusap [3b].
|
[1] | Pang-abay na pangmarahil | Pang-angkop | Pandiwang
tahasan | Tagaakala | Tagatiis |
| {AH/N} | {L} | {D20/f0/fa|ft} | {P-W/fa} |
{P-W/ft} |
|
|
[2] | [a] Natutulog na si Kiko. |
| [b] Gustong matulog ni Kiko. (Walang
tagatiis.) |
[3] | [a] Kumakain ng mangga ang bata. |
| [b] Gustong kumain ng bata ng mangga.
(Dalawang pantuwid: ng bata ang tagaakala at
ng manggạ ang tagatiis na pangmarahil.) |
|
Kung balintiyak ang pandiwa at dahil dito pantuwid ang
tagaganap na nagiging tagaakala ay walang pagbago ng palaugnayan [4-6]. Higit sa iba,
ginagamit ang pandiwang balintiyak kasama ang pang-abay na pangmarahil na makangalan.
Kung gayon walang pagbago ng palaugnayan at walang pagkawala ng paniyak.
|
[4] | Pang-abay na pangmarahil | Pang-angkop | Pandiwang
balintiyak | Tagaakala | Tagatiis |
| {AH/N} | {L} | {DB10/ft|fa} | {P-W/fa} |
{P-T/ft} |
|
|
[5] | [a] Kinain ng bata ang manggang iyon. |
| [b] Gustong kainin ng bata ang manggang iyon.
(Walang pagbago ng paniyak.) |
[6] | Ayaw pag-usapan ni Bayani si Goyo. |
|
May gawing makangalan ang pang-abay na pangmarahil na
ayaw,
gustọ,
alạm,
ibig,
nais; pati ang salitang
kaya,
ugali at
hilig. Makangalan at di-makangalan
ang paggamit ng kailangan.
(2) Maaaring magamit na salitang makatukoy
ng panggitaga ang pang-abay na pangmarahil; malimit na binubuo ang panggitagang
pangmarahil, karaniwang panggitagang pantuwid [7 8], minsan pangitagang pantuwid at
paniyak [9].
(3) Binubuo ang panggitahil na pantuwid
sa [10-12]; inilalagay sa pagitan ng pang-abay na pangmarahil at pandiwa ang pantuwid
(tagaakala). May pang-angkop ang pantuwid na nasa harap ng pandiwa.
|
[10] | Gusto ng batang matulog. |
{GHW} |
[11] | Gusto ng batang kainin ang manggang iyon. |
{GHW} |
[12] | Parang ayaw ni Bayaning pag-usapan pa si Goyo.
{W Ulan 20.25}
| {GHW} |
|
(4) Sa mga pangungusap sa itaas at sa [13b] ay pati
tagagawang pangmarahil ang tagaakala. Nawala ang paniyak ng pangungusap na may pandiwang
tahasan. Maaaring kumuha ng bagong paniyak ang pangungusap upang ilarawan ang tagagawang
pangmarahil kung iba-iba ito sa tagaakala [13c 13d 13e]. Maaaring bumuo ng pangalawang
panggitaga ang bagong paniyak [14c]. Sa pangungusap na may pandiwang balintiyak ay maaaring
ilarawan ang tagagawa sa pamamagitan ng iba pang pantuwid [14b].
|
[13] | [a] Natutulog si Kiko. |
| [b] Gustong matulog ni Kiko. |
| [c] Gusto ni Nanay na matulog si Kiko.
(Tagaakala ang ni Nanay at tagagawang pangmarahil ang
si Kiko.) | {GHW} |
| [d] Gusto niyang matulog si Kiko. |
{GGW} |
| [e] Gusto niya akong maligong mabuti. |
{GGW} {GGT} |
[14] | [a] Ibig ng Admiral na patayin ang mga tulisan-dagat.
(Tagaakala
at pati tagagawang pangmarahil ang ng Admiral.) |
{GHW} |
| [b] Ibig ng Admiral na patayin ng
kahit sino ang mga tulisan-dagat. (Tagaakala ang ng Admiral
at tagagawang pangmarahil ang ng kahit sino.) |
{GHW} |
Higit na maitim ang limbag = Tagaakala.
May salungguhit = Tagagawang pangmarahil. |
|
Kung binubuo ang panggitaga at panggitahil ay sumusunod ang parirala ng panggitahil
sa hutaga ng panggitaga [15a 16]. Kung dalawang panggitahil ang binubuo ay nauuna ang
tagaakala [15b].
|
[15] | [a] Gusto niya si Kikong matulog. |
{GGW} {GHT} |
| [b] Gusto ni Nanay si Kikong matulog. |
{GHW} {GHT} |
[16] | Gusto ko ang aklat na itong basahin ni Juan. |
{GGW} {GHT} |
Higit na maitim ang limbag = Tagaakala (pantuwid).
May salungguhit = Paniyak. |
|
(5) Sa mga halimbawa sa itaas at sa [17a], bahagi ng panaguri ang
pang-abay na pangmarahil. Dahil sa pagkakapareho ng panaguri at paniyak ay maaaring
magpalitan ang dalawa at maging bahagi ng paniyak ang pang-abay na pangmarahil (kung may
paniyak ang pangungusap). Nangyayari ito sa pangungusap na
pananong [17b], mas madalang sa pangungusap na panagot [18].
|
[17] | [a] Gusto niyang kainin ang mangga. |
| [b] Ano ang gusto niyang kainin? |
[18] | Iyong mangga ang gusto niyang kainin. |
Higit na maitim ang limbag = Panaguri.
May salungguhit = Paniyak. |
|
9-6.1.3 Gawing di-makangalan
(1) Kung di-makangalan ang gawi ng pang-abay na pangmarahil (susi
{AH/DN}) ay hindi binabago ang paniyak dahil sa
pang-abay [1a|b 2]. May gawing di-makangalan ang pang-abay na
maaari,
puwede,
huwạg
at dapat. Ginagamit nang makangalan at
di-makangalan ang kailangan. Magkatulad
ang paggamit ng pandiwang tahasan at balintiyak kung di-makangalan ang pang-abay. Magkapareho
ang tagaakala at tagagawang pangmarahil, hindi maaaring ihiwalay ang dalawa.
|
[1] | [a] Natutulog na si Kiko. |
| [b] Dapat nang matulog si Kiko. |
[2] | Puwede bang dikdikin mo na lang ako sa lusong.
{W Unggoy at Pagong} |
|
(2) Maaaring bumuo ng panggitaga ang pang-abay na di-makangalan [3].
Halos palagi binubuo ang panggitagang ito kung panao ang panghalip [3a 3c]. Karaniwang nasa
harap ng pang-abay ang (mga) panghalip ng panggitaga kung sa harap ng pang-abay may isa pang
salitang makatukoy ng panggitaga ([4 5]).
|
[3] | [a] Puwede niyang basahin ang pahayagan. |
| [b] Puwede itong basahin ni Miguel. |
| [c] Puwede niya itong basahin. |
[4] | Miss Isha, hindi ko na kayo puwedeng abalahin pa.
{W Nanyang 13.3} |
[5] | Hindi kasi ako maaaring lumagpas sa panahong itinakda sa
akin ng aming dakilang hari. {W Samadhi 4.4} |
|
(3) Kung di-makangalan ang gawi ay maaaring ilagay ang
paniyak sa pagitan ng pang-abay at pandiwa, ibig sabihin maaaring bumuo ng panggitahil na
paniyak (tagaakala sa [6], tagatiis sa [7]).
|
[6] | Dapat si Kiko na matulog. |
{GHT} {DT} {P-T/fa} |
[7] | Puwede ang pahayagang basahin ni Miguel. |
{GHT} {DB} {P-T/ft} |
|
(4) Sa mga halimbawa sa itaas, bahagi ng panaguri ang
pang-abay na pangmarahil. Dahil sa pagkakapareho ng panaguri at paniyak maaaring
magpalitan ang dalawa [8].
9-6.2 Pang-abay na pangmarahil bilang pangngalan
Sa pangungusap na walang pandiwa, maaaring magamit na pangngalan ang pang-abay na
pangmarahil na may gawing makangalan (susi {N//AH}.
Ang tagagawang pangmarahil {*} ay nagiging panuring sa
pang-abay na pangmarahil na nagagamit na pangngalan; nagiging panaguri ang dating pang-abay
na pangmarahil.
- Pantuwid ang tagagawang pangmarahil, pangalawang pantuwid ang tagatiis
kung di-tiyak o di-kilala [1a]. Walang paniyak ang pangungusap.
- Pantuwid ang tagagawang pangmarahil, paniyak ang tagatiis kung tiyak [1b 2a 2b].
- Maaaring bumuo ng paniyak ang pang-abay na pangmarahil [3].
- Sa pang-abay na pangmarahil na ayaw, malimit na pandako ang tagatiis na
pangmarahil [4a] (hindi kailanman pantuwid kung tao [4b]). Walang paniyak ang
pangungusap.
- Ginagamit gaya ng pangngalan ang pang-abay na pangmarahil sa pariralang pangkaroon
[5a 5b] {12-4.3 (3)}.
|
[1] | [a] Gusto ko ng kendi.
(Baka walang kendi.) |
| [b] Gusto ko ang kendi. (May
kendi.) |
[2] | [a] Gusto ko ang ugali ni Fely.
{W Nanyang 22.27} |
| [b] Kailangan mo ang pahinga.
{W Dayuhan 3.12} |
[3] | Iyon ang gusto ko. {W Cao 2013 3.15} |
[4] | [a] Ayaw ko sa iyo. [b] Ayaw kita. |
[5] | [a] Sino ang may gusto ng kape? |
| [b] Ako ang may gusto ng kape. |
Higit na maitim ang limbag = Pang-abay na pangmarahil
bilang pangngalan. May salungguhit = Tagagawang pangmarahil. |
|
{*} Sa wastong
pagsasalita: Dahil walang pandiwa ay walang katungkulan ng kaganapan.
9-6.3 Pang-abay na pangmarahil bilang pang-uri at
pang-abay
Sa pangungusap na walang pandiwa maaaring magamit na pang-uri (panaguri) [1] o pang-abay
na tumpak (panuring sa loob ng panaguri) [2-5] ang pang-abay na pangmarahil na may gawing
di-makangalan. Sa pangungusap na may pandiwa bilang panaguri ipinapalagay naming pang-abay
na tumpak ang pang-abay na pangmarahil kung pangyayari sa pangnagdaan o panghinaharap ang
pinupuna [6].
|
[1] | Puwede na siguro 'yong lumang evening dress ko.
{W Karla 5.206} |
[2] | Maaaring maliliit na hakbang ang gawin.
{W Cao 2007 3.23}
(Pariralang makangalan ang panaguri.) |
[3] | Maaaring hindi na niya kasama ito.
{W Karla 5.206}
(Pariralang makangalan ang panaguri.) |
[4] | Maaaring nakaugat ito sa lupa mismo ng Pilipinas.
{W Salazar 2006 2.2´1.2}
(Pariralang pang-uri ang panaguri.) |
[5] | Maaaring nasa ibaba lamang ito ng langit.
{W Ambrosio 2006 1.3.2}
(Pariralang pang-ukol ang panaguri.) |
[6] | Maaaring binasa na niya ang liham ko. |
Higit na maitim ang limbag = Pang-uri o pang-abay.
May salungguhit = Salitang pang-ubod ng panaguri. |
|
Kina {
Aganan 1999 p. 75}
tinatawag na 'pariralang modal' ang parirala
gaya ng [1].
9-7 Pagtanggi
(1) Ginagamit sa pagtanggi ang "karaniwang" salitang panangging
hindị kung walang paraang panangging
tangi:
- Pang-abay na hindị (pagtangging karaniwan).
- Pagtangging tangi
- Unlapi di- sa unahan ng pang-uri.
- Pangkaroong walạ.
- Pang-abay na pangmarahil o iba pang pang-abay na pansemantikang naghuhudyat ng
pagtanggi (halimbawa ayaw).
(2) Ipinapahayag ang pagtanggi sa pamamagitan ng pang-abay na
hindị kung kilos, katangian o kalagayan
ang itinatanggi. Salitang pangnilalaman ang hindị; wala itong pang-angkop
{5A-221 (1)}. Ginagamit ang
hindị upang itanggi halos lahat ng salitang pangnilalaman [1-3] at parirala
[4]. Malimit na salitang makatukoy ng panggitaga ang hindị [2].
Maaaring itanggi ang pang-uri sa pamamagitan ng unlaping di- (may gitling sa
pagsulat) [5]. Daglat ng hindị ang salitang di at dahil dito
nagagamit na salitang makatukoy ng panggitaga [6].
(3) Ipinapahayag ng pangkaroong
walạ ang pagtanggi kung itinatanggi
ang pag-iral [7 8]; dito pagtanggi ng may, mayroọn ang walạ.
Kung itinatanggi ang pagkakaharap ay pang-uri ang walạ [9]. Pati
walạ ang sagot na itinatanggi sa tanong na pampasiyang may
may o mayroọn [10].
|
[7] | Ngumiti lang ang babae, walang anumang sinabi.
{W Nanyang 11.4} |
[8] | Hindi ako nakakapaglaro gaya nila, wala akong manyika o anumang
uri ng laruan, wala akong kaibigan. {W Material Girl 3.2} |
[9] | Ngunit wala sa loob ko ang paghanga sa magagandang tanawin.
{W Nanyang 21.2} |
[10] | Mayroon ba tayong tubig? Wala. |
|
9-8 Salitang pang-usapan
Ang mga salitang pang-usapan ay kataga o pariralang hindi
puspusang pinagsasama
nang pampalaugnayan sa pangungusap. Karaniwang hindi ito kailangan upang unawain ang
kahulugan ng pangungusap {9A-801}. Maaari
nitong ipahayag ang tanging lakas, diin, kahinaan, alinlangan atbp.:
- Pang-abay gaya ng oo, palạ [1 2b 2c].
Hindi salitang pang-usapan ang pang-abay na na at pa dahil
mayroon itong tungkuling mahalaga bilang pang-abay na pampananaw {9-4.1.1}.
- Padamdam gaya ng a, ay, e, hay, naku,
o [2a 3].
- Pangatnig (madalang) [4] (halimbawa kasi).
- Pariralang maikli gaya ng di ba [5].
Kalimitang nasa pananalitang pang-araw-araw ang salitang pang-usapan.
Karaniwang ginagamit ang padamdam sa unahan o sa hulihan ng pangungusap.
Palaugnayan ng Wikang Filipino
Wakas ng 9 Mga Pang-uri at mga Pang-abay (Talaksan 9/3)