1 Einleitung / Pambungad
3 Texte / Mga Kasulatan
Medina, Buenaventura S.: Dayuhan
Quelle / Pinagmulan → {16A-2 Dayuhan}.
"Ang anak ay may tungkuling moral sa kanyang magulang, ngunit bakit kaya kung minsan ay dumarating ang pagkakataong lumalayo ang kalooban ng anak sa kanyang magulang?"
{3.1}
Ilang hakbang lamang ang nakapagitan sa silid ng ama ko at sa akin, ilang hakbang
lamang at maaari ko nang mabuksan ang pinto at itulak iyon upang makita ko ang nasa
loob. Subalit ang mga hakbang ko ay karaniwang mabibigat, napipigilan, na tila
naaatasan ng isang damdaming dayuhan
pagkat di inaasahan.
At nang sumugat sa katahimikan ng gabi ang daing na iyon, napakislot ako sa aking pagkakahiga. Ang tunog na iyon ay sinundan ng mga yabag, mabibilis, nagmamadali; at nadama kong kailangan kong magbalikwas, lumabas ng sariling silid, at tunguhin ang kay Ama, subalit nagbaga na naman ang damdaming banyaga. Nang buksan ko ang aking pinto, binulaga ako ng liwanag. Napatigil ako. Nakita ko si Ina.
{3.2}
Alam ko na ang aking gagawin. Sapat na sana ang tingin ni Ina subalit ang isang
matipid na galaw ng labi'y tinig pa ring narinig ko: "Si Ama..." "Opo," mahina kong
sagot, sabay-talikod upang lundagin ang maikling hagdana't tawirin ang gabi, hanggang
sa sapitin ko ang lansangang-bayan at tawirin iyon at magpatao po sa unang botikang
matatagpuan sa hilaga at tawagin si Dr. Santos.
Nakikinita-kinita kong iiling ang may pinilakang ulo, ngunit sasama pa rin sa akin, dala ang sutseng kinasisidlan ng gamot ni Ama. Kay limit ko nang tinawag si Dr. Santos nang mga nakaraang taon. At minsan ay ninais ko nang imungkahi kay Dr. Santos. Ipaubaya na ninyo sa akin ang paggagamot, halos natutuhan ko na sa pagmamasid sa inyo; ngunit alam kong ang paggagamot ay may ibang kabuluhan kapag ginagampanan ng isang doktor, at ang panggagamot kay Ama ay higit sa pagdinig sa pulso nito at paglilinis ng balat at pagturok sa laman.
Lagi nang may ipinagbabawal si Dr. Santos, at lagi namang may sinusuway si Ama pagkaraang makasunod nang mga ilang linggo. Saka ko maririnig ang paalala, pakiusap, pagsusumamo ni Ina: sa silid na iyon, sa siHd ding iyon; saka ko maririnig ang sasabihin ni Ama: "Maaari bang pabayaan mo na ako?"
{3.3}
Hindi ko binigyan ng halaga ang mga salitang iyon noong una; natiyak ko na walang
ibig sabihin iyon kundi huwag nang gaanong mag-alala si Ina. Hindi nga lamang mabini ang
pangungusap ni Ama, subaht hindi maiaalis iyon sa isang nagkakasakit.Lalo na nga't
napagsabihan na ng tanggapan ni Ama: mabuting mamahinga na ito nang tuluyan. Ngunit
hindi magagawa ni Ama ang mamahinga ng pamalagian: kami na lamang ang nagkakatuwang
sa pagtustos sa pamilya, at ang sahod ko naman ay totoong maliit. Nag-asawa na ang
dalawang babaing nakatutulong sana, bukod sa malayo ang kanilang tinitirahan
ngayon.
{3.4}
"Alam ko ang aking ginaga..." ang narinig ko minsan. Marahil ay pinuna ni Ina
ang pag-uwi ni Ama nang malalim sa gabi. Marahil ay nasabing makasasama iyon sa katawan
nito. Kailangan ang pahinga. Sa akin man nasasabi iyon ni Ina, kaya alam kong iyon ay
isang paalala lamang. Ngunit minsan ay nahuli ko ang aking ina na nagpapahid ng mata:
may puwing na inalis o may hikbing pinugto? Hindi ko gaanong pinansin iyon ngunit
naiwan sa isip ko ang larawan ni Ina: may lungkot na nakabalatay sa kanyang mukha.
{3.5}
Sa umaga'y naririnig ko na ang mararahang yabag na patungo sa silid ni Ama; alam
kong si Ina, gigisingin si Ama. Hiwalay sila ng silid, si Inia'y kasama ng dalawa kong
kapatid na babaing nakababata, si Ama'y sa sarili niya. May maliit akong silid na
karatig ng sa aking ina, katapat ng sa aking ama. Ngunit ang nakapagitang mga dinding
ay ginigiba ng mga tinig: mabini, marahas, malakas, mahina. Ang mga tinig ding iyon
ang naghahatid sa akin ng nangyayari sa maghapon; mga tinig na di ko man kusang
pinakikinggan ay naririnig ko.
{3.6}
Kaya tuwing maririnig ko ang daing ni Ama, madali akong nakakikilos sapagkat
mataginting iyon kahit bahaw, at dala marahil ng pagkabatid ko sa sakit niya, ang
bahagyang pagkakaiba ng yabag na patungo sa katapat na silid ay tandang pagsumpong
ng karamdaman ni Ama. Lagi, nang si Ina ang unarig nakalalapit kay Ama, na tila ba
tinig o kilos lamang ni Ama ang lagi na niyang pinakikiramdaman. At ako naman,
sapagkat tanging lalaking anak, ay siyang umako ng tungkuling tumawag ng manggagamot
sa anumang oras ng naroroon ako.
{3.7}
Tuwina'y kakaunin ko si Dr. Santos, susundan siya sa pagpasok sa aming bakuran,
tuloy sa kabahayan hanggang silid ni Ama: naging tagpong kilala ko na ang pagpulso niya
kay Ama, paglilinis ng braso at pigi, at pagtuturok dito ng karayom. Huhupa ang daing
ni Ama, makakatulog iyon, makapagpapahinga. At ihahatid ko naman si Dr. Santos. Iyon
ay isang gawaing matapat kong nagagampanan.
Hanggang sa muli kong matagpuan si Ina: hindi puwing iyon, hindi maaari, sa tuwina'y puwing? Mugto ang mga mata ni Ina: naroong muli ang lungkot na bumabalataw sa kanyang mukha minsan, minsan matagal na. At isang gabi'y nasalo ko ang tilamsik ng katotohanang piht na itinatago ng gabi at bulong at dingding: sabi ni Ama: "Nakikinig ka ng usapan sa tienda? Anong mapapala mor Wala na akong narinig pa. Piht kong inulinig ang tunog ng susunod. Liban sa marahang yabag ni Ina at hilik ng mahihimbing na gabi'y wala na.
{3.8}
Ibig ko sanang marinig ang tinig ni Ina: wala nga: walang mapapala kundi
kapaitan. Ibig ko sanang maging marahas ang kanyang yabag, mapaghimagsik, tumututol.
Ngunit si Ina'y laging si Ina: nasa kanya ang kapayapaan ng gabi. At sa aking
pagkakahiga'y lalong didilim ang gabi mamumuo, mamimigat hanggang sa madama kong
nakapataw sa akin: Ina! Ina! At saka ko maririnig ang kanyang mabining tinig kung
kailangan kong tawagin.
Ang doktor: "Si Ama..." Dagling mapapawi ang kalagiman ng gabi. Ngunit nasa akin na ang pag-aalala. Magugunita ko ang sinabi ng dalawa kong kapatid na babae nang magsisama sa kanilang napangasawa sa Kabisayaan: "Ikaw na ang bahala kay Ina..."
"Bakit?" Makahulugan ang tanong ko. Hindi makasasapat na talaga sa tanong kong iyon, hindi makasasapat ang kabatiran kong ako ang naiwang pinakamatanda sa magkakapatid na kapiling ng aking mga magulang, hindi-makasasapat ang malaman kong tangi akong lalaki kaya may pananagutan. Sapagkat nariyan si Ama. Hindi sa akin, kundi kay Ama, dapat ipagbilin ang gayon. Ngunit naisip ko na maaaring hindi masabi nina Ate ang gayon kay Ama: subalit bakit? Bakit?
{3.9}
"Hindi mo pa nga maiintindihan. Talagang bata ka pa." Ang nagsalita'y isa sa
mga kapatid kong nakatatanda. Talagang malaki ang agwat namin sa gulang, sapagkat may
namatay na dalawa pa bago ako isinilang. Ngunit gulang ang batayan nila, hindi ang
kamalayan ko sa mga nangyayari. Nasumpungan ko na sila minsan, si Ina at ang mga
kapatid kong nakatatanda, nag-uusap at nadama kong mahalaga ang kanilang pinag-uusapan,
sapagkat paanas, pabulong, na tila ba ayaw na nilang may makahati pa sa pinagniniigan.
Ngunit kahit ang mga bulong ay may tinig, at nahagip ko iyon; mabini pa rin kahit nabahiran ng kapaitan ang tinig. "Hindi mangyayari iyon sa amin... Puputlin ko agad!" Ang isang iyon ay sa isa kong kapatid: sinuman sa kanilang dalawa ay maaaring magsabi niyon.
At nabuo na sa isip ko ang pinag-uusapan nila, sapagkat sa ibang umpukan sa maliit na pamayanang iyon ay narinig ko: si Ama at si Ading at isang sanggol. Ngunit hindi dapat pansinin iyon, naisaloob ko. Hindi totoo iyon, sapagkat matanda na si Ama, masasakitin, hindi gaanong kumikita. Ngunit para ko pa ring naririnig si Ina; "Maraming ulit na .... hindi lang miminsan." Totoo nga marahil, at marami nang Ading at marami nang sanggol sa buhay ni Ama.
{3.10}
Nakaraan iyon, nakaalis na rin sina Ate: nakita ko ang pamumugto ng mata ni
Ina bago umalis ang mga kapatid ko na kasama ng aking mga bayaw. Magtutungo sila sa
Kabisayaan upang doon hanapin ang nagkakait na tagumpay sa pangangalakal. May katuwiran
sila, naisaloob ko. Kailangan nilang magtindig ng sariling kabuhayan. Si Ina'y walang
kibo kahit sa gitna ng kanyang mahinang pagtutol, ayaw niyang mawalay ang mga anak,
ngunit malaki ang pagnanais nina Ate na humanap ng sariling daigdig.
Si Ama'y hindi na rin umimik noon. Bahagya man ay wala siyang nasabi. Subalit nang humalik ng kamay ang mga kapatid ko at mga bayaw ko, narinig ko si Ama: "Sumulat kayo sa amin." Tiningnan ako ng aking mga kapatid: Makabuluhan ang kalatas ng mga mata. Iyon ngang bilin nila. "Tingnan mo si Ina." Kunot ang noo ko ngunit ako'y tumango. Mangyari pang titingnan ko ang aming ina. Mangyari pa.
{3.11}
Noon ko unang nakilala ang lungkot ni Ina, ibayo pa sa luhang namuo't nadurog
sa mata, ibayo pa sa impit na hikbi, ibayo pa sa buntunghininga. At nang yumakap ang
mga kapatid ko sa aking ina, tila naulinigan ang bilin nila: "Huwag kayong mag-aalalang
mabuti ..."
May dumarating na sulat at hiro postal buhat sa mga kapatid ko buwan-buwan. Katuwaan na ni Ina ang gay on. Ang lungkot ng ilang buwan buhat nang umalis sina Ate ay unti-unti na sanang napapawi, subalit muling nagkasakit si Ama. Muli kong ginampanan ang aking tungkulin: tinatawag ko si Dr. Santos at inihahatid iyon. Muli kong natunghayan ang mukha ni Ina at ang namamahay na lungkot doon. Gumaling si Ama, subalit di na humihiwalay ang malungkot na katahimikan ni Ina. Gayunpaman, naririnig ko pa rin ang mabibining yabag ni Ina tuwing umaga.
{3.12}
Isang gabi'y narinig ko ang mabining tinig ni Ina: "Makasasama sa iyo ang
pagpupuyat. Kailangan mo ang pahinga." Yamot ang tinig ni Ama nang humakbang iyon
ng ilan, padako sa aking silid at maglagos sa dingding at sa gabi. "Matanda na ako!
Hayaan mo na ako sa maibigan ko!"
{3.13}
Ibig kong magbalikwas. Ibig kong lumabas sa silid, lumayo, lumisan sa tahanang
iyon. Ngunit ang gayon ay isang maruwag na pag-iwas sa katotohanan. Kailangan kong
harapin iyon: nahulo kong ako'y nasa isang pakikipagtunggali, kami ni Ina (at nina Ate
na nasa malayo) sa isang dako, at sa kabila, si Ama at si Ading at isang bata (at ang
iba pang Ading at iba pang mga bata). Minsan, sa pag-uwi ko buhat sa paaralan, sa isang
panulukang ilang, nakita ko site: si Ama at si Ading at isang bata.
Huminto ako, ayaw kong masalubong sila. Hinayaan ko silang dumaan. At nagkasalubong ang mga paningin namin ni Ama. Hindi ko malilimot iyon: ang pagsasalubong ng aming mga mata - ang pagkalito sa kay Ama at ang pagkasindak sa akin. Madaling nabuhay ang mga tinig: marahas, mabini, malakas, mahina: "Ikaw na ang bahala kay Ina," "Pabayaan mo na ako!" "Makasasama..." Nakalayo na ang tatlo ay hindi pa rin ako nakaaalis sa aking kinatatayuan. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ganap kong nakilala ang lungkot ni Ina.
Sa pagbalik ko sa aming bahay, tuluy-tuloy ako sa aking silid. Ni hindi ko tinapunan ng tanaw ang silid ni Ama.
{3.14}
Naghihintay si Ina sa pinto ng silid ni Ama. Katabi niya ang dalawa kong kapatid
na nakababata. Hinihintay nila ang pagdating namin ni Dr. Santos: hinihintay nila ang
lunas kay Ama. "Ngunit ikatlong araw na ito ng pagsumpong ng sakit ni Ama. Tatlong
bahagi na ang tagpong iyon sa pintuan ni Ama. Hanggang pintuan lamang. Sapagkat may
damdaming pumipigil sa akin sa pagtuntong sa dakong iyon ng aming tahanan: namimigat
ang mga hakbang ko.
Si Dr. Santos ay susundan ni Ina at mga kapatid ko. Ngayong gabi'y nagtuloy ako sa aking silid. Sa karimlang pinupusyaw ng liwanag sa kabahayan ay hahanapin ko ang konting ginhawa: maaaring humiwalay kahit saglit ang damdaming dayuhan. Humiga ako sa aking katre, pumikit ako. Nagbakasakali akong maidlip, makalimot na saglit, kahit sa isang matipid na saglit ngunit maramot ang gabi, sapagkat naging mapagbigay: naghatid sa akin ng tinitimping paghikbi. Si Ina kaya iyon? Inulinig kong mabuti. Ako'y napabalikwas. Tila malapit ang mga tunog na naririnig ko: ang hirap na paghingal, ang pigil na pag-iyak.
{3.15}
Lumabas ako ng aking silid. Ang dalawa kong kapatid na nakababata'y nasa bungad ng
silid ni Ama. Umiiyak sila. Mabibigat pa rin ang aking mga hakbang. Nahulo kong hindi
humihiwalay sa akin ang damdaming banyaga. Pinipigilan ako niyon na tumuloy sa silid
ni Ama. Lumabas si Dr. Santos, kasunod si Ina.
{3.16}
Sinalubong ko ang tingin ni Dr. Santos. Ibig kong malaman kung bakit umiiyak ang
dalawang kapatid ko, tiningnan ko si Ina, hinanap ko ang lungkot sa mukha niyon, ngunit
pinanlabo ng damdaming dayuhan ang aking paningin. Saka narinig ko: "Ipagdasal ninyo
si Ama." Mabini ngunit matatag ang tinig ni Ina. Si Dr. Santos ay humarap sa akin.
Banayad ang kanyang salita: "Maiwan ka na. Kakailanganin ka...."
{3.17}
Ipinatong ni Dr. Santos ang isang kamay niya sa balikat ko, hindi ko na siya
dapat ihatid, ang kahulugan niyon. Kakailanganin ako sa silid ni Ama. Sa palagay ko'y
maraming saglit na hindi ako nakatinag, at nakakilos lamang ako nang katagpuin ni Ina
ang aking mata, at nagkatinig ang tinging iyon: "Si Ama...." Sapat na iyon upang sumunod
ako kay Ina sa silid ni Ama.
Sa pagpasok ko sa silid ni Ama'y lalong sumidhi ang kakaibang damdaming nasa akin, tila ako isang dayuhan sa pook na iyon, at nadama kong dapat akong umalis, tumakas, ngunit walang lagusan. Nasundan ng mata ko si Ina: umupo siya sa gilid ng katreng kinahihimlayan ni Ama. Saglit akong naligalig. Kailangan kong lumayo, sapagkat hindi maiiwasang di tunghan ang nakaratay doon. At kapag nagkagayon, muli kong makakatagpo ang paningin ni Ama, at alam kong sa isang iglap ay makikita ko ang pagkalito roon, at sa isang iglap di'y mabubuhay sa akin ang pagkasindak. Inilayo ko ang aking paningin. Ayaw kong tingnan si Ama. Subalit nagsalita si Ina. "Iho..."
{3.18}
Napatingin ako kay Ina. At hindi sinasadya'y napako ang tingin ko sa mukha ni
Ama: kumilos ang labi niyon, kumilos ang mata niyon. "Kailangan tayong makitang lahat
ni Ama."
Matatag pa rin ang tinig ni Ina. Tiningnan ko siya. Ano ang aking gagawin? Napaghulo kong gagawin ko na naman ang ginawa ko noong minsan: pauwiing madali sina Ate na nasa Kabisayaan. Sasakay silang muli sa eroplano. Madali lamang silang makararating dito. At kasabay niyon ay darating din ang kanilang hinanakit.
{3.19}
Sa akin nila ibubunton ang hinanakit. "Hindi mo tiningnan si Ina." Ngunit ano ang
aking gagawin? Ito rin ang tanong ko ngayon kay Ina. Hindi sa akin. Pagkat nagsalita ang
isang kapatid ko roon. "Ayaw pa kasing tumigil ... Ayaw sundin ang doktor!" "Iha, iha,"
sabi ni Ina, "siya ang iyong ama...."
Ang isang kapatid ko, alam kong siya ang gugugol nang malaki (tulad noong minsan), ay maaaring muling magsalita: Para ano? Para ano pa? Nag-aaksaya lamang ng salapi! Iha, anak, ang tulong nniyo ang kailangan nK inyong ama...." Si Ina'y mabini sa habang-panahon. Noon pa'y natiyak ko na rin ang hinanakit ng mga kapatid ko: nasinag na rin nila ang hapis sa mukha ni Ina.
{3.20}
Hinarap ako ng aking mga kapatid noon, at sa tingin nila'y nabasa ko ang ibig
sabihin ng kanilang mga salita: hindi ako naging tapat sa pagtingin ko kay Ina.
Pinababayaan ko si Ina, pinabayaan ko ... ngunit ano ang aking
gagawin?
Hindi nga ba't ni ayaw ko nang pasukin man lang ang silid ni Ama? Nagsalita ang isang kapatid ko: "Kung minsan, masasabi mo tuloy na mabuti nang mamatay ..." "Anak!"
{3.21}
Noon, kaisa ako ng aking mga kapatid. Nagpupuyos ang aking kalooban habang
mabilis na nagsisitindig sa aking gunita ang mga Ading at mga sanggol, ulit at ulit, kaya
halos sumigaw na rin ako: mabuti na ngang mamatay! Ngunit di sumilang ang mga salitang
iyon pagkat narinig ko si Ina: "Anak ... anak ..."
"Ama!" sigaw ng isang kapatid kong nakababata. Nakaluhod sila sa paanan ng katre. Ako'y hindi makatinag sa aking pagkakatayo sa ulunan. Si Ina'y nasa gilid pa rin ng katre: hawak niya ang isang kamay ni Ama, hawak niya iyon nang mahigpit, na tila ibig pandaluyan iyon ng init buhat sa kanyang palad, subalit nababatid kong kailanman ay hindi na makatatanggap iyon ng anuman.
{3.22}
Inakala kong iiyak si Ina gaya ng dalawa kong kapatid, ngunit hindi, hawak pa
rin niya ang kamay ni Ama. "Ina..." sabi ng isang kapatid ko, "makabubuti sa inyo
kung iiyak kayo ..." Napatiim-bagang ako. May bumagabag sa aking loob. Isa nga akong
dayuhan sa silid na ito, walang kilala, walang katalik.
Umiling si Ina: "Tapos na ako sa pag-iyak, iha." Tumayo ang dalawang kapatid ko. Hindi na nila matimpi ang kanilang pag-iyak. Ibig kong lumabas. Ibig kong iwasan ang pagtitig ko sa paghawak ni Ina sa isang kamay ni Ama: ang mahigpit na paghawak, ang matalik na paghawak. "Alam ninyo, mga anak, ngayon lamang kami talagang mapag-iisang inyong ama."
May kumurotsa aking laman. Pilit kong nilunok ang panunuyo ng aking bibig. Saka ako napabuntunghininga. Naramdaman kong may nagpupumilit na bumalong sa aking mga mata. Ngayon ko lamang nadamang kilala ko ang silid ng aking ama: dati-rati ko nang napapasok ang kapirasong pook na ito! Lumapit ako kay Ama.
Die filipinische Sprache von
Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/dayuhan.html 100111 / 220728 |