2 Panaguri at paniyak
(Talaksan 2/2)

2-4 Mga bahagi ng pariralang panaguri at paniyak

2-4.1 Pariralang makangalan bilang paniyak

(1) Karaniwang may panandang ang sa harap ng paniyak kung pariralang makangalan ito [1 2].

 
[1]Paanong nalaman nito ang pangalan niya? {W Samadhi 4.4}
[2]Dito nakalagay ang mga tirang pagkain na nahihingi niya. {W Angela 3.1}

(2) Ipinapahayag ng panandang ang ang katiyakan ng paniyak. Walang paggamit ng ang sa kalagayan kung hayag na ang katiyakan ng paniyak sa pamamagitan ng ibang paraan:

 
[3]Masipag siya sa gawain. {W Nanyang 7.2}
[4]Abala ito sa pagtutupi ng mga damit. {W Tiya Margie 3.3}
[5]Dadaan po do'n si Toryo pag dumating. {W Anak ng Lupa 3.6}
[6]Hindi mo na kailangang bilangin ang mga iyan. {W Samadhi 4.3}
[7]Ang iyaking si Roxanna at ang tomboy na si Gretchen. { LIW 10 Abril 2006 p. 9}
[8][a] Pakiabot mo ang librong ito. ✉
 [b] Pakiabot mo itong libro. ☺
[9]Mahalaga itong sagisag hindi lamang sa mga Kristiyano kundi … {W Ambrosio 2006 2.3.7}.

(3) Maaaring may ang o walang ang ang paniyak na binubuo ng ilang ngalang gaya ng:

 
[10]Tahimik ang lahat sa hapag. {W Pagbabalik 3.19}
[11]Hindi lahat ng mga magulang ay tama. {W Estranghera 3.7}
[12][a] Makakagawa niyan ang kahit sino.
 [b] Makakagawa niyan kahit sino.
[13][a] Maaari ang alinman sa mga aklat na ito.
 [b] Maaari alinman sa mga aklat na ito.
[14][a] Nakita ko ang sampung ibon.
 [b] Nakita ko sampung ibon.
[15]Ang bawat umuupa'y may kanya-kanyang lutuan. {W Anak ng Lupa 3.4}
[16] Binibili bawat maibigan ko. {W Tiya Margie 3.6}
Higit na maitim ang limbag = Walang ang. May salungguhit = May ang.


2-4.2 Pariralang makangalan bilang panaguri

Malimit na pariralang makangalan ang panaguri sa Filipinong pangungusap [1-7]. Sa [1-3] pangngalan ang panaguri, sa [4-7] panghalip. Madalas ring pangalawang pariralang makangalan ang paniyak [1 2 4-6]. Kung pariralang pandiwa ang paniyak ay karaniwang gustong iwasan ang katiyakan ng isang pariralang makangalan [3] o gustong bigyan ng tanging diin ang panaguri sa unahan ng pangungusap [7]. Hindi nasa unahan ng pangungusap ang panaguri sa [1b 2b 2c 5]; kung kaya mayroon itong panandang ay.

 
[1][a] Pilipino ako.
 [b] Ako ay Pilipino. (Laganap na awitin ang Ako ay Pilipino ni George Canseco.)
[2][a] Si Pedro ang aking panganay.
 [b] Ang aking panganay ay si Pedro.
 [c] Ang aking panganay ay matangkad na si Pedro.
[3]Isang aso ang nakahukay ng buto sa lupa. {W Aesop 3.3.1}
[4]Sila ang kambal kong kapatid na babae. {W Mumo 3.2}
[5]Ang Pilipino ay ako. (Mula sa Ako ay Pilipino.)
[6]"Akin 'to," sabi ni Ed. {W Bulaklak 8.28} (Panghalip na panaong SA ang panaguri {8-4.6 (3)}.)
[7]Ito lang ang masasabi ko. {W Bulaklak 8.21}

2-4.3 Kabisaang buo ng pandiwa sa pangungusap

Sa karamihan ng pangungusap, pandiwa ang panaguri. May kaganapan ang pandiwa; ito'y paniyak, (mga) pantuwid at pandako. Bahagi ng pariralang pandiwa ang pantuwid at pandako ngunit hindi bahagi nito ang paniyak na may fokus. Gayunman may bisa sa paniyak ang pandiwa. Tinatawag namin itong 'kabisaang buo' ng pandiwa sa pangungusap {2A-431}. May kabisaang buo rin ang pandiwa kung paniyak ang pariralang pandiwa; sa kalagayang ito, may bisa sa panaguri ang paniyak-pandiwa.

Ang pandiwang may kaganapan ang pandiwang may kabisaang buo. Pampalaugnayan ang katawagang ito {6-2}; kasalungat ng pampalaugnayang katawagang pandiwari {6-6.4}.

{Θ} Kahit may kabisaang buo ang pandiwa sa pangungusap, hindi ito nagtatamo ng pangunahing papel sa pangungusap na Filipino. Kasalungat ito sa wikang pang-Europa. Maaaring sabihin tungkol sa pangungusap na Filipino: "Kung may pandiwa bilang panaguri o paniyak ang pangungusap, mayroon itong kabisaang buo.", ngunit hindi "May pangunahing papel ang pandiwa sa pangungusap."

Dalawang pandiwa sa pangungusap{6-7.2}


2-4.4 Pariralang pandiwa bilang panaguri

Sa karaniwang ayos ng panaguri at paniyak, sinusundan ng paniyak ang pariralang pandiwa pag ito'y panaguri [1]. Maaaring hatiin ang panaguri upang mailagay ang paniyak sa likod ng pandiwa [2 3].

 
[1]Hindi ko binigyan ng halaga ang mga salitang iyon noong una. {W Dayuhan 3.3}
[2]Itinaas ni Tan Sua ang malaking kamay at binigyan si Lim Kui ng magkasunod na sampal. {W Nanyang 11.14}
[3]Unang buwan ko pa lang ay binigyan na ako ng sampung piso. {W Nanyang 7.5}
Higit na maitim ang limbag = Panaguri. May salungguhit = Paniyak.

2-4.5 Pariralang pandiwa bilang paniyak

(1) Maaaring bumuo ng paniyak ang pariralang pandiwa [1 2a]. Napakalimit na binubuo ang pangungusap na pananong nang ganito [2b]. Pang-uri ang panaguri sa [3].

(2) Maaaring pangalawang pandiwa ang paniyak ng pangungusap pag unang pandiwa ang panaguri; pang-ibaba (at walang kabisaang buo) ang pangalawang pandiwa [4 5].

 
[1]Pero hindi mumu ang nakita mo kanina. {W Mumo 3.6}
[2][a] Ako ang mag-aasikaso sa kanya.
 [b] Sino ang mag-aasikaso sa kanya? {W Pang-unawa 3.8}
[3]Mapanganib ang lumapit sa ahas. (Dahil pangkalahatan ang pahayag ay walang tagaganap bilang panaguri (halimbawang may tagaganap: Daga ang lumapit sa ahas.). Sa halip nito ay panaguri ang pang-uring mapanganib.)
[4]Sinikap ng lobo ang tumalon upang makaahong palabas. {W Aesop 3.1.1} {2A-451 Σ}
[5]Ngunit, bigla niyang naalala ang naganap sa kanilang lugar noong isang linggo. {W Samadhi 4.3}
Higit na maitim ang limbag = Pandiwa bilang paniyak. May salungguhit = Pang-itaas na pandiwa bilang panaguri.

2-4.6 Pariralang pandako bilang panaguri

Hindi malimit na binubuo ng pandako ang panaguri [1-3]. Sa [1a], panghalip na panao ang salitang-ubod; panghalip na pananong kanino sa [3]. Iniiwasan ang panghalip na pamatlig na SA (dito …) bilang panaguri. Sa halip nito, ginagamit ang anyong makadiwang pinapanggalingan sa panghalip na pamatlig gaya ng nandito [4] {7A-114}.

 
[1][a] Sa akin ang lapis. [b] Kay Tomas ang lapis.
[2]Iyon ay sa pamamagitan lamang ng mala-halimaw na lakas ng hari. {W Pagbabalik 3.2}
[3]Sa kanino ang lapis?
[4]Hay, bakit nga ba ako nandito sa tabi mo? {W Madaling Araw 3.7}

{Θ} Kung pandako ang panaguri ay binubuo ang pariralang pangkayariang pandako ang nilalaman ng iba pang pariralang pangkayarian {1-6.3 (4)}.


2-4.7 Pang-uri at pang-abay bilang panaguri o paniyak

(1) Maaaring bumuo ng panaguri ang pang-uri (o pariralang pang-uri) sa pangungusap na walang pandiwa [1-3]. Nasa ayos na kabalikan ang pangungusap na [3]. Dahil sa pagkakapareho ng panaguri at paniyak maaari ring maging paniyak ang pang-uri [4 5]. Sa pangungusap na [6] ay pang-uri ang panaguri at sugnay ang paniyak.

 
[1]Maaliwalas ang langit at maganda ang panahon. {W Ambrosio 2.3.2}
[2]Kung wala ang amo kong si Nanay Carmen. {W Angela 3.2} (Pang-uri ang wala, hindi pangkaroon {10-4 (4)}.)
[3]Hindi lahat ng mga magulang ay tama. {W Estranghera 3.7}
[4]Ikaw na ang bahala sa mga iyan. {W Samadhi 4.4}
[5]Matagal ko na ring pinagiisipan kung ano ba talaga ang kulang sa buhay ko. {W Damaso 4.1}
[6]Mabuting bigyan ng pera ang mga mahihirap. (Panaguri ang mabuti, sugnay na makaangkop ang paniyak (bigyan ang panaguri nito).)

(2) Madalang lamang ang pangungusap kung saan nagagamit na panaguri ang pariralang pang-abay [7 8], karaniwang pang-abay ng pulutong na kanina {9-5.3 (1)}. Halos walang pang-abay bilang paniyak.

 
[7]Bukas kasi ang iyong kaarawan. {W Rosas 4.8}
[8]Kailan ang pulong?


2-4.8 Pariralang pang-ukol bilang panaguri o paniyak

(1) Maaaring panaguri [1-3] at paniyak [4 5] ang pariralang pang-ukol na may nasa (sa) [1 4] o may pangkaroon [2 3 5].

 
[1]Nasa kanya na ang kayamanan. {W Tiya Margie 3.11}
[2]Wala kaming magawa kundi panoorin ang pagwasak ng aming bahay. {W Pagbabalik 3.3}
[3]Ngayong ako ay may sapat nang edad. {W Damaso 4.1} {2A-331 Σ}
[4]Isa na lang ang nasa isip ko ngayon. {W Piso 3.6}
[5]Sino ang may gustong mawalan ng isang suki? {W Nanyang 22.12} {10A-413 Σ}
Higit na maitim ang limbag = Panaguri. May salungguhit = Paniyak.

(2) Maaari ding bumuo ng panaguri [6] o paniyak [7] ang pariralang pang-ukol ng pulutong na tungkol.

 
[6]Paano mo nalaman, 'Lo", usisa ni Kenneth, "na tungkol sa mga bilog na prutas ang iniisip ko? {W Prutas 3.1}
[7]Ayaw ko munang isipin ang tungkol sa pag-aasawa. { Perdon 2003 p. 84}

2-4.9 Sugnay bilang paniyak o panaguri

(1) Maaaring sugnay ang nasa halip ng paniyak {6-2.5}. Karaniwan, ito'y sugnay na makaangkop; ginagamit ang pang-angkop sa halip ng panandang ang kung nasa ayos na karaniwan ang sugnay na makaangkop [1]. Kung kabalikan ay ginagamit ang pang-angkop at ang panandang ang sa harapan ng sugnay na makaangkop [2]. Pag may salitang pananong ang sugnay na bumubuo ng paniyak, ginagamit ang sugnay na may pangatnig na kung [3 4].

 
[1][a] Sinabi kong ama ko ang may-ari sa Li Hua. {W Nanyang 21.8}
 [b] Sinabi ko ang totoo.
 [c] Ama ko ang may-ari sa Li Hua.
[2][a] Nakita kong ang kanyang mga mata ay maalab. {W Lunsod 3.16}
 [b] Nakita ko ang bata.
 [c] Ang kanyang mga mata ay maalab.
[3]Lalong hindi ko alam kung saan siya nakatira. {W Angela 3.1}
[4]Hindi niya maintindihan kung natutuwa o nalulungkot siya. {W Karla 5.206}

(2) Maaaring sugnay sa tambalang pangungusap ang panaguri [5 6]. Tinatalakay ito sa {13-4.3.2 (4)}.

 
[5][a] Ang tangi mo na lang nagawa upang alisin ang tensiyon ay paglaruan ang tungki ng aking ilong. {W Madaling Araw 3.1} {13A-4322 Σ [1]}
 [b] Paglaruan ang tungki ng aking ilong ang tangi mo na lang nagawa upang … {13A-4322 Σ [4]}
[6]Kung pasko ang handaan.

2-5 Θ Pariralang panaguri at paniyak

(1) Kagyat sa pangungusap ang pariralang pangkayariang panaguri at paniyak, inilalarawan ang tungkulin nito sa kabanatang {13-2.3 Θ}. Hindi maaaring pariralang pang-ibaba ang panaguri at paniyak.

(2) Sa Patakaran itinatampok ang panaguri nang ganito.

 Tungkulin ng panaguri Pagbuo ng panaguri 

[1]Kagyat sa pangungusapPariralang pandiwa {2-4.4}
[2]Kagyat sa pangungusapPariralang makangalan {2-4.2}
[3]Kagyat sa pangungusapPariralang pang-uri {2-4.7}
[4]Kagyat sa pangungusapPariralang pang-abay {2-4.7 (3)}
[5]Kagyat sa pangungusapPariralang pang-ukol {2-4.8}
[6]Kagyat sa pangungusapPariralang pandako {2-4.6}
Sugnay ang maaaring bumubuo ng panaguri. {2-4.9 (2)}

Sa [6], panaguri ang pariralang pandako. Pampalaugnayan, kataliwasan ang yaring ito dahil pariralang pangkayarian (pandako) ang nasa loob ng pariralang pangkayarian (panaguri) {1-6.3 (4)}.

(3) Halos pareho ang paglalahad ng paniyak sa Patakaran dahil sa pagkakapareho ng panaguri at paniyak.

 Tungkulin ng paniyakPagbuo ng paniyak  

[7]Kagyat sa pangungusapPariralang makangalan {2-4.1}
[8]Kagyat sa pangungusapPariralang pandiwa {2-4.5}
[9]Kagyat sa pangungusapPariralang pang-uri {2-4.7}
[10]Kagyat sa pangungusapPariralang pang-abay{2-4.7 (3)}
[11]Kagyat sa pangungusapPariralang pang-ukol {2-4.8}
Sugnay ang maaaring bumubuo ng paniyak. {2-4.9 (1)}

Wikang Filipino ni Armin Möller
http://www.germanlipa.de/filipino/ug_P-P_2.html
28 Enero 2011 / 211228

Palaugnayan ng Wikang Filipino
Wakas ng 2 Panaguri at Paniyak (Talaksan 2/2)

Simula ng talaksan   Palaugnayan   Ugnika