Werkstatt / Gawaan: Pang-unawa

1 Einleitung
3 Originaltext


1 Einleitung / Pambungad

Quelle: Catungal, Nova: Pang-unawa
LIWAYWAY, 12 Disyembre 2005

Si Nova Catungal ay nakatira sa 225 Camantiles, Urdaneta City, Pangasinan. Kumuha ng kursong Commerce major in Management sa Saint Louis University, Baguio City. Ipinanganak noong Nobyembre 8, 1980.


3 Texte / Mga Kasulatan

{3.1}
Nakaupo si Reina sa gilid ng kanyang higaan. Nakatitig sa kanyang cellphone at nagbabakasakaling makatanggap ng text message o tawag mula kay Russell, ang kanyang nobyo. Apat na araw na ang nakararaan nang sabihin niyang buntis siya sa binata. Ayon sa kanyang nobyo, magiging maayos naman daw ang lahat. Ngunit hindi niya alam na iyon na pala ang huli nilang pagkikita. Hindi na niya ito makontak.

Nagtanong na rin siya sa mga kaibigan nila ni Russell ngunit wala ring kontak ang mga ito kay Russell. Isa sa mga barkada nila ang pumunta sa bahay ng lolo at lola ni Russell kiung saan ito nakikitira pero umalis daw nang hindi nagpaalam. Ayon sa iniwan nitong sulat, maghahanap ng trabaho sa Maynila. Gumuhit ang inapait na ngiti sa kanyang labi at muli niyang pinagmumura ang nobyo.

{3.2}
Nilingap niya ang kabuuan ng kuwarto. Walang pintura ang dingding, may dalawang katre sa silid na kapwa walang kutson, isa rito ay kanyang higaan. Nais niyang maghanap ng matitirhan na malayo sa kasalukuyan niyang boarding house. Hindi rin niya nagustuhan ang kanyang roommate, palaaral ang mga ito, pinapaalala tuloy ang isang importanteng bagay na kanyang isinantabi, ang kanyang pag-aaral.

Naalaala pa niya: "Hindi mo naman kailangang umalis sa tinutuluyan mong boarding house," sabi sa kanya ni Russell nang dalawin siya nito sa boarding house. "Kung pupuntahan ka ng mama o ate mo, e di sabihin mong ayaw mong bumalik sa kanila. Mukha ka tuloy kawawa. Hindi bale, may gagawin tayong tiyak na ikagagaan ng loob mo. Wala sina lolo at lola ngayon. Dinalaw ang tiya ko sa Batangas. Dalawang araw sila roon. P'wede kang matulog sa 'min. Nami-miss ko na 'yong bonding natin."

{3.3}
At ang resulta ng kanilang bonding, nabuntis siya. Ang masaklap, umalis ang kanyang nobyo nang walang paalam. Maliwanag na tinakasan nito ang responsibilidad sa kanya. Tumayo siya. Tinungo ang tokador para maghanap ng ipapalit na damit. Ipinasiya niyang pumunta sa downtown upang maalis ang pagkaaburido. Nang mapadaan siya sa salaming nakasabit sa dingding, napatigil siya, minasdan ang kanyang repleksiyon. Maganda siya, isang katangiang labis niyang pinahahalagahan.

Bata pa siya, ang pagiging maganda niya ang palaging naririnig niyang komento ng iba. Ang kanyang ina, tuwing mamalengke ito ay madalas siyang isinasama. Naroon ang pagmamalaki ng kanyang ina sa tuwing may pupuri sa kanya. Subalit nang magdalaga siya ay ang kagandahan niya ang naging mitsa ng hindi pagkauunawaan nilang mag-ina. Madalas siyang kagalitan ni Aling Martha pagkat hindi siya tumatalima sa mga ipinag-uutos nito, lalo na sa tanghaling tapat.

Katwiran niya, ayaw niyang mainitan. Gayon siya, hindi nangingiming sabihin kung ano ang kanyang saloobin kapag sa tingin niya ay mapeperhuwisyo siya. Hindi rin niya nakalilimutang mag-ayos kapag may pupuntahan, kahit malapit. At sa puntong iyon madalas siyang sitahin ng kanyang ina.

{3.4}
Bilang pampalubag sa ngitngit na namamayani sa kanyang dibdib, ipinagpalagay niyang kung bakit hindi siya maintindihan ng kanyang ina at dalawang kapatid ay sa dahilang hindi niya ito kasingganda. Nakuha niya ang kanyang hitsura sa ama. Sa kanyang ama rin siya nagsusumbong kapag kinagagalitan ng ina. Kadalasan, kinakampihan siya ng kanyang ama kaya naman malapit ang loob niya rito.

Labindalawang taong gulang siya noon nang pumunta sa Spain ang kanyang ama para magtrabaho bilang domestic helper. Hindi kasi sapat ang kinikita nito bilang tricycle driver para matustusan ang lumalaki nilang gastusin. Naiintindihan niya kung bakit kailangang gawin iyon ng kanyang ama pero mas nanaisin pa niyang ina niya ang umalis.

{3.5}
Nang makapag-ayos ni Reina ay lumabas na siya ng kanyang kuwarto. Nadaanan niya sa salang nag-uusap ang apat pang boarders ngunit kagyat na tumahimik ang mga ito nang mamataan siya. Nahihinuha niyang siya ang pinag-uusapan niyon. Wala siyang ganang makipagplastikan, walang pasubali siyang dumaan. Buwisit na buwisit siya, nagsisisi kung bakit iyon pa ang napili niyang tirahan. Nang sumakay siya sa dyip papuntang downtown ay naagaw ang kanyang pansin sa dalawang estudyanteng nakaupo sa tapat niya. Sa taya niya, kaedad niya ang mga ito, labingsiyam na taong gulang.

Unang linggo iyon ng Oktubre, kung hindi siya tumigil ng pag-aaral, marahil, natapos na naman niya ang isang semester ng kursong nursing. "Mukhang babagsak ako sa Taxation," sabi ng isang maputing babae. "Matigas kasi ang ulo mo. Mas inuuna mo pa ang gumimik," sisi naman ng isa. Parang may kumurot sa kanyang puso. Naalala niya ang kanyang ina, naging bukambibig na nito ang katigasan ng kanyang ulo simula nang nasa hayskul siya. Nasa ibang bansa na ang kanyang ama sa panahong iyon. Manapa'y wala siyang mapagsumbungan. Kapag nag-iisa siya sa kuwarto nila ni Mayette ay umiiyak siya sa sobrang pangungulila sa ama. Hindi rin siya malapit sa dalawang kapatid kaya pakiramdam niya ay walang nakaiintindi sa kanya sa kanilang tahanan. Naghanap siya ng may magkakalinga sa kanya. Lalo na sa panahong nahaharap siya sa matinding problema. Ang kanyang pagbubuntis. Paano ba niya ipagtatapat sa kanyang ina?

{3.6}
Naalaala pa niya, sa unang taon pa lang niya sa hayskul ay nagkaroon na siya ng nobyo. Naging sunud-sunod na iyon. Kapag nakipagkalas siya sa isa, wala pang isang buwan ay may bago na naman siya. Gustung-gusto niyang may nag-aalaga sa kanya, may nagmamalasakit at nagmamahal. Pakiramdam niya ay hindi kumpleto ang kanyang buhay kapag wala siyang nobyo. Sa isang unibersidad ng katabing siyudad ng kanilang bayan nagkolehiyo si Reina. Hiniling niya sa kanyang ina na payagan siyang tumira sa boarding house upang hindi mahuli sa pang-umagang mga asignatura gayong may apatnapung minuto lamang ang biyahe niyon mula sa kanila. Katwiran niya, hindi siya sanay gumising nang maaga. Napapayag lamang ang kanyang ina nang ipangako niyang hindi niya pababayaan ang kanyang pag-aaral.

Ngunit nawaglit na sa kanyang isipan ang pangakong iyon sa kanyang ina. Nasa ikatlong taon siya ng kolehiyo, buwan ng Hulyo nang maging nobyo niya si Russell. Galing sa isang broken family ang binata at may kanya-kanya nang pamilya ang mga magulang nito. Alam ni Reina na nagrerebelde si Russell sa mga magulang nito. Ngunit kakatwang iyon pa ang isa sa mga nagustuhan niya sa binata. Gusto rin niya ang ugali nitong walang pakialam sa sasabihin ng iba at ginagawa ang gusto basta nakapagpapaligaya sa kanya. Si Russell at ang mga barkada nito na may mga hinanakit din sa magulang ang madalas niyang kasama sa mga gimikan. Hanggang sa sukdulang hindi na niya magawang limitahan ang walang kawawa ang gimik. Resulta, napabayaan ang kanyang pag-aaral at nauwi pa kanyang pagbubuntis.

{3.7}
Sumulat ang pamunuan ng Student Affairs Office sa kanyang ina at nalaman nito na hindi na niya pinapasukan ang ilan sa mga asignatura. Biyernes iyon nang umuwi siya sa kanilang bahay. Ilang minuto pa lamang siyang nagpapahinga sa kanyang kuwarto nang kausapin siya ng kanyang ina tungkol sa kapabayaan niya sa pag-aaral. "Me problema ka ba?" tanong ng kanyang ina. Umiling siya. "Halatang me problema ka, sabihin mo." "Wala nga, e," matigas niyang sabi. "Wala?" giit ng kanyang ina. "E, napababayaan mo na ang pag-aaral mo, a." "Ba't ho ba kayo nagagalit?" tumaas ang kanyang boses. "E, pera naman ni itay ang ginagastasa pag-aaral ko." Sa kanyang sinabi, bigla siyang nasampal ng kanyang ina. Sa halip na mapagtanto ang kanyang mga kasalanan, sumiklab pa ang galit sa kanyang dibdib. "Alam ko namang hindi n'yo ako gusto dahil hindi ako katulad ng iba ninyong mga anak na masunurin. Tutal, sabi n'yo nga, puro sakit lang ng ulo ang ibinibigay ko sa inyo. Mas mabuti pa ngang umalis na lang ako rito." Padabog na hinablot niya ang kanyang bag sa gilid ng kanyang kama. At pabalibag na isinara ang pinto pagkatapos lumabas. Pinigilan siya ng kanyang ina ngunit naging matigas siya sa kanyang pasya.

{3.8}
Hindi niya napigilang umiyak nang sakay na siya ng bus pabalik sa lungsod. Nag-uumapaw ang sama ng loob sa kanyang dibdib. Totohanan na niya ang kanyang banta, hindi na siya babalik sa kanila. Tinawagan siya ng kanyang Ate Myrha ngunit hindi niya ito sinagot. Ni isa sa kanilang pamilya, ayaw niyang makausap. Upang hindi matunton, lumipat siya ng boarding house at nagpalit ng numero ng cellphone. Upang may pantustos, isinangla niya ang isang pares na hikaw at kuwintas na regalo ng kanyang ama. Ngunit wala pang isang buwan ay nararamdaman na niyang kinakapos siya. Tumigil na rin siya sa kanyang pag-aaral. Higit na pinamahayan siya ng pangamba, na habang lumalaon, lumalaki na ng kanyang tiyan. At darating ang araw, manganganak siya. Sino ang mag-aasikaso sa kanya? Sino ang tutustos sa kanyang mga pangangailangan? Sumagi sa kanyang isipan si Russell. Namahay ang pagkamuhi sa kanyang puso rito. At wala siyang ibang malalapitan, kundi ang kanyang mga magulang. Hindi siya hihingi ng tulong sa mga ito, naisaloob niya.

Ngunit sa kanyang pag-iisa, ang ipinapakita niyang katatagan ay unti-unting napapalitan ng kalungkutan at pangungulila. Nauuhaw siya sa pang-unawa. Ibig niyang makahanap ng masasandalan. Pinipilit niyang maging matatag ngunit nangingibabaw pa rin ang kanyang kahinaan. Kahinaang noon lamang niya nadarama.

{3.9}
Ilang buwan ang lumipas, inihatid siya ng kanyang mga paa sa kanyang pamilya. Noon ay halata na ang kanyang dinadala. "Umalis kang me problema, nang bumalik ka, problema pa rin ang dala mo," mahina ngunit mariing pagkasabi ng kanyang ina. Napatungo siya. Hindi niya magawang tumingin nang tuwid sa ina at kapatid. "Sabi ko na nga ba't me problema ka nang huli mong umuwi rito," patuloy ng kanyang ina. "Hindi lang problema 'yang dala mo kundi kahihiyan sa ating pamilya." Nang iangat niya ang kanyang mukha ay pinangaliran siya ng mga luha. "Patawarin n'yo ako, 'Nay," pumiyok ang kanyang boses. "Sa'n ang ama ng dinadala mo?" ang kanyang ina. Umiling siya. "Tinakasan ako," nabasag ang kanyang boses. Nangulimlim ang mukha ng kanyang ina. Napabuntunghiningang tumingin sa kanya. "Kung naging masunurin ka lang sana," mahina ngunit naroon ang paninising sabi ng kanyang ina.

{3.10}
"Patawarin n'yo ko 'Nay." Sa puntong iyon ay nakuha na niyang tumingin sa kanyang ina. Namalas niyang pinangaliran na rin ng luha ang kanyang ina, maging ang kanyang mga kapatid. Sa kislap ng mga mata ng kanyang, napagwawari niyang punumpuno iyon ng panunumbat. Dangan nga bilang isang ina, naroon pa rin, nababasa pa rin niya sa mga mata nito, ang kasabihang walang inang nakatittis sa anak. Anumang pagkakamali ang hatid niyon sa pamilya. Namagitan ang katahimikan. Matagal. "E, ano pa nga ang gagawin ko," ang kanyang ina. Bahagyang lumapit sa kanya. Hinawakan ang nanlalamig niyang kamay. "Humingi ka rin ng tawad sa ama. Tawagan mo s'ya." Tumangu-tango siya. "Masakit ang ginawa mo sa pamilya natin," nabasag na rin ang boses ng kanyang ina. "Pero, hindi ko magawang pabayaan ka." "'Nay", aniya. Kasunod niyon ang buong higpit na yakapan nilang mag-ina.


Armin Möller   http://www.germanlipa.de/text/unawa.html
051211 - 220717

Ende / Wakas   Pang-unawa

↑↑   Werkstatt / Gawaan   Ugnika