Werkstatt / Gawaan
Tiya Margie   (• tiya, • margie)

1 Einleitung
3 Originaltext


1 Einleitung

Quelle: Leah D. Manzano: Si Tiya Margie
LIWAYWAY, 19 Enero 2009 { Liwayway}

Ang may-akda,19-taong gulang ay kasalukuyang kumukuha ng Bachelor in Secondary Education sa University of Northern Philippines - Candon Branch, Candon City, Ilocos. Kasalukuyang Literary editor ng Gazette (Official Student publication) ng naturang unibersidad.



3 Originaltext

{3.21}
Ang kasal ay isang sagradong bagay. Kaya tama ang kasabihang, "hindi ito isang pagkain na p'wede mong iluwa 'pag ikaw ay napaso". "Inay, ang yaman-yaman nina Tiya Margie,' no?" Nakadungaw ako sa bintana. Tinatanaw ko ang magarang kotse na papasok sa malawak na bakuran. Mansiyon na matatawag ang katapat naming bahay. Kumpleto sa makabagong kagamitan at maging sa mga katulong. Pawang mga hari at reyna ang mga among pinagsisilbihan.

{3.22}
Ang Tiya Margie na aking tinutukoy ay nakababatang kapatid na babae ni Inay. Pito silang lahat. Si Tiyo Pancho, na dalawang taon nang namayapa; si Tiya Conching na nakapag-aswa ng Bulakenyo; si Tiya Auring at Tiya Julia na parehong tumandang dalaga; ang aking ina; si Tiyo Patring na magsasaka; ang Tiya Margie; at si Tiyo Ponso na siyang pinakabunso.

{3.23}
Sa kanilang magkakapatid, ang aking Tiya Margie ang masasabing umangat ang buhay. Nakaahon ito sa putik na pinanggalingan. Bagaman di ko sinasabing dukha kami. Dahil sa ibayong sipag ng aking mga magulang ay nakararaos naman kami sa araw-araw.

{3.24
Di ko masisisi ang mga magulang ko kung mas hinangad nilang magkaroon lamang ng isang maliit na pamilya. Maliit dahil nag-iisang anak lamang ako. Ginawang salamin nina Itay at Inay ang mga pinagmulang pamilya-batbat sa hirap at pagdurusa.

{3.25}
Naalala ko, sa minsang pagkukwentuhan, nagmula raw si Itay sa malaking pamilya. Panlabing - anim siya sa labinsiyam na anak ng mag-asawang Carlito at Soledad Manalacan. Dahil sa laki ng pamilya at hirap sa buhay, di kinaya ni Itay ang kinamulatang hirap. Naglayas ito sa edad na trese. Ni hindi na ito pinag-aksayahang hanapin ng sariling pamilya. Wari'y ipinagpasalamatan pa ang kanyang pagkawala dahil nabawasan ang pasanin ng mga ito.

{3.26}
Pagbubukid! Ito ang kinasadlakan ni Itay. Siya ay nakikisaka sa isang maliit na bukid na pag-aari ng isang kaibigan. Labandera naman si Inay. Araw-araw ay tumatanggap ito ng labada. Sa kakarampot na kinikita, nakararaos kami kahit papaano.

{3.27}
Sinulyapan ko si Inay. Abala ito sa pagtutupi ng mga damit. Mamayang hapon ay idedeliber niya sa bahay ng mga Asuncion. Duda ako kung narinig niya ang aking sinabi. Tuon na tuon kasi ang buong pansin niya sa knyang ginagawa.

{3.28}
Di ko naiwasang ikumpara si Inay kay Tita Margie. Kahit maganda si Inay noong kabataan niya ay anag-ag ng kagandahan na lang ang natira sa pagtanda nito.Wari'y natabunan sa paglipas ng panahon. Tulad sa isang bulaklak na unti-unting natutuyot. Maaaring dahil salat sa pag-aalaga at uhaw sa masaganang tubig. Kahirapan, ito ang dahilan ng lahat.

{3.29}
Maganda si Tiya Margie. Bagets kung manamit, ang mahabang buhok ay maitim tulad ng pusikit na gabi, maputi at makinis ito kaya nakapag-asawa ng matandang mayaman. Ang sabi ni Inay, alagang salon daw kasi ang buhok ni Tiya Margie kaya makintab sa kaitiman.Gayon din ang kutis nito. Alaga sa derma. Pero di naman daw dating ganoon kaganda si Tiya Margie. Kayamanan, siyang naging susi sa lahat.

{3.30}
Sa loob-loob ko, kung mayaman lang siguro kami tulad nina Tiya Margie, siguradong mapapanatili ni Inay ang angking ganda niya. Wala sa sariling nasabi ko. "Tutulad din ako ke Tiya paglaki ko. Gagawin ko rin ang lahat para yumaman ako; Nangangarap na napatingin ako sa mala-mansiyon na bahay nina Tiya. Mula roon ay natanaw ko siyang kaaalis lamang sa magarang kotse. Kasunod nito ay ang matandang asawa na doble pa ata ang edad sa kanya.

{3.31}
Napansin kong tumigil si Inay sa ginagawa. Nilingon ko siya. Matiim siyang nakatitig sa akin. Nagtatanong ang mga matang sinalubong ko ang kanyang paningin. "Aanhin mo ang kayamanan kung di naman nito nabibili ang tunay na kaligayahan?" matalinghagang tanong niya at ipinagpatuloy ang ginagawa. Ni hindi hinintay ang aking sagot. Minabuti kong tumahimik na lamang . Naguguluhan ako sa sinasabi ni Inay kaya't maging sa pagtulog ay pilit ko iyong inaalisa (inaalala).

{3.32}
Malapit ako kay Tiya Margie. Kung wala rin lang akong pasok ay sa bahay nila ako nagpupunta. Dahil walang anak ang mga ito, aliw na aliw sa akin si Tiya Margie. Binibilhan niya ako ng kung anu-anong gamit,damit man o laruan. Takot ako sa matandang asawa ni Tiya Margie. Mabuti na lang at madalang itong lumabas pag nandoon ako sa bahay nila.

{3.33}
Mabait si Tiya. Sa kanya lumalapit ang mga kapatid 'pag kapos ang mga ito sa pera. Di ka magdadalawang salita rito. Bukas ang palad nito sa pagbibigay. Hanga talaga ako sa kanya. Gusto ko talagang maging katulad niya paglaki ko.

{3.34}
Ngunit nitong nakalipas na araw, may napansin akong kakaiba sa ikinikilos ni Tiya. Napansin ko rin ang kanyang pananamlay. Isang araw, balak ko sanang makipaglaro uli sa kanya ngunit tila asong bahag ang buntot na sinenyasan akong wag pumasok sa bakuran ng mga ito. Nakabadha ang takot sa mukha nito.

{3.35}
Nabaghan ako sa ikinilos ni Tiya. Agad sumaisip sa akin ang asawa nito. Baka pinagbawalan nito si Tiya na papasukin ako. Halos isang buwan na di ako nagpupunta sa kanila.

{3.36}
Sabado. Nag-Family Day kami. Lumabas kaming mag-anak. Namasyal kami at kumain sa labas. Tipid na tipid ang mga magulang ko sa paggastos. Napansin ko iyon. Di tulad pag si Tiya Margie ang kasama ko. Sinusunod lagi ang kapritso ko. Binibili bawat maibigan ko. Bagaman masaya ako ngayon dahil ang kasama ko ay sina Itay at Inay. Pauwi na kami nang masalubong namin si Tiya at ang asawa nito. Magkahawak-kamay ang mga ito pero mas mapagkakamalang nag-aakay si Tiya Margie ng isang lolo.

{3.37}
Nagtanguan lang sina Inay at Tiya Margie at tuluy-tuloy na kaming lumakad palayo. Pero di nakaligtas sa akin ang pananaghiling nakarehistro sa mukha ni Tiya. Bakit? Piping tanong ko sa isip. Di ba dapat kami ang mainggit?

{3.38}
Isang gabi. Malalakas na katok sa pintuan ang gumising sa aming mag-anak. Pupungas-pungas na bumangon sina Itay at Inay sa higaan. Napabalikwas na rin ako. Binuksan ni Inay ang pinto. Isang nahihintakutang Tiya Margie ang aming nabungaran. Puno ng pasa ang buong mukha nito.

{3.39}
"A-ate, t-tulungan mo ako," nangangatal na sambit nito. Napansin ko ang putok nitong labi. Agad na sinaklolohan ito ni Inay. Agad namang tumakbo sa silid si Itay upang kumuha ng gamot. Naupo si Inay at Tiya Margie. Habang ako'y tamang nagmamasid sa mga nangyayari. Nakaupo ako sa baitang ng hagdan.

{3.40}
Ibinigay ni Itay ang gamot kay Inay. Akmang lalapatan ni Inay ang mga pasa ni Tiya nang pigilan niya ito. Puno pa rin ng takot ang mukha nito. "Na-napatay ko si siya, Ate." Nahihintakutang kumpisal niya. Nagulat sina Itay at Inay. Maging ako. Pagkarinig ko pa lamang sa salitang patay ay kinilabutan na ako. Naghari ang katahimikan. Ang pauntul-untol na paghikbi ni Tiya Margie ang naririnig.

{3.41}
"Binugbog niya ako nang ayaw kong gawin ang ipinagagawa niya." Kapagdaka'y naging mabalasik ang anyo nito. "Ang manyakis na matandang 'yon. Gusto ba namang gawan ko siya ng kalaswaan, di na niya ako iginalang." At napahagulgol ito ng iyak. "Di ko na kayang tagalan pa ang mga pinaggagawa niya sa akin. K-kaya di ko napigilan ang sarili ko, Ate, nasaksak ko siya. Saka lang namin napansin ang duguang kamay ni Tiya.

{3.42}
Nahihintakutang napatingin kaming tatlo sa kanya. Maging si Itay ay di alam ang gagawin. Parang madudurog naman ang puso ni Inay sa awa sa kapatid. Umiiyak na niyakap niya ito. "Nabulag ako, Ate, naging mapaghangad ako sa salapi. Kung sana'y nakinig ako sa'yo. Di ko mararanasan ang ganito."

{3.43}
Mas lalong humigpit ang yakap ni Inay kay Tiya. "Di na natin maibabalik pa ang nakaraan. Patawarin mo ako at wala akong nagawa upang iligtas ka sa kinasadlakan mo." Malakas na katok sa pintuan ang gumalantang sa amin. Tila gustong baguhin ang pinto.

{3.44}
Napakapit nang mahigpit si Tiya kay Inay. B-bayaw, napapaawang tawag kay Itay. Tila naman nagising sa mahabang pagkakatulog ang tinawag. Tumayo ito at binuksan ang pinto. Dalawang unipormadong lalaki ang pumasok. Mga pulis. Naparalisa ang aking buong katawan. Kaya nanatili ako sa aking kinaroroonan.

{3.45}
"Kayo ba si Mrs. Margie Saldevar?" maawtoridad na tanong ng isa sa dalawang pulis. A-ate, mahinang usal ni Tiya Margie. Mahigpit ang pagkakahawak nito kay Inay. Biglang pumasok ang isang katulong nina Tiya Margie. "Siya nga po, Sir, siya ang pumatay kay Mr. Saldevar," matabil ang dilang turo nito kay Tiya. Agad na lumapit ang dalawang pulis sa aking tiyayin.

{3.46}
"Ate, 'wag mo 'kong ibibigay sa kanila,'palahaw nito. Ngunit walang nagawa si Inay nang hilahin ng mga pulis ang kanyang kapatid. "Walang kasalanan ang kapatid ko," sigaw ni Inay habang pinoposasan si Tiya. At hinila palabas. "Ipinagtanggol lang niya ang sarili niya." Lumapit si Itay. Dinaluhan si Inay. "Walang kasalanan ang kapatid ko, tila wala sa sariling pauit-ulit na bigkas ni Inay.

{3.47}
Tumango si Itay. Niyakap nang mahigpit si Inay habang pinapanood ang pagsakay ni Tiya sa sasakyan ng mga pulis. Dinig na dinig pa rin ang panangis nito. Ilang saglit pa ay humarurot na palayo ang sasakyan. Tila may naramdaman akong sundot sa aking murang isipan. Nagunita ko ang sinabi ni Inay. "Aanhin mo ang kayamanan kung di naman nito nabibili ang tunay na kaligayahan?"

{3.48}
Tulad ni Tiya. Nasa kanya na ang kayamanan ngunit sa kabila nito'y kaakibat pa rin ang kalungkutan. Isinuko nito ang karapatang lumigaya, magkaroon ng isang masaya at buong pamilya, kapalit ang kayamanan. Itinali ang sarili sa isang kasunduang di niya natakasan.


Die filipinische Sprache von Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/tiya.html
090301 - 220605

Ende / Wakas   Tiya Margie

↑↑   Werkstatt / Gawaan   Ugnika