Kuwentong pambata: Mumu sa Bintana

Ni Genaro R. G. Cruz, LIWAYWAY, 6 Hunyo 2005

Lagi't lagi na lang na hindi natatapos ang kanilang laro dahil sa mumu sa bintana...

{3.1}
Walong lahat ang aking mga kapatid. Si Ate Perla, Kuya Puti, Kuya Itim, Kuya Ruben, Ate Charito, Ate Rowena, Ate Sally at si Kuya Tuan. Tapos, ako raw ang pangsiyam, sabi sa akin ni Nanay. Kaya binibilang kong lagi, siyam kaming magkakapatid. May sobra pang isa sa aking mga daliri. Madalas sina Ate Rowena at Ate Sally lang ang aking nakakasama.

{3.2}
Tuwing hapon, sinusundo ako ni Ate Rowena at ni Ate Sally. Sila ang kambal kong kapatid na babae. Magkamukhang-magkamukha sila. Sabi ni Nanay, galing daw sa laro ang pangalan ni Ate Rowena at ni Ate Sally. Rowena puwera at Sally kasali. Kapag nasa malaking bahay na kami, naglalaro kami ng taguan. Taguan sa salamin ang aming laro. "Gener, hanapin mo na kami!" sabi ni Ate Rowena. "Gener, nakikita mo ba ang aming pinagtataguan?" si Ate Sally naman. Sa malaking salamin ng lumang aparador, nakikita ko silang dalawa pero di ko talaga makita ang kanilang pinagtataguan. Biglang matataranta ang dalawa kong kapatid. Bababa ng bahay si Ate Sally at hahawakan naman ako ni Ate Rowena sa dalawang kamay. "Halika na, Bunso, bilisan mo at may mumu sa bintana!" yaya ni Ate Rowena. Si Ate Sally, naghihintay naman sa ibaba ng bintana. Idadaan nila ako sa mataas na bintana. Nakapikit ako dahil sa sobrang lula ko. Tapos nagmamadali akong ihahatid ni Ate Sally sa maliit na bahay namin ni Nanay. Mahigpit na ang hawak sa akin ni Ate Sally. Siguro, salbahe ang mumu sa bintana.

{3.3}
Kinabukasan, susunduin uli ako nina Ate Rowena at Ate Sally. Maglalaro uli kami sa malaking bahay na may dalawang malaking bintana. Taguan uli sa salamin ang aming laro. "Gener, makikita mo kaya kami?" tanong din ni Ate Sally. Sa malaking salamin ng lumang aparador, nakikita kong magkatabi sila pero di ko talaga makita ang kanilang pinagtataguan. Parang sa salamin galing ang kanilang boses. Brummmm! Brummmm! Brummmm! Matataranta na naman si Ate Sally at si Ate Rowena. "Halika na, Bunso, bilisan mo at may mumu sa bintana," yaya ni Ate Rowena. Idadaan na naman nila ako sa mataas na bintana. Nakapikit pa rin ako pero di na ko gaanong nalulula. Tapos ihahatid uli ako ni Ate Sally sa maliit na bahay namin ni Nanay. Malalaki at mabilis ang aming mga hakbang. Siguro talagang salbahe ang mumu sa bintana. Pauwi, nilingon ko si Ate Rowena sa malaking bintana. Bakit parang di siya natatakot sa papuntang mumu sa bintana?

{3.4}
Laging di natatapos ang laro namin ni Ate Rowena at ni Ate Sally dahil sa malakas na naririnig namin. Siguro, talagang salbahe ang mumu kaya dapat akong idaan sa bintana para di niya ako makasalubong sa hagdanan. Siguro, ang pangit-pangit ng mukha ng mumu. Siguro, ang laki-laki ng bibig dahil ang laki ng boses. Hindi kaya tinatakot nito ang walo kong kapatid na nakatira sa malaki naming bahay? Siguro, kaya di ako nakatira sa malaking bahay dahil maliit pa ako. Kailangan ko pa ang pag-aalaga ni Nanay. Sina Ate Perla, Kuya Puti, Kuya Itim, Kuya Ruben, Ate Charito, Ate Rowena, Ate Sally, at Kuya Tuan ay malalaki na. Kaya na nilang labanan ang mumu sa bintana. Siguro, pag malaki na ako ay sa malaking bahay na rin ako titira. Pero paano nga pala si Nanay? Sasama kaya siya?

{3.5}
Isang hapon, may nakatatakot na nangyari habang naglalaro kami ni Ate Rowena at ni Ate Sally. Basta narinig na lang namin ang malalakas na paa na umaakyat sa hagdanan. Napatayo si Ate Rowena at si Ate Sally pero huli na ang lahat. Di na nakababa si Ate Sally para saluhin ako sa ibaba ng bintana. Nagkaroon na ng mukha ang salbaheng mumu na sinasabi ni Ate Rowena. Pero di mumu na pangit ang mukha at malaki ang bibig. "Alisin ninyo ang batang 'yan sa bahay na ito!" sabi ng mumu nang makita ako. Tulad uli ng dati, madali akong inihatid ni Ate Sally sa bahay namin ni Nanay. Pero sa hagdanan na niya ako idinaan. Nakita ko ang nakaparadang pulang dyip.

{3.6}
Gabi, tinanong ko si Nanay tungkol sa mumung nakita ko kanina sa malaking bahay. "Maiintindihan mo rin ang lahat anak pagdating ng panahon. Pero hindi mumu ang nakita mo kanina", sabi ni Nanay habang hinihimas ang aking ulo. "Talaga,'Nay?" "Oo, anak, hindi siya mumu na dapat mong katakutan." Naramdaman ko na lang ang mahigpit na yakap ni Nanay. Tapos, natulog na kami.

{3.7}

Kinabukasan ng hapon, sinundo uli ako ni Ate Rowena at Ate Sally. Parang kakaiba ang lahat. Binihisan ako ni Nanay nang paborito kong damit. Pinulbuhan ako ni Ate Rowena. Sinuklay naman ako ni Ate Sally. Pagdating namin sa malaking bahay, ibang-iba talaga ang lahat. Dumating din pala si Ate Perla. Kuya Puti, Kuya Itim, Kuya Ruben, Ate Charito, Kuya Tuan, at siyempre, si Ate Rowena at Ate Sally. Binilang ko silang lahat, walo silang aking kapatid at ako pangsiyam.

{3.8}
Pagkatapos narinig namin lahat ang "Brummmm! Brummmm! Brummmm!" at ang paang umaakyat sa hagdanan. Tapos, nakita ko sa pinto ang mumung nakita ko kahapon. "'Tay, siya ha po si Gener", sabi ni Ate Perla. "'Tay, siya na po ang bunso naming kapatid", ang sabi ni Kuya Puti. "'Tay, gusto po namin na dito na siya tumira," ang sabi ni Ate Charito. "Aba, kamukhang-kamukha ko 'ata si Gener", ang sabat naman ni Kuya Ruben. "Sinong magsasabing hindi namin siya kapatid?" si Ate Rowena. "Nakakamukha natin siyang lahat," si Ate Sally naman. "Para naman may maiangkas ako sa 'king matuling bisikleta," si Kuya Tuan. "'Tay, para naman magkaroon ng bata dito sa 'ting bahay." At nakapalibot silang lahat sa akin. Lumapit sa akin ang mumu. Hinawakan niya ako sa balikat. Medyo natakot ako sa kanya. "Mga anak, simula ngayon, dito na siya titira sa atin." sabi ng mumu. Biglang sumaya ang malaking bahay. Maraming halik at yakap ang ibinigay sa akin ng aking walong kapatid. Ngayon, mabibilang ko na talaga. Siyam kaming magkakapatid at ako ang bunso.

{3.9}
Simula noon, natatapos na lagi ang laro namin ni Ate Rowena at ni Ate Sally. Hanggang ngayon, di ko pa rin alam kung saan sila nagtatago at kung paano sila napupunta sa salamin. Hindi na kami nagmamadali at di na ako idinadaan sa bintana 'pag naririnig namin ang "Brummmm! Brummm! Brummmm!" at ang paang umaakyat sa hagdanan. Wala na ang mumu sa bintana na aking kinatatakutan. Dahil ang mumu palang iyon ang tatawagin kong Tatay.