11 Mga Pananda at mga Kataga   (•• 11, •• Pananda, ••Kataga)

11-1 Pambungad

Sa tabi ng salitang pangnilalaman, may pananda at kataga ang wikang Filipino. Hindi ito maaaring salitang-ubod ng parirala; ibig sabihin hindi ito bumubuo ng parirala. Sa gayon, wala itong panuring at hindi itong magamit na salitang makatukoy ng panggitaga. Kataga din ang mga panghalip na nagagamit na hutaga ng panggitaga dahil hindi ito parirala sa kasalukuyang kalagayan.

Maliban sa ilang pangatnig, pampalaanyuang maikli ang pananda at kataga; isapantig o dalapantig.


11-2 Mga pananda

(1) May pananda ang pariralang pangkayarian upang ihudyat ang pampalaugnayan nitong tungkulin. Halos wala itong nilalamang pansemantika.

Ang ang, ay, ng, sa at nang ang pananda ng parirala (susi {TT}, {TP}, {TW}, {TK} at {T0}). Tanging pananda ang pang-angkop (pananda ng panlapag, inilalahad ito sa {11-5}). Maliban dito, inilalagay sa harap ng unang salita ng parirala ang pananda.

(2) Sa mga kabanatang tungkol sa panaguri, paniyak, pantuwid at pandako ay tinatalakay ang pagkakasama ng pananda at pantukoy. Gusto naming ulitin ang mga tuntunin sa kalagayang ito:

 
[1]Ang iyaking si Roxanna at ang tomboy na si Gretchen. { LIW 10 Abril 2006 p. 9}
[2]Anak ng namatay na si Nimfa. {W Suyuan 5.1}
[3]Para sa mabait na si Gina ang aklat.
[4][a] Ang aking panganay ay si Pedro.
 [b] Ang aking panganay ay matangkad na si Pedro.
[5]Nagunita niya ang kanyang ama at ang kanyang kapatid na si Ligaya. {W Anak ng Lupa 3.7}
[6]Hindi mo na kailangang bilangin ang mga iyan. {W Samadhi 4.3}
[7]Hindi sila maaaring magsulat ng laban sa pagmamalabis ng mga ito o laban sa mga layunin ng mga ito. {W Manunulat 3.3}
[8]Hindi siya hihingi ng tulong sa mga ito, naisaloob niya. {W Unawa 3.8}
[9]Ang mga anak ko ay mga ito.

11-3 Mga kataga

Kasapi ng iba't ibang bahagi ng panalita ang kataga ('particles') {1-7.1 (3)}.


11-4 Mga hutaga at mga yari nito

(1) Sa yaring hutaga ay kasunod nang kagyat sa 'salitang makatukoy' {11-6.1} ang hutaga (susi {../HG}, tinatawagan ding 'katagang panghuli' o 'paningit', 'second position clitic'). Isang pulutong ng ang-abay at ilang pangatnig ang nabibilang sa hutaga. Maaaring magkaroon ng gawing hutaga ang mga panghalip na NG at ANG, ito'y nagiging hutaga.

(2) May dalawang uri ng yaring hutaga:


11-4.1 Yaring hutagang payak

(1) Tinatawag naming yaring hutagang payak ang mga yari kung may kaugnayang pampalaugnayan at pansemantika ang hutaga sa iniuunang salitang makatukoy at kung walang tanging kaugnayan sa salita o pariralang sumusunod [1-3]. May dalawang bahagi ang yari – salitang makatukoy at (mga) hutaga. Binubuo ng pang-abay na hutaga [1 2] at ng pangatnig na hutaga [3] ang yaring ito.

 
[1]Ngayon lang || nangyari 'to sa 'kin. {W Bulaklak 8.5}
[2]Maya-maya'y ako naman || ang nagtanong sa kanya. {W Nanyang 11.12} (Salitang pangnilalaman ang panghalip na ako; nagagamit na salitang makatukoy.)
[3]Di man || kami nakapag-uusap alam kong masaya din siya. {W Material Girl 3.9}
Higit na maitim ang limbag = Hutaga. May salungguhit = Salitang makatukoy.

(2) Yaring hutagang payak [4b 5b] ang maaaring nasa harap ng panghalip na NG o ANG. Kung gayon ay tabi-tabi ang hutaga at ang panghalip, at ang huli ay nagiging hutaga. May bisa din sa panghalip ang tuntunin ng pagkakasunod-sunod ng hutaga [4b|c 5b|c] {11-4.3}.

 
[4][a] Malaki na nga ang kapatid ko, isang ganap na dalaga.
 [b] Malaki ka na nga, isang ganap na dalaga. (Isapantig ang na, nga at ka.)
 [c] Malaki na nga ako, isang ganap na dalaga nang matatalos. {W Material Girl 3.5} (Nasa hulihan ang ako dahil dalapantig.
[5][a] Gagawin din ng Tatay ang lahat.
 [b] Gagawin ko rin ang lahat upang mapasaakin ang kanyang mga kayamanan. {W Material Girl 3.7}
 [c] Gagawin din natin ang lahat.
Higit na maitim ang limbag = Hutaga. May salungguhit = Salitang makatukoy.

(3) {Θ}   Kung binubuo ng panghalip na may gawing hutaga ang yaring hutagang payak ay hindi binabago ang katayuan ng panghalip tungod sa ibang parirala. Hindi maaaring mapagbukod kung salitang pangnilalamang bumubuo ng parirala ang panghalip o katagang hindi maaaring bumuo ng parirala. Sa [6 7] may panuring ang panghalip. Kung kaya ito'y salitang pangnilalamang bumubuo ng parirala.

 
[6]Nabighani na naman kami ni Abet sa mestisang asawa ni Nestor. {W Sabong 8.9}
[7]Siguro naman, naintindihan ninyo kami ni Diana. {W Suyuan 5.6} (Marahil ding parirala ang panghalip na ninyo, kung ganito walang yaring hutagang payak ang pangungusap.)
Higit na maitim ang limbag = Panghalip na bumubuo ng parirala dahil may panuring.

(4) Pangngalan o panghalip na NG ang salitang pang-ubod ng pariralang pantuwid. Mayroon itong gawing makahuli {3-1 (3)}. Sa yaring hutagang payak, may gawing hutaga ang panghalip. Sa dalawang pananaw, magkapareho ang katayuan ng panghalip na NG.

(5) {Θ}   Gusto naming ipaliwanag ang yaring hutagang payak sa tulong ng pangungusap na halimbawa:

 
[8][a] Binigyan muna nina Ama at Ina ang anak ng pera. (Pang-abay na hutaga na muna.)
 [b] Binigyan muna nila ito ng pera. (Walang pagbabago ng katayuan ng panghalip na nila ito sa pangungusap.)
 [c] Binigyan ka muna nila ng pera. (Gawing hutaga ng panghalip na ka; kataga ang ka.)
Pangungusap na halimbawa sa panggitaga{11-6 (5) Θ}


11-4.2 Katayuan ng hutaga

(1) Kagyat na inihuhuli sa salitang makatukoy ang hutaga. Hindi maaaring lisanin ng hutaga ang parirala nito [1b]. Kaya ito'y nasa pangalawang katayuan ng parirala at – alinsunod sa katayuan ng parirala sa pangungusap – nasa iba't ibang katayuan sa pangungusap. Kung bahagi ng panaguring nasa unahan ng pangungusap ang salitang makatukoy ay "nagkataon" lamang ang hutaga sa pangalawang katayuan sa pangungusap [2]. Sa [3], nagsasaad ng buong sugnay ang hutaga. Dahil dito, ito'y "tunay" na nasa pangalawang katayuan sa sugnay.

 
[1][a] Darating siya bukas pa.
 [b] Darating siya || bukas pa.
[2]Makituluyan na lamang muna ako sa aking mga kaibigan. {W Estranghera 3.2}
[3]Sabi ng Nanay ko, dapat daw ingatan ko ang pera. {W Piso 3.4}


11-4.3 Pagkakasunud-sunod ng hutaga

(1) Kalimitan, nasa isang katayuan ang higit sa isang hutaga (kumpol ng hutaga); may tuntunin ang pagkakasunud-sunod ng hutaga. May bisa ang tuntunin sa yaring hutagang payak {HG} at pati sa panggitaga {GG}.

  1. Iniuuna ang hutagang isapantig sa hutagang dalapantig [1a|b 2 3]; mahigpit ang tuntuning "Maikli sa harap ng mahaba".
  2. May tuntuning "KA-NA-BA" ang isapantig na hutaga: Panghalip na isapantig muna, saka pang-abay na isapantig at tapos pang-abay na pananong na ba [4].
  3. Nasa harap ng ibang pang-abay na isapantig ang pang-abay na pampananaw na na at pa [5].
  4. Nasa harap ng panghalip na pamatlig ang panghalip na panao [6] (→ itọ).
  5. Karaniwan sa panghalip na panao, iniuuna ang panghalip na NG na dalapantig sa panghalip na ANG na dalapantig [7]. Madalang lamang ang pagkakasunud-sunod na baligtad [8] (→ itọ).
  6. Dalapantig na pang-abay ang nasa harap ng dalapantik na panghalip [9] (may ilang kataliwasan ang namạn).
  7. Pag may pang-angkop kung walang hutaga ay kukunin ng huling hutaga ang pang-angkop [10a|b] {11-5.2}.
  8. Hindi palaging kumpol ng hutaga kung tabi-tabi ang hutaga. Mabisa lamang ang naturang tuntunin kung tumpak ang kumpol [11 12].

 
[1][a] Kumain ka na. [b] Oo, kakain na ako.{HG}
[2]Bakit hindi ka muna nagtanong? {W Naglaho 3.12}{GG}
[3]Narito na po ba siya? {W Anak ng Lupa 3.6}{HG}
[4]"Tulog ka na ba?" untag mo uli sa akin. {W Madaling Araw 3.7} {HG}
[5]Malaki na nga ako, isang ganap na dalaga nang matatalos. {W Material Girl 3.5} {HG}
[6]Hindi ko alam kung kanino niya ito ibinibigay. {W Angela 3.1} {GG}
[7]Hindi pa naman niya ako lubusang kilala. {W Estranghera 3.3} {GG}
[8]"…", binibiro siya nito. {W Naglaho 3.8}{HG}
[9]Kararating lamang niya noon mula sa India. {W Angela 3.18} {6-6.6}{HG}
[10][a] Gustong marinig ng bata ang kuwento.
 [b] Gusto ko pong marinig ang kuwento ninyo, Lolo. {W Prutas 3.1} {GG}
[11][a] Sa bahay ng kaibigan natin ka pupunta. {GG}
 [b] Sa bahay ng kaibigan natin || ka pupunta.
[12]Ito nga namang si Chic. {W Daluyong 15.43} (Salitang pangnilalaman at salitang makatukoy ang ito.){HG}

(2) {Θ}  Nagpapatunay ng antas ng kahalagahan ang tuntuning naturan:

  1. Pagbuong pampalaanyuan (isapantig sa harap ng dalapantig).
  2. Bahagi ng panalita (panghalip na isapantig sa harap ng pang-abay na isapantig, panghalip na panao sa harap ng panghalip na pamatlig).
  3. Tungkuling pampalaugnayan (karaniwan, pantuwid sa harap ng paniyak).

11-5 Pang-angkop

(1) Sa kabanatang {5-2}, inilalahad ang pang-angkop (susi {L} o {.. .L}, 'linker' o 'ligature') bilang pananda ng pariralang panlapag.

(2) Ginagamit din ang pang-angkop upang ikabit ang sugnay na makaangkop. Karaniwan, nasa unahan ng sugnay na inihuhuli ang pang-angkop. Kapansin-pansin ang pagkakahawig na pampalaugnayan at pansemantika ng pang-angkop sa pariralang panlapag at sa sugnay na makaangkop {13A-441 Θ}.

(3) Bukod dito, ginagamit ang pang-angkop sa likod ng hutaga kung salitang makatukoy ng panggitaga ang pariralang pang-umpog {5-3.5}.

(4) {Θ} Ipinapalagay namin na may iisa lamang pang-angkop sa lahat ng kalagayang (1-3). Kahit di-lubhang maliwanag sa (3) ang tungkuling pampalaugnayan ng pang-angkop ay nabibilang namin ang pang-angkop na ito sa mga pananda at tuloy sa salitang pangkayarian.


11-5.1 Palaanyuan ng pang-angkop

May dalawang anyo ang pang-angkop. Ginagamit ang idinaragdag na pantig na pang-wikang -ng kung patinig, Po [ʔ] o -n ang nasa hulihan ng salita (kinakaltas ang Po [ʔ] o -n) [1a 2b 3b]. Pangalawang anyo ng pang-angkop ang salitang ibinukod na na [1b 2a]. May salitang may -ng sa hulihan; huwag itong ipagkamali sa pang-angkop [2a]. Magkatulad ang kahulugan at tungkulin ng dinadagdagang -ng at ng bukod na na. May kalagayan kung saan kinakaltas ang anyong na ng pang-angkop {5-2.2}.

Maaaring gamitin ang anyong na sa halip ng anyong -ng. Malimit ang ganitong paggamit sa mga pangngalang pantangi upang iwasan ang pagbabagong pampalatunugan ng pangalan ([3a], ngunit Mariang Makiling). Pati minamabuti ang na sa unahan ng mahabang sugnay na makaangkop (kung maaari man ang -ng), marahil upang ibukod nang mabuti ang sugnay na makaangkop [4].

 
[1]balon - bilog[a] Balong bilog.[b] Bilog na balon.
[2]tadyang - bali ['ba:.lɪʔ] [a] Tadyang na bali.[b] Baling ['ba:.lɪŋ] tadyang.
[3]si Pedro - matalino[a] Si Pedro na matalino. [b] Matalinong si Pedro.
[4] May nagsasabi na hindi makabuluhan itong mga hakbang. {W Cao 3.23}

Pampalaanyuang magkapareho sa pang-angkop na na ang pang-abay na na, ngunit walang kaugnayang pansemantika at pampalaugnayan ang dalawa.


11-5.2 Hutaga at pang-angkop

(1) Maaaring iniuunang panlapag na may pang-angkop ang salitang makatukoy [1a|b 2a|b 3a|b]. O panlapag [4a|b 5a|b] o sugnay na makaangkop [6a|b] (na may pang-angkop sa unahan) ang maaaring sumusunod sa salitang makatukoy. Kinukuha ng hutaga sa likod ng salitang makatukoy ang pang-angkop nito [1b 4b 6b]. Maaaring lumitaw ang anyong -ng sa hulihan ng hutaga pag kinaltas ang anyong na sa likod ng salitang makatukoy [2a|b]. Kung nandoon ang higit sa isang hutaga ay tinatanggap ng huling hutaga ang pang-angkop [1c 3c 5b]. Kung ganito, pinapanatili ang kaugnayang matalik ng salitang makatukoy sa unang salita sa likod ng hutaga.

 
[1][a] Marahang ibinaba ng ina ang bata.
 [b] Marahan niyang ibinaba ang bata. (Panggitagang pantuwid.)
 [c] Marahan niya akong ibinaba sa may hagdanan at hinila pababa. {W Nanyang 11.1} (Panggitagang pantuwid at paniyak.)
[2][a] Nguni, ayaw ipagtapat ng doktor sa akin ang karamdaman ni Ama.
 [b] Nguni, ayaw niyang ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama. {W Uhaw 3.15} (Panggitagang pantuwid.)
[3][a] Laging walang mapuntahan ang bata.
 [b] Lagi tuloy walang mapuntahan ang bata. (Yaring hutagang payak; walang pang-angkop ang pang-abay na tuloy.)
 [c] Lagi tuloy kaming walang mapuntahan. {W Piso 3.5}
[4][a] Sa araw na iyon ay nagsimula kami.
 [b] Sa araw ding iyon ay nagsimula kami nina Itay at Inay sa kani-kaniyang trabaho. {W Pagbabalik 3.4} (Yaring hutagang payak.)
[5][a] Nangiting muli ang kapatid ko. (Panlapag na inihuhuli ang salitang pangnilalamang muli.)
 [b] Nangiti na lang akong muli nang maisip ang alala. {W Madaling Araw 3.5} (Yaring hutagang payak na may panghalip na gawing hutagang kumukuha ng pang-angkop {11-4.1 (2)}.)
[6][a] Marahil ay totoong hindi niya alam. (Sugnay na makaangkop.)
 [b] Marahil ay totoo ngang hindi niya alam. {W Nanyang 13.29}
Higit na maitim ang limbag = Hutaga. May salungguhit = Panlapag o sugnay na makaangkop.

(2) Kung maaari ang anyong -ng ng pang-angkop, dapat itong gamitin. Mabisa ito sa karamihan ng hutaga. Walang pang-angkop sa likod ng hutaga kung hindi maaari ang -ng (halimbawa: daw, lamang, tulọy); walang paggamit ng salitang na [3b].

(3) Panlapag na may pang-angkop ang tinatalakay sa itaas ng talaksang ito. Walang pang-angkop ang hutaga kung may di-pagkakabagay ang salitang makatukoy [7] {5A-221}. Iba pang yaring walang pang-angkop ang maaari ding magamit na salitang makatukoy ng yaring hutaga. Walang pang-angkop ang hutagang isiningit [8a|b 9].

 
[7]Hindi kami kakapusin sa pagkain. {W Lunsod 3.16}
[8][a] Tingnan mo si mam doon sa loob ng banyo. (Parirala ang pantuwid na may gawing nakahuling mo. Hindi yaring hutaga ito.)
 [b] Tingnan mo muna si mam doon sa loob ng banyo. {W Simo 3.3} (Yaring hutagang payak na may pang-abay na hutagang muna at panghalip na mo na may gawing hutaga.)
[9]Saan ka nanggaling at inabot ka ng hatinggabi? {W Nanyang 22.21} (Panggitaga. Salitang makatukoy ang pariralang pandakong saan {11-6.1 (3)}.)
Higit na maitim ang limbag = Hutaga. May salungguhit = Salitang makatukoy.


Wikang Filipino ni Armin Möller
http://www.germanlipa.de/filipino/ug_taga_1.html
18 Hulyo 2011 / 211230

Palaugnayan ng Wikang Filipino
Wakas ng 11 Mga Pananda at mga Kataga (Talaksan 11/1)

Simula ng talaksan   Palaugnayan   Fisyntag