Werkstatt / Gawaan
Sabong   (• Sabong)


1 Einleitung
Kapitel 8 Originaltext


1 Einleitung

Quelle: Hidalgo, Antonio A.: Ang Masayang Mundo ni Nestor D., Maikling kuwento
Quezon City 2001 { Hidalgo 2001}


Kapitel 8 Originaltext

Sabungerong galit sa pera (p. 61 - 70)

{8.1}
Sinabi ko na nga ba - magsasabong uli si Nestor Divinagracia. Matagal siyang huminto nang mahulog ang kanilang huling laban sa malaking derby sa Roligon, dahil nag-away sila ni Katrina - ang kanyang maganda, bata at dayuhang asawa na kulay Olandes ang mahabang buhok. Pinilit ni Katrina na siya ang magtari sa huling manok, dahil running for champion sila sa 6-cock derby na may gantimpalang mahigit na isang milyong piso.

{8.2}
Masyado kasing mahigpit ang pagtari ni Nestor sa ikalimang panabong at matatalo na sana ito, kundi lang nagsarili ang kalaban. Masyado namang maluwag ang pagtari ni Katrina sa ikaanimna tinali, kaya nakalag ang tari nito nang tinamaan ng kalaban at nadisgrasya* ang isang tunay na dakilang panabong.

{8.3}
Dahil sa kanyang malalim na kabiguan sa nangyari, ilang taon humintong magsabong si Nestor. Kami naman ng kaibigan kong si Abet ay nagtuloy munang magsabong, dahil malaki-laking kapital - daang libo - ang tinamaan namin nang mag-insurance kami kontra sa huling sasabungin ni Nestor sa Roligon derby....

{8.4}
Subalit wala kaming katutubong talino sa pagsasabong, di kamukha ni Nestor, kaya utay-utay kaming natalo sa mga sumunod na buwan, hanggang naubos na ang aming puhunan. Huminto na rin kaming magsabong, dahil mahirap kumita at hindi mapigilan ang paglaki ng aming mga anak. Halos nalimutan na namin ang katamisan at kapaitan ng aming piniling bisyo sa buhay nang biglang sumulpot na naman si Nestor....

{8.5}
"Minanghalian kyo Abet bahay Linggo", 'ika ng text niya sa akin. Tinawagan ko agad si Abet upang ipaabot ang mensahe. Nagkita kami ng Linggo nang umaga at sabay kaming lumakad kina Nestor sa antigong Datsun ni Abet. Sa San Lorenzo Village sa Makati pa rin nakatira si Nestor at si Katrina - sa isang magarang bungalow na may maluwag na hardin. Pinagbuksan kami kaagad ng pintuan ni Nestor nang kami'y tumimbre....

{8.6}
"O, mga pare! Mabuti naman nakuha n'yong pumasyal sa aming munting tahanann. Halikayo sa salas at magkuwentuhan muna tayo bago kumain," ang salubong sa amin ni Nestor. Umupo kaming tatlo sa mahabang balat na sopang kulay-kape na may gatas. "Munti ba naman 'tong bahay mo, Nestor?" 'ika ko sa kanya, "nakita mo naman ang mga bahay namin ni Abet sa Cainta - 'yon ang mga tunay na munting bahay." "'Tong si Oscar talaga, nagpapakumbaba na naman," sagot ni Nestor. "Alam mo namang magkapitbahay tayo dati't di importante sa 'kin ang mga bagay na 'yan."...

{8.7}
Mukhang masaya si Nestor sa pagdalo namin. Halos hindi siya nagbago. Makinis pa rin ang kanyang itsura, maikli at ayos ang buhok, mamahaling baro't sapatos ang kanyang suot, maskulado at malusog ang kanyang katawan at, siyempre, seis piye at tatlong pulgada pa rin ang kanyang taas. "Nandirito ba si Katrina?" tanong ni Abet. "Nasa kusina, naghahanda ng ating tanghalian." "Naglalaban pa ba kayo?" tanong ko naman. ...

{8.8}
"Matagal na kaming huminto. Pero gusto ko sanang magsimula uli, kahit ayaw na ni Katrina. Tinabangan na siya sa sabong mula nang matalo ang huling panlaban namin sa Roligon." Natawa kami ni Abet, dahil natandaan namin ang nangyari sa taring ikinabit ni Katrina. Biglang idiniin ni Nestor ang hintuturo niya sa kanyang labi. "Huwag ninyong babanggitin kay Katrina ang kapalpakan sa Roligon. Hanggang ngayon ay masama pa ang loob niya."...

{8.9}
Pumasok si Katrina sa salas at tumayo kami upang batiin siya. Niyakap niya muna ako at hinalikan sa pisngi. 'Tapos si Abet naman. Hindi kinailangan ang babala ni Nestor. Aling klaseng lalaki ang maaaring sumugat ng loob ni Katrina? Ang bangu-bango niya, kumikislap sa ilaw ang kanyang mahabang Olandes na buhok, pinung-pino siya kumilos, ang laki at napakasigla ng kanyang mata, at kitang-kita namin na ang seksi ng kanyang pigura, kahit simpleng maikling itim na palda at puting blusa lang ang kanyang suot. Nabighani na naman kami ni Abet sa mestisang asawa ni Nestor....

{8.10}
"Kumain na kayo. Pasiyensiya na at umorder lang ako ng mga sanwits sa Oliver's dahil magsisiyaping kami ng kaibigan kong si Sylvia sa Glorietta. Hindi na ako sasabay sa inyong kumain, para hindi na maistorbo ang inyong kuwentuhan. Sige, Nestor, lalakad na ako. Ikaw na ang bahala riyan."...

{8.11}
Paglisan ni Katrina'y parang dinala na rin niya ang bahagyang sikat ng araw na pumapasok sa bintana ng salas. Ngunit nalimutan ko agad ito nang nagsimula kaming kumain. Nasarapan ako sa aking piniling sanwits - sardinas at atsarang pipino sa rye na tinapay. Madali kong naubos ang dalawa nito at dalawang boteng Snapple na katas ng kahel. Hindi ko na pinansin ang pagkain ni Abet, dahil talagang masarap siyang kumain, kaya napakataba niya. Siguradong doble ang kinain niya kaysa sa akin. ...

{8.12}
Hindi kumain si Nestor at parang tumamlay siya sa paglisan ni Katrina. Sinamahan lang niya kami sa mesa't uminom ng Johnnie Walker Black na may yelo. Nabuhayan lang siya nang matapos na kaming kumain at sinimulan na niyang ipaliwanang ang kanyang bagong pakana sa pagsasabong....

{8.13}
Nagpahanda na pala siya ng tatlong panlaban sa kanyang palahian sa Lipa. Isasali namin sila sa 3-cock derby sa Angono sa Martes, kung saan mahihina ang panabong at siguradong magkakampiyon kami. Sa araw gaganapin ang derby, kaya huwag na raw kaming pumasok para sumama sa kanya. "Okey, marami pa akong di nakuhang bakasyon sa opisina," ang sagot kaagad ni Abet....

{8.14}
"Pero, Nestor, kilala ka sa lahat ng sabungan. Siguradong itatapat ang mga manok mo sa kapuwa magaling," ang sinabi ko naman. "Hindi, ibang klaseng derby 'to - ulutan - puwedeng mamili ng kalaban. Madaling pumili ng tangang kalaban doon. Sumama na kayo at nalulungkot na ako sa buhay na walang bisyo. Pare-pareho tayong kikita." "Totohanan ba 'yan?" tanong ko kay Nestor, habang nagkukunwari pa akong hindi ako sabik na magsabong muli. Sinira ni Abet ang aking pagkunwa....

{8.15}
"Tama ka na nga riyan, Oscar. Parang ayaw mo pang magsabong habang maya't maya niyayaya mo akong pumasyal sa sabungan. 'Buti nga 'to, matatayaan pa natin ang manok ni Nestor. Sige, pareng Nestor, magkita tayo sa Angona sa Martes. Ako na ang bahala rito kay Oscar."...

{8.16}
Tumawa si Nestor at binigyan niya ng high-five si Abet. Tumawa na rin ako nang binisto ni Abet ang laro ko. Nag-inuman kaming maghapon ng masarap na alak ni Nestor, dahil nagtagal si Katrina sa kanyang siyaping. Binuhay naming muli sa kuwentuhan ang mahaba naming pinagsamahan sa sabong, pati na ang mga kataka-takang eksperimento ni Nestor sa pagpapalahi at sa mahiwagang pagsasabong, batay sa mga senyales ng manok....

{8.17}
Palagay ko'y nalasing na si Nestor, dahil hindi siya nagalit sa pagkantiyaw namin ni Abet. Madalas pa nga siyang tumawa nang malakas. Noon ko lang nakita si Nestor na tinawanan ang kanyang sarili. Naghiwalay lang kami nang dumating na si Katrina nang bandang gabi. Ako na ang nagmaneho ng kotse ni Abet, dahil kaya kong magmaneho kahit lasing. ...

{8.18}
Bagama't Lunes lang ang araw na ibinigay ni Nestor sa amin upang maghalungkat ng kuwartang itataya sa kanyang mga panabong, nakapag-ipon pa rin kami ng limang libo. Sa katotohanan lang, si Abet ang gumawa ng paraan. Inapura niya ang kahera ng kanilang kompanya na bayaran ang mga gastos niya sa loob ng isang buwan nang pag-iikot upang magbenta ng mga gamot. Inutang ko ang kalahati ng sinigil ni Abet. Natural, wala kaming sinabi sa mga Misis, at akala nila'y pumasok kami sa trabaho ni Abet nang dumating ang Martes....

{8.19}
Nanood muna kami ng sine sa Ever-Gotesco sa Rosario, dahil kailangan naming umalis nang maaga sa bahay upang hindi mahalata ng mga Misis. Halos walang taong nanood sa unang palabas sa umaga. Tatatlong pares lang na nagkakaplugan nang seryoso ang kasabay namin sa loob ng sinehan. Sa kalagitnaan ng palabas, nagbiro pa itong si Abet na na-iinggit daw siya sa mga pares at hiningan niya ako ng isang halik. Pero umaray naman siya nang pinisil ko ang kanyang kanang utong. Napakalakas ng tawanan namin kaya nilapitan kami ng aser na may plaslayt at binigyan kami ng isang malupit na titig. Mabuti na lang hindi kami pinalabas....

{8.20}
Nagpasiya kaming kumain na lang sa sabungan pagkatapos ng sine. Naroroon na si Nestor pagdating namin sa Angono. Dinala niya kami sa kaisa-isang karinderiya at doon niya kami pinakain. Hindi na siya umorder, basta't binigyan kaming lahat ng tindera ng tig-isang platong may kanin, pansit kanton at litson na may sarsang atay. "Libre ang pagkain ng lahat ng kasali sa derby,"' ika ni Nestor. "Magkano ang entry fee?" tanong ni Abet....

{8.21}
"Isang libo't isang daan lang, at ang gantimpala ng lahat ng mananalo ng tatlong magkasunod na laban ay kinse mil." "Aba, lamang tayo rito," ang sabi ko naman. "Halos bawi na ang entry fee sa pagkain at may gantimpala pa. Anong pangalan ng entry?" { "Siyempre, Nestor D." "Pakiyut naman," sabi ni Abet. "Sigurado kang Llamado sa pangalang 'yan," 'ika ko naman.
...

{8.22}
Pagkatapos naming kumain, pinuntahan namin ang mga panlaban ni Nestor. Nakakahon ang tatlo sa entresuwelo ng sabungan. Ubod nang init doon. Bulok na bulok kasi ang sabungan at gawa lamang ito sa kahoy at yero. Mababa ang bubong at kulang ang mga bintana, kaya parang impiyerno ang buong sabungan, lalung-lalo na at Abril noon at nalalapit na ang Mahal na Araw, ang pinakamaalinsangang bahagi ng taon. Ang entresuwelo ang pinakamainit na parte ng kumukulong sabungan, pero nakapagtataka kung bakit ito ang ginawang pahingahan ng mga ilalaban sa derby....

{8.23}
"Bakit wala kang dalang tikluping kulungan na may takip na basang sabana, kamukha noong araw?" tanong ko kay Nestor. "Para parati silang mainit at handang lumaban." Inilabas niya ang unang ilalaban na mukhang hapung-hapo, dahil bukang-buka ang tuka nito sa paghihingal. Abuhin ang manok, mahaba ang kanyang puting buntot, mataas siya at mukhang listo naman nang inilapag ni Nestor nang sandali. Dinala ni Nestor sa ulutan at sumunod kami....

{8.24}
Kauupo pa lang ni Nestor sa bangko sa ulutan nang lapitan siya ng batang tagapag-alagang may hawak na bangkas. Hindi man lang ikinahig ni Nestor ang abuhin sa bangkas bago siyang pumayag magpatari. "Anong tingin n'yo?" tanong ni Nestor habang naglalatag siya ng mga tari at iba pang gamit. Hindi sumagot ang kanyang tagapag-alaga na mayhawak ng abuhin. "Parang malaki't mataas ang bangkas," ang prankong sagot ni Abet. "Mas malaki pero pmarupok," ang sabi ni Nestor. "'Wag kayong mag-alaala, magaling 'tong abuhin. At ayokong mag-aksaya ng panahon, dahil may kompromiso pa ako nang alas-singko....

{8.25}
Umakyat kami ni Abet upang rrianood ng laban habang nagtatari si Nestor. Isang dalusapi at talisain ang binitawan sa ruweda. Matagal silang naglundagan bago magkatamaan. Nasaksak ng dalusapi ang talisain sa hita. Tumakbong pumipiyok ang talisain. "Mukhang napakahina nga ng mga manok dito," sabi ko kay Abet. "Oo nga, itodo na kaya natin ang pera sa unang laban." "Huwag naman, kalahati na lang."...

{8.26}
Alimbuyugin at mayahin ang sumunod na laban. Mabilis ang alimbuyugin at mataas siyang lumipad. Ang dami niyang palo sa itaas at tatlong beses pa niyang nakapitan at nasiyapol ang mayahin. Dumapa ang mayahin sa lakas ng palo ng alimbuyugin. Pero nang humintong pumalo ang alimbuyugin, tumayo ang mayahin at kumilos na parang walang sugat. Diniyab niya nang minsan ang alimbuyugin at tumakbo ito, habang sumusuka ng dugo....

{8.27}
Pumasok si Nestor at ang kanyang abuhin sa ruweda. Sinubaybayan ni Nestor nang mabuti ang pagkahig at pagpapatuka ng kanyang mga handler. Nang nakontento na siya sa pagpapainit ng abuhin, kinuha na niya at inalisan ng baina ang tari. Umabot ng sampu-anim ang logrohan para kay Nestor, dahil alam ng mga parokyano na siya'y isang bigtime na sabungerong lumalaban sa smalltime na derby. ...

{8.28}
Inilayo nang mabuti ni Nestor ang pagbitaw sa abuhin, siguro dahil sa manlilipad ito. Dumiretso sa abuhin kaagad ang bangkas at lumipad siya nang minsan lamang. Para pala siyang massingan kung pumalo! Nagsimula siyang pumalo sa unang lipad at hindi na huminto. Tumalon ang abuhin upang salubungin ang bangkas, tinamaan siya ng di-mabilang na palo at wala na siyang nagawa. Mahigit isang minutong siniyapol ng bangkas ang nakabulagtang abuhin bago nadukot ng sentensiyador ang balahibo nito sa likod, upang ikareo at tapusin na ang tagilid na laban....

{8.29}
"Walang-hiya, pang-Araneta ang nakalaban natin! 'Paano nahanap ni Nestor ang ganyan kagaling na kalaban sa bulok na sabungang 'to?" tanong ni Abet sa akin. Hindi ako nakasagot dahil tulala pa ako sa aming teribleng pagkatalo. Bumaba kami sa entresuwelo upang tingnan ang bangkay ng abuhin. Binuksa'n ni Abet ang mgapakpak ng abuhin habang kinakalagan ito ng tari. Di mabilang ang mga tama niya: halos lahat yata ng parte ng katawan niya'y may tama, pati na ang ulo....

{8.30}
"Minalas lang tayo, mga pare. Nakatsamba ang kalaban. Hindi bale, babawi tayo," sabi sa amin ni Nestor. Inilabas niya sa kahon ang isang pulang linaw na napakaguwapo at siguradong mananalo sa paligsahan sapagandahan ng panabong. Napakapino ng kanyang ulo, mga daliri at balahibo. Ang haba ng kanyang buntot at pulok at lemon hackle pa ito - ang aking paboritong kulay. Nagmartsa ang pulang linaw na parang kadete ng PMA nang inilapag ni Nestor. "Subukan nilang daigin ito sa siyapulan," ang banta ni Nestor habang papalapit siya sa ulutan. Kamukha ng nangyari sa unang laban, kinol kaagad ni Nestor ang unang iniharap na panabong - isang dalusaping bahagyang mas mababa, pero matipuno ang katawan....

{8.31}
Nanood kami ng laban ulit habang nagtatari si Nestor. Isang madungis na sinibalang na sira-sira ang buntot at isang pandak na bulik ang nagkatapat. Llamado nang sampu-anim ang pangit na sinibalang. Hindi nagkamali ang mga kristo't tahur, dahil tumakbo kaagad ang bulik pagkatapos ng isang lipad. Mukhang tiyope ang laban gawa ng malakas pa ang bulik. Pero nang inspeksiyunin ng maypasabong ang duwag na bulik, nakahanap siya ng isang maliit na sundot ng tari sa singit na hindi naman dumudugo. Pinasiyahan niyang patas ang laban at dapat magkabayaran.
...

{8.32}
Ang sumunod naman na laban ay isang kubang puti kontra baldadong abuhin na may diperensiyaang kanang tuhod. Para silang galing sa kakatuwang palabas sa karnabal at sumakit ang tiyan namin ni Abet sa katatawa, kahit na parang buhos ng gripo ang tulo ng aming pawis dahil sa teribleng init. Parehong walang paa ang magkalaban at wala sa kanilang nasira, kahit nagpaluan nang mahigit limang minuto. Naubusan silang pareho ng hininga at sabay pa silang humiga sa ruweda. Noon lang ako nakakita ng walang-hintong pagkakareo nang halos apat na minuto. Ayaw na kasing pumalo ng dalawang panabong gawa nang sila'y hapung-hapo, pero wala naman sa kanilang may gustong umayaw. Inabot ng oras at tabla ang laban....

{8.33}
Kay Nestor ang sumunod na sultada. Hindi naman pangit ang dalusaping kalaban niya - guwapo pa nga nang konti, e. Pero wala ito sa liga ng lemon hackle ni Nestor sa pagandahan ng manok. Nasindak ang mga nanonood nang pinamartsa ni Nestor ang lemon hackle na palibul -libol sa makipot na ruweda. Malinaw na hindi ordinaryong manok ang panabong ni Nestor dahil hindi ito humihingal, kahit na lahat kami'y malapit nang maprito sa init. Sumabog sa sigawan ang sabungan, pagkat lahat yata ng tao'y gustong tumaya sa manok ni Nestor at halos walang pumapago sa dalusapi. Umabot nang sampu-apat ang logrohan, ngunit wala pa ring makuha ang mga kristo. Mabuti na lang itinodo na namin ang nalalabi naming pera sa parada ni Nestor....

{8.34}
Lumipad ng parang eroplano ang lemon hackle nang bitawan ni Nestor. Hindi sumabay ang dalusapi, kaya umikot sa itaas ang Bacolod ni Nestor at sinubukan nitong saksakin sa likod ang kalaban. Nakailag nang bahagya, walang isang pulgada ang layo sa tari, ang dalusapi, Hindi kaagad pumalo ang manok namin pagdapo niya. Sinuri niya muna ang kalaban upang sukatin nang mabuti. Pagkatapos, inistrap niya ng isang mahabang lipad, habang pumuputok sa palo ang kanyang paa....

{8.35}
Nakailag na naman nang bahagya ang dalusapi, pero namuntikanan na siya, dahil naputol ang ilang balahibo sa kanyang buntot sapalo ng anting manok. Huminto ulit ang lemon hackle para sukatin ang kalaban. Siniyapol niya ang dalusapi sa lupa, habang pumapalo na parang M-16 ang kanyang paa. Nang umatras ang dalusapi, sunud-sunod niyang hinabol ang kalaban ng malalagkit na siyapol. Subalit walang hinto ring umaatras ang kalaban na nakaumang ang tari, kaya hindi naman puwedeng sumugod nang todo ang aming manok sa kanyang pag-atake....

{8.36}
Sa wakas, humingal na rin ang aming panabong sa kahahabol sa kalaban. Huminto siyang muli upang magbago ng taktika. Sinubukan naman niyang lituhin ang dalusapi sa pagwiwib. Hindi sumunod ang dalusapi sa mga saydistep ng aming pula - pumirmi lang siya. Akala ko'y napagod na rin ang kalaban, kaya humintong kumilos. 'Yun pala, inaabangan lang niyang mawalan ng balanse ang aming panlaban sa kanyang pagwiwib. Biglang pinalo ng dalusapi nang mababa at matinding suntok ang aming manok. Hindi nakailag kaagad ang lemon hackle, dahil nakatagilid pa siya sa pagsaydistep. Tinamaan siya sa sentido at nangisay. Lumipad ang natira naming pera....

{8.37}
"'Tang-ina, parang taong mag-isip ang kalaban natin! Saan nahahanap ni Nestor ang matatalinong kalaban sa bugok na lugar na ito?" tanong ulit ni Abet sa akin. Hindi na naman ako nakasagot, dahil hindi na ako halos makahinga sa init at sa pait ng aming pagkatalo. Bumaba kami para inspeksiyunin ang nnamatay na lemon hackle. Iisa lang ang kanyang tama sa puso. Napakaasintado ng nakalaban. "Malas yata tayo ngayon," 'ika ko kay Nestor. "Umuwi na tayo at wala na kaming kuwarta." "Walang malas na hindi nauubos, mga kasama," ang sagot ni Nestor. "Ang pera'y madaling hanapin, pero ang pakikisama'y di maaaring bilhin. Itataya ko kayo ng tig-isang libo sa huling manok." ...

{8.38}
"Mag-beer kaya muna tayo, para palipasin ang malas," ang sabi ko upang linlangin si Nestor na mukhang desidido nang ipakatay ang lahat ng kanyang panabong. "Wala akong panahon. Meron akong kompromiso." Pumayag kami sa gusto ni Nestor. Papaano naman kami tatanggi sa kanyang inalok na pera na puwede namang bayaran, kung matatalo, kung kailan lang namin gusto? Hindi na namin tiningnan ang susunod na ilalaban, at alam namin na siguradong guwapong manok 'yon, kahit wala namang bisa ang itsura ng manok sa lintik na sabungang ito. Hindi na rin namin pinanood si Nestor mag-ulot, dahil alam naman namin na lalabanan na niya kahit asong ulol o tigre. Umakyat na lang kami para manood ng sultada....

{8.39}
Puro mahina o bingbang na tinali na naman ang napanood namin sa ruweda. Mas marami ang tumakbong panabong kaysa nagpakamatay sa laban. Hindi namin maintdihan kung bakit puro gintong panlaban ang natapatan ni Nestor. "Anong gagawin natin?" tanong ko kay Abet. "Minamalas ang idolo natin, at mukhang gusto tayong isama sa kanyang pagbigti ng sarili." "Di tumaya tayo sa kalaban." "Wala tayong pera. 'Paano kung manalo si Nestor?" "Ikaw naman. Itataya niya tayo ng tig-isang libo, di ba? Di 'yon ang punahan natin. Baka makasahod pa tayo sa sampu-anim at kumita nang konti matalo siya." "Itataya natin ang sarili niyang pera sa kanyang kalaban?"...

{8.40}
"Kamukha ng ginawa natin sa Roligon." "Ikaw ang tumaya." Hindi nagtagal, umakyat si Nestor sa ruweda. At kamukha nang inakala namin, maganda nga ang kanyang talisan at na-llamado pa rin siya kahit dalawa na ang kanyang talo. Nakasahod si Abet ng dalawang libo sa logro tres, kaya huminto na ang tulo ng aming pawis dahil nalagay na kami sa lugar na walang pagkatalo - kikita kami nang isang Libo kung matalo si Nestor, at makakabawi lang kung manalo naman siya....

{8.41}
Ewan kung bakit, sa libu-libong tao sa sabungan, kami lang ang nakahaiatang minamalas nang grabe si Nestor sa araw na 'yon. Siguro ito'y dahil masyadong madalas na kaming natalo sa kanyang mga pakana sa sabong, at nabisto na naming hindi siya puwedeng parating manalo, sa kabila ng kanyang mga mapaglikhang pakana, at kahit ano pa ang ganda ng kanyang mga panlaban at ang kanyang galing sa pagpili at paghahanda sa mga ito.
...

{8.42}
Naulit nga ang eksena sa Roligon - tama ang basa namin sa kamalasan ni Nestor. Pumalo nang pumalo ang kanyang manok, pero tinamaan ito nang minsan sa dibdib at biglang namatay. Pagkatapos singilin ni Abet nang patago ang kanyang pinaguhan, bumaba kami para makiramay kuno kay Nestor. "Hiyang-hiya ako sa inyo, mga pare. Ngayon lang ako natalo nang tatlong sunod. Sa bulok na sabungan pa," ang salubong niya sa amin....

{8.43}
"Meron palang nakatagong pera itong si Abet," 'ika ko naman, "makakabayad kami ng utang namin sa 'yo." "At saka na lang natin pag-usapan 'yan. O, iiwanan ko na kayo at importante ang lakad ko. Babawi tayo sa susunod. Tatawagan ko kayo." Inihatid namin si Nestor sa kanyang kotse. Pag-alis niya, humarap si Abet sa akin, tumawa, at nagtanong: "Ano sa tingin mo, galit sa pera ang idolo natin?" "Baka. O kaya, may sariling pagawaan siya ng pera. O, may konting kapital na naman tayo - tatlong libo, dahil ayaw maningil ni idolo. Magtrabesiya tayo. Baka makabawi."...



Die filipinische Sprache von Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/sabong.html
120205 - 220603

Die filipinische Sprache - Werkstatt - Ende Sabong

Seitenanfang   Werkstatt   Ugnika