13 Mga Pangungusap at mga Sugnay   (•• 13, •• Usap)

13-1 Pambungad

Sa wikang Filipino, may tuntuning matibay ang pagbuo ng mga parirala at ang mga pagkakaugnay nito sa pangunsap na payak. Hindi na tunay ito kung binubuo ang tambalang pangungusap. Kinikilalang makabalarila ang halos lahat ng yari kung magaang inuunawa nang pansemantika. Dahil dito, pinahirapan ang pagsusuri ng tambalang pangungusap (halimbawa {13A-101 Σ}).


13-1.1 Pangungusap na payak at tambalan

(1) Sa pamamagitan ng katawagang 'sugnay' (susi {S-..}), maaaring ihiwalay ang pangungusap na payak (susi {S-1}) na may isa lamang sugnay at ang pangungusap na tambalan (susi {S-Tb}) na may mahigit sa isang sugnay.

(2) Tinatawag naming sugnay ang yaring may panaguri [1a 1b 2a 2b]. Pag pinaikli ito [2b], dapat itong maaaring palawakin at maging pangungusap na payak na mayroon pa ang dating panaguri [2c]. Alinsunod dito, hindi sugnay ang mga pariralang malaya [3] at ilang yaring may pangatnig [4].

 
[1][a b] Iniisip ko rin || kasi na baka masaktan siya sa aking sasabihin. {W Estranghera 3.3}
[2][a b] Dinala niya ang buto || upang iuwi sa kanyang tirahan. {W Aesop 3.3.1}
 [c] Iuuwi niya ang buto sa kanyang tirahan.
[3]Paglabas ko ng banyo, isang matabang matandang lalaki ang naghihintay sa akin. {W Damaso 3.6} {5A-321 Σ}
[4]Kaya naman ibang-iba ang pakiramdam ko nang araw na iyon. {W Damaso 3.2} {13-4.2.1 (3)}
Higit na maitim ang limbag = Panaguri. May salunggugit = Parirala, hindi sugnay.

(3) Ginagamit ang pang-angkop upang ikabit ang sugnay na makaangkop at pati ang panuring. Maaaring palawakin ang panuring sa sugnay na makaangkop; pangungusap na tambalan ang kinalabasan {13A-441 Θ}. Maaaring simulan ng pangatnig ang sugnay o ito'y gamitin sa loob ng sugnay (bilang pangatnig o pang-abay). Walang mahigpit na tuntuning ukol sa paggamit ng mga bantas; maaari itong gamitin upang magbukod ng sugnay at pati ng pariralang malaya.


13-2 Pangungusap na payak

13-2.1 Pangungusap na batayan

(1) Nauuri ang mga pangungusap na payak sa dalawang uri, pangungusap na batayan at di-batayan. Ang pangungusap na batayan ang pangungusap na payak (o sugnay) na may panaguri, paniyak at marahil ding pariralang malaya {1-5.1 (4)}. Mayroon itong kayariang

{P-P} {P-T} {P-../L}

(2) Tanging uri ng batayang pangungusap ang pangungusap na pang-utos {13-2.1.3} at ang pangungusap na pananong {12}.

(3) Maaaring magkaiba ang katayuan ng panaguri at paniyak. Dahil dito, madaling baguhin ang pagbuo ng pangungusap. Gayunman, may karaniwang kayarian ng pangungusap at nangingibabaw ang paggamit nito. Sumusunod sa panaguri ang paniyak, tinatawag itong ayos na karaniwan. Baligtad ang katayuan sa ayos na kabalikan. Noon at ngayon pa, may pagtalakalay sa aghamwika kung saan "dapat" gamitin ang alin sa dalawang ayos {13A-211}. Sa palasusian, dinadagdagan ang tandang para sa pagkakasunud-sunod sa susi ng sugnay {14A-9}.

Hindi lamang mabisa para sa pangungusap na payak ang sumusunod na mga pagtalakay, ngunit pati para sa sugnay sa loob ng pangungusap na tambalan.


13-2.1.1 Ayos na karaniwan

Pinakamalimit na ginagamit ang karaniwang ayos ng panaguri at paniyak sa pananalitang nasasalita at sa karamihan sa pananalitang nakasulat. Nasa harap ng paniyak ang salitang-ubod ng panaguri. May susi {S-../PT} o {S-../YPT} ang mga sugnay na nasa ayos na karaniwan [1 2].

 
[1]Noon ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing. {W Aesop 3.1.2}
[2]Katulad sa mga bangkang papel ay nawala ang kaniyang bulto sa aking paningin. {W Pagbabalik 3.18}
Higit na maitim na limbag = Panaguri. May salungguhit = Paniyak.

13-2.1.2 Ayos na kabalikan

(1) Pag kabalikan ang ayos ng panaguri at paniyak ay nasa harap ng panaguri ang paniyak. Nilalagyan ang harap ng panaguri ng pananda nitong ay [1]; {S-../TYP} ang susi nito.

(2) Kalimitan, may dahilang tangi kung pinili ang ayos na kabalikan.

 
[1]Si Lino ay nakapantalon ng kaki at nakabaro ng polo na may matutuwid na guhit na bughaw. {W Daluyong 15.11}
[2]Sa aming pagkakaalam, ito'y kauna-unahang pagtatangka {W Tiongson 4.1}
[3]Palatanong kasi si Joe at si Nimfa nama'y naghahanap nang makakausap ukol sa kanyang mga sinusulat. {W Suyuan 5.5} {13A-452 Σ}
[4]Wala siyang kaimik-imik habang ako'y nagsasalita.
[5]Si Mameng ay sumusulat. { Lopez 1941 p. 38}
Higit na maitim na limbag = Panaguri (o salitang-ubod nito). May salungguhit = Paniyak.

(3) Halos walang pagbuo ng sugnay sa kabalikang ayos kung

(4) Maaaring gamitin ang ayos na kabalikan upang ihudyat ang isang tanging pananalita sa ilang bahagi ng kasulatan {W Stat P-S 3.1 "Daluyong"}. Madalang ang mga pangungusap na may kabalikang ayos sa pang-araw-araw na pananalita.


13-2.1.3 Pangungusap na pang-utos

(1) Karaniwan, pangungusap na batayan ang pangungusap na pang-utos. Minamabuti ang pangungusap sa karaniwan ayos na may pandiwa bilang panaguri [1]. Mayroon ding pangungusap na di-batayan na walang paniyak [2], maaari din ang panggitaga [3]. Karaniwang nasa pawatas ang pandiwa [1-3]; walang tanging anyong pang-utos ("pautos") ang wikang Filipino.

Pansemantikang makabuluhan lamang ang pangungusap na pang-utos kung may kakayahan ang inuutusan na gumawa o magpagawa ng utos. Kaugnay dito, karaniwang pandiwang payak ang nasa pangungusap na pang-utos [1-3]; hindi maaaring binubuo ng pandiwang may pagkakabago ng kakayahan ang pangungusap na pang-utos [5a]. Pangungusap na pang-utos na patanggi ang binubuo sa tulong ng pang-abay na pangmarahil na huwạg (hind) [3].

 
[1]Hoy! Umalis ka riyan at baka ilublob kita sa putik. {W Angela 3.5}
[2]Bilisan mo. (Pangungusap na walang paniyak.)
[3] Huwag po ninyo akong iwan, Inay! {W Angela 3.22}

(2) Sapagkat walang kaibahang saligan ng pangungusap na pasalaysay at pang-utos, maaaring ibago ang pangungusap na pang-utos sa pangungusap na pasalaysay sa pamamagitan ng pagdadagdag ng pang-abay ('optative particle' kay { Kroeger 1991 p. 111f.}) [4 5b].

 
[4]Tulungan ka sana ni Ate. ( Pangungusap na pasalaysay na ipinapahayag ang nais. Hindi mahalaga kung tagagawang pangmarahil ang kinakausap o hindi.)
[5][a] Mahuli mo ang daga. [b] Mahuli mo nga ang daga.

(3) Mas madalang ang mga pangungusap na pang-utos na walang pandiwa, maaaring panaguri ang pang-uri, pangngalan o pariralang pang-ukol [6-8]. Sa maraming kalagayan ay naiiwasan ang pangungusap na pang-utos na walang pandiwa [9-11].

 
[6]Pang-uriTahimik na! Tahimik na kayo!
[7]PangngalanMabuti kang bata!
[8]Par. pang-ukolNasa paaralan na kayo mamaya alas tres ng hapon!
[9]PandiwaTumahimik ka. Manahimik ka.
[10]PandiwaMaging mabuti kang bata.
[11]PandiwaPumasok kayo sa paaralan mamaya alas tres ng hapon!

Ginagamitan ang pangungusap na pang-utos ng tuldok. Kalimitan, ginagamitan ng tandang padamdam ang pangungusap na pang-utos upang ipahiwatig ito sa pagsulat.


13-2.2 Pangungusap na di-batayan

Di-batayan ang mga pangungusap na may kayariang iba sa pangungusap na batayan. Pangungusap na di-batayan ang mga pangungusap na may panggitaga o panggitahil at mga pangungusap na walang paniyak.


13-2.2.1 Pangungusap na may panggitaga o panggitahil

(1) Panggitagang paniyak ang pinakamalimit na pangungusap na di-batayan. Panghalip na may gawing hutaga ang paniyak na pansemantika; pampalaugnayang walang paniyak ang pangungusap {11-6.3 (3) Θ}. Iniuuna sa salitang-ubod ng panaguri ang panghalip [1]

(2) Sa panggitahil na paniyak {9-6.1.1} may pananda ang paniyak, ito'y nasa harap ng salitang-ubod ng panaguring makadiwa [2]. Pang-angkop sa halip ng pananda ng panaguring ay ang nasa harap ng pandiwa, dahil dito nabibilang namin sa pangungusap na di-batayan ang yaring ito. Mapapansin ang pagkakahawig sa panggitagang paniyak.

 
[1]Agad itong tumalon sa balon. {W Aesop 3.1.2}
[2]Gusto ni Linda si Rita na mag-aral nang mabuti.

13-2.2.2 Pangungusap na walang paniyak

Nagpapahayag ng buong kaisipan ang pangungusap. Maaaring magpahayag na ng buong kaisipan ang panaguri at hindi na kailangan ng pangungusap ang paniyak sa kadahilang pansemantika (susi {S-../P0} o {S-../YP0}):

 
[1][a] Umuulan na. [b] Pasko na naman.
[2]Kailangang maligo araw-araw.
[3][a] Tao po.
 [b] Kayganda nang tanawin sa dagat.

Dapat ibukod sa mga pangungusap na walang paniyak ang mga iyong may sugnay na hinahalinhan ang paniyak {2-4.9}.


13-2.2.3 Sugnay ng pagpapahayag ng pagsasalitang sinipi

Tambalang pangungusap ang pagsasalitang sinipi {*}. Karaniwang sa likod ng pagsasalitang sinipi ang sugnay ng pagpapahayag. Karaniwang ito'y pangungusap na walang paniyak [1 2]. Sa [3 4], iba pang mga kayarian ang sugnay ng pagpapahayag. Natatangi ang yaring may a- [5].

{*}   Pagsipi ng di-nabago at di-pinaikling pagsasalita ng isang tao. Nasa loob ng panipi ("…") ang pagsasalitang sinipi.

 
[1] "…," nasambit ni Camille. { LIW 12 Dis 2005 Camille, Angelica}
[2] "…," sabi sa kanya ni Russel. {W Unawa 3.2}
[3] "…," ang kanyang ina. {W Unawa 3.9}
[4] "…," nabasag ang kanyang boses. {W Unawa 3.9}
[5][a] "Nay," aniya. {W Unawa 3.10} |a+niya|
 [b] "…," anang babae. {W Karla 5.205} |a+ng|
 [c] "Halika, ibubulong ko sa'yo," ani Buwaya. {W Gubat 3.6} |a+ni|

13-2.2.4 Pangungusap na putol

Ang 'pangungusap na putol' ang pangungusap na walang iisang pagbuong pampalaugnayan. Sinisimulan ang pangungusap na itutuloy sa palaugnayang binago. Bumubukal ang dalawa o higit sa dalawang bahaging hindi bumubuo ng magkasamang pangungusap. Malimit at halos di-sinisadya itong nangyayari sa pananalitang pang-araw-araw [1b]. Maaaring gamitin ang pangungusap na putol sa pananalitang nakasulat, ngunit madalang ang mga ito [2]. Sa tulong ng pangungusap na putol maaaring iwasan ang pangungusap na may ayos na kabalikan ng panaguri at paniyak (walang ay sa likod ng ang kanyang ina sa [2]).

 
[1][a] Si Rita, nasaan na siya? [b] Si Rita, nasaan na? ☺
[2]Ang kanyang ina, tuwing mamalengke ito ay madalas siyang isinasama. {W Unawa 3.3}
[3]Kami, magpapahinga. Kayo, magtatrabaho. (Kina {Schachter 1972 p. 493} tinatawag na 'contrastive inversion' ang mga pangungusap na ito.)

Wikang Filipino ni Armin Möller   http://www.germanlipa.de/wika/ug_usap_1.html
23 Setyembre 2010 / 211230

Palaugnayan ng Wikang Filipino - Wakas ng 13 Mga Pangungusap (Talaksan 13/1)

Simula ng talaksan   Palaugnayan
Pahinang pamagat na Filipino   Ugnika