1 Einleitung | Grundzüge
der filipinischen Syntax Werkstatt Titelseite Filipino | |
2 Einzeldaten 1 | ||
4 Originaltext |
Quelle: Nicanor G. Tiongson: Pambungad: "Kung Baga sa Kaban ..."
{T1Q Tiongson 1985}
Vorwort zu Talinghagang Bukambibig {T1Q Bukambibig}
Pambungad: "Kung Baga sa Kaban..."
{4.1}
Isang pangyayaring dapat ipagkapuri at ipagdiwang ng bawat (mga akademiko, artista at karaniwang)
Pilipino ang pagkakabuo at pagkakalimbag ng aklat na ito, na nagtatala sa isang sistematikong paraan
ng iba't ibang anyo ng pananalitang patalinghaga. Sa aming pagkakaalam, ito'y kauna-unahang
pagtatangkang malikom ang karaniwan at di-karaniwang salita o parirala o idyomang ginagamit
ng mga Tagalog sa lungsod man o sa lalawigan upang magpahayag ng mga kaisipan o damdaming,
kung sasabihin sa tahasan o abstraktong paraan, ay maaaring makasakit o lumabo o mawalan
kaya ng likas na lasa, hipo at kulay na naisaayos sa ganitong pamamaraan.
{4.2}
Di matatawaran ang halaga ng ganitong libro sa mga mag-aaral ngayon (at guro na rin), na ang
karamiha'y lumaki na sa siyudad ng semento at nayon, ng dyipni at telebisyon. Malayo na sa
karanasan ng ganitong mga estudyanteng urbanisado sa kasalukuyan ang daigdig ng palayan at
bituin, ng kalabaw at kundiman, kung kaya't hindi na nila masakyan o mawawaan man lamang ang mga
akdang pampanitikang nasusulat sa katutubong wika, na gumagamit ng mga talinghagang hango sa
kalikasan at kanayunan, tulad ng sarsuwelang Anak ng Dagat ni Patricio Mariano, o dili kaya'y
naglalarawan ng mga tauhang matalinghaga ang pananalita, tulad ng "Kung Baga sa Pamumulaklak"
ni Macario Pineda o "Impong Sela" ni Epifanio G. Matute. Para sa ganitong mga akda, ang aklat na
ito'y magsisilbing tulay na mag-uugnay sa mambabasa sa isang kulturang naglalaho na sa kanyang
paningin.
{4.3}
Sa mga kontemporaryong manunulat man ay mahalagang sanggunian ang ganitong aklat. Karaniwan
nang marinig sa mga kritiko at manunulat na maka-Ingles, na hindi sila makasulat sa Pilipino
sapagkat "kulang na kulang" ito sa mga kataga o pariralang makapagpapahayag sa makulay na paraan
ng mga damdamin o kaisipang kanilang niloloob. Bukod sa kaisipang kolonyal at maling paniniwalang
ang wikang Pilipino ay yaong "puro" at naiwanan na ng panahon, ang isang pinanggagalingan ng
ganitong tiwaling kuru-kuro ay ang kadahupan na rin ng bokabularyo ng mga manunulat na ito. Kung
makikita lamang ng mga makata, mandudula at kuwentista ang lawak at lalim ng talasalitaang Pilipino
- tulad ng matutunghayan sa aklat na ito, hindi marahil magiging gayon karahas ang kanilang
pagkondena sa wikang pambansa. Pagkat hindi totoong dahop ang wika, urong lamang ang kanilang mga
dila.
{4.4}
Gayundin, napakahalagang bingwitin ng mga mandudula at mangangatha sa sapa ng librong ito ang
samot-saring talinghagang magagamit nila sa paglikha ng mga makatotohanang tauhan, lalo na yaong
nakaangat sa lipunang agrikultural. Palasak nang puna sa marami nating mga dula at kuwento na
ang mga magsasaka o mangingisda o manggagawa dito'y tila walang pinagkaiba sa isa't isa, at sa iba
pang sektor, tulad ng estudyante, guro, relihiyosa, burges, doktor, abogado.
{4.5}
Kadalasan, ang mga
tauha'y tila nagkakaiba lamang sa kasuotan, ngunit ang kanilang kilos, asta, at lalung-lalo na
ang kanilang pananalita, ay waring hinulma mula sa iisang talasalitaan, na karaniwa'y urbanisado
at abstrakto, tulad ng lengguwaheng maririnig ngayon sa mga makabagong intelektwal.
{4.6}
Sa paghango
nila sa librong ito ng mga talinghaga para sa diyalogo ng iba't ibang tauhan, mapapadali marahil
para sa mga mandudula ang pagbubuo ng makatotohanang tauhan para sa kanilang dula at ang
paglilinaw ng tunggalian ng mga uri (e.g. magbubukid at sundalo), ng mga henerasyon (e.g. lolo
at apo), ng mga kultura (e.g. kolehiyala at mangingisda). Tulad ng isda, ang makatunayang tauhan
ay nahuhuli sa bibig o dila.
{4.7}
Gayundin, sa manunulat at sa lahat ng artistang naglalayong magsiwalat ng katotohanan kahit sa
panahon ng kasinungalingan at pagpaslang, napakahalagang instrumento ang talinghaga upang maparating
ng nagpapahayag ang katotohanan sa kanyang mga mambabasa at manonood nang hindi siya
mapapasa-galunggungan o mapag-iinitan ng batubatong matatamaan. Bukod pa rito, ang paglalahad
at ang padaplis na pagpuna ay kinagigiliwan ng karaniwang Pilipino, na totoong napakadali
nang subuan ng aral sa sandaling bumuka ang bibig niya sa ngiti o halakhak.
{4.8}
Bukod sa mga artista at akademiko, ang sinumang may pagnanais na maunawaan ang Kulturang Pilipino
ay maraming mapupulot na katangian ng lipunang Pilipino sa listahan ng mga pananalitang
patalinghaga sa aklat na ito. Masusumpungan ang iba-ibang aspeto ng kasaysayan o kalagayan ng
kabuhayang Pilipino at ng relasyon ng mga uri rito, sa mga pariralang tulad ng "isang kahig,
isang tuka", "patay gutom", at "aliping kanin" (ito kaya ang "alipin sa guiguilir" ng
sinaunang panahon?), at ng "mataba ang bulsa", "bigatin", "buwaya", "pating sa katihan".
{4.9}
Gayundin, ang mga pagpapahalaga at kaugaliang Pilipino ay masasalamin sa mga talinghaga.
Halimbawa, ang mga pariralang "tengang kawali" ay nagpapahiwatig ng kulturang nagpapahalaga sa
pagsasawalang-kibo upang huwag makasakit o huwag madamay sa gulo; ang "ihinga ang sama ng
loob" ay nagsasaad ng kulturang may tendensyang kimkimin ang dinaramdam nang huwag makasugat ng
damdamin; ang "ligaw-tingin", "palipad hangin", at "mahuli ang loob" ay nagpapahayag ng
kulturang may malaking pagpapahalaga sa pakikiramdam upang huwag masaktan o makasakit ang
isang indibidwal.
{4.10}
Higit sa lahat, ang mga talinghagang hango sa kalikasan sa aklat na ito ay nagpapahiwatig
marahil ng isang uri ng pananaw sa mundo, na masasaksihan pa sa mga Pilipinong namumuhay sa lalawigan
sa pagsasaka o pangingisda o iba pang pamamaraang malapit sa kalikasan. Sa ganitong pananaw, ang
paggamit ng talinghaga ay di lamang paraan ng "pag-aalis ng anghang" o "pagkikil sa talim" ng dila,
na maaaring "makasagasa" at makasira sa pakiki-pagkapwang siyang batayan ng pagtutulungan o
bayanihan sa pagsasaka.
{4.11}
Bukod dito, ang pananalinghaga'y pagsasaad ng paniniwala na ang tao'y
bahagi ng kalikasan, kung kaya't ang batas na naghahari sa mga halaman at hayop, dagat at lupa,
panahon at sansinukuban ay siya ring batas na dapat maghari sa tao. Sa gayon, ang pagsuway ng tao
sa batas na ito ay hindi na "natural", labag ito sa atas ng kalikasan, at dapat lamang na
"talbusin". Sa madali't sabi, para sa akademiko, artista at karaniwang Pilipino, ang aklat na ito
ay kaban ng mga talinghagang hiyas, na kasasalaminan ng iba't ibang katangian ng Pilipino.
{4.12}
Sa
matiyaga at matalisik, ang pag-uugpong-ugpong ng mga pirasong ito ay maaaring makatulong sa
pagkaunawa ng pambansang identidad, na napakahalaga sa panahong nagsisikap ang sambayanan na
maitayo ang kanyang ganap na kasarinlan sa larangan ng kultura, pulitika at ekonomiya.
Dr. Nicanor G. Tiongson
Unibersidad ng Pilipinas
Diliman, Quezon City
Disyembre 9, 1985
Die filipinische Sprache von Armin Möller 26. November 2005 |