1 Patakaran ng Palaugnayang Filipino   (•• 1,•• Patakaran)

1-1 Pambungad: Wikang Filipino

1-1.1 Aghamwika sa Pilipinas

Noon at ngayon, malakas ang pagkakabisang banyaga sa aghamwika sa Pilipinas. Kinakailangan ng paring Espanyol na mag-aral ng katutubong wika upang maituro ang relihiyong Katoliko sa kapuluan natin. Sa dalawang wika, Espanyol at Tagalog ay isinulat ng paring Espanyol ang unang aklat na nailimbag sa Pilipinas { DC 1593}. Dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas. Kung kaya pinalitan ang wikang banyaga at naging mas malakas ang pagkakabisa ng Amerikanong Inggles. Ngayon, nag-aral o nagtapos ng pag-aaral sa Estados Unidos ang karamihan ng guro sa pamantasan sa Pilipinas. Sa isang Diksiyonaryong Tagalog - Inggles, isinulat ng Pangulo ng Pilipinas ang 'preface' sa wikang Inggles.

Sinasadya o hindi sinasadyang naiiugnay sa wikang banyaga ang mga wika sa Pilipinas noon at ang Filipino ngayon {1A-111 }. Kailangang isalin ng mga paring Espanyol ang akdang Katoliko sa katutubong wika. Ngayon, kinakailangang aralin ng mga mag-aaral sa elementarya ang wikang Inggles upang maintindihan ang aklat nila sa matematika.

Kung sinusuri ang sariling wika upang laging ihambing sa wikang banyaga (at karaniwan sa wikang pang-Europa at hindi sa Intsik o Bahasa Indonesia) malilimutan ang tampok na tunay ng sariling wika. Binibigyan-diin ang pananalita kung saan katulad ng wikang banyaga ang sariling wika. Sa ganitong paraan, hindi pagkakamali ang ginagawa, ngunit maaaring maging malabo o lubos na nawawala ang diwang natatangi ng sariling wika.

Wikang kinagisnan{1A-112}


1-1.2 Pambansang wikang Filipino

(1) Ang wikang Filipino ang opisyal na wikang pambansa na nakasaad sa Saligang Batas noong 1987. Doon nakasaad na 'Ang wikang pambansa sa Pilipinas ay Filipino.' at 'hangga't walang ibang itinatadhana ang batas, Inggles' para sa kommunikasyon at pagtuturo.

Ipinapalagay naming Filipino ang kasalukuyang nakasulat at nasasalitang pananalitang ginagamit ng mga Pilipinong may maayos at mataas na pamumuhay at pinag-aralan. Ito ang wika para sa pakikipagtalastasan sa buong bansa. Nagagamit itong pananalitang pang-araw-araw sa maraming bahagi ng bansa {1A-121}. Halos walang pagkakaibang pampook ang wikang ito. May iba pang wika at wikaing madalang na nagagamit na wikang nakasulat. Halos walang pagkakaiba ang Tagalog na nakasulat at Filipinong nakasulat. Sa gayon, wala nang dahilan upang gamitin pa ang katawagang wikang Tagalog sa kasalukuyang pambansang wika.

(2) Sa Pilipinas, kaunti lamang ang nagbabasa at nagsusulat (sa kahit anong wika). Dahil diro hindi maraming paglilimbag sa wikang Filipino:

(3) Para sa pagsusuri ng pananalitang nakasulat ay naglikom kami ng bahaging sinipi mula sa lingguhang magasin na { Liwayway}, pati mula sa Filipinong aklat (panitikan at akdang makaagham {16A-2}). Saka isinaayos ito sa 'Pagtitipong Panggawaan' (dalawang bilang tungkol sa laki nito: May mga sampung libong pangungusap at may mga limang libong beses na paggamit ng salitang ang). Maaari itong suriin nang mabuti sa pamamagitan ng kompyuter upang makita ang siping kailangan sa akda namin.

(4) Mabilis ang pag-iisa sa pananalitang nasasalita. Halatang nagkakabisa dito nang pinakamalaki ang pambansang telebisyon. Kadaliang inililipat sa iba't ibang lugar ang mga mamamayan. Maynila at karatig na bayan ang nakakaakit sa mga talubatang nasa mga lalawigan. Hindi sila natututo ng tubong Tagalog sa bagong kapaligiran kundi ng karaniwang Filipino. Dahil sa pagbalik at dahil sa makabagong paraan ng pakikipagtalastasan (selpon), nadadala sa mga lalawigan ang Filipino.


1-1.3 Palaugnayan bilang paksa sa aming pagsusuri

(1) Layunin namin ang pagpapakita ng mahalagang katangian ng wikang Filipino na walang paghahalintulad sa wikang pang-Europa. Sa palatunugan at palaanyuan, malinaw at di-matututulan ang kasarinlan ng wikang Filipino (may ilang pagkakapareho sa angkan ng mga wikang pang-Austronesia). Sa palasalitaan, malinaw na nakikita ang paksa ng salitang hiram na Tsina, Espanyol, Inggles at iba pa.

Kaiba sa palaugnayan, halos wala kaming nakitang akda kung saan maunawaan ang palaugnayang Filipino mula sa kasarinlan ng wikang ito. Sa halip nito, kalimitang sinusunod ang palaugnayang pang-Europa upang ilahad ang palaugnayang Filipino. Ang wikang pang-Europa ang "klasikong" wika sa aghamwika. Wikang pang-Europa din ang wika ng dalawang mananakop ng Pilipinas. Kalimitan, kaunting pansin lamang ang ibinibigay sa tanong kung bagay din ang paraan nila upang ipaliwanag ang katangian ng wikang Filipino. Kung kaya, sa amin napakahalaga ang pagsusuri sa palaugnayang Filipino.

(2) Pag tinatalakay ang palaugnayang Filipino ay dapat sagutin muna ang katanungan kung may pagkakaisang pampalaugnayan ang mga wika sa Pilipinas. Hindi sinuri namin nang mabuti ang katanungang ito; ngunit maraming pahiwatig ang nakita namin upang ituloy ang pagtatangka namin. Marami mang may-akda ang idinidiin ang mga kaibahan ng mga wika sa Pilipinas (kasalukuyan, madalas na ginagamit sa halip ng 'Wikang Filipino' ang katawagang 'Mga Wika sa Pilipinas'), ngunit halos walang tunay na pahiwatig sa mga kaibahang ito. Isa pang saksi ang akda ni { Kroeger 1991}; doon may ilang talakay na gaya ng 'in Tagalog, and in Philippine languages generally'.


1-1.4 Pagkakabisang banyaga sa wikang Filipino

(1) Malakas ang pagkakabisang banyaga sa lipunang Pilipino; marahil na mas malakas kaysa sa ibang bansang may laking gaya ng Pilipinas. Dinala ng pagsakop na Espanyol sa Pilipinas ang relihiyong Katoliko at ilang sangkap ng kabihasnang pang-Europa. Sumunod ang panahon ng pagsakop ng Estados Unidos, tinanggap ng Pilipinas ang palakalakalang pangkapitalisto at ang palaaralang pinagsaligan sa wikang Inggles. Pinagaan ang pagkakabisa ng dalawang pagsakop dahil sa kakulangan ng lipunang Pilipino sa pagbubuo ng sariling kalinangan. Ipinalagay na napakahusay ang nanggagaling sa banyagang bansa; hindi lamang ito sa mga larangan kung saan may kakayahan ang kapangyarihang banyaga. Hindi dapat ipilit sa mga Pilipino na maging maka-banyaga; sinasabi ng sariling loob (at ng masamang karanasang nasa bansa nila) na maaaring mapaunlad ang buhay ng Pilipino kung sumusunod siya sa ugaling banyaga. Kung ganito, maaaring magkabisa nang malakas sa wikang katutubo ang Espanyol at Inggles. Ngunit nangyari ito sa larangan ng palasalitaan lamang at pambihira naman sa larangan ng palaanyuan at palaugnayan.

(2) Kasama ang mga pagbabagong dinala ng Espanyol at Amerikano sa Pilipinas, inangkat din ang bagong mga salita; at isinama ang mga ito sa katutubong wika (kurọs, tinidọr, tịsyu). Binago pati ang nakaugaliang katawagan sa salitang banyaga. Maging Espanyol na mesa, lamesa ang nakaugalian at mababang hapạg; at pinapalitan rin ang salita para sa bagay na walang pagbago (tungo - puntạ, bahạghari - rainbow). Sa gayon, may ilang libong salitang Espanyol ang kasalukuyang wikang Filipino; at pati naparito ang mga libong salitang Amerikanong-Inggles at araw-araw napaparito ang marami pa rin. "Ipinasa" lamang ang bagong mga salita; nawala na ang kaugnayang pampalaanyuan at pampalaugnayan sa wikang pinanggalingan (kumustạ, istạmbay).

Kalimitang hindi tinularan ang tamang bigkas ng salitang banyaga. Magaang unawain ito para sa Espanyol na salitang hiram. Hindi itinuro ng Espanyol ang mga ito; di-sinasadya lamang nasambot ang mga ito ng Pilipino. Ibang-iba ang salitang Inggles. Kahit buhat noong isang dantaon ng pinakamahalagang pagtuturo sa Pilipinong paaralan ay kakaunti lamang ang pagkaalam ng bigkas at palatunugang Inggles. Kalimitang tinutularan ang baybay na Inggles sa halip ng bigkas nito. Bunga nito, malapit sa Filipino ang bigkas ng salitang hiram na Inggles. Hindi ito bunga ng sinasadya at magaling na pag-aangkop.

(3) Binayaang maliit ang pagkakabisa ng wikang Espanyol sa palaanyuang Filipino; may mga kataliwasan lamang gaya ng pakialamero, karinderyạ. Walang pagkakabisa ang wikang Inggles sa palaanyuang Filipino; marahil na masyadong magkalayo ang mga palaanyuan niyon.

(4) Kakaunti lamang nagbago ng palaugnayang Filipino ang wikang Espanyol at pati ang Inggles. Binubuo ang pangungusap na Espanyol at Inggles sa pagkakasunud-sunod ng paniyak (subject doon) sa harap ng panaguri. Alinsunod doon, sinubok na ipasok ang yaring iyon bilang batayang pangungusap sa wikang Filipino. Kahit yaring iyon ang maaaring gamitin sa wikang Filipino (ayos na kabalikan), hindi matagumpay ang panukalang iyon. Ang "bagong" pagkakasunud-sunod na tinuro sa paaralan (pananalitang kanluranin o 'pananalitang pormal' {13-5.1}) ay halos hindi ginagamit sa pananalitang nakasulat at pang-araw-araw sa labas ng paaralan. Kaantasan ng pang-uri ang iba pang halimbawa. Halos ganap, pinalayas ng salitang Espanyol na mas ang mga katutubong salitang lalo, higịt at labis, ngunit nanatili ang katutubong palaugnayan.

Kasalukuyan, kalimitang ginagamit ang Inggles na salita at parirala sa wikang Filipino ('Taglish'), ngunit hindi binabago ang pagbuo ng Filipinong pangungusap {13-5.2}.


1-1.5 Katawagang Filipino

Habang pinag-aralan ang mga akda at mga sanaysay sa wikang Filipino ay nakita ang karamihan ng katawagang napakatama mula sa wikang Filipino. Dahil dito, sa akda namin ay minabuti ang katawagang Filipino kaysa tawag na galing sa wikang Latino, Espanyol o Inggles. Kung ginagamit ang wikang Filipino upang talakayin ang palaugnayang Filipino ay matatag lamang ang paggamit ng mga katawagang Filipino kung kailan maaari.

Kung maaari ay pinanatili ang kinaugaliang katuturan ng katawagang Filipino (unang pangkat ito). Kung may pagkakaiba-iba ng ibang mga akda at pagsusuri dito, ipinaliwanag ito nang mabuti. Dahil dito, iba-iba ang katuturan ng pangalawang pangkat ng katawagan. Bukod dito, dapat bumuo ng bagong katawagan na may bagong katuturan (ikatlong pangkat). Sa 'Talatawagan' {15A}; may tandang F ang bagong katawagan. May iba pang mga katawagan na hindi na kailangan o hindi kasiya.

Sa kabilang dako, hindi gustong itagubilin ang nakakalat na paggamit ng bagong katawagan. Sa halip nito maaari itong ipalagay na pagkakataon sa pagpili ng pinakabagay na katawagan, o banyaga o Filipino. Kung walang mungkahing Filipino walang pamimili.

Sa Pilipinas, malimit na sinusulat ang aklat at sanaysay sa wikang Inggles. May dahilan upang gamitin ang wikang Filipino sa halip na Inggles sa akdang ito. Sa gayon, matatag at tama na gamitin ang katawagang Filipino. Kung gustong gamitin ang katawagang Inggles ay isusulat ang lahat sa wikang Inggles.

Tungkol sa paggamit ng mga katawagang pandaigdig sa aghamwikang Pilipino{1A-151 }.


1-2 Mga pariralang nasa Filipinong pangungusap

Gusto nating maipahayag ang mga kaisipan sa wika. Pinapangalanang pangungusap ang buong kaisipan. Binubuo ng mga parirala ang pangungusap. May salitang-ubod ang mga parirala, maaaring dagdagan ng iba pang mga salita at mga pariralang pang-ibaba [1-4].

 
[1]Masaya || ako.
[2]Masaya || ang kaibigan | ko.
[3]Kahapon || pumunta | sa Lipa || ang kaibigan | ko.
[4]Sa kusina || niluluto | ni Nanay || ang hapunan.

Pinangungunahan ng maigsing salita (ang, ay, sa, ng at nang) ang karamihan ng parirala. Ginagamit ang salitang ito upang ituro ang uri ng parirala. Pananda (pananda ng parirala) ang tawag sa salitang ito {11-2}. Katangian ng wikang Filipino ang paggamit ng pananda sa unahan ng parirala. Pananda pati ang pang-angkop na -ng/na. Ipinapakita ang mga pananda sa sumusunod na pangungusap [5] (inilalahad nang puspusan sa {13-3 Θ}).

 
[5]Wala pa ring imik ang doktor na nakaupo lamang sa tabi ng ataol, katabi ang kapatid niyang si Diana na napatigil sa pag-aayos ng mga nagdatingang korona mula sa mga pinsan at dating katrabaho ng kanyang ina. {W Suyuan 5.2}

Hindi pang-ukol ang mga panandang ang, ay, sa, ng at nang. Maaaring itulad ang mga ito sa sistemang kaukulan ng wikang pang-Europa ('case', {1A-521 Θ}); ngunit hindi nakatakda sa mga ngalan lamang ang gamit ng Filipinong pananda.

Sa gayon, nagpapasok kami ng parirala (pariralang pangkayarian {1-6.1}) at binibigyan ito ng katawagan {1A-201}. Sa sumusunod na mga pangkat ay ilalahad namin kung bakit ganito ang mga kinalabasan namin na nagkaiba-iba sa nakaugaliang balarila.


Wikang Filipino ni Armin Möller
http://www.germanlipa.de/filipino/ug_ugnay_1.html
100807 / 201005

Palaugnayan ng Wikang Filipino
Wakas ng 1 Mga Patakaran (Talaksan 1/1)

Simula ng talaksan   Palaugnayan   Ugnika