1A Mga Pangabit sa Patakaran   (•• 1A)

{1A-101 }   Sipi mula kay Martin Luther

'Denn man mus nicht die buchstaben inn der Lateinischen sprachen fragen / wie man sol Deudsch reden / wie diese Esel thun / Sondern man mus die mutter ihm hause / die kinder auff der gassen / den gemeinen man auff dem marckt drümb fragen / und den selbigen auff das maul sehen / wie sie reden / und darnach dolmetschen / so verstehen sie es denn / und mercken / das man Deudsch mit ihn redet.'
Martin Luther: Sendbrief vom Dolmetschen (1530, labas ng Max Niemeyer Verlag, Halle, 1968).

Salinwika namin:

"Huwag tanungin ang mga titik sa wikang Latino kung paano salitain nang mabuti ang Aleman. Kundi dapat tanungin si Inay sa bahay, ang mga bata sa kalsada, ang karaniwang tao sa palengke at pansinin ang bibig nila kung ano ang wika nila. Alinsunod dito dapat isalin; kung gayon, naiitindihan nila at nauunawaan na pinagsasalitaan sila sa Aleman."
Martin Luther: Sanaysay tungkol sa pagsasaling-wika (1530).

Ibig naming iangkop ang siniping ito sa aming akda:

"Huwag tanungin ang balarilang Espanyol o Inggles kung paano salitain nang mabuti ang Filipino. Kundi dapat tanungin si Inay sa bahay, ang mga bata sa kalsada, ang karaniwang tao sa palengke at pansinin ang bibig nila kung ano ang wika nila. Alinsunod dito dapat bumuo ang balarilang Filipino; kung gayon, naiitindihan nila at nauunawaan nang mabuti ang wika nila."

{1A-111 }   Aghamwikang Pilipino at wikang banyaga

Ama ng aghamwikang Pilipino ang tawag kay Ernesto Lopez. Sinulat sa wikang Inggles ang lahat ng akda niya (maliban ng ilan sa Aleman at Pransas). Kalimitan ang pangunahing pagpansin niya ay sa paghahalintulad ng yaring Filipino sa wikang Inggles { Lopez 1941}. Sinulat sa pananalitang kanluranin halos lahat ng halimbawa niya.


{1A-112}   Wikang kinagisnan

Ginagamit namin ang katawagang 'wikang kinagisnan' ni {W Salazar 1.1.17} upang ilarawan ang tanging unang wikang natutuhan ng bata ('mother tongue'). May bukod-tanging tungkulin ang wikang kinagisnan para sa pagpapalaki at pagpapaunlad ng bata.

Hindi laganap sa Pilipinas ang katawagang ito. Sa halip nito, katawagang gaya ng 'katutubong wika' ang ginagamit. Karaniwang kinikilalang 'sinauna' at 'makaluma' ang salitang katutubo. Isa sa maraming wika daw ang wikang katutubo, at makaluma ito. Dahil dito, kaunting kahalagahan sa napakahalagang wika sa buhay ng batang tao.

Mga katuturan


{1A-121}   Kasalukuyang paggamit ng wika sa Pilipinas

Di-malinaw na paksa at hindi malawakang nasasaliksik ang wikang pang-araw-araw ng mga tao sa Pilipinas. Kalimitan, (sobrang) maraming kabatiran tungkol sa iba't-ibang wika ngunit kaunti tungkol sa paggamit ng wikang pambansa. Upang maiwasan ang iba pang kahirapan, gagamitin namin ang katawagang 'wikang Kayumanggi' para sa kahit anong wikang buhat sa Pilipinas. Ibig sabihin, maaaring kahit anong wikang katutubo (tanging wikang pambansa, iba pang wika sa Pilipinas o isa sa mga wikain) ang wikang tinatawag na wikang Kayumanggi. Kaya, kabaligtaran ng Inggles, Intsik at Espanyol ang wikang Kayumanggi.

Kung taong tagaibang-bansa ang dumadalaw sa Pilipinas, nakikita niya ang bansang nagsasalita sa Inggles. Inilathala sa Inggles ang mga pahayagan sa hotel. Sa Inggles din ang talaan ng putahe at lahat ng pahiwatig at babala. Sa supermart at sa iba pang pamilihan, nakikita ang lahat ng produktong may Inggles na tatak at pabalat. Pagpasok sa bilihan ng aklat, nasa wikang Inggles halos lahat ng aklat. Inggles ang nakasulat na wika sa pamamahala at pangangalakal. Nasa Inggles ang mga batas, ulat ng buwis, kontrata at lahat ng pakikipagsulatang pangnegosyo. Talagang nakikita ang Inggles at walang iba.

Naiiba ang larawan kung pinakinggan ang mga Pilipino. Una, sinusubukan ng lahat ng Pilipino na gamitin ang Inggles sa pakikipag-usap sa dayuhan. Sa mga lungsod, kalimitang napakahusay ang Inggles ng mga tao. Sa lalawigang lubhang malayo, maaari lamang gamitin ang ilang pangungusap sa Inggles. Sa ganitong kalagayan, totoo ang kasabihang kalimitang naririnig na: "Sa Pilipinas, lahat ay nagsasalita ng Inggles."

Paano nakikipag-usap ang Pilipino sa kapwa Pilipino? Sa bahay, nag-uusap sa wikang Kayumanggi halos lahat ng pamilya. Bukod dito, nag-uusap ng Tsino ang pamilyang Filipino-Tsina (may mga pahayagang Tsino din). Natatayang di-lubhang isang bahagdan (< 1 %) ng pamilyang Pilipino (kung tubong Pilipinas ang dalawang magulang) ang gumagamit ng Inggles sa bahay. Ibig sabihin na ang labis sa siyamnapu't-limang bahagdan (> 95 %) sa mga Pilipino ay hindi gumagamit ng Inggles bilang "wikang pambahay"; wikang Kayumanggi ang wikang kinagisnan nila. Kung kaya, totoo rin ang pangungusap "Sa Pilipinas, halos hindi kahit sino ang nagsasalita ng Inggles."

Kung pumupunta sa paaralang elementarya ay nasa Inggles ang karamihan sa aklat, at pati sa opisina ng paaralan ay binabasa at sinusulat ang lahat sa wikang Inggles. Sa mga klase, nagtuturo ang guro sa Inggles gaya ng pagkakasulat sa aklat. Kung hindi maintindihan ng mga mag-aaral, kalimitang isinasalin ang lahat sa wikang Kayumanggi. Hindi ito pinapayagan ngunit matagumpay na ginagamit sa pagtuturo.

Sa pahinga sa mga paaralan sa baryo ay hindi nakakarinig ng salitang Inggles. Sa ilang mamahaling paaralang pribado, may nagmumulta sa magtagalog sa bakuran.

Sa mga opisina, nakikita lahat ng papeles sa Inggles. Maliban sa pakikitungo sa mga dayuhan, may tanging pamamaraan ng pagsasalita ang napapansin. Binabasa sa Inggles ang papeles. Sa pag-uusap, kumukunti ang salitang Inggles at dumadarami ang wikang Kayumanggi. May pagkakaibang saligan ang balarilang Inggles at wikang Kayumanggi. Kung kaya may pagtalikwas sa usapan. Una, sa loob ng pangungusap na Inggles may salita ng wikang Kayumanggi. Biglang ginagamit ang mga pangungusap sa wikang Kayumanggi na may salitang Inggles. Maaaring iangkop ang salitang Inggles sa balarilang Filipino nang hustong-husto: Iteteks kita.

Dahil sa naturang mga pagpansin ay malinaw na higit na pananalitang nasasalita kaysa nakasulat ang wikang Kayumanggi. Likas na di-lubhang mahigpit ang pananalitang nasasalita kaysa nakasulat. Pinapalakasan ito dahil walang sanggunian sa pananalitang nakasulat ang karamihan sa nagsasalita. Kung kaya halos hindi maaaring paunlarin ang pananalitang nasasalita mula sa nakusulat. Sa kabilang banda, hindi maaaring ihalintulad ang pananalitang pampamahalaan at pampaaralan sa pamumuhay na pang-araw-araw sa dahilan na hindi "magkiskisan" ang dalawa.

Iniisip at ginagawa sa "kapaligiran ng wikang Inggles" ang karamihan sa sinusulat sa wikang Kayumanggi. Maaari itong salin mula sa Inggles (halimbawa, marahil ang labas sa Filipino ng Saligang Batas ay salin ng orihinal na labas sa Inggles). Maaari ring ilapit sa wikang Inggles ang kasulatan sa wikang Kayumanggi nang sadya o di-sinasadya. Kung walang iisang aklat o pahayagang sinulat sa wikang Kayumanggi sa opisina o bahay at kung sa Inggles ang lahat na aklat sa kapaligiran at kung nagsisimula akong magsulat sa wikang Kayumanggi, malamang na nagkakabisa sa akin ang ganitong kapaligiran. Binabago ko ang pagsusulat ng wikang Kayumanggi sa dako ng Inggles. Kung binabasa ng ibang tao ang nasulat ko sa wikang Kayumanggi na inilapit na sa Inggles, ang pagtugon niya sa wikang Kayumanggi ay ulit at higit na malakas na ilalapit sa Inggles.


{1A-151 }   Paggamit ng mga katawagang pandaigdig sa Pilipinong aghamwika

(1) Sa aghamwikang Pilipino, walang pagkakaunawang magkakatulad kung paano dapat na iangkop sa wikang Filipino ang katawagang pandaigdig {*}. Pinapanggalingan ng karamihan sa katawagang pandaigdig ang mga wikang Lumang Griyego at Latino. Sa wikang pang-Europa, karaniwang iniaangkop ang katawagang katutubong Griyego at Latin upang likhain ang salitang hiram. Nasa Pilipinas ang kasalungat; ginagamit ang salitang inaangkop na nasa wikang Inggles (o Espanyol) upang gawain ang isa pang pag-aangkop para sa paggamit sa wikang Filipino. Kung gayon, bumubukal ang ilang suliranin; iba't iba ang paraaan upang lutasin ang mga ito. Sanhi ng kahirapan ang katangian ng wikang Inggles. Doon, magkatulad ang mga larawang pampalabaybayan ng wikang katutubo at ng wikang Inggles; ngunit binabago nang malakas ang bigkas para sa wikang Inggles. Dahil dito, malapit pa sa katutubong wika ang palabaybayang Inggles, ngunit malayo na ang bigkas.

{*}   Sa Pilipinas halos katumbas ang katawagang 'pandaigdig' at 'Inggles', bihira lamang tinatalakay ang lahat ng ibang wika.

(2) Nananatili ng pagkapag-angkop na Inggles na walang pagbabagong pampalabaybayan ang isang pulutong ng may-akda (halimbawa: { Aganan 1999}); marahil ang pag-iisip nila na kayang tamang bigkasin ng mga bumabasa ang salitang Inggles. Inaangkat ang mga salita alinsunod sa bahagi ng panalita ('verb' bilang pangngalan, ngunit 'verbal' bilang pang-uri, hindi na pangverb). May pakinabang na malaki ang paraang ito; kitang-kita pa ang mga salitang Inggles sa pakikipagtalastasang pandaigdig. Mayroon yatang kasahulan ang paraan ito; salitang banyaga pa ang salitang Inggles.

(3) Ang karamihan ng Pilipinong may-akda (halimbawa: { Paz 2003}) ay gumagamit ng paraang nananatili ng bigkas na Inggles at nagbabagay ng palabaybayan na Filipino. Mahirap ang paraan nila. Kulang ang kasangkapan ng Filipinong palabaybayan upang iangkop lahat ng salitang banyaga (halimbawa: <agriment>, <vawel> <titser>). Mayroon ding magkakaibang bigkas ng salitang Inggles (halimbawa: <inklitik>, <enklitik> o <ingklitik> para sa Inggles na salitang 'enclitic'). Madalas na mayroon pa ring pag-aangkop sa makalumang palatunugang Tagalog (halimbawa: Panghalili sa tunog na [ f ] <f> o <ph> ang [ p ] <p> na nasa <diptong>). Karaniwang nawala na ang bahagi ng panalita pagkatopos ng pag-angkat; dahil dito, ginagamit ang mga Filipinong panlapi kasama ang salitang Inggles (halimbawa: pagkaklasifay). Bunga nito, bumubukal ang mga bagong salita, hindi na Inggles, ngunit hindi pa bagay sa wikang Filipino. Mayroon pang katanungan kung ganito paunlarin ang pagkakaunawa ng salitang ito sa wikang Filipino. Maliwanag ang pagkawala ng kahit anong pagkakaugnay sa palabaybayang Inggles (at marahil din sa Inggles na bigkas; halimbawa: Inggles na 'clause' [klɔ:z] ang nagiging <klos> na marahil na may bigkas na [klɔs]; 'vowel' ['vaʊəl] ang nagiging <vawel> ['va.vɛl], mas tama yata (ngunit hindi pa tama) ang baybay na <vaw-el> na may bigkas na ['vaʊ.ʔɛl]).

Halatang nakikita ng ilang may-akda ang naturang suliranin; ginagamit nila ang wikang Espanyol upang lutasin ito. Mas magkatulad ang palabaybayan at palabigkasan ng mga wikang Espanyol at Filipino kaysa sa Inggles at Filipino. Dahil dito, maaaring makita bukod sa fonoloji pati ang ponolohiya.

(4) Hindi pa namin nakita ang pagsisikap na gamitin ang katutubong salitang Griyego o Latino mismo upang iangkop nang magaling ang mga ito sa wikang Filipino (halimbawa: mula sa Griyegong φωνη = fone = boses, tunog ay maaaring gawin ang mga salitang gaya ng palafonehan, pangfone).


{1A-201}   Katawagan sa pariralang pangkayarian

(1) Sa tabi ng panaguri at paniyak, ibinubukod namin ang apat pang pariralang pangkayarian dahil magkakaiba ang pananda nito. Dahil dito, kailangan namin ang apat na katawagang magkakaiba.

(2) Para sa pariralang ng, nagpapasok kami ng katawagang 'pantuwịd'; "tuwid" ang pagkakaugnay ng pantuwid sa pariralang pang-itaas nito (at kaunting kahawig ng kinaugaliang katawagang 'layon na tuwiran' ang katawagan namin).

Hindi napakagaling ang katawagang 'layon' para sa pariralang NG. Sa pananaw na pansemantika, kalimitan hindi ito 'layon ng kilos', ngunit 'tagaganap ng kilos' (sa pandiwang balintiyak) o 'may-ari ng bagay' (panuring sa ngalan).

(3) 'Pandako' ang bagong tawag sa pariralang sa. Inihuhudyat ng pandako ang dakong panluran o pamanahon o dako sa matalinghagang kahulugan (tagatanggap).

(4) Inihuhudyat sa pamamgitan ng pang-angkop ang baitang; sa likod ng pang-angkop umaakyat o bumababa ang pangungusap sa ibang palapag. Dahil dito, sa aming palagay, bagay ang katawagang 'panlapạg'.

(5) Nag-iisa at malaya sa pangungusap ang mga pariralang nang. Malimit na walang paggamit ng nang; at kung may nang, ito'y tanda ng paghihiwalay (hindi ng pagkakaugnay). Nauumpog ang pariralang ito sa ibang bahagi ng pangungusap, dahil dito ang katawagang 'pang-umpọg'.

Nababagay sa pariralang malaya, sa panuring sa ngalan at pati sa kaganapan ng pandiwa ang katawagang ito.

Pag-uuri ng parirala sa akdang pang-aghamwika{1A-611 }.


Wikang Filipino ni Armin Möller   http://www.germanlipa.de/filipino/ug_ugnay_1A.html
20 Oktubre 2010 / 05 Oktubre 2020

Palaugnayan ng Wikang Filipino
Wakas ng 1A Pangabit sa Patakaran (Talaksan 1A/1)

Simula ng pahina   Palaugnayan   Ugnika