Werkstatt / Gawaan
People Power at Ibang mga Bansa

1 Einleitung / Pambungad
3 Texte / Mga Kasulatan


1 Einleitung / Pambungad

Angara, Rommel N.: Paano naiiba sa mga pag-aaklas sa ibang bansa ang rebolusyong people power sa Pilipinas
Quelle / Pinagmulan → {16A-2 Angara}


3 Texte - Mga Kasulatan

{3.1}
Nakamamangha hindi lamang ang pagkakatulad kundi maging ang pagkakaiba ng Rebolusyong People Power (tinatawag ding Rebolusyong EDSA, Rebolusyong Pilipino ng 1986, at Rebolusyong Dilaw) sa Pilipinas noong ika-22 hanggang 25 ng Pebrero 1986 at iba pang himagsikang naganap at kasalukuyang nagaganap sa ibayong-dagat.

{3.2}
Magugunitang naging mitsa ng rebolusyon laban sa 20-taong rehimen ni dating Pang. Ferdinand Emmanuel Marcos y Edralin (1917-1989) ang pagpaslang sa pinakamatinik na kritiko ng administrasyong Marcos na si dating Sen. Benigno Simeon "Ninoy" Aquino, Jr. (1932-1983) noong ika-21 ng Agosto 1983. Nagdalamhati at lantarang nagpahayag ng poot at pagkamuhi sa rehimeng Marcos ang sambayanang Pilipino. Nagkaroon ng mga kilos-protesta at civil disobedience sa buong kapuluan.

{3.3}
Nang panahong iyon, sawa na sa katiwalian sa pamahalaan ang karamihan sa mga Pilipino, samantalang walang kibo naman ang ilang mamamayan dahil sa pagkadama ng takot na magiging kaawa-awa lamang sila. "Hindi na katulad ng dati ang bansa Simula noon," ang puna ng ilang komentarista sa radyo.

{3.4}
Upang pawiin ang galit ng kanyang mga kababayan, nagpatawag ng snap election si Pangulong Marcos noong 1985; idinaos ang halalang ito noong ika-7 ng Pebrero 1986. Gayunman, ang mga computer technician, na nagrerekord ng election returns, ay nag-walk out upang iprotesta ang kautusan sa kanila na dayain ang resulta ng halalan. Dahil sa pangyayaring ito, naubusan ng pasensiya ang sambayanang Pilipino.

{3.5}
Nakagugulat ang sumunod na kaganapan: Nabunyag ang military plot na pagpapatalsik kay Pangulong Marcos, na agad na nag-utos na dakpin ang mga pangunahing sangkot sa tangkang coup d'etat. Nanawagan si Arsobispo Jaime Cardinal Sin y Lachica ng Maynila (1928-2005) sa sambayanan, sa pamamagitan ng Radio Veritas, na magtungo sa EDSA upang protektahan sina Tin. Hen. Fidel Ramos y Valdez (1928-kasalukuyan), pangalawang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at pinuno ng Philippine Constabulary, at Juan Ponce Enrile y Furagganan (1924-kasalukuyan), Ministro ng Tanggulang Pambansa, dalawang matataas na opisyal ng pamahalaan na nagpasyang tumalikod kay Marcos.

{3.6}
Magkakasamang nagpunta sa EDSA ang mga tao - lalaki at babae, bata at matanda - hanggang sa mapuno ng halos di-mabilang na tao ang lansangang ito. Sa kasagsagan ng rebolusyon, pinuno ng may isa hanggang tatlong milyong katao ang EDSA mula Ortigas Avenue hanggang sa Cubao. Paglipas ng ilang araw, tuluyang umalis ng Malacanang si Pangulong Marcos patungo sa Hawaii, isa sa mga estado ng Estados Unidos. Lumisan ang itinuturing na diktador na ayon sa mga kritiko ay nagpahirap sa sambayanang Pilipino dahil sa napakaraming pag-abuso sai mga karapatang pantao.

{3.7}
Samantala, malugod na tinanggap ng kanyang mga kababayan si Gng. Corazon "Cory" Aquino y Cojuangco (1933-2009), maybahay ni dating Senador Aquino, bilang kauna-unahang babaing pangulo ng bansa, na pumalit kay dating Pangulong Marcos. Gayon na lamang ang paghanga ng buong daigdig sa mapagpakumbaba ngunit magiting na ginang na ito, kaya't tinagurian siya ng Time Magazine bilang "Babae ng Taon" noong 1986 at "Santa ng Demokrasya" noong 2009.

{3.8}
Pinapurihan ng buong daigdig ang Pilipinas dahil sa muling pagtatamo nito ng demokrasya, na hindi kailangang gumamit ng dahas.

{3.9}
Nakagugulat: Ilang taon makalipas ang makasaysayang Rebolusyong People Power sa Pilipinas, may mga magkakasunod na pag-aaklas na naganap at kasalukuyang nagaganap sa ibang bansa. Bakit kaya may mga pagkilos gaya ng mga ito?

{3.10}
Kailan lamang ay napabalita ang serye ng mga paghihimagsik ng mga Arabo, na nagsimula sa Tunisia, bansa sa pinakahilagang Aprika. Dating namumuno sa Tunisia si Pang. Zine El Abidine Ben Ali (1936-kasalukuyan) na nagtamasa ng kapangyarihan sa loob ng 23 taon. Ang panunungkulan ni Pang. Ben Ali ng Tunisia ay mas mahaba nang ilang taon kaysa sa panunungkulan ni dating Pangulong Marcos ng Pilipinas.

{3.11}
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, naitanghal ng Tunisia ang sarili nito bilang "mundong Arabo na may kuwento ng tagumpay." Nagtamasa ito ng ekonomiyang mas mabuti kaysa sa ekonomiya ng alinman sa mga karatig-bansang Arabo. Pinagkalooban nito ng mas mabubuting karapatan ang kababaihan. Itinaguyod nito ang edukasyon bilang pinakamainam sa lahat ng kayamanan. Kaya naman, mataas ang antas ng kamuwangan (bahagdan ng mga taong may kakayahang bumasa at sumulat).

{3.12}
Taun-taon, tinatayang 80,000 bagong nagsipagtapos ang napapabilang sa jobs market (merkado kung saan naghahanap ng kawani ang nagpapatrabaho at naghahanap ng trabaho ang kawani). Sa kasamaang-palad, di-sapat ang mga industriya at mga trabaho upang matugunan ang lumalaking pangangailangan para sa lakas-paggawa. Lumaganap ang kawalang-trabaho at tumindi ang kahirapan ng buhay sa bansang ito.

{3.13}
Noong Disyembre 2010, may di-inaasahang pangyayaring pinagsimulan ng panibagong yugto ng kasaysayan sa Tunisia: Si Mohamed Bouazizi (1984-2011), kabataang lalaking nagtapos sa pamantasan, ay nagtitinda ng mga prutas at mga gulay na walang permit. Dinakip at sinampal siya ng awtoridad na kitang-kita ng publiko. Kinumpiska ang kanyang mga paninda. Nang tangkain niyang maghain ng reklamo, tinanggihan ito. Dahil sa ganap na pagkadama ng kawalang-pag-asa, lalo na't mayroon siyang pamilyang kailangang suportahan, at nagkataong wala na siyang trabaho o anumangiba pang mapagkukunan ng ikabubuhay, binuhusan niya ng gasolina ang kanyang sarili, at sinilaban ito.

{3.14}
Ang napakasaklap na karanasan ng edukado ngunit desperadong kabataang si Bouazizi ay umantig sa damdamin ng sambayanang Tunesino, na sa pangkalahatan ay nakisimpatiya sa kanya. Nagkaroon ng serye ng mga kilos-protesta sa buong Tunisia. Pinaputukan ng kapulisan at iba, pang tropang tapat kay Pangulong Ben Ali ang mga nagpoprotesta; may 23 kataong namatay at libu-libong nasugatan. Sa kabila ng pagdanak ng dugo, nagpatuloy ang mga rally at mga kilos-protesta hanggang sa tumakas palayo ang pangulo ng bansa.

{3.15}
Ang sama-samang pagkilos para sa minimithing pagbabago na ipinakita ng mga Tunesino ay nagbigay ng inspirasyon sa mga Ehipsyo upang mag-aklas laban sa awtokratikong pamamahala ni Pang. Hosni Mubarak (1928-kasalukuyan), na nagtamasa ng kapangyarihan sa loob ng 30 taon.

{3.16}
Sa loob ng ilang linggo, milyun-milyong Ehipsyo ang nagprotesta at nanawagan para sa pagbaba sa puwesto ni Pangulong Mubarak. Inokupa nila ang Tahrir Square (pangunahing pampublikong liwasan sa Cairo), at nagambala ang negosyo at turismo May mga araw na nagkaroon ng karahasan dahil sa pagsagupa ng mga puwersang kakampi ni Mubarak sa mga nagpoprotesta; may ilang namatay at maraming nasugatan. Sa kabila ng banta sa kanilang kaligtasang pisikal at kawalan ng mapagkukunan ng pagkakakitaan, ang mga Ehipsyo ay nanatili sa Square, na nagsilbing kanilang kampo, kung saan sila natutulog at nagluluto ng pagkain. Mayroon silang mga placard na ganito ang nakasaad: "Ang kapangyarihan ng sambayanan."

{3.17}
Tinatayang may populasyong 74 na milyong katao ang Ehipto sa kasalukuyan. Maniwala man tayo o hindi, nabubuhay lang din sa karukhaan ang kafamihan sa mga mamamayan nito sa kabila ng nakasaad sa mga aklat pangkasaysayan na di-matatawaran ang materyal na kayamanan ang matatagpuan dito, na sa katunayan ay pag-aari ng mga sinaunang Paraon at iba pang pinunong Ehipsyo.

{3.18}
Nang mag-aklas ang mga mamamayang Ehipsyo laban sa rehimeng Mubarak, tinatayang milyun-milyong dolyar ang nawala sa Ehipto. Sapagkat taglay ang ganap na pagkaunawa sa kahalagahan ng demokrasya, hindi sila natinag sa kanilang hangaring ipagpatuloy ang laban para sa pagbabagong matagal na nilang inaasam. Sumunod na nagkaroon ng serye ng mga pag-aaklas sa Yemen, bansa sa Gitnang Silangan, na sumasaklaw sa timog-kanluran hanggang sa katimugang dulo ng Tangway ng Arabia.

{3.19}
Isa ito sa pinakamahirap na bansang Arabo, na ang mahabang kasaysayan ay kakikitaan ng kawalang-katatagan sa pulitika at kahinaan ng ekonomiya. (Aba! Kailan lamang ay naging sentro ito ng mga teroristang grupo, kabilang ang al-Qaeda.) Gayon na lamang kasidhi ang hangarin ng mga mamamayang Yemeni na magkaroon ng panibagong pamunuang magtataguyod sa kabutihan at kapakanan ng bawat isa sa kanila; kaya't buong tapang nilang hiniling ang pagbibitiw sa puwesto ni Pang. Ali Abdullah Saleh (1942-kasalukuyan), na nagtatamasa ng kapangyarihan sa loob ng 32 taon, na anila ay may mga paglabag sa mga karapatang pantao.

{3.20}
Naging tampok ding balita ang pag-aaklas sa Libya, bansa sa Hilagang Aprika, kung saan naging malagim, sa kamay ng National Liberation Army, ang kamatayan ni Muammar Gaddafi (1942-2011), na naging awtokratikong pinuno ng Libya sa loob ng 42 taon.

{3.21}
Sa kasalukuyan, ang serye ng mga pag-aaklas ay lumalaganap na rin sa Jordan, bansang kaharian sa Timog-kanlurang Asya, napinamumunuan ni Haring Abdullah II (1962-kasalukuyan), na nakaluklok sa trono sa loob ng 12 taon, at maging sa Sudan, bansa sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan, na pinamamahalaan ni Pang. Omar al-Bashir (1944-kasalukuyan), na nagtatamasa ng kapangyarihan sa loob ng 22 taon. Ang mga mamamayan ng mga bansang ito ay may adhikaing magkaroon ng panibagong pamahalaang may puso para sa masa, pámunuáng nakadarama, nakauunawa, at nakatutugon sa mga pangangailangan ng mga nasasakupan.

{3.22}
May pagkakapareho sa ilang aspeto ang Rebolusyong People Power sa Pilipinas at ang mga himagsikan sa mga bansang Arabo. Ang mga naging pangulo ng mga bansang ito ay humawak ng kapangyarihan sa loob ng mahabang panahon gamit ang kamay na bakal. Isip-isipin na lamang: Ang matataas na pinunong ito ay namahala sa loob ng 12 hanggang 42 taon! Gayundin naman, karamihan sa mga mamamayan ng mga bansang ito ay nalulugmok sa kahirapan habang ang mga namumuno ay nabubuhav karangyaan at nagkakamal ng kayamanan.

{3.23}
Ano naman ang pagkakaiba? Ang Rebolusyong People Power sa Pilipinas ay pa-aaklas na walang bahid ng dugo ngunit pun ng panalangin, hindi gaya ng mga himagsik sa mga bansang Arabo na may karahasan at pagdanak ng dugo.

{3.24}
May kawikaan: "Power corrupts, and absolute power corrupts absolutely"' (Nakasisira ang kapangyarihan, at ganap na nakasisira ang ganap na kapangyarihan). Mapatutunayan ito hindi lamang ng sambayang Pilipino kundi maging ng mga mamamayang Arabo mula sa kanilang aktuwal na karanasan. Kapag gumawa ng katiwalia ang pinuno, gaano man kahusay sa pamamalakad, nararamtan na siya ng bulok na pagkatao; wala na siyang karapatang matala sa kasaysayan bilang may karangalan sapagkat sinira na niya ang tiwala sa kanya ng mga mamamayan, na pinagkakautangan niv; ng kapangyarihan.

{3.25}
Sabihin pa, ang labis na kapangyarihan ay katulad ng opyo; nakasisira ito ng pag-iisip, at ang nagtataglay nito ay wala nang pakialam sa iba. Di-taka-taka, kahit naghihirap ang karamihan sa mga mamamayan, may mataas na pinunong nagbubulag-bulagan nananatiling manhid, nagkikibi balikat lamang.

{3.26}
Kung ang Rebolusyong People Power ay tagumpay ng sambayanang naghahangad ng makabuluhang positibong pagbabago, trahedya naman ito ng sinumang pinunong nagmamalabis sa tungkulin, na ayaw nang bumaba sa puwesto sinasabing nakakamtan ng ganitong uri ng pinuno ang buong mundo ngunit nawawal; naman siya ng kaluluwa, pangalan, at karangalan.

{3.27}
Napakainam na pagkunan ng inspirasyon, kung gayon, ang pagninilay ni Mahatma Gandhi (1869-1948), pangunahing pinunong pulitikal, ideolohikal, espiritwal ng India: "Kapag nawawalan ako ng pag-asa, naaalaala kong sa takbo ng kasaysayan ay laging nagwawagi ang mga pamamaraan ng katotohanan at pag-ibig. Nagkaroon ng mga mapaniil na pinuno, mga pinunong may ganap na kapangyarihan, at mga mamamatay-tao, at sa loob ng ilang panahon ay tila hindi sila madaraig, ngunit sa bandang huli ay lagi silang bumabagsak. Isipin ninyo ito - palagi."

{3.28}
Sa kabuuan, may iisang layunin ang Rebolusyong People Power sa Pilipinas at ang iba pang himagsikan sa ibayong-dagat: mabigyang-daan ang makabuluhang pagbabago para sa kapayapaan, kaayusan, katarungan, kasaganaan, at kagalingang panlipunan.



Die filipinische Sprache von Armin Möller   http://www.germanlipa.de/text/angara_2012.html   05. Februar 2012

Die filipinische Sprache - Werkstatt - Ende Angara 2012

Seitenanfang   Titelseite Werkstatt   Syntax   Titelseite Filipino   Ugnika