1 Einleitung / Pambungad
3 Texte / Mga Kasulatan
Coraza, Michael M.: Ang Pagsasalin bilang Pagpapaunawa:
Isang Panimulang Pagsusuri sa Unang Limbag na Salin sa Tagalog ng Popular na
Dasal Katoliko
Quelle / Pinagmulan → {16A-2_Dasal}.
{3.1}
Ang Doctrina Christiana en lengua espanola y tagala, corregida por los Religiosos
de las ordenes, Impressa con licencia en S. Gabriel de la orden de S. Domingo En
Manila, 1593 ang kauna-unahang relihiyosong aklat na nalimbag sa paraang xylografico
sa Filipinas. Sa pangkalahatang, ito rin ang kauna-unahang aklat na nalimbag sa buong
kapuluan matapos itatag ni Miguel Lopes de Legaspi ang Cebu noong 1565 at ang Manila
noong 1571.
{3.2}
Ayon sa sanaysay ni Virgilio S. Almario na "Pamamangka sa Dalawang Wika, Ang
Pagsasalin Bilang Kasangkapan sa Edukasyon" na nalathala sa magasing Sagisag noong
Enero-Pebrero 1977, "Hindi isang aksidente na gumamit ng pagsasalin
sa unang nalimbag na aklat sa Pilipinas." Bahagi ng buong estratehiya ng pananakop
ng mga Espanyol ang paggamit sa katutubong wika ng mga Indio sa pagtuturo ng doktrina.
{3.3}
Ayon kay Rene Javellana, sa kaniyang introduksiyon sa Mahal na Passion ni
Jesu Christong Panginoon Natin na Tola ni Gaspar Aquino de Belen (1990), nagpasiya
ang junta ng Simbahan sa Maynila noong 1582 na kilalaning mahalagang gawain ang
pagsasalin ng mga aral ng Kristiyanismo sa mga katutubong wika ng Filipinas.
At sampung taon matapos malimbag ang Doctrina Christiana, noong 1603, naglabas
ang hari ng kautusang nagtatakda na kailangang marunong ng wika ng mga Indio ang
sinumang magtutungong misyonero sa kapuluan.
{3.4}
Ang pagsasalin, ayon sa sanaysay na "Translation: Literature and Letters" ni
Octavio Paz, ay isang paraan ng pagtuturo o pagpapaunawa. Sabi nga niya, "the child
who asks his mother the meaning of a word is really asking her to translate
the unfamiliar term into the simple words he already knows."
Ipagpalagay na ang mga misyonerong fraile ang ina at ang mga katutubong
Tagalog ang anak, paano kaya ipinaunawa ang doktrina ng Kristiyanismo? Ano at paano
kaya hinarap ang mga suliranin sa pagpapaunawa?
{3.5}
Sa pagtalakay na ito, magsasagawa ng panimulang pagsusuri hinggil sa paraan
ng pagkakasalin ng popular na dasal Katoliko, ang Ama Namin, na nasa Doctrina
Christiana. Sa pamamagitan ng mapaghambing na
pagtunghay sa orihinal na tekstong
Espanyol at sa katapat na salin sa Tagalog, higit na mabibigyan ng ilustrasyon ang
paniniwala ni Octavio Paz na isang paraan ng pagpapaunawa ang pagsasalin.
{3.6}
Mga Pangkalahatang Obserbasyon
Sa pangkalahatang, binubuo ang Doctrina Christiana ng apat na dasal: "Ang Ama
Namin", "Ang Aba Guinoong Maria" (Aba Ginoong Maria)", Ang Sumasampalataia" (Ang
Sumasampalataya) at "Ang Abapo" (Ang Aba Po); apat na paghahanay ng mga kautusan at
kaurian ng kasalanan: "Ang Otos nang Dios, Ae, Sangpouo" (Ang Utos ng Diyos ay Sampu),
"Ang Otos nang Santa Iglesia Ina natin aey Lima" (Ang Utos ng Santa Iglesiang Ina Natin
ay Lima), "Pito ang Mahal na Tanda Icauauala nang Casalanan ang Ngalan Sacramentos"
(Pito ang Mahal na Tandang Ikawawala ng Kasalanan, ang Ngalan ay Sakramentos), at "Ang
Ponong Casalanan, Icapapacasama nang Caloloua aey Pito" (Ang Punong Kasalanan,
Ikapapakasama ng Kaluluwa ay Pito); at isang "Tanungan."
Reihenfolge von einigen Satzzeichen bei Anführungszeichen geändert, da
sie im Text inkonsistenz sind!
{3.7}
Unang nakasulat ang bersiyon sa wikang Kastila ng mga ito, saka nakasunod ang salin
sa Tagalog na nakasulat sa dalawang paraan: nasa alpabeto Romano ang una, nasa katutubong
baybayin ng mga ninuno natin ang ikalawa. Dahil dito, masasabing ang Doctrina
Christiana rin ang isa sa mga nalalabing nakalimbag na patunay ng pag-iral ng
isang katutubong alpabeto ng ating mga ninuno.
{3.8}
Batay sa nilalaman nito, makahihinuha ng tatlong pangkalahatang implikasyon
tungkol sa pagkakalathala ng Doctrina Christiana. Una, binibigyang-diin ng mga
Espanyol na ang itinuturo nila sa mga katutubo ay mula sa Kastila, isang salin. Para
kay Vicente L. Rafael, Contracting Colonialism, Translation and Christian Conversion in
Tagalog Society under Early Spanish Rule (1988), paggigiit ito ng kataasan o
superyoridad ng mga Espanyol sa mga katutubo.
{3.9}
Higit na malapit sa Latin, na siyang opisyal na wika ng Simbahang Katoliko,
ang wikang Kastila. Samankatwid, ang mga Espanyol, na gumagamit ng wikang
Kastila, ang tagapaglapit sa mga Tagalog, sa mga aral ng Katotohanan na orihinal na
nasa wikang Latin. Sa pananalita mismo ni Rafael, "Within the context
of colonization, whereby Latin guaranteed the transfer of God's Word, Castilian
played the key role of a privileged passage from Latin to Tagalog."
{3.10}
Ikalawa, ang pagpapalit ng ortograpiya o paraan ng pagsulat sa wikang Tagalog
ay isang paraan ng pagkontrol ng mga Espanyol sa wika ng mga katutubo. Hindi tuwirang
sinasabi nito na dahil sila ang mananakop,ang nakataas, kaya nilang baguhin para sa
kanilang kapakanan ang wika ng kanilang mga nasasakupan. Kung nahihirapan silang
basahin ang sulat-katutubo, lalo sigurong nahihirapan silang isulat ito. Kaya
kinailangang baguhin nila ito para sa ikadadali ng pagsasakatuparan nila ng
kanilang misyon.
{3.11}
Ayon muli kay Rafael, "By converting baybayin into phonetic writing, the
Spaniards hoped to make the Tagalog language more 'readable'. And 'readability'
in this case implied the control of the differing and deferring movement of
writing by the 'persuasive and clear voices' of the missionarier who worked
to ensure the passage of God's Word and the king's authority through the local
idiom."
{3.12}
Ikatlo, kapansin-pansin ang pamamayani ng mga salitang Kastila na hindi na
isinalin o inihanap ng katumbas na salitang Tagalog sa kabuuan ng Doctrina Christiana.
Ginamit na tila lumangkap na sa bokabularyo ng wikang Tagalog nang mga panahong iyon ang
mga salitang Kastila tulad ng Dios, virgen, cruz, infierno, Espiritu Santo, yglesia
Catolica, fiesta, confessar, comulgar, pascua, baptismo, extrema uncion, orden
sacerdote, persona at marami pang iba.
{3.13}
Dahil walang isa sa isang tumbasan ng mga salita sa pagitan ng dalawang
wika, madalas na nagiging mahirap ihanap ng katumbas sa ibang wika ang ekspresyon ng
isang idea o katotohanan sa isang wika. Ang mga terminolohiya ng Kristiyanismo na hango
sa Latin at Kastila ay sadyang hindi maaasahang magkaroon ng mga terminolohiyang ganap
na katapat sa wikang Tagalog. Ayon muli kay Octavio Paz, "Each language is a view
of the world, each civilization is a world."
{3.14}
Bagong karanasan at bagong pagtingin sa daigdig ang Kristiyanismo para sa mga
"indio", kaya nga ang nangyari, marami sa mga salitang pandoktrina ang hindi na
kinailangan pang tapatan ng katutubong salita para maituro sa kanila. Ngunit para
kay Rafael, isa pa ring indikasyon ito ng pagiging superyor ng wikang Kastila sa
Tagalog.
{3.15}
Sa tingin ng mga misyonero, walang salita sa Tagalog na makatatapat at
makasasapat upang taglayin ang kahulugan ng mga konseptong nasa Kastila. Sa pananalita
muli ni Rafael, "In order to maintain the 'purity' of the consepts that these words
conveyed, the missionaries left them untranslated, convinced that they had no exact
equivalents in Tagalog."
{3.16}
Kapansin-pansin na sa paghahanay ng pitong sakramento, ginamit ang mga salitang
Kastila bilang panawag sa mga ito: baptismo, confirmar, confesar, comulgar, extrema
uncion, orden nang sacerdote at pagcasal. Pansinin na nagkaroon na ng anyong
Tagalog ang salitang casar:pagcasal. Paglaon, higit na makikilala ang baptismo
bilang binyag, na salitang ginamit na rin sa isang bahagi ng Doctrina Christiana, ang
confirmar bilang kumpil, ang confesar bilang kumpisal.
{3.17}
Sa kabilang banda, sa paghahanay ng mga punong kasalanan (o capital sins), naisalin
lahat ang mga ito sa wikang Tagalog: capalaoan, caramotan, calibogan, cagalitan,
caiamoan, capanaghilian at ang catamaran. Alalaong baga, ipinahahayag wari ng
mga misyonerong Espanyol na kung kasalanan ang pag-uusapan, lahat
ng puwedeng maging kasalanan ay nagagawa ng mga katutubo kaya may salita sila para sa
mga ito. Kung kaligtasan, biyaya, o sakramento naman ang pag-uusapan, dahil ng mga
"pagano", wala sa karanasan kaya wala sa talasalitaan ng mga "indio" ang mga salitang
gaya ng baptismo, confirmar at confesar.
{3.18}
Sa pag-aaral sa Mahal na Passion ni jesuchristong Panginoon Natin na
Tola ni Gaspar Aquino de Belen, nilinaw ni Rene B. Javellana na sumunod si de
Belen sa dalawang daloy ng pagsasalin: hubog sa tradisyon ng katesismo ang una at
hubog sa tradisyon ng mistisismo ang ikalawa. May katangiang malinaw, mapangatwiran,
at bumabaling sa abstraktong pag-iisip ang unang pamamaraan samantalang ang ikalawa
ay matalinghaga, malabugtong, hitik sa paglalarawan at puno ng damdamin.
{3.19}
Para kay Javellana, nagsasanib ang dalawang daloy ng pagsasalin sa Mahal na
Passion, na isang mahabang pasalaysay na tula, ni Gaspar Aquino de Belen.
Kinailangang kasangkapanin ang una upang higit na maisaulo ng mga katutubo ang
nilalaman ng doktrina at kinakailangan ang ikalawa upang higit itong maunawaan o
maisapuso.
{3.20}
Bilang aklat ng doktrina o katesismo, masasabing higit na namamayani ang unang
daloy ng pagsasalin na tinutukoy ni Javellana sa Doctrina Christiana. Gayunman,
bilang kauna-unahang limbag na tekto ng katuruang Katoliko, mapapatutunayang hindi
nakaiwas magsalin sa paraang matalinghaga, mapaglarawan o mapagpaunawa ang mga
may-akda ng aklat na ito alinsunod sa sinasabi ni Octavio Paz.
{3.21}
Ang Ama Namin
Kilala rin bilang "The Lord's Prayer" dahil ito ang dasal na itinuro ni Kristo sa mga
Hudyo nang may isang nagtanong sa kaniya kung papaano raw ba magdasal,nilalagom ng
panalanging ito ang Banal na Ebanghelyo. Ayon sa Catechism of the Catholic Church
(1994) huwarang paraan ito kung papaano makipag-usap sa Diyos nang hindi nagiging
paulit-ulit na tulad ng mga Hentil.
{3.22}
Sa Doctrina Christiana, matatagpuan ang bersiyong Kastila sa ikalawang buklat,
at agad na nakadugtong sa ikatlong buklat ang salin nito sa Tagalog na nakasulat sa
dalawang paraan: sa pamamagitan ng alpabeto Romano ang una,sa pamamagitan ng katutubong
baybayin ang ikalawa. Narito ang buong teksto ng "Ama Namin" sa nasabing aklat:
{3.23}
Ama Namin nasa langit ca ,ypasamba mo ang ngalan mo, moui sa amin ang pagcahari
mo. Ypasanod mo ang loob mo dito sa lupa parang sa langit, bigyan mo cami ngaion nang
amin cacanin, para nang sa araoarao, at pacaualin mo ang aming casalanan, ya iang
uinaualan bahala namin sa loob ang casalanan nang nagcasasala sa amin. Houag mo
caming aeuan nang di cami matalo nang tocso. Datapouatyadia mo cami sa dilan masama.
Amen, Jesus.
{3.24}
(Ama namin,nasa langit ka, ipasamba mo ang ngalan mo, mauwi sa amin ang pagkahari
mo. Ipasunod mo ang loob mo dito sa lupa parang sa langit, bigyan mo kami ngayon ng aming
kakanin para nang sa araw-araw, at pakawalin mo ang aming kasalanan, yamang winawalang
bahala namin sa loob ang kasalanan ng nagkakasala sa amin. Huwag mo kaming iwan nang di
kami matalo ng tukso. Dapuwat iadya mo kami sa dilang masama. Amen, Jesus.)
{3.25}
"Padre Nuestro" ang tinatapatan ng "Ama Namin." Ngunit hindi gaya ng "nuestro",
ang namin ay hindi simpleng katumbas ng "our". Ang pagsasabi ng "Padre Nuestro" at
"Our Father" ay isang indikasyon na may iisa o unibersal na kinikilalang Ama o Diyos ang
mga Katoliko. Ngunit ang "namin" ng Tagalog ay may indikasyon ng pagkakahiwalay sa iba.
May kakambal na salita ito, ang natin. Kapag sinabing "namin," nangangahulugan ito na
ang inaangking bagay ay hindi sa iba ,hindi "inyo." Anu't anuman,"Ama Namin" na nga ang
pinakamalapit sa "Padre Nuestro."
{3.26}
"Que estas en los cielos", ang tinatapatan ng "nasa langit ca". May salitang
katutubo ang mga Tagalog para sa lugar na katumbas ng langit ng mga Katoliko, ang
kaluwalhatian. Ngunit hindi ito piniling gamitin sa Doctrina Christiana. Halimbawa
marahil ito ng tinutukoy ni Virgilio S. Almario sa panimulang pag-aaral niya sa
Barlaan at Josaphat (2002):
{3.27}
"Pinakamabagsik na paraan ng pananakop pangwika ang tahasang pagtatakda ng
masama o negatibong kahulugan sa mga salita na may orihinal na mataos na pagpapahalaga."
Dahil kaugnay ng isang sinaunang pananampalataya na itinuturing na pagano ng mga
Espanyol, higit na piniling gamitin ng mga may-akda ng Doctrina ang higit na niyutral
na salitang "langit" bilang pantapat sa konsepto ng pook o estado ng magandang buhay
ng mga Katoliko.
{3.28}
Ang mga sumusunod na sugnay, "ypasamba mo ang ngalan mo, moui sa amin ang
pagcahari mo, ypasonod mo ang loob mo dito sa lupa para sa langit", ay itinatapat sa
"Sanctificado sea es tu nombre,venganos es tu reino, hagase tu voluntad asi en la
tierra como en el cielo." Tinatawag na subjunctive ang anyo ng mga pandiwa sa Espanyol,
dahil ginagamitan ng "sea" ngunit naging pautos lamang ang naging pantapat na pandiwa
sa Tagalog: "ipasamba," "moui," at "ipasunod."
{3.29}
Sadyang walang katumbas na anyo sa
Tagalog ang pandiwang nasa anyong subjunctive sa Espanyol, isang anyo ng pandiwa
na nagpapakita ng isang hiling o masidhing paghahangad. Sa Ingles, sa ganitong paraan
ito tinutumbasan, "Hallowed be thy name, thy kingdom come, thy will be done." Kaya
nga sa anyo ng dasal na ito sa kasalukuyan, ganito ang paraan ng pagsasabi, "Sambahin
ang ngalan mo, mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob mo ..."
{3.30}
Sa bahaging ito mahahalata ang kahulugan pa ng kasanayan sa Tagalog ng mga
Kastilang bumuo ng Doctrina Christiana. "Bigyan mo cami ngaion nang amin cacanin para
nang sa araoarao" ang itinumbas sa "El pan nuestro de cada dia danos lo hoy."
Kapansin-pansin ditong sa halip na tinapay, ang ginagamit ay kakanin. Sa orihinal
na Kastila, tinapay ang ibig sabihin ng "pan." Sa doktrinang, Katoliko, mahalagang
metapora ang tinapay.
{3.31}
Sa Vocabulario de la lengua tagala (1869) nina Sanlucar at
Noceda, may salitang "tinapay" na ang kahulugan ay "pastilla de morisqueta". Isang
uri ng "cake" o suman na yari sa bigas (kanin). Malamang na ang naging konsiderasyon
ng nagsalin para sa Doctrina Christiana ay ito: hindi pang-araw-araw na tulad ng
ibig sabihin ng "kakanin" ang sinaunang kahulugan ng "tinapay." Sa Katolisismo, ang
"pan" ay hindi lamang pagkain ng katawan. Ito rin ang metapora para sa "katawan ni
Kristo" at "salita ng buhay" na kailangang maging bahagi ng pang-araw-araw na buhay
ng isang binyagan.
{3.32}"Pacaualin mo ang aming casalanan ya iang uinaualan bahala namin sa loob ang casalanan ng nagcasasala sa amin" ang itinumbas sa "Perdonanos nuestras deudas asi como nosotros las perdonamos nuestros deudores". Nakapagtatakang hindi ginagamit ang salitang "patawarin" bilang pantapat sa "perdon". Muli, sa Vocabulario de la lengua tagala, may nakatalang salitang "tawad" na sadyang katumbas ng "perdon".
{3.33}
Sa bahaging ito, matutukoy na higit na naging mapaglarawan ang nagsalin.
Tinangka niyang ipakita sa paraang metaporiko ang pagkakasala at ang pagpapatawad
dito. Kung pakakawalin ang kasalanan, maaaring isipin na nakakulong ito sa sinumang
may kasalanan. Nangangahulugan, isang bilangguan ang tong makasalanan. Ngunit maaaring
isipin na isang kongkretong larawan lamang ng pag-aalis ang nais tukuyin ng tagasalin.
Hindi na niya inulit ang paggamit ng "pacaualin" sa sumunod na bahagi: "uinaualan
bahala namin ..." Ibig sabihin, katumbas lamang ng "pacaualin" ang "uinaualan bahala".
Iisa ang salitang ginagamit sa Kastila, "perdon".
{3.34}
Ngunit higit na mapaglarawan nga ang salin sa Tagalog. Ang pinapakawalan ay isang
bagay na minamahal. Ibig sabihin, minamahal ng tao ang kasalanan. At kung
winawalang-bahala na niya ito o hindi na niya itinuturing na mahalaga, pinakakawalan
na niya ito. Samakatwid, tulad ng itinuturo ng Kristiyanismo, isang pagpapakasakit
ang hindi pagkakasala. Ang bagay na masama na higit na siyang pinipita ng laman ay
dapat nang "pakawalan".
{3.35}
"Houag mo caming aeuan nang di cami matalo nang tocso. Datapouat yadia mo cami
sa dilang masama" ang itinumbas sa "Y no nos dejes caer en la tentacion y libranos
de mal". Malapit sa pagiging matapat sa orihinal ang bahaging ito. "Huwag mo kaming
hayaang bumagsak sa tukso" ang higit na idiomatikong salin ng unang sugnay ng bahaging
ito. "Palayain kami" o "deliverus" sa Ingles ang katumbas ng "libranos". Ngunit muli,
sa saling ito, higit na mapaglarawan ang mga nagsalin. "Iadya" ang salitang piniling
gamitin na, ayon sa Vocabulario de la lengua tagala, ang ibig sabihin ay: "Defender de
algun peligro." (Ipagtanggol o iligtas sa anumang panganib.) Sa bahaging ito, ipinakita
ang Diyos bilang tunay na tagapagligtas. Animo isang mandirigmang susuong sa labanan
kung nasasapanganib ang taong kaniyang minamahal.
{3.36}
Ang Pagsasalin Bilang Pagpapaunawa
Sa pagtalakay na ito, natukoy kung papaanong hindi nakalihis sa pagiging mapagpaunawa,
mapaglarawan o madamdamin, sang-ayon sa sinasabi ni Rene Javellana, ang mga may-akda
ng Doctrina Christiana.
{3.37}
Ang totoo, nagtatagpo ang mga sinasabi nina Rene Javella at Octavio Paz hinggil
sa disiplina ng pagsasalin: isang pagpapaunawa. Mula sa mapaghambing na pagtunghay sa
orihinal na Kastila at unang salin sa Tagalog ng "Ama Namin", ipinakita kung paanong
sinikap ipaunawa ng nagsalin ang huwarang dasal ni Hesukristo. Sa halip na tinapay,
ginagamit ang "kakanin" upang mabigyang-diin ang pagiging bahagi ng Diyos sa
pang-araw-araw na buhay ng isang binyagang Tagalog. Sa halip na gamitin ang patawarin,
piniling gamitin ang "pakawalan" upang idiin na hindi dapat mahalin ng tao ang
kasalanan.
{3.38}
Kailangan pa ang mga ganitong uri o paraan ng pagsusuri sa ibang pang teksto na
nasa Doctrina Christiana at sa iba pang akdang naisalin sa panahon ng mga Espanyol
sa Filipinas. Mahalagang hakbang ang ganitong pagsusurisa pag-alam sa naging tagpuan ng
mananakop at sinakop. Sa pamamagitan nito, matutukoy kung paano nakibagay ang katutubo
sa mananakop o ang mananakop sa katutubo. Sa gayon, higit na mauunawaan o maisasalin
natin ang maraming bagay sa ating post-kolonyal na sitwasyon sa paraang higit na
mapagbuo ng ating sarili.
Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/dasal.html 101118 - 220716 |