1 Einleitung / Pambungad
3 Texte / Mga Kasulatan
Aquino, Benigno: Talumpati sa pagtanggap ng tunkulin ng bagong
halal na Pangulong Benigno Aquino (30 Hunyo 2010)
Quelle / Pinagmulan → {16A-2 Aquino 2010}.
{3.1}
His Excellency Jose Ramos Horta, Former President Fidel V. Ramos,
Former President Joseph Estrada, Senate President Juan Ponce Enrile and
members of the Senate, House Speaker Prospero Nograles and members of
the House, justices of the Supreme Court, members of the foreign
delegations,Your Excellencies of the diplomatic corps, fellow
colleagues in government, aking mga kababayan.
{3.2}
Ang pagtayo ko dito ngayon ay patunay na kayo ang aking tunay na
lakas. Hindi ko inakala na darating tayo sa puntong ito, na ako’y
manunumpa sa harap ninyo bilang inyong Pangulo. Hindi ko pinangarap
maging tagapagtaguyod ng pag-asa at tagapagmana ng mga suliranin ng
ating bayan.
Ang layunin ko sa buhay ay simple lang: maging tapat sa aking mga magulang at sa bayan bilang isang marangal na anak, mabait na kuya, at mabuting mamamayan.
{3.3}
Nilabanan ng aking ama
ang diktaturya at ibinuwis niya ang kanyang buhay para tubusin ang
ating demokrasya. Inalay ng aking ina ang kanyang buhay upang
pangalagaan ang demokrasyang ito. Ilalaan ko ang aking buhay para
siguraduhin na ang ating demokrasya ay kapaki-pakinabang sa bawat isa.
Namuhunan na kami ng dugo at handang gawin itong muli kung
kinakailangan.
{3.4}
Tanyag man ang aking mga magulang at ang
kanilang mga nagawa, alam ko rin ang problema ng ordinaryong mamamayan.
Alam nating lahat ang pakiramdam na magkaroon ng pamahalaang bulag at
bingi. Alam natin ang pakiramdam na mapagkaitan ng hustisya, na
mabalewala ng mga taong pinagkatiwalaan at inatasan nating maging ating
tagapagtanggol.
{3.5}
Kayo ba ay minsan ring nalimutan ng
pamahalaang inyong iniluklok sa puwesto? Ako rin. Kayo ba ay nagtiis na
sa trapiko para lamang masingitan ng isang naghahari-hariang
de-wangwang sa kalsada? Ako rin. Kayo ba ay sawang-sawa na sa
pamahalaang sa halip na magsilbi sa taumbayan ay kailangan pa nila
itong pagpasensiyahan at tiisin? Ako rin.
{3.6}
Katulad ninyo ako.
Marami na sa atin ang bumoto gamit ang kanilang paa—nilisan na nila ang
ating bansa sa kanilang paghahanap ng pagbabago at katahimikan. Tiniis
nila ang hirap, sinugod ang panganib sa ibang bansa dahil doon may
pag-asa kahit kaunti na dito sa atin ay hindi nila nakikita. Sa iilang
sandali na sarili ko lang ang aking inaalala, pati ako ay napag-isip
din—talaga bang hindi na mababago ang pamamahala natin dito? Hindi kaya
nasa ibang bansa ang katahimikang hinahanap ko? Saan ba nakasulat na
kailangang puro pagtitiis ang tadhana ng Pilipino?
{3.7}
Ngayon, sa araw na ito—dito magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng
taumbayan. Hindi si Noynoy ang gumawa ng paraan, kayo ang dahilan kung
bakit ngayon, magtatapos na ang pagtitiis ng sambayanan. Ito naman ang
umpisa ng kalbaryo ko, ngunit kung marami tayong magpapasan ng krus ay
kakayanin natin ito, gaano man kabigat.
Sa tulong ng wastong
pamamahala sa mga darating na taon, maiibsan din ang marami nating
problema. Ang tadhana ng Pilipino ay babalik sa tamang kalagayan, na sa
bawat taon pabawas ng pabawas ang problema ng Pinoy na nagsusumikap at
may kasiguruhan sila na magiging tuloy-tuloy na ang pagbuti ng kanilang sitwasyon.
{3.8}
Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay
pagbabago—isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang
iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang
pinangangalagaan.
Ang mandatong ito ay isa kung saan kayo at
ang inyong pangulo ay nagkasundo para sa pagbabago—isang paninindigan
na ipinangako ko noong kampanya at tinanggap ninyo noong araw ng
halalan.
{3.9}
Sigaw natin noong kampanya: “Kung walang corrupt, walang mahirap.”
Hindi lamang ito pang slogan o pang poster—ito ang mga prinsipyong
tinatayuan at nagsisilbing batayan ng ating administrasyon.
Ang ating pangunahing tungkulin ay ang magsikap na maiangat ang bansa
mula sa kahirapan, sa pamamagitan ng pagpapairal ng katapatan at
mabuting pamamalakad sa pamahalaan.
Ang unang hakbang ay ang
pagkakaroon ng tuwid at tapat na hanay ng mga pinuno. Magsisimula ito
sa akin. Sisikapin kong maging isang mabuting ehemplo. Hinding hindi ko
sasayangin ang tiwalang ipinagkaloob ninyo sa akin. Sisiguraduhin ko na
ganito rin ang adhikain ng aking Gabinete at ng mga magiging kasama sa
ating pamahalaan.
{3.10}
Naniniwala akong hindi lahat ng nagsisilbi
sa gobyerno ay corrupt. Sa katunayan, mas marami sa kanila ay tapat.
Pinili nilang maglingkod sa gobyerno upang gumawa ng kabutihan. Ngayon,
magkakaroon na sila ng pagkakataong magpakitang-gilas. Inaasahan natin
sila sa pagsupil ng korapsyon sa loob mismo ng burukrasya.
Sa
mga itinalaga sa paraang labag sa batas, ito ang aking babala:
sisimulan natin ang pagbabalik ng tiwala sa pamamagitan ng pag-usisa sa
mga “midnight appointments.” Sana ay magsilbi itong babala sa mga
nag-iisip na ipagpatuloy ang baluktot na kalakarang nakasanayan na ng
marami.
{3.11}
Sa mga kapuspalad nating mga kababayan, ngayon, ang pamahalaan
ang inyong kampeon. Hindi natin ipagpapaliban ang mga pangangailangan ng ating mga
estudyante, kaya’t sisikapin nating punan ang kakulangan sa ating mga
silid-aralan.
Unti-unti din nating babawasan ang mga
kakulangan sa imprastraktura para sa transportasyon, turismo at
pangangalakal. Mula ngayon, hindi na puwede ang “puwede na” pagdating
sa mga kalye, tulay at gusali dahil magiging responsibilidad ng mga
kontratista ang panatilihing nasa mabuting kalagayan ang mga proyekto
nila.
{3.12}
Bubuhayin natin ang programang “emergency employment”ng dating pangulong Corazon
Aquino sa pagtatayo ng mga bagong imprastraktura na ito. Ito ay magbibigay ng trabaho sa
mga local na komunidad at makakatulong sa pagpapalago ng kanila at ng ating
ekonomiya.
Hindi kami magiging sanhi ng inyong pasakit at
perwisyo. Palalakasin natin ang koleksyon at pupuksain natin ang
korapsyon sa Kawanihan ng Rentas Internas at Bureau of Customs para
mapondohan natin ang ating mga hinahangad para sa lahat,
tulad ng:
{3.13}
{3.14}
Palalakasin at palalaguin natin ang bilang ng ating kasundaluhan at
kapulisan, hindi para tugunan ang interes ng mga naghahari-harian,
ngunit para proteksyunan ang mamamayan. Itinataya nila ang kanilang
buhay para mayroong pagkakataon sa katahimikan at kapayapaan sa
sambayanan. Dumoble na ang populasyong kanilang binabantayan, nanatili
naman sila sa bilang. Hindi tama na ang nagmamalasakit ay kinakawawa.
Kung dati ay may fertilizer scam, ngayon ay may kalinga na tunay para
sa mga magsasaka. Tutulungan natin sila sa irigasyon, extension
services, at sa pagbenta ng kanilang produkto sa pinakamataas na
presyong maaari.
{3.15}
Inaatasan natin si papasok na Kalihim
Alcala na magtayo ng mga trading centers kung saan diretso na ang
magsasaka sa mamimili - lalaktawan natin ang gitna, kasama na ang
kotong cop. Sa ganitong paraan, ang dating napupunta sa gitna ay maari
nang paghatian ng magsasaka at mamimili.
Gagawin nating
kaaya-aya sa negosyante ang ating bansa. We will cut red tape
dramatically and implement stable economic policies. We will level the
playing field for investors and make government an enabler, not a
hindrance, to business. Sa ganitong paraan lamang natin mapupunan ang
kakulangan ng trabaho para sa ating mga mamamayan.
{3.16}
Layunin nating paramihin ang trabaho dito sa ating bansa upang hindi na
kailanganin ang mangibang-bansa para makahanap ng trabaho. Ngunit
habang ito ay hindi pa natin naaabot, inaatasan ko ang mga kawani ng
DFA, POEA, OWWA at iba pang mga kinauukulang ahensiya na mas lalo pang
paigtingin ang pagtugon sa mga hinaing at pangangailangan ng ating mga
overseas Filipino workers.
{3.17}
Papaigtingin namin ang proseso ng
konsultasyon at pag-uulat sa taumbayan. Sisikapin naming isakatuparan
ang nakasaad sa ating Konstitusyon na kinikilala ang karapatan ng
mamamayan na magkaroon ng kaalaman ukol sa mga pampublikong alintana.
Binuhay natin ang diwa ng people power noong kampanya. Ipagpatuloy
natin ito tungo sa tuwid at tapat na pamamahala. Ang naniniwala sa
people power ay nakatuon sa kapwa at hindi sa sarili.
{3.18}
Sa mga nang-api sa akin, kaya ko kayong patawarin, at pinapatawad ko na kayo.
Sa mga nang-api sa sambayanan, wala akong karapatan na limutin ang
inyong mga kasalanan.
To those who are talking about
reconciliation, if they mean that they would like us to simply forget
about the wrongs that they have committed in the past, we have this to
say: there can be no reconciliation without justice. Sa paglimot ng
pagkakasala, sinisigurado mong mauulit muli ang mga pagkakasalang ito.
Secretary de Lima, you have your marching orders. Begin the process of
providing true and complete justice for all.
{3.19}
Ikinagagalak din naming ibahagi sa inyo ang pagtanggap ni dating Chief Justice
Hilario Davide sa hamon ng pagtatatag at pamumuno sa isang Truth
Commission na magbibigay linaw sa maraming kahinahinalang isyu na
hanggang ngayon ay walang kasagutan at resolusyon.
Ang
sinumang nagkamali ay kailangang humarap sa hustisya. Hindi maaaring
patuloy ang kalakaran ng walang pananagutan at tuloy na pang-aapi.
My government will be sincere in dealing with all the peoples of
Mindanao. We are committed to a peaceful and just settlement of
conflicts, inclusive of the interests of all – may they be Lumads,
Bangsamoro or Christian.
{3.20}
We shalI defeat the enemy by
wielding the tools of justice, social reform, and equitable governance
leading to a better life. Sa tamang pamamahala gaganda ang buhay ng
lahat, at sa buhay na maganda, sino pa ang gugustuhing bumalik sa
panahon ng pang-aapi? Kung kasama ko kayo, maitataguyod natin
ang isang bayan kung saan pantay-pantay ang pagkakataon, dahil
pantay-pantay nating ginagampanan ang ating mga pananagutan.
Kamakailan lamang, ang bawat isa sa atin ay nanindigan sa presinto.
Bumoto tayo ayon sa ating karapatan at konsensiya. Hindi tayo umatras
sa tungkulin nating ipaglaban ang karapatang ito.
{3.21}
Pagkatapos ng bilangan, pinatunayan ninyo na ang tao ang tunay na lakas ng
bayan. Ito ang kahalagahan ng ating demokrasya. Ito ang pundasyon ng ating
pagkakaisa. Nangampanya tayo para sa pagbabago. Dahil dito taas-noo
muli ang Pilipino. Tayong lahat ay kabilang sa isang bansa kung saan
maaari nang mangarap muli.
{3.22}
To our friends and neighbors around
the world, we are ready to take our place as a reliable member of the
community of nations, a nation serious about its commitments and which
harmonizes its national interests with its international
responsibilities. We will be a predictable and consistent place for
investment, a nation where everyone will say, “it all works.”
{3.23}
Inaanyayahan ko kayo ngayon na manumpa sa ating mga sarili, sa sambayanan,
WALANG MAIIWAN.
Walang pangingibang-bayan at gastusan na walang wastong
dahilan. Walang pagtatalikod sa mga salitang binitawan noong kampanya, ngayon at
hanggang sa mga susunod pang pagsubok na pagdadaanan sa loob ng anim na
taon.
Walang lamangan, walang padrino at walang pagnanakaw.
Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong. Panahon na upang
tayo ay muling magkawang-gawa.
{3.24}
Nandito tayo ngayon dahil sama-sama
tayong nanindigan at nagtiwala na may pag-asa.
The people who are behind us dared to dream. Today, the dream starts to
become a reality. Sa inyong mga nag-iisip pa kung tutulong kayo sa
pagpasan ng ating krus, isa lang ang aking tanong – kung kailan tayo
nanalo, saka pa ba kayo susuko?
{3.25}
Kayo ang boss ko, kaya’t
hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo. We will design and
implement an interaction and feedback mechanism that can effectively
respond to the people’s needs and aspirations.
{3.26}
Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito—ang ating mga volunteers—matanda, bata,
celebrity, ordinaryong tao, na umikot sa Pilipinas para ikampanya ang
pagbabago; ang aking mga kasambahay, na nag-asikaso ng lahat ng aking
mga personal na pangangailangan; ang aking pamilya, kaibigan at
katrabaho, na dumamay, nag-alaga at nagbigay ng suporta sa akin; ang
ating mga abogado, na nagpuyat para bantayan ang ating mga boto at
siguraduhing mabibilang ang bawat isa; ang aking mga kapartido at
kaalyado na kasama kong nangahas mangarap; at ang milyun-milyong
Pilipinong nagkaisa, nagtiwala at hindi nawalan ng pag-asa—nasa inyo
ang aking taus-pusong pasasalamat.
{3.27}
Hindi ko makakayang harapin
ang aking mga magulang, at kayong mga nagdala sa akin sa yugto ng buhay
kong ito, kung hindi ko maisasakatuparan ang aking mga binitawang
salita sa araw na ito.
My parents sought nothing less and died
for nothing less than democracy, peace and prosperity. I am blessed by
this legacy. I shall carry the torch forward.
{3.28}
Layunin ko na sa pagbaba ko sa katungkulan, masasabi ng lahat na malayo na ang narating
natin sa pagtahak ng tuwid na landas at mas maganda na ang kinabukasang
ipapamana natin sa susunod na henerasyon. Samahan ninyo ako sa
pagtatapos ng laban na ito. Tayo na sa tuwid na landas.
Maraming salamat po at mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Die filipinische Sprache von
Armin Möller
http://www.germanlipa.de/text/aquino_2010.html 100701 - 220724 |