Mga Pang-uri at mga Pang-abay
(Talaksan 9/3)

9-6 Pang-abay na pangmarahil

9-6.1 Pang-abay na pangmarahil sa pariralang pandiwa

(1) May pulutong ng pang-abay na lubhang nagbabago ng pandiwa kung panuring nito. Hindi na ipinapahayag ang kilos kundi ang nais, gusto o kailangang ganapin ang kilos [1-3]. Ang tagaganap ay nagiging 'tagaakala' (susi {../fa}). Sa tabi nito, maaari ang 'tagagawang pangmarahil' (susi {../fg}) at ang 'tagatiis na pangmarahil' (susi {../ft}). Pansemantikang kahawig ng 'modal verbs' ng mga wikang pang-Europa ang pang-abay na ito. Sa wikang Filipino, hindi ito pandiwa {9A-611 Θ}. Tinatawag namin itong 'pang-abay na pangmarahil' (susi {AH}).

 
[1]Naku'y sa ina mo dapat kang magpaliwanag. {W Bulaklak 8.13}
[2]Minsan ay gusto ko na siyang sisihin ... {W Damaso 4.4}
[3]Kailangang lumikas na tayo rito. {W Aesop 3.4.2}
Higit na maitim ang limbag = Pang-abay na pangmarahil. May salungguhit = Tagaakala.

Salitang pangmarahil sa aghamwika{9A-612 }

(2) Dahil hindi na tinutupad nang tunay ang kilos ay karaniwang ginagamit ang pawatas sa halip ng anyong pamanahon. Iniuuna sa pandiwa ang pang-abay na pangmarahil. Karaniwang may pang-angkop ang pang-abay; pariralang panlapag ang yari. Maaaring maglagay ng kaganapang di-panghalip sa pagitan ng pang-abay na pangmarahil at pandiwa. Dahil sa pagkakawangis sa panggitaga ay tinatawag naming 'panggitahil' ang mga yaring ito {9-6.1.1}.

(3) Hindi lamang maaaring gamitin kasama ang pandiwa ang pang-abay na pangmarahil. Bumubuo din ito ng yari kung saan ito'y gaya ng pangngalan [4], pang-uri [5] o pang-abay na "tumpak" [6].

 
[4]Kailangan ko ang tulong mo.
[5]Isang kailangang kondisiyon.
[6]Maaaring nasa bahay siya.

(4) Hinggil sa palaugnayan ay ibinibukod sa dalawang pangkat ang pang-abay na pangmarahil. May gawing gaya ng pangngalan ang pangkat ng 'pang-abay na pangmarahil na makangalan'. Hindi ganito ang 'pang-abay na pangmarahil na di-makangalan' na may gawing di-gaya ng pangngalan.

Pang-abay na pangmarahil
(Pagkakasunud-sunod: Di-makangalan → Makangalan)

maaari puwede huwạg dapat kailangan ayaw
gustọ alạm ibig nais kaya ugali
hilig  

(5) Mapapansin ang magkakaibang pampalaanyuan ng pang-abay na pangmarahil. Sa tabi ng dalawang salitang hiram na Espanyol na gustọ at puwede ay may ilang salitang walang panlapi. Gaya ng anyong makadiwa ang pang-abay na maaari, may pagkakabuo gaya ng pangngalang may panlapi ang kailangan. Ang pang-abay na huwạg ay may kaugnayang pangpalaanyuan sa hindị.


9-6.1.1 Panggitahil

(1) Sa 'panggitahil' |pang+gitna+marahil|, pariralang pantuwid o paniyak ang maaaring ilagay sa pagitan ng pang-abay na pangmarahil at pandiwa, tinatawag itong panggitahil na pantuwid (susi {GHW}) at panggitahil na paniyak (susi {GHT}). Pinapanatili ng parirala ang pananda nito at sa harap ng pandiwa inilalagay ang pang-angkop na hindi maaaring kaltasin [1-4]. Galing sa pariralang panlapag ng pang-abay na pangmarahil ang pang-angkop.

(2) Sa [1-4] binubuo ang panggitahil na paniyak. Maaari lamang buuin ang panggitahil na pantuwid kung tagaakala ang pantuwid [5 6]. Maaari ding buuin ang panggitahil ng tagaakala at tagagawa; sumusunod ang tagagawa sa tagaakala [7]. Kung binubuo ang panggitahil at ang panggitaga ay iniuuna ang panghalip ng panggitaga sa parirala ng panggitahil [2 4]; gaya ng sa panggitaga may bisa ang tuntuning "maikli sa harap ng mahaba".

 
[1]Hindi puwede si Kikong pumunta sa Lipa. {GHT} {AH/DN} {P-T/fa} {DT}
[2]Gusto ko ang aklat na itong basahin ni Juan. {GHT} {AH/N} {P-T/ft} {DB}
[3]Puwede ang pahayagang basahin ni Miguel. {GHT} {AH/DN} {P-T/ft} {DB}
[4]Ayaw ko si Armand na magluto ng suman. {GHT} {AH/N} {P-T/fg} {DT}
[5]Parang ayaw ni Bayaning pag-usapan pa si Goyo. {W Ulan 20.25} {GHW} {AH/N} {P-W/fa} {DB}
[6]Ayaw ng ina ng kanyang ama na maging asawa ang nanay niya. {W Angela 3.9} {GHW} {AH/N} {P-W/fa} {DT}
[7]Gusto ni Nanay  si Kikong matulog. {GHW} {AH/N} {P-W/fa} {DT}
{GHT} {P-T/fg}
Higit na maitim ang limbag = Panggitahil.


9-6.1.2 Gawing makangalan

(1) Ang isang pangkat ng pang-abay na pangmarahil ay may gawing tinatawag naming 'gawing makangalan' (susi {AH/N}). Kung tahasan ang pandiwa, binabago nang malakas ang palaugnayan; nagiging pantuwid ang paniyak (ito ang tagaganap na nagiging tagaakala) [1-3]. Wala nang paniyak ang pangungusap. Kung may pantuwid ang pandiwang tahasan (karaniwang tagatiis), may dalawang pantuwid ang pangungusap [3b].

 
[1]Pang-abay na pangmarahilPang-angkopPandiwang tahasanTagaakalaTagatiis
{AH/N}{L}{D20/f0/fa|ft}{P-W/fa} {P-W/ft}

 
[2][a] Natutulog na si Kiko.
 [b] Gustong matulog ni Kiko. (Walang tagatiis.)
[3][a] Kumakain ng mangga ang bata.
 [b] Gustong kumain ng bata ng mangga. (Dalawang pantuwid: ng bata ang tagaakala at ng manggạ ang tagatiis na pangmarahil.)

Kung balintiyak ang pandiwa at dahil dito pantuwid ang tagaganap na nagiging tagaakala ay walang pagbago ng palaugnayan [4-6]. Higit sa iba, ginagamit ang pandiwang balintiyak kasama ang pang-abay na pangmarahil na makangalan. Kung gayon walang pagbago ng palaugnayan at walang pagkawala ng paniyak.

 
[4]Pang-abay na pangmarahilPang-angkopPandiwang balintiyakTagaakalaTagatiis
{AH/N}{L}{DB10/ft|fa}{P-W/fa} {P-T/ft}

 
[5][a] Kinain ng bata ang manggang iyon.
 [b] Gustong kainin ng bata ang manggang iyon. (Walang pagbago ng paniyak.)
[6]Ayaw pag-usapan ni Bayani si Goyo.

May gawing makangalan ang pang-abay na pangmarahil na ayaw ◊, gustọ ◊, alạm ◊, ibig, nais ◊; pati ang salitang kaya ◊, ugali at hilig. Makangalan at di-makangalan ang paggamit ng kailangan ◊.

(2) Maaaring magamit na salitang makatukoy ng panggitaga ang pang-abay na pangmarahil; malimit na binubuo ang panggitagang pangmarahil, karaniwang panggitagang pantuwid [7 8], minsan pangitagang pantuwid at paniyak [9].

 
[7]Alam mo ba, gusto kong maging malaya? {W Estranghera 3.4} {GGW}
[8]... gusto kong marinig ang mga salitang ginagamit ng mga taganayon. {W Ulan 20.5} {GGW}
[9]... at gustong-gusto ko iyong malaman. {W Nanyang 11.15} (Tagatiis ang iyon.) {GGW} {GGT}

(3) Binubuo ang panggitahil na pantuwid sa [10-12]; inilalagay sa pagitan ng pang-abay na pangmarahil at pandiwa ang pantuwid (tagaakala). May pang-angkop ang pantuwid na nasa harap ng pandiwa.

 
[10]Gusto ng batang matulog. {GHW}
[11]Gusto ng batang kainin ang manggang iyon. {GHW}
[12]... parang ayaw ni Bayaning pag-usapan pa si Goyo. {W Ulan 20.25} {GHW}

(4) Sa mga pangungusap sa itaas at sa [13b] ay pati tagagawang pangmarahil ang tagaakala. Nawala ang paniyak ng pangungusap na may pandiwang tahasan. Maaaring kumuha ng bagong paniyak ang pangungusap upang ilarawan ang tagagawang pangmarahil kung iba-iba ito sa tagaakala [13c 13d 13e]. Maaaring bumuo ng pangalawang panggitaga ang bagong paniyak [14c]. Sa pangungusap na may pandiwang balintiyak ay maaaring ilarawan ang tagagawa sa pamamagitan ng iba pang pantuwid [14b].

 
[13][a] Natutulog si Kiko.
 [b] Gustong matulog ni Kiko.
 [c] Gusto ni Nanay na matulog si Kiko. (Tagaakala ang ni Nanay at tagagawang pangmarahil ang si Kiko.){GHW}
 [d] Gusto niyang matulog si Kiko. {GGW}
 [e] Gusto niya akong maligong mabuti. {GGW} {GGT}
[14][a] Ibig ng Admiral na patayin ang mga tulisan-dagat. (Tagaakala at pati tagagawang pangmarahil ang ng Admiral.) {GHW}
 [b] Ibig ng Admiral na patayin ng kahit sino ang mga tulisan-dagat. (Tagaakala ang ng Admiral at tagagawang pangmarahil ang ng kahit sino.) {GHW}
Higit na maitim ang limbag = Tagaakala. May salungguhit = Tagagawang pangmarahil.

Kung binubuo ang panggitaga at panggitahil ay sumusunod ang parirala ng panggitahil sa hutaga ng panggitaga [15a 16]. Kung dalawang panggitahil ang binubuo ay nauuna ang tagaakala [15b].

 
[15][a] Gusto niya si Kikong matulog. {GGW} {GHT}
 [b] Gusto ni Nanay si Kikong matulog. {GHW} {GHT}
[16]Gusto ko ang aklat na itong basahin ni Juan. {GGW} {GHT}
Higit na maitim ang limbag = Tagaakala (pantuwid). May salungguhit = Paniyak.

(5) Sa mga halimbawa sa itaas at sa [17a], bahagi ng panaguri ang pang-abay na pangmarahil. Dahil sa pagkakapareho ng panaguri at paniyak ay maaaring magpalitan ang dalawa at maging bahagi ng paniyak ang pang-abay na pangmarahil (kung may paniyak ang pangungusap). Nangyayari ito sa pangungusap na pananong [17b], mas madalang sa pangungusap na panagot [18].

 
[17][a] Gusto niyang kainin ang mangga.
 [b] Ano ang gusto niyang kainin?
[18]Iyong mangga ang gusto niyang kainin.
Higit na maitim ang limbag = Panaguri. May salungguhit = Paniyak.


9-6.1.3 Gawing di-makangalan

(1) Kung di-makangalan ang gawi ng pang-abay na pangmarahil (susi {AH/DN}) ay hindi binabago ang paniyak dahil sa pang-abay [1a|b 2]. May gawing di-makangalan ang pang-abay na maaari ◊, puwede ◊, huwạg ◊ at dapat ◊. Ginagamit nang makangalan at di-makangalan ang kailangan ◊. Magkatulad ang paggamit ng pandiwang tahasan at balintiyak kung di-makangalan ang pang-abay. Magkapareho ang tagaakala at tagagawang pangmarahil, hindi maaaring ihiwalay ang dalawa.

 
[1][a] Natutulog na si Kiko.
 [b] Dapat nang matulog si Kiko.
[2]Puwede bang dikdikin mo na lang ako sa lusong. {W Unggoy at Pagong}

(2) Maaaring bumuo ng panggitagang pangmarahil [3]. Halos palagi binubuo ang panggitaga kung panao ang panghalip [3a 3c]. Karaniwang nasa harap ng pang-abay ang (mga) panghalip ng panggitaga kung sa harap ng pang-abay may isa pang salitang makatukoy ng panggitaga ([4 5]).

 
[3][a] Puwede niyang basahin ang pahayagan.
 [b] Puwede itong basahin ni Miguel.
 [c] Puwede niya itong basahin.
[4]Miss Isha, hindi ko na kayo puwedeng abalahin pa. {W Nanyang 13.3}
[5]Hindi kasi ako maaaring lumagpas sa panahong itinakda sa akin ng aming dakilang hari. {W Samadhi 4.4}

(3) Kung di-makangalan ang gawi ay maaaring ilagay ang paniyak sa pagitan ng pang-abay at pandiwa, ibig sabihin maaaring bumuo ng panggitahil na paniyak (tagaakala sa [6], tagatiis sa [7]).

 
[6]Dapat si Kiko na matulog. {GHT} {DT} {P-T/fa}
[7]Puwede ang pahayagang basahin ni Miguel. {GHT} {DB} {P-T/ft}

(4) Sa mga halimbawa sa itaas, bahagi ng panaguri ang pang-abay na pangmarahil. Dahil sa pagkakapareho ng panaguri at paniyak maaaring magpalitan ang dalawa [8].

 
[8]Wala ni sinumang tao ang maaari kong malapitan. {W Damaso 4.3}


9-6.2 Pang-abay na pangmarahil bilang pangngalan

Sa pangungusap na walang pandiwa, maaaring magamit na pangngalan ang pang-abay na pangmarahil na may gawing makangalan (susi {N//AH}. Ang tagagawang pangmarahil {*} ay nagiging panuring sa pang-abay na pangmarahil na nagagamit na pangngalan; nagiging panaguri ang dating pang-abay na pangmarahil.

 
[1][a] Gusto ko ng kendi. (Baka walang kendi.)
 [b] Gusto ko ang kendi. (May kendi.)
[2]Iyon ang gusto ko. {W Cao 2013 3.15}
[3][a] Ayaw ko sa iyo. [b] Ayaw kita.
[4][a] Sino ang may gusto ng kape?
 [b] Ako ang may gusto ng kape.

{*} Sa wastong pagsasalita: Dahil walang pandiwa ay walang katungkulan ng kaganapan.


9-6.3 Pang-abay na pangmarahil bilang pang-uri at pang-abay

Sa pangungusap na walang pandiwa maaaring nagamit na pang-uri (panaguri) [1] o pang-abay na tumpak (panuring sa loob ng panaguri) [2-5] ang pang-abay na pangmarahil na may gawing di-makangalan. Sa pangungusap na may pandiwa bilang panaguri ipinapalagay naming pang-abay na tumpak ang pang-abay na pangmarahil kung pangyayari sa pangnagdaan o panghinaharap ang pinupuna [6].

 
[1]Puwede na siguro 'yong lumang evening dress ko. {W Karla 5.206}
[2]Maaaring maliliit na hakbang ang gawin. {W Cao 2007 3.23} (Pariralang makangalan ang panaguri.)
[3]... maaaring hindi na niya kasama ito ... {W Karla 5.206} (Pariralang makangalan ang panaguri.)
[4]Maaaring nakaugat ito sa lupa mismo ng Pilipinas. {W Salazar 2006 2.2´1.2} (Pariralang pang-uri ang panaguri.)
[5]Maaaring nasa ibaba lamang ito ng langit dahil ... {W Ambrosio 2006 1.3.2} (Pariralang pang-ukol ang panaguri.)
[6]Maaaring binasa na niya ang liham ko.
Higit na maitim ang limbag = Pang-uri o pang-abay. May salungguhit = Salitang pang-ubod ng panaguri.

Kina { Aganan 1999 p. 75} tinatawag na 'pariralang modal' ang parirala gaya ng [1].


9-7 Pagtanggi

(1) Ginagamit sa pagtanggi ang "karaniwang" salitang panangging hindị ◊ kung walang paraang panangging tangi:

(2) Ipinapahayag ang pagtanggi sa pamamagitan ng pang-abay na hindị kung kilos, katangian o kalagayan ang itinatanggi. Salitang pangnilalaman ang hindị; wala itong pang-angkop {5A-221 (1)}. Ginagamit ang hindị upang itanggi halos lahat ng salitang pangnilalaman [1-3] at parirala [4]. Malimit na salitang makatukoy ng panggitaga ang hindị [2]. Maaaring itanggi ang pang-uri sa pamamagitan ng unlaping di- (may gitling sa pagsulat) [5]. Daglat ng hindị ang salitang di at dahil dito nagagamit na salitang makatukoy ng panggitaga [6].

 
[1]Hindi maiwasang sumalimbay sa gunita ni Oden ang mga tanawin ng gamasan at ... {W Anak ng Lupa 3.5} {6A-722 Σ}
[2]Iyan ang hindi ko kayang gawin. {W Daluyong 15.20}
[3]... hindi kapiling ang mga magulang, hindi pala. {W Estranghera 3.8}
[4]Hindi sa akin, kundi kay Ama, dapat ipagbilin ang gayon. {W Dayuhan 3.8}
[5]Sa di-kalayuang ilog ay namataan n'ya kaagad si Buwaya na nagpapahinga. {W Gubat 3.3}
[6]"Di pa siya dumating," tugon ng babae. {W Anak ng Lupa 3.6}

(3) Ipinapahayag ng pangkaroong walạ ang pagtanggi kung itinatanggi ang pag-iral [7 8]; dito pagtanggi ng may, mayroọn ang walạ. Kung itinatanggi ang pagkakaharap ay pang-uri ang walạ [9]. Pati walạ ang sagot na itinatanggi sa tanong na pampasiyang may may o mayroọn [10].

 
[7]Ngumiti lang ang babae, walang anumang sinabi. {W Nanyang 11.4}
[8]Hindi ako nakakapaglaro gaya nila, wala akong manyika o anumang uri ng laruan, wala akong kaibigan. {W Material Girl 3.2}
[9]Ngunit wala sa loob ko ang paghanga sa magagandang tanawin. {W Nanyang 21.2}
[10]Mayroon ba tayong tubig? Wala.


9-8 Salitang pang-usapan

Ang mga salitang pang-usapan ay kataga o pariralang hindi puspusang pinagsasama nang pampalaugnayan sa pangungusap. Karaniwang hindi ito kailangan upang unawain ang kahulugan ng pangungusap {9A-801}. Maaari nitong ipahayag ang tanging lakas, diin, kahinaan, alinlangan atbp.:

Kalimitang nasa pananalitang pang-araw-araw ang salitang pang-usapan. Karaniwang ginagamit ang padamdam sa unahan o sa hulihan ng pangungusap.

 
[1][a b] Oo, nakatulog pala ako nang ilang minuto. {W Madaling Araw 3.7}
[2][a b c] Sus, piso lang pala! {W Piso 3.1}
[3]E, di nalugi na 'ko?" {W Piso 3.3}
[4]Kasi, nadinig ko du'n sa bahay na tinitirahan ko, sabi birthday ko daw ngayon. {W Piso 3.5}
[5] "Chris, di ba sabi mo, parang kayo 'yung piso?" {W Piso 3.6}

Wikang Filipino ni Armin Möller   http://www.germanlipa.de/wika/ug_J_3.htm
09 Enero 2011 / 26 Disyembre 2018

Palaugnayan ng Wikang Filipino
Wakas ng 9 Mga Pang-uri at mga Pang-abay (Talaksan 9/3)

Simula ng talaksan   Palaugnayan
Pahinang pamagat na Filipino   Ugnika